Kabanata 45
Ang Milenyo
Ang mga Tao sa Mundo sa Panahon ng Milenyo
-
Sino ang nasa mundo sa panahon ng Milenyo?
Ang isang libong taon ng kapayapaan, pagmamahal, at kagalakan ay magsisimula sa lupa sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ang isang libong taon na ito ay tinatawag na Milenyo. Tinutulungan tayo ng mga banal na kasulatan at ng mga propeta na maunawaan kung ano ang magiging kalagayan ng pamumuhay sa lupa sa panahon ng Milenyo.
Dahil sa pagkalipol ng masasama sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, tanging ang mabubuting tao ang mabubuhay sa lupa sa pagsisimula ng Milenyo. Sila ang mga taong namuhay nang mabuti at tapat. Ang mga taong ito ang magmamana ng terestriyal o selestiyal na kaharian.
Sa panahon ng Milenyo, ang mga mortal ay patuloy na mabubuhay sa lupa, at patuloy silang magkakaroon ng mga anak tulad natin ngayon (tingnan sa D at T 45:58). Sinabi ni Joseph Smith na palaging dadalaw sa mundo ang imortal na mga nilalang. Ang nabuhay na mag-uling mga nilalang na ito ay tutulong sa pamahalaan at sa iba pang gawain. (Tingnan sa Teachings of the Prophet Joseph Smith, sel. Joseph Fielding Smith [1976], 268.)
Taglay pa rin ng mga tao ang kalayaan nilang pumili, at malaya pa rin ang marami na ipagpatuloy ang kanilang relihiyon at mga ideya. Sa huli bawat isa ay magtatapat na si Jesucristo ang Tagapagligtas.
Sa panahon ng Milenyo, “maghahari [si Jesus] sa mundo” (Ang mga Saligan ng Pananampalataya 1:10). Ipinaliwanag ni Joseph Smith na si Jesus ay “maghahari sa mga Banal at bababa at magbibigay ng tagubilin” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 300).
Ang Gawain ng Simbahan sa Panahon ng Milenyo
-
Ano ang dalawang malaking gawain na gagawin sa panahon ng Milenyo?
Magkakaroon ng dalawang dakilang gawain para sa mga miyembro ng Simbahan sa panahon ng Milenyo: gawain sa templo at gawaing misyonero. Kasama sa gawain sa templo ang mga ordenansa na kailangan para sa kadakilaan. Kabilang sa mga ito ang binyag, ang pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo, at mga ordenansa sa templo—ang endowment, kasal sa templo, at ang pagbubuklod ng mga pamilya.
Maraming tao ang namatay nang hindi natatanggap ang mga ordenansang ito. Kailangang isagawa ng mga tao sa mundo ang mga ordenansang ito para sa kanila. Ang gawaing ito ay ginagawa ngayon sa mga templo ng Panginoon. Napakaraming gawain na dapat tapusin bago magsimula ang Milenyo, kaya’t tatapusin ito sa panahong iyon. Tutulungan tayo ng mga nabuhay na mag-uling nilalang na iwasto ang nagawa nating mga pagkakamali sa pagsasaliksik tungkol sa namatay nating mga ninuno. Tutulungan din nila tayong hanapin ang impormasyong kailangan natin upang makumpleto ang ating mga talaan. (Tingnan sa Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 2:167, 251–52.)
Ang isa pang dakilang gawain sa panahon ng Milenyo ay ang gawaing misyonero. Ang ebanghelyo ay ituturo nang may dakilang kapangyarihan sa lahat ng tao. Kalaunan hindi na kailangang ituro pa sa iba ang mga unang alituntunin ng ebanghelyo dahil “makikilala nilang lahat ako, mula sa kaliitliitan sa kanila hanggang sa kadakidakilaan sa kanila, sabi ng Panginoon” (Jeremias 31:34).
-
Paano tayo makapaghahanda ngayon para sa gawain sa Milenyo?
Mga Kondisyon sa Panahon ng Milenyo
-
Sa paanong mga paraan magiging kaiba ang buhay sa Milenyo mula sa buhay ngayon sa lupa?
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na sa panahon ng Milenyo, “ang mundo ay babaguhin at matatanggap nito ang malaparaisong kaluwalhatian” (Ang mga Saligan ng Pananampalataya 1:10).
Igagapos si Satanas
Sa panahon ng Milenyo, si Satanas ay igagapos. Ibig sabihin hindi siya magkakaroon ng kapangyarihang tuksuhin ang mga nabubuhay sa panahong iyon (tingnan sa D at T 101:28). Ang “mga anak ay magsisilaking walang kasalanan tungo sa kaligtasan” (D at T 45:58). “Dahil sa kabutihan ng … mga tao [ng Panginoon], si Satanas ay mawawalan ng kapangyarihan; anupa’t hindi siya makawawala sa loob ng maraming taon; sapagkat wala siyang kapangyarihan sa mga puso ng tao, sapagkat nabubuhay sila sa kabutihan, at maghahari ang Banal ng Israel” (1 Nephi 22:26).
Kapayapaan sa Mundo
Sa panahon ng Milenyo, hindi magkakaroon ng digmaan. Ang mga tao ay mamumuhay nang sama-sama sa kapayapaan at pagkakasundo. Ang mga bagay na ginamit sa digmaan ay gagamitin sa kapaki-pakinabang na mga layunin. “Kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit: ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, o mangagaaral pa man sila ng pakikipagdigma” (Isaias 2:4; tingnan din sa Isaias 11:6–7; D at T 101:26).
Matwid na Pamahalaan
Itinuro ni Pangulong John Taylor: “Ang Panginoon ay magiging hari sa buong mundo, at ang buong sangkatauhan ay mapasasailalim ng kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at lahat ng bansa sa ilalim ng langit ay kikilalanin ang kanyang kapangyarihan, at yuyukod sa kanyang setro. Ang mga maglilingkod sa kanya sa kabutihan ay makakausap ang Diyos, at si Jesus; at paglilingkuran ng mga anghel, at malalaman ang nagdaan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap; at ang ibang tao, na hindi ganap na sumunod sa kanyang mga batas, ni tinagubilinan ng kanyang mga tipan, gayon pa man, ay ganap na susunod sa kanyang pamahalaan. Dahil ito ang paghahari ng Diyos sa mundo, at ipatutupad niya ang kanyang mga [batas], at ipatutupad ang kanyang mga kautusan sa mga bansa sa daigdig na siyang karapatan niya” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: John Taylor [2002], 269).
Walang Kamatayan
Sa panahon ng Milenyo, hindi magkakaroon ng kamatayan tulad ng alam natin ngayon. Kapag tumanda ang mga tao, hindi sila mamamatay at ililibing. Sa halip, sila ay mababago mula sa kanilang mortal na kalagayan tungo sa imortal na kalagayan sa “isang kisap-mata.” (Tingnan sa D at T 63:51; 101:29–31.)
Ang Lahat ng Bagay ay Ihahayag
Ang ilang katotohanan ay hindi pa inihayag sa atin. Lahat ng bagay ay ihahayag sa panahon ng Milenyo. Sinabi ng Panginoon na “ihahayag niya ang lahat ng bagay—mga bagay na nakalipas, at mga nakatagong bagay na walang sinuman ang nakaaalam, mga bagay sa lupa, kung paano ito nagawa, at ang layunin at ang pakay nito—mga bagay na labis na mahalaga, mga bagay na nasa itaas, at mga bagay na nasa ilalim, mga bagay na nasa lupa, at sa ibabaw ng lupa, at nasa langit” (D at T 101:32–34).
Iba pang mga Gawain sa Milenyo
Sa maraming paraan, ang buhay ay magiging katulad sa ngayon, maliban na ang lahat ng bagay ay gagawin sa kabutihan. Ang mga tao ay kakain at iinom at magsusuot ng damit. (Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 371.) Ang mga tao ay patuloy na magtatanim at aani ng mga pananim at magtatayo ng mga bahay (tingnan sa Isaias 65:21).
-
Ano ang inyong naiisip at nadarama tungkol sa mga kondisyon na iiral sa panahon ng Milenyo?
Isang Huling Pakikibaka Pagkatapos ng Milenyo
-
Ano ang kahahantungan ng mundo?
Sa pagtatapos ng 1,000 taon, si Satanas ay palalayain sa loob ng maikling panahon. Ang ilang tao ay tatalikod sa Ama sa Langit. Titipunin ni Satanas ang kanyang mga kampon, at titipunin ni Miguel (Adan) ang mga hukbo ng kalangitan. Sa malaking labanang ito, si Satanas at ang kanyang mga tagasunod ay itatakwil magpakailanman. Ang mundo ay magbabago at magiging isang selestiyal na kaharian. (Tingnan sa D at T 29:22–29; 88:17–20, 110–15.)
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
Zacarias 14:4–9; 1 Nephi 22:24–25 (si Jesus ang maghahari sa mundo)
-
Daniel 7:27 (ibibigay sa mga Banal ang kaharian)
-
D at T 88:87–110 (mga kondisyon sa panahon ng Milenyo)
-
Apocalipsis 20:1–3; 1 Nephi 22:26 (igagapos si Satanas)
-
D at T 101:22–31 (matitigil ang mga alitan; walang kamatayan; si Satanas ay hindi magkakaroon ng kapangyarihang manukso)
-
Isaias 11:1–9 (ang lobo at kordero ay tatahang magkasama)
-
D at T 43:31; Apocalipsis 20:7–10 (pakakawalan sandali si Satanas)