Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 28: Paglilingkod


Kabanata 28

Paglilingkod

Jesus Christ with the twelve apostles. Christ (depicted wearing a white robe with a yellow sash), is kneeling before one of the apostles as He washes the feet of that apostle. The other eleven apostles are gathered around a table (having just completed the last supper). They are watching Christ. (John 13:1-20)

Paano Tayo Makapaglilingkod

  • Isipin ang mga paraan kung paano nakapaglingkod ang mga tao sa inyo at sa mga miyembro ng inyong pamilya.

Sabi ni Jesus, “Ako’y nasa gitna ninyo na gaya niyaong naglilingkod” (Lucas 22:27). Bilang tunay na mga tagasunod ni Jesus, kailangan din tayong maglingkod sa iba.

Ang paglilingkod ay pagtulong sa iba na nangangailangan ng tulong. Ang paglilingkod na katulad ng kay Cristo ay nagmumula sa tunay na pagmamahal sa Tagapagligtas at pagmamahal at pagmamalasakit sa mga taong binigyan Niya tayo ng pagkakataon at direksiyon na tulungan. Ang pagmamahal ay higit pa sa damdamin; kapag mahal natin ang iba, nais natin silang tulungan.

Lahat tayo ay kailangang handang maglingkod, anuman ang ating kinikita, edad, o katayuan sa lipunan. Naniniwala ang ilang tao na mahihirap at mga hamak lamang ang dapat maglingkod. Iniisip ng iba na ang paglilingkod ay dapat ibigay ng mayayaman lamang. Ngunit iba ang itinuro ni Jesus. Nang hilingin ng ina ng dalawa sa Kanyang mga disipulo na kilalanin Niya ang kanyang mga anak sa Kanyang kaharian, sumagot si Jesus, “Ang sinomang magibig na dumakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo; at sinomang magibig na maging una sa inyo ay magiging alipin ninyo” (Mateo 20:26–27).

Maraming paraan para makapaglingkod. Maaari nating tulungan ang iba sa kabuhayan, lipunan, pisikal, at espirituwal. Halimbawa, maaari tayong magbigay ng pagkain o iba pang bagay sa mga taong nangangailangan nito. Maaari nating tulungan ang mga nangangailangan sa pamamagitan ng pagbibigay ng bukas-palad na handog-ayuno. Maaari tayong maging kaibigan ng isang bagong dating. Maaari nating tamnan ang isang hardin para sa isang nakatatanda o alagaan ang isang taong maysakit. Maaari nating ituro ang ebanghelyo sa isang taong nangangailangan ng katotohanan o aluin ang isang taong nagdadalamhati.

Maaari tayong gumawa ng maliliit o malalaking gawain ng paglilingkod. Hindi natin dapat kaligtaan kailanman na tulungan ang isang tao dahil lamang sa hindi tayo makagawa ng malalaking bagay. Ikinuwento ng isang balo ang dalawang bata na nagpunta sa kanyang pintuan noong kalilipat lamang niya sa isang bagong bayan. Dinalhan siya ng mga bata ng isang basket na may pagkain at sulat na nagsasaad na, “Kung kailangan po ninyo ng uutusan, tawagin po ninyo kami.” Natuwa ang balo sa munting kabaitang ito at hindi ito nalimutan kailanman.

Gayunman, kung minsan ay kailangan nating magsakripisyo nang malaki para paglingkuran ang isang tao. Ibinigay ng Tagapagligtas ang Kanyang buhay sa paglilingkod sa atin.

  • Mag-isip ng mga tao sa inyong pamilya o komunidad na nangangailangan sa aspetong pangkabuhayan, panlipunan, pisikal, o espirituwal. Isiping mabuti kung ano ang maaari ninyong gawin upang mapaglingkuran sila.

Bakit Nais ng Tagapagligtas na Paglingkuran Natin ang Iba

  • Bakit nais ng Panginoon na paglingkuran natin ang iba?

Sa pamamagitan ng paglilingkod ng kalalakihan at kababaihan at mga bata, ang gawain ng Diyos ay naisasagawa. Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Tunay na napapansin tayo ng Diyos, at binabantayan Niya tayo. Ngunit karaniwan na sa pamamagitan ng ibang tao niya ibinibigay ang ating mga pangangailangan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 100).

Sa buong buhay natin, lahat tayo ay umaasa sa tulong ng iba. Noong mga sanggol pa tayo, pinakain, binihisan, at inalagaan tayo ng ating mga magulang. Kung wala ang pangangalagang ito, maaaring namatay tayo. Nang lumaki na tayo, tinuruan tayo ng ibang tao ng mga kasanayan at pag-uugali. Marami sa atin ang nangailangan ng pangangalaga sa panahon ng karamdaman o ng pera sa panahon ng pinansiyal na krisis. Ang ilan sa atin ay humihiling sa Diyos na pagpalain ang mga taong naghihirap at pagkatapos ay walang ginagawa para sa kanila. Dapat nating tandaan na ang Diyos ay gumagawa sa pamamagitan natin.

Kapag tinutulungan natin ang isa’t isa, pinaglilingkuran natin ang Diyos. Itinuro ni Haring Benjamin, isang dakilang hari noong panahon ng Aklat ni Mormon, sa kanyang mga tao ang alituntuning ito sa paraan ng kanyang pamumuhay. Pinaglingkuran niya silang lahat nang habambuhay, na nagtatrabaho para sa sariling ikabubuhay sa halip na tustusan ng mga tao. Sa isang inspiradong sermon ipinaliwanag niya kung bakit gustung-gusto niya ang maglingkod, na sinasabing:

“Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos. …

“At kung ako na tinatawag ninyong hari ay nagpapagal upang paglingkuran kayo, hindi ba’t nararapat na kayo ay magpagal upang paglingkuran ang isa’t isa?” (Mosias 2:17–18).

  • Ano ang magagawa natin upang maging handang tugunan ang mga pangangailangan ng iba?

Tumatanggap Tayo ng mga Pagpapala sa Pamamagitan ng Paglilingkod

  • Anong mga pagpapala ang natatanggap natin sa paglilingkod sa iba?

Kapag naglilingkod tayo sa iba nakakamtan natin ang mahahalagang pagpapala. Sa paglilingkod ay nadaragdagan ang ating kakayahang magmahal. Nababawasan ang ating pagkamaramot. Habang iniisip natin ang mga problema ng ibang tao, ang sarili nating mga problema ay parang gumagaan. Kailangan tayong maglingkod sa iba upang magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sinabi ng Diyos na ang mga mamumuhay sa Kanyang piling ay kailangang mahalin at paglingkuran ang Kanyang mga anak (tingnan sa Mateo 25:34–40).

Kapag iniisip natin ang buhay ng mga taong naglilingkod nang walang pag-iimbot, nakikita natin na higit ang natatanggap nila kaysa kanilang ibinibigay. Isa sa mga taong ito ang Banal sa mga Huling Araw na nagngangalang Paul na nalumpo ang dalawang paa sa isang aksidente. Ang ilang tao ay maaaring magdamdam na mabuti at madamang wala na silang silbi, ngunit sa halip ay pinili ni Paul na isipin ang ibang bagay. Natutuhan niya ang isang hanapbuhay at kumita nang sapat na pera upang makabili ng bahay. Doon ay kinupkop niya at ng kanyang asawa ang maraming batang tinatanggihan at walang tahanan. Ang ilan ay may malubhang kapansanan. Hanggang sa kanyang kamatayan makalipas ang 20 taon, pinaglingkuran niya ang mga batang ito at ang iba pa. Bilang ganti minahal siya nang labis, at hindi na niya naisip ang kanyang nalumpong mga paa. Napalapit siya sa Panginoon.

Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball, “Nagiging mas makabuluhan tayo sa paglilingkod sa iba—tunay na mas madaling ‘masumpungan’ ang ating sarili dahil marami pa tayong malalaman!” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball, 105).

Mga Pagkakataon na Maglingkod

Ang ilan sa atin ay naglilingkod lamang sa mga kinalulugdan nating kasama at iniiwasan natin ang iba. Gayunman, iniutos sa atin ni Jesus na mahalin at paglingkuran ang bawat isa. Maraming pagkakataon para makapaglingkod (tingnan sa Mosias 4:15–19).

Maaari nating paglingkuran ang mga miyembro ng ating pamilya. Dapat mabatid ng mga mag-asawa ang pangangailangan ng isa’t isa. Dapat paglingkuran ng mga magulang ang kanilang mga anak hindi lamang sa pamamagitan ng pagpapakain at pagbibigay ng damit sa kanila kundi sa pamamagitan din ng pagtuturo at pakikipaglaro at pagtatrabahong kasama nila. Ang mga anak ay maaaring maglingkod sa pamamagitan ng pagtulong sa mga gawaing bahay at sa pagtulong sa mga kapatid.

Pinaglilingkuran at tinutulungan ng mga mag-asawa ang isa’t isa. Maaari nilang tulungan ang isa’t isa sa pag-aalaga ng mga bata, at maaari nilang suportahan ang isa’t isa sa kani-kanilang mga naisin at hangarin. Ang isang ama at ina ay maaaring magsakripisyo upang maipadala ang isang anak sa misyon. Maaaring aluin ng isang kuya ang nakababatang kapatid na babae na takot sa dilim o tulungan siyang matutong magbasa. Sinabi sa atin ng mga propeta na ang pamilya ang pinakamahalagang yunit sa lipunan. Kailangang paglingkuran nating mabuti ang ating pamilya (tingnan sa Mosias 4:14–15).

Marami tayong pagkakataon na paglingkuran ang ating mga kapitbahay, kaibigan, at maging ang mga hindi kakilala. Kung ang isang kapitbahay ay nahihirapan sa pag-ani ng mga pananim bago bumagyo, maaari tayong tumulong. Kung maysakit ang isang ina, maaari nating bantayan ang kanyang mga anak o tumulong sa mga gawaing-bahay. Kung ang isang binatilyo ay lumalayo sa Simbahan, maaari natin siyang akayin pabalik. Kung ang isang bata ay pinagtatawanan, maaari natin siyang kaibiganin o hikayatin ang iba na maging mabait sa kanya. Hindi natin kailangang makilala ang mga taong pinaglilingkuran natin. Dapat tayong humanap ng mga paraan upang mapaglingkuran ang maraming anak ng ating Ama sa Langit sa abot ng ating makakaya.

Kung tayo ay may espesyal na mga talento, dapat nating gamitin ang mga ito upang mapaglingkuran ang iba. Binibiyayaan tayo ng Diyos ng mga talento at kakayahan upang tumulong na mapabuti ang buhay ng iba.

May mga pagkakataon tayong maglingkod sa Simbahan. Ang isang layunin ng organisasyon ng Simbahan ay bigyan tayo ng mga pagkakataon na tulungan ang isa’t isa. Ang mga miyembro ng Simbahan ay naglilingkod sa pamamagitan ng paggawa ng gawaing misyonero, pagtanggap ng mga tungkulin sa pamumuno, pagbisita sa iba pang mga miyembro ng Simbahan, pagtuturo sa mga klase, at paggawa ng iba pang gawain sa Simbahan. Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, walang binabayarang ministro, kung kaya ang mga miyembro mismo ang kailangang magsagawa ng lahat ng gawain ng Simbahan.

  • Paano natin mabibigyan ng sapat na panahon ang ating pamilya, sa kabila ng maraming pagkakataon natin na maglingkod sa Simbahan at sa komunidad?

Si Jesucristo ang Perpektong Halimbawa ng Paglilingkod

  • Ano ang ilan sa inyong mga paboritong kuwento sa banal na kasulatan kung saan nagpakita ang Tagapagligtas ng halimbawa ng paglilingkod?

Ang Tagapagligtas ang nagbigay ng perpektong halimbawa ng paglilingkod. Ipinaliwanag Niya na hindi Siya naparito sa lupa upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang ibigay ang Kanyang buhay para sa atin (tingnan sa Mateo 20:28).

Mahal tayong lahat ni Jesucristo nang higit kaysa sa ating nauunawaan. Noong Siya ay nasa mundo pinaglingkuran Niya ang mahihirap, ang mga mangmang, ang mga makasalanan, ang mga hinahamak. Itinuro Niya ang ebanghelyo sa lahat ng makikinig, pinakain ang grupo ng mga taong nagugutom na nagpunta upang makinig sa Kanya, pinagaling ang mga maysakit, at binuhay ang mga patay.

Siya ang Manlilikha ng mundo at ating Tagapagligtas, gayunman marami Siyang ginawang mapagpakumbabang paglilingkod. Bago ang Pagpapako sa Kanya sa Krus pinulong Niya ang Kanyang mga disipulo. Pagkatapos magturo sa kanila, kinuha Niya ang isang palanggana ng tubig at tuwalya at hinugasan ang kanilang mga paa (tingnan sa Juan 13:4–10; tingnan din ang larawan na nasa kabanatang ito). Noong mga panahong iyon ang paghuhugas ng paa ng isang bisita ay tanda ng pagbibigay-galang at karaniwang ginagawa ng isang tagapaglingkod. Ginawa ito ni Jesus bilang halimbawa ng pagmamahal at paglilingkod. Kapag kusang-loob tayong naglilingkod sa iba na may diwa ng pagmamahal, tayo ay nagiging higit na katulad ni Cristo.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng paglilingkod ng Tagapagligtas?

Karagdagang mga Banal na Kasulatan