Kabanata 43
Mga Palatandaan ng Ikalawang Pagparito
Si Jesucristo ay Magbabalik sa Lupa
-
Ano ang ilan sa mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito?
Sinabi ng Tagapagligtas kay Joseph Smith, “Aking ipakikita ang aking sarili mula sa langit sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian … at mananahanan sa kabutihan kasama ng mga tao sa mundo ng isanlibong taon, at ang masasama ay hindi makapananatili” (D at T 29:11; tingnan din sa mga kabanata 44 at 45 ng aklat na ito). Sinabi sa atin ni Jesus na may mga palatandaan at pangyayari na magbababala sa atin kapag malapit na ang Kanyang Ikalawang Pagparito.
Sa loob ng libu-libong taon, inaasam ng mga tagasunod ni Jesucristo ang Ikalawang Pagparito bilang panahon ng kapayapaan at kagalakan. Ngunit bago dumating ang Tagapagligtas, ang mga tao sa mundo ay daranas ng matitinding pagsubok at kalamidad. Nais ng ating Ama sa Langit na maging handa tayo sa mga kaguluhang ito. Inaasahan din Niya na nakahanda tayo sa espirituwal kapag dumating na ang Tagapagligtas sa Kanyang kaluwalhatian. Dahil dito, binigyan Niya tayo ng mga palatandaan, na mga pangyayaring magsasabi sa atin kapag malapit na ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Sa paglipas ng mga panahon inihayag ng Diyos ang mga palatandaang ito sa Kanyang mga propeta. Sinabi Niya na malalaman ng lahat ng matatapat na tagasunod ni Cristo kung ano ang mga palatandaang ito at hihintayin ang mga ito (tingnan sa D at T 45:39). Kung tayo ay masunurin at matapat, pag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan at malalaman ang mga palatandaan.
Ang ilan sa mga palatandaan na nagsasaad tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo ay natupad na o kasalukuyang natutupad. Ang iba ay matutupad sa hinaharap.
Kasamaan, Digmaan, at Kaguluhan
Marami sa mga palatandaan ang nakakatakot at nakakakilabot. Nagbabala ang mga propeta na daranas ang mundo ng matinding kaguluhan, kasamaan, digmaan, at kahirapan. Sinabi ni propetang Daniel na ang panahon bago ang Ikalawang Pagparito ay magiging panahon ng kaguluhan na hindi pa kailanman naranasan ng mundo (tingnan sa Daniel 12:1). Sinabi ng Panginoon, “Ang pag-ibig ng tao ay manlalamig, at ang kasamaan ay lalaganap” (D at T 45:27). “At lahat ng bagay ay magkakagulo; at … ang takot ay mapapasalahat ng tao” (D at T 88:91). Asahan natin ang mga paglindol, sakit, taggutom, malalakas na bagyo, mga pagkidlat, at pagkulog (tingnan sa Mateo 24:7; D at T 88:90). Wawasakin ng matinding pag-ulan ng yelo ang mga pananim ng lupa (tingnan sa D at T 29:16).
Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na mapupuno ng digmaan ang mundo: “Mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan. … Sapagka’t magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian” (Mateo 24:6–7). Sinabi ni Propetang Joseph Smith: “Huwag panghinaan ng loob na sinabi namin sa inyo ang tungkol sa mga panahong mapanganib, sapagkat talagang darating ang mga ito sa lalong madaling panahon, sapagkat parating na ang tabak, taggutom, at salot. Magkakaroon ng malaking pagkawasak sa lupaing ito, sapagkat hindi ninyo dapat isipin na ang isang tuldok o kudlit ng mga propesiya ng lahat ng banal na propeta ay hindi matutupad, at marami pang natira dito ang matutupad” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 292).
Marami sa mga palatandaang ito ang natutupad. Ang kasamaan ay laganap sa lahat ng dako. Ang mga bansa ay palaging nagdidigmaan. Ang mga lindol at iba pang mga kalamidad ay nangyayari na. Maraming tao ngayon ang naghihirap dahil sa mapaminsalang mga bagyo, tagtuyot, gutom at mga sakit. Makatitiyak tayo na ang mga kalamidad na ito ay lalo pang lalala bago pumarito ang Panginoon.
Gayunman, hindi lahat ng pangyayari bago ang Ikalawang Pagparito ay nakakakilabot. Marami sa mga ito ang nagdudulot ng kagalakan sa mundo.
Ang Panunumbalik ng Ebanghelyo
Sinabi ng Panginoon, “Isang ilaw ang magliliwanag sa kanila na mga nakaupo sa kadiliman, at ito ang kabuuan ng aking ebanghelyo” (D at T 45:28). Ang mga propeta noong una ay nagpropesiya tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Nakita ni Apostol Juan na ang ebanghelyo ay ipanunumbalik ng isang anghel (tingnan sa Apocalipsis 14:6–7). Bilang katuparan ng propesiyang ito, inihatid ni anghel Moroni at ng iba pang mga panauhin mula sa langit ang ebanghelyo ni Jesucristo kay Joseph Smith.
Ang Paglitaw ng Aklat ni Mormon
Sinabi ng Panginoon sa mga Nephita ang tungkol sa isa pang palatandaan: ang Aklat ni Mormon ay mapapasakamay ng kanilang mga inapo (tingnan sa 3 Nephi 21). Noong panahon ng Matandang Tipan nakinita nina Isaias at Ezekiel ang paglitaw ng Aklat ni Mormon (tingnan sa Isaias 29:4–18; Ezekiel 37:16–20). Ang mga propesiya ay natutupad na ngayon. Ang Aklat ni Mormon ay lumitaw na at dinadala sa buong daigdig.
Ang Ebanghelyo ay Ipangangaral sa Buong Daigdig
Ang isa pang palatandaan ng mga huling araw ay “ipangangaral ang evangeliong ito ng kaharian sa buong sanglibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa” (Mateo 24:14; tingnan din sa Joseph Smith—Mateo 1:31). Maririnig ng lahat ng tao ang kabuuan ng ebanghelyo sa kanilang sariling wika (tingnan sa D at T 90:11). Simula nang Ipanumbalik ang Simbahan, ipinangaral na ng mga misyonero ang ebanghelyo. Nadagdagan ang pagsisikap ng mga misyonero hanggang sa ngayon ay libu-libo nang mga misyonero ang nangangaral sa maraming bansa ng mundo sa maraming wika. Bago ang Ikalawang Pagparito at sa Milenyo, ang Panginoon ay maglalaan ng mga paraan para maihatid ang katotohanan sa lahat ng bansa.
Ang Pagparito ni Elijah
Nagpropesiya si propetang Malakias na bago sumapit ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, si propetang Elijah ay ipapadala sa mundo. Ipanunumbalik ni Elijah ang mga kapangyarihan na magbuklod upang maibuklod ang mga pamilya. Bibigyang-inspirasyon din niya ang mga tao na magmalasakit sa kanilang mga ninuno at inapo. (Tingnan sa Malakias 4:5–6; D at T 2.) Si propetang Elijah ay dumalaw kay Joseph Smith noong Abril 1836. Simula noong panahong iyon, lalong naging interesado ang mga tao sa genealogy at family history. Nakapagsasagawa rin tayo ng mga ordenansa ng pagbubuklod sa mga templo para sa mga buhay at sa mga patay.
Ang mga Inapo ni Lehi ay Magiging Dakilang mga Tao
Sinabi ng Panginoon na kapag malapit na ang Kanyang pagparito, ang mga Lamanita ay magiging mabubuti at kagalang-galang na mga tao. Sinabi Niya, “Bago dumating ang dakilang araw ng Panginoon, … ang mga Lamanita ay mamumukadkad gaya ng rosas” (D at T 49:24). Maraming bilang ng mga inapo ni Lehi ang tumatanggap na ngayon ng mga pagpapala ng ebanghelyo.
Pagtatayo ng Bagong Jerusalem
Kapag malapit nang pumarito si Jesucristo, ang matatapat na Banal ay magtatayo ng isang matwid na lungsod, isang lungsod ng Diyos, na tinatawag na Bagong Jerusalem. Si Jesucristo mismo ang maghahari doon. (Tingnan sa 3 Nephi 21:23–25; Moises 7:62–64; Ang mga Saligan ng Pananampalataya 1:10.) Sinabi ng Panginoon na ang lungsod ay itatayo sa estado ng Missouri sa Estados Unidos (tingnan sa D at T 84:2–3).
Ang mga ito ay ilan lamang sa mga palatandaan na ibinigay sa atin ng Panginoon. Marami pang inilalarawan ang mga banal na kasulatan.
-
Anong mga katibayan ang nakikita ninyo na natutupad ang mga palatandaan?
Ang Pag-alam sa mga Palatandaan ng Panahon ay Makatutulong sa Atin
-
Paano tayo mananatiling panatag at payapa kahit na nakakatakot at nakapangingilabot ang ilan sa mga palatandaan?
Sa pagsasalita tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito, sinabi ng Panginoon, “Ang oras at ang araw ay walang taong nakaaalam, ni ang mga anghel sa langit” (D at T 49:7). Itinuro Niya ito sa talinghaga ng puno ng igos. Sabi Niya kapag nakita natin ang puno ng igos na nagkakaroon ng mga dahon, masasabi nating paparating na ang tag-araw o tag-init. Gayundin naman na kapag nakita natin ang mga palatandaang inilarawan sa mga banal na kasulatan, malalaman natin na malapit na ang Kanyang pagdating. (Tingnan sa Mateo 24:32–33.)
Ibinibigay ng Panginoon ang mga palatandaang ito upang tulungan tayo. Maisasaayos natin ang ating buhay at maihahanda ang ating sarili at ating mga pamilya para sa mga bagay na darating pa lang.
Binalaan tayo tungkol sa mga kalamidad at sinabihang maghanda para sa mga ito, ngunit maaari din nating asamin ang pagdating ng Tagapagligtas at magalak. Sinabi ng Panginoon, “Huwag kayong mabagabag, sapagkat, sa panahong ang mga bagay [ang mga palatandaan] na ito ay mangyari, malalaman ninyo na ang mga pangakong ginawa sa inyo ay matutupad” (D at T 45:35). Sinabi Niya na ang mabubuti sa pagdating Niya ay hindi malilipol “kundi mananatili sa araw na yaon. At ang lupa ay ibibigay sa kanila upang maging mana; … at ang kanilang mga anak ay magsisilaking walang kasalanan. … Sapagkat ang Panginoon ay nasa gitna nila, at ang kanyang kaluwalhatian ay mapapasakanila, at siya ay kanilang magiging hari at kanilang tagapagbigay ng batas” (D at T 45:57–59).
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
I Mga Taga Corinto 15:22–28 (ang katapusan ay darating; wala nang kamatayan)
-
Mateo 16:1–4 (alamin ang mga palatandaan ng panahon)
-
Mateo 24; D at T 29:14–23; 45:17–57; 88:87–94; Joseph Smith—Mateo 1 (mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito)
-
I Mga Taga Tesalonica 5:1–6 (abangan ang mga palatandaan at maghanda)
-
D at T 38:30 (maghanda upang hindi tayo matakot)
-
D at T 68:11 (maaari nating malaman ang mga palatandaan)