Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 14: Organisasyon ng Priesthood


Kabanata 14

Organisasyon ng Priesthood

Three priests (one kneeling, two standing) while  the sacrament is being blessed.

Ang Priesthood ay Nasa Daigdig Ngayon

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay pinamamahalaan ng priesthood. Ang priesthood, na laging nauugnay sa gawain ng Diyos, “ay nagpapatuloy sa simbahan ng Diyos sa lahat ng salinlahi, at walang simula ng mga araw o katapusan ng mga taon” (D at T 84:17). Ito ay nasa daigdig ngayon. Ang mga lalaking matanda at bata ay binibinyagan sa Simbahan, at kapag ipinasiyang sila ay karapat-dapat ay inoorden sila sa priesthood. Binibigyan sila ng awtoridad na kumilos para sa Panginoon at gawin ang Kanyang gawain sa lupa.

Dalawang Sangay ng Priesthood

  • Paano nakuha ng Aaronic at Melchizedek Priesthood ang kanilang mga pangalan?

Ang priesthood ay nahahati sa dalawang bahagi: ang Melchizedek Priesthood at ang Aaronic Priesthood (tingnan sa D at T 107:1). “Tinawag ang una na Pagkasaserdoteng Melquisedec … dahil si Melquisedec ay tunay na dakilang mataas na saserdote.

“Bago sa kanyang kapanahunan ito ay tinatawag na Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos.

“Ngunit bilang paggalang o pagpipitagan sa pangalan ng Kataas-taasang Katauhan, upang maiwasan ang madalas na pag-ulit ng kanyang pangalan, sila, ang simbahan, noong unang panahon, ay tinawag ang pagkasaserdoteng yaon alinsunod kay Melquisedec, o ang Pagkasaserdoteng Melquisedec” (D at T 107:2–4; nakahilig ang mga salita sa orihinal).

Ang nakabababang priesthood ay karagdagan sa Melchizedek Priesthood. Tinatawag itong Aaronic Priesthood dahil ipinagkaloob ito kay Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki sa lahat ng kanilang henerasyon. Ang mga maytaglay ng Aaronic Priesthood ay may awtoridad na mangasiwa sa mga panlabas na ordenansa ng sacrament at binyag. (Tingnan sa D at T 20:46; 107:13–14, 20.)

Ang mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay may kapangyarihan at awtoridad na mamuno sa Simbahan at pamahalaan ang pangangaral ng ebanghelyo sa lahat ng panig ng mundo. Pinangangasiwaan nila ang lahat ng espirituwal na gawain ng Simbahan (tingnan sa D at T 84:19–22; 107:8). Pinamamahalaan nila ang ginagawa sa mga templo; namumuno sila sa mga ward, branch, stake, at mission. Ang piniling propeta ng Panginoon, ang Pangulo ng Simbahan, ang namumunong high priest sa Melchizedek Priesthood (tingnan sa D at T 107:65–67).

Mga Susi ng Priesthood

  • Ano ang kaibhan ng priesthood sa mga susi ng priesthood? Sinong mga lider ng priesthood ang tumatanggap ng mga susi?

Magkaiba ang maorden sa isang katungkulan sa priesthood at pagtanggap ng mga susi ng priesthood. Itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith:

“Ang Pagkasaserdote sa pangkalahatan ay ang [awtoridad] na ibinigay sa tao upang kumilos sa pangalan ng Diyos. Ang bawat [lalaking] inordenan sa anumang antas sa Pagkasaserdote ay may [awtoridad] na [ibinigay] sa kanya.

“Ngunit kinakailangan na ang bawat kilos na ginampanan sa ilalim ng [awtoridad] na ito ay dapat na gawin sa angkop na panahon at lugar, sa angkop na paraan, at alinsunod sa angkop na orden [ng priesthood]. Ang [kapangyarihang mamahala sa] mga gawaing ito [ay tinatawag na] mga susi ng Pagkasaserdote. Sa kanilang kabuuan, ang mga susi ay hinahawakan ng iisang tao lamang sa bawat panahon, ang propeta at pangulo ng Simbahan. Maaari niyang [ibigay] ang anumang bahagi ng [kapangyarihang] ito sa iba, [kaya’t] hawak ng taong iyon ang mga susi ng partikular na gawaing iyon. Sa gayon, ang pangulo ng isang templo, ang pangulo ng isang istaka, ang obispo ng isang purok, ang pangulo ng isang misyon, ang pangulo ng isang korum, [bawat isa ay mayhawak ng] mga susi ng mga gawaing ginagampanan sa partikular na [grupo] o lugar na iyon. Ang Kanyang Pagkasaserdote ay hindi nadaragdagan sa pamamagitan ng tanging pagkakatalagang ito; … ang pangulo ng korum ng mga elder, halimbawa, ay may Pagkasaserdote na hindi humihigit sa sinumang miyembro ng korum na yaon. Ngunit hinahawakan niya ang [kapangyarihang mamahala sa] opisyal na gawain na ginagampanan sa … korum, o sa ibang salita, ang mga susi sa [bahaging iyon] ng gawaing iyon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1999], 169–70; nakahilig ang mga salita sa orihinal).

  • Paano napoprotektahan ng mga susi ng priesthood ang Simbahan?

Ang mga Katungkulan at Tungkulin ng Aaronic Priesthood

  • Sa anong mga paraan naglilingkod ang mga maytaglay ng Aaronic Priesthood?

Kapag ipinagkaloob ang Aaronic Priesthood sa isang lalaki, matanda man o bata, siya ay inoorden sa katungkulang iyon ng priesthood. Ang mga katungkulan sa Aaronic Priesthood ay deacon, teacher, priest, at bishop. Bawat katungkulan ay may kaakibat na mga tungkulin at responsibilidad. Bawat korum ay pinamumunuan ng isang quorum president, na nagtuturo sa mga miyembro ng kanilang mga tungkulin at hinihiling sa kanila na gampanan ang mga gawain.

May ilang kalalakihang sumasapi sa Simbahan o nagiging aktibo paglagpas nila sa karaniwang edad para tumanggap ng mga katungkulan sa priesthood na ito. Kadalasan inoorden sila sa isang katungkulan sa Aaronic Priesthood at maaaring iorden kaagad sa ibang mga katungkulan kung mananatili silang karapat-dapat.

Deacon

Ang isang binatilyong nabinyagan at nakumpirmang miyembro ng Simbahan at karapat-dapat ay maaaring iorden sa katungkulan ng deacon kapag siya ay 12 taong gulang. Ang mga deacon ang karaniwang pinagpapasa ng sacrament sa mga miyembro ng Simbahan, nagpapanatili sa kaayusan ng mga gusali at bakuran ng Simbahan, nagsisilbing mensahero para sa mga lider ng priesthood, at gumaganap sa mga espesyal na atas tulad ng pagkolekta ng mga handog-ayuno.

Teacher

Ang isang karapat-dapat na binatilyo ay maaaring iorden bilang teacher kapag siya ay 14 na taong gulang o mahigit pa. Nasa mga teacher ang lahat ng tungkulin, karapatan, at kapangyarihan ng katungkulan ng deacon at may dagdag pang iba. Mga teacher sa Aaronic Priesthood ang tutulong sa mga miyembro ng Simbahan na ipamuhay ang mga kautusan (tingnan sa D at T 20:53–59). Para magampanan ang responsibilidad na ito, karaniwan ay inaatasan silang maglingkod bilang mga home teacher. Binibisita nila sa bahay ang mga miyembro ng Simbahan at hinihikayat silang ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Inuutusan silang ituro ang mga katotohanan ng ebanghelyo mula sa mga banal na kasulatan (tingnan sa D at T 42:12). Mga teacher din ang naghahanda ng tinapay at tubig para sa serbisyo ng sacrament.

Priest

Ang isang karapat-dapat na binatilyo ay maaaring iorden na priest kapag siya ay 16 na taong gulang o mahigit pa. Nasa mga priest ang lahat ng tungkulin, karapatan, at kapangyarihan ng mga katungkulan ng deacon at teacher at may ilan pang karagdagan (tingnan sa D at T 20:46–51). Ang priest ay maaaring magbinyag. Maaari din siyang mangasiwa sa sacrament. Maaari din siyang mag-orden ng ibang mga priest, teacher, at deacon. Maaaring mamahala ang priest sa mga miting kapag walang maytaglay ng Melchizedek Priesthood doon. Dapat niyang ipangaral ang ebanghelyo sa mga nasa paligid niya.

Bishop

Ang bishop ay inoorden at ise-set apart na mamuno sa Aaronic Priesthood sa isang ward. Siya ang pangulo ng priests quorum (tingnan sa D at T 107:87–88). Kapag gumaganap sa kanyang katungkulan sa Aaronic Priesthood, nakatuon ang bishop sa mga temporal na bagay, tulad ng pangangasiwa sa pananalapi at mga talaan at pagkalinga sa mga maralita at nangangailangan (tingnan sa D at T 107:68).

Inoorden din ang bishop bilang high priest upang mapamunuan niya ang lahat ng miyembro sa ward (tingnan sa D at T 107:71–73; 68:15). Ang bishop ang hukom sa Israel (tingnan sa D at T 107:74) at iniinterbyu niya ang mga miyembro para sa mga temple recommend, ordenasyon sa priesthood, at iba pang mga pangangailangan. Karapatan niyang magkaroon ng kaloob na makahiwatig.

  • Paano kayo napagpala ng paglilingkod ng mga maytaglay ng Aaronic Priesthood?

Ang mga Katungkulan at Tungkulin ng Melchizedek Priesthood

  • Sa anong mga paraan naglilingkod ang mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood?

Ang mga katungkulan sa Melchizedek Priesthood ay elder, high priest, patriarch, Pitumpu, at Apostol.

Elder

Ang mga elder ay tinawag upang magturo, magpaliwanag, manghikayat, magbinyag, at mangalaga sa Simbahan (tingnan sa D at T 20:42). Lahat ng maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay mga elder. May awtoridad silang magbigay ng kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay (tingnan sa D at T 20:43). Mga elder ang dapat mangasiwa sa mga miting ng Simbahan ayon sa paggabay sa kanila ng Espiritu Santo (tingnan sa D at T 20:45; 46:2). Maaaring basbasan ng mga elder ang mga maysakit (tingnan sa D at T 42:44) at mga batang musmos (tingnan sa D at T 20:70). Maaaring mamuno ang mga elder sa mga miting ng Simbahan kapag walang high priest doon (D at T 107:11).

High Priest

Ang high priest ay binibigyan ng awtoridad na mamuno sa Simbahan at mangasiwa sa mga espirituwal na bagay (tingnan sa D at T 107:10, 12). Maaari din siyang mamuno sa lahat ng nakabababang katungkulan (tingnan sa D at T 68:19). Ang mga stake president, mission president, high councilor, bishop, at iba pang mga lider ng Simbahan ay inoorden bilang mga high priest.

Patriarch

Ang mga patriarch ay inoorden ng mga General Authority, o ng mga stake president kapag binigyan sila ng awtoridad ng Kapulungan ng Labindalawa, na magbigay ng mga patriarchal blessing sa mga miyembro ng Simbahan. Ang mga basbas na ito ay nagbibigay sa atin ng pang-unawa sa ating mga tungkulin dito sa lupa. Ang mga ito ay personal na salita ng Panginoon sa atin. Inoorden din ang mga patriarch bilang mga high priest. (Tingnan sa D at T 107:39–56.)

Pitumpu

Ang mga Pitumpu ay mga natatanging saksi ni Jesucristo sa mundo at tumutulong sa pagtatayo at pangangalaga sa Simbahan sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol (tingnan sa D at T 107:25, 34, 38, 93–97).

Apostol

Ang Apostol ay isang natatanging saksi ng pangalan ni Jesucristo sa buong mundo (tingnan sa D at T 107:23). Pinangangasiwaan ng mga Apostol ang mga gawain ng Simbahan sa buong mundo. Ang mga inoorden sa katungkulan ng Apostol sa Melchizedek Priesthood ay karaniwang isine-set apart bilang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Bawat isa ay binibigyan ng lahat ng susi ng kaharian ng Diyos sa lupa, ngunit tanging ang senior na Apostol, na siyang Pangulo ng Simbahan, ang aktibong gumagamit ng lahat ng susi. Ang iba ay kumikilos sa ilalim ng kanyang pamamahala.

  • Paano kayo napagpala ng paglilingkod ng mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood?

Ang mga Korum ng Aaronic Priesthood

Nag-atas ang Panginoon na dapat iorganisa sa mga korum ang mga maytaglay ng priesthood. Ang korum ay isang grupo ng mga kalalakihang magkakapareho ang katungkulan sa priesthood.

May tatlong korum sa Aaronic Priesthood:

  1. Ang deacons quorum, na binubuo ng hanggang 12 deacon (tingnan sa D at T 107:85). Ang panguluhan ng deacons quorum ay tinatawag ng bishop mula sa mga miyembro ng korum.

  2. Ang teachers quorum, na binubuo ng hanggang 24 na teacher (tingnan sa D at T 107:86). Ang panguluhan ng teachers quorum ay tinatawag ng bishop mula sa mga miyembro ng korum.

  3. Ang priests quorum, na binubuo ng hanggang 48 priest (tingnan sa D at T 107:87–88). Pinamumunuan ito ng bishop ng ward na kinabibilangan ng korum. Ang bishop ay isang high priest at dahil dito kabilang din siya sa high priests quorum.

Tuwing hihigit sa takdang bilang ang mga miyembro ng isang korum, maaaring hatiin ang korum.

Ang mga Korum ng Melchizedek Priesthood

Sa pangkalahatan sa Simbahan, ang mga miyembro ng Unang Panguluhan ay bumubuo ng isang korum, gayundin ang Labindalawang Apostol. Ang mga Pitumpu ay inoorganisa rin sa mga korum.

Sa lokal na Simbahan—sa mga ward at branch at mga stake at district—ang mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay nakaorganisa sa sumusunod na mga korum:

Elders Quorum

Bawat elders quorum “ay itinatag para sa mga tumatayong mangangaral; gayunman sila ay maaaring maglakbay, datapwat sila ay inordenan na maging mga tumatayong mangangaral” (D at T 124:137). Ginagawa nila ang karamihan sa kanilang gawain malapit sa kanilang mga tahanan. Ang korum ay maaaring buuin ng hanggang 96 na elder, na pinamumunuan ng isang quorum presidency. Kapag humigit sila sa bilang na ito, maaaring hatiin ang korum.

High Priests Quorum

Kabilang sa bawat korum ang lahat ng high priest na naninirahan sa mga lugar na sakop ng isang stake, kabilang na ang mga patriarch at bishop. Ang stake president at kanyang mga tagapayo ang panguluhan ng korum na ito. Ang mga high priest sa bawat ward ay nakaorganisa sa isang grupong may group leader.

Kahalagahan ng mga Korum ng Priesthood

  • Paano matutulungang lumakas ng mga korum ng priesthood ang mga tao at pamilya?

Kapag inorden sa priesthood ang isang matanda o batang lalaki, agad silang nagiging miyembro ng isang korum ng priesthood. Mula sa sandaling iyon hanggang sa mamatay siya, inaasahang magiging miyembro siya ng isang korum ng priesthood ayon sa kanyang katungkulan (tingnan sa Boyd K. Packer, “What Every Elder Should Know—and Every Sister as Well: A Primer on Principles of Priesthood Government,” Ensign, Peb. 1993, 9).

Kung ginagawa nang wasto ng isang korum ng priesthood ang kanilang tungkulin, ang mga miyembro ng korum ay hinihikayat, binabasbasan, kinakaibigan, at tinuturuan ng ebanghelyo ng kanilang mga lider. Kahit maaaring i-release ang isang lalaki sa mga tungkulin sa Simbahan, tulad ng guro, quorum president, bishop, high councilor, o stake president, miyembro pa rin siya sa kanyang korum. Ang pagiging miyembro sa isang korum ng priesthood ay dapat ituring na sagradong pribilehiyo.

Mga Auxiliary sa Priesthood

  • Paano matutulungang lumakas ng mga auxiliary sa priesthood ang mga tao at pamilya?

Lahat ng organisasyon sa Simbahan ay kumikilos sa ilalim ng pamamahala ng mga lider ng priesthood at tinutulungan silang isagawa ang gawain ng Panginoon. Halimbawa, ang mga panguluhan sa mga organisasyong Relief Society, Young Women, Young Men, Primary, at Sunday School ay naglilingkod sa ilalim ng pamamahala ng bishopric. Ang mga organisasyong ito ay tinatawag na mga auxiliary sa priesthood.

  • Anong papel ang ginagampanan ninyo para matulungang magtagumpay ang mga korum at auxiliary ng priesthood?

Karagdagang mga Banal na Kasulatan