Kabanata 40
Gawain sa Templo at Family History
Nais ng Ama sa Langit na Makabalik sa Kanya ang Kanyang mga Anak
Tinitiyak sa atin ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na bawat isa sa atin ay mabubuhay na mag-uli at mabubuhay magpakailanman. Ngunit upang mabuhay tayo magpakailanman kasama ang ating mga pamilya sa piling ng Ama sa Langit, kailangan nating gawin ang lahat ng ipinag-uutos sa atin ng Tagapagligtas. Kabilang dito ang pagpapabinyag at kumpirmasyon at pagtanggap ng mga ordenansa sa templo.
Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, bawat isa sa atin ay nabinyagan at nakumpirma ng isang taong may wastong awtoridad ng priesthood. Bawat isa sa atin ay maaari ding magpunta sa templo upang tanggapin ang nakapagliligtas na mga ordenansa ng priesthood na isinasagawa roon. Ngunit marami sa mga anak ng Diyos ang hindi nagkaroon ng mga pagkakataong tulad ng mga ito. Nabuhay sila sa panahon o lugar kung saan wala sa kanila ang ebanghelyo.
Nais ng Ama sa Langit na makabalik lahat ang Kanyang mga anak at mamuhay sa Kanyang piling. Sa mga namatay nang hindi nabinyagan o walang mga ordenansa ng templo, naglaan Siya ng paraan upang maisagawa ito. Hiniling Niyang isagawa natin ang mga ordenansa para sa ating mga ninuno sa loob ng mga templo.
Mga Templo ng Panginoon
-
Bakit mahalaga ang mga templo sa ating buhay?
Ang mga templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay espesyal na mga gusaling inilaan sa Panginoon. Maaaring pumasok dito ang karapat-dapat na mga miyembro ng Simbahan upang tanggapin ang mga sagradong ordenansa at makipagtipan sa Panginoon. Tulad ng binyag, ang mga ordenansa at tipang ito ay kailangan para sa ating kaligtasan. Kailangang isagawa ang mga ito sa mga templo ng Panginoon.
Nagpupunta rin tayo sa templo para malaman pa ang tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Nagkakaroon tayo ng mas mabuting pang-unawa sa ating layunin sa buhay at ang ating kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Itinuro sa atin ang tungkol sa ating buhay bago ang buhay sa mundong ito, ang kahulugan ng buhay sa mundo, at ang buhay pagkatapos ng kamatayan.
Ibinubuklod ng mga Ordenansa sa Templo ang mga Pamilya Magpakailanman
-
Ano ang ibig sabihin ng mabuklod?
Lahat ng ordenansa sa templo ay isinasagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ito, ang mga ordenansang isinasagawa sa lupa ay ibinubuklod, o ibinibigkis, sa langit. Itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol, “Anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit” (Mateo 16:19; tingnan din sa D at T 132:7).
Sa templo lamang tayo maaaring mabuklod nang sama-sama bilang mga pamilya magpakailanman. Pinag-iisa ng kasal sa templo ang isang lalaki at babae bilang mag-asawa sa kawalang-hanggan kung iginagalang nila ang kanilang mga tipan. Ang binyag at lahat ng iba pang mga ordenansa ang naghahanda sa atin para sa sagradong pangyayaring ito.
Kapag ikinasal ang isang lalaki at babae sa templo, ang kanilang mga anak na isisilang pagkatapos niyon ay nagiging bahagi rin ng kanilang walang hanggang pamilya. Ang mga mag-asawang ikinasal nang sibil o sa huwes ay matatanggap ang mga pagpapalang ito sa pamamagitan ng paghahanda ng kanilang sarili at kanilang mga anak na magpunta sa templo at mabuklod sa isa’t isa. Ang mga magulang na legal na nag-ampon ng mga bata ay maaaring maipabuklod ang mga batang iyon sa kanila.
-
Ano ang kailangang gawin ng mag-asawa upang magkaroon ng bisa ang kapangyarihang magbuklod sa kanilang pagsasama?
Kailangan ng Ating mga Ninuno ang Ating Tulong
-
Ano ang mga responsibilidad natin sa ating mga ninuno na namatay nang hindi natatanggap ang mga ordenansa ng priesthood?
Pinakasalan ni Mario Cannamela si Maria Vitta noong 1882. Tumira sila sa Tripani, Italy, kung saan sila nagkaroon ng pamilya at masayang nagsama sa loob ng maraming taon. Hindi narinig nina Mario at Maria ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo noong sila ay nabubuhay pa. Hindi sila nabinyagan. Hindi sila nagkaroon ng pagkakataong pumunta sa templo at sama-samang mabuklod bilang isang walang hanggang pamilya. Sa kamatayan nagwakas ang pagsasama nilang mag-asawa.
Makaraan ang mahigit isang daang taon nagkaroon ng malaking reunion. Ang mga inapo nina Mario at Maria ay nagpunta sa Los Angeles Temple, kung saan lumuhod sa altar ang isang apo-sa-tuhod na lalaki at ang kanyang kabiyak na nagsilbing mga proxy para sa pagbubuklod nina Mario at Maria. Napuno ng luha ang kanilang mga mata habang nakikibahagi sila sa kagalakan nina Mario at Maria.
Marami sa ating mga ninuno ang kabilang sa mga namatay nang hindi naririnig ang tungkol sa ebanghelyo noong nabubuhay pa sila sa mundo. Sila ay naninirahan ngayon sa daigdig ng mga espiritu (tingnan sa kabanata 41 sa aklat na ito). Doon ay itinuturo sa kanila ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga tumanggap ng ebanghelyo ay naghihintay na isagawa natin ang mga ordenansa ng templo para sa kanila. Sa paggawa natin ng mga ordenansang ito sa templo para sa ating mga ninuno, maaari tayong makibahagi sa kanilang kagalakan.
-
Paano ipinapakita ng doktrina ng kaligtasan para sa mga patay ang katarungan, habag, at awa ng Diyos?
-
Ano ang mga naging karanasan ninyo habang ginagawa ninyo ang gawain sa templo para sa inyong mga ninuno?
Family History—Paano Natin Sisimulan ang Pagtulong sa Ating mga Ninuno
-
Ano ang mga pangunahing hakbang sa paggawa ng family history?
Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay hinihikayat na makibahagi sa mga aktibidad ng family history. Sa pamamagitan ng mga aktibidad na ito inaalam natin ang tungkol sa ating mga ninuno upang maisagawa natin ang mga ordenansa para sa kanila. Ang family history ay may tatlong pangunahing hakbang:
-
Tukuyin ang ating mga ninuno.
-
Alamin kung sinong mga ninuno ang kailangang gawan ng mga ordenansa sa templo.
-
Tiyakin na maisasagawa ang mga ordenansa para sa kanila.
Karamihan sa mga ward at branch ay mayroong mga family history consultant na makasasagot sa mga tanong at makapagtuturo sa atin sa mga sangguniang kailangan natin. Kung ang isang ward o branch ay walang family history consultant, ang bishop o branch president ang maaaring magbigay ng direksiyon.
Tukuyin ang Ating mga Ninuno
Upang maisagawa ang mga ordenansa sa templo para sa ating mga ninuno, kailangan nating malaman ang kanilang mga pangalan. Marami nang napakagagandang sanggunian ngayon na makatutulong sa atin upang matukoy ang mga pangalan ng ating mga ninuno.
Ang isang mabuting paraan para masimulan ang pagtitipon ng impormasyon tungkol sa ating mga ninuno ay alamin kung anong mga bagay ang nasa sarili nating tahanan. Maaaring mayroon tayong mga katibayan ng kapanganakan, kasal, o kamatayan. Maaari ding may makita tayong mga Biblia ng pamilya, anunsiyo ng pagkamatay, kasaysayan ng pamilya, o mga diary at journal. Bilang karagdagan, maaari nating hingan ng anumang impormasyon ang mga kamag-anak. Pagkatapos matipon ang impormasyon sa ating mga tahanan at mula sa ating mga ninuno, maaari nating saliksikin ang iba pang sanggunian o mapagkukunan, tulad ng FamilySearch.org. Maaari din nating bisitahin ang isa sa mga family history center ng Simbahan sa ating lugar.
Ang dami ng ating malalaman ay mababatay sa kung anong impormasyon ang maaari nating makuha. Maaaring kaunti lamang ang impormasyon sa pamilya at maaaring ang magawa lang natin ay tukuyin ang ating mga magulang at mga lolo’t lola. Kung marami na tayong natipon na mga tala ng pamilya, maaari nating matukoy ang mga ninuno noon pang mga unang henerasyon.
Maaari nating masubaybayan ang impormasyong natipon natin sa mga family group record at mga pedigree chart.
Alamin Kung Sinong mga Ninuno ang Kailangang Gawan ng mga Ordenansa sa Templo
Ang mga ordenansa sa templo ay isinasagawa para sa mga patay simula pa noong mga unang araw ng Simbahan. Dahil dito, ang ilang mga ordenansa para sa ating mga ninuno ay maaaring naisagawa na. Para malaman kung sinong mga ninuno ang nangangailangan ng mga ordenansa sa templo, maaari tayong maghanap sa dalawang lugar. Ang sarili nating mga talaan ng pamilya ay maaaring naglalaman ng impormasyon tungkol sa mga nagawa na. Kung hindi pa, ang Simbahan ay may talaan ng lahat ng mga ordenansa na naisagawa na sa templo. Ang inyong ward o branch family history consultant ay makatutulong sa inyo sa bagay na ito.
Tiyakin na Maisasagawa ang mga Ordenansa
Marami sa ating mga ninuno na nasa daigdig ng mga espiritu ang maaaring sabik nang tumanggap ng kanilang mga ordenansa sa templo. Sa sandaling matukoy na natin ang mga ninunong ito, dapat nating asikasuhin ito para magawa na ang gawaing ito para sa kanila.
Ang isa sa mga pagpapala ng gawain sa family history ay nagmumula sa pagpunta sa templo at pagsasagawa ng mga ordenansa sa ngalan ng ating mga ninuno. Dapat nating ihanda ang ating sarili sa pagtanggap ng temple recommend upang, kapag maaari, ay magawa natin ang gawaing ito. Kung ang mga anak natin ay 12 taong gulang pataas, maaari silang makibahagi sa mga pagpapalang ito sa pamamagitan ng pagpapabinyag at pagpapakumpirma para sa kanilang mga ninuno.
Kung hindi tayo maaaring magpunta sa templo para makibahagi sa mga ordenansa, ang templo ang mag-aasikaso upang maisagawa ng iba pang mga miyembro ng Simbahan ang mga ordenansa.
-
Paano kayo natulungan ng Panginoon o ang mga miyembro ng inyong pamilya na mahanap ang impormasyon tungkol sa inyong mga ninuno?
Karagdagang mga Pagkakataon sa Family History
-
Ano ang ilang simpleng paraan para makabahagi sa gawain sa family history ang isang taong maraming iba pang responsibilidad?
Bukod sa pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa mga ninunong kilala natin, matutulungan natin ang nasa daigdig ng mga espiritu sa marami pang paraan. Dapat nating hangarin ang patnubay ng Espiritu habang mapanalangin nating iniisip ang maaari nating gawin. Depende sa ating mga situwasyon, maaari nating gawin ang sumusunod:
-
Dumalo sa templo nang madalas hangga’t maaari. Matapos tayong magpunta sa templo para sa ating sarili, maaari nating isagawa ang mga nakapagliligtas na ordenansa para sa iba pa na naghihintay sa daigdig ng mga espiritu.
-
Gumawa ng pagsasaliksik upang matukoy ang mga ninuno na mahirap hanapin. Maaaring ituro sa atin ng mga family history consultant ang kapaki-pakinabang na mga sanggunian.
-
Tumulong sa indexing program ng Simbahan. Sa pamamagitan ng programang ito, naihahanda ng mga miyembro ang genealogical information na magagamit sa mga family history computer program ng Simbahan. Dahil sa mga programang ito ay mas madali nating matutukoy ang ating mga ninuno.
-
Mag-ambag ng impormasyon tungkol sa family history sa kasalukuyang mga computer program ng Simbahan para sa family history. Ang mga program na ito ay naglalaman ng mga genealogy na iniambag ng mga tao sa buong mundo. Pinahihintulutan ng mga ito ang mga tao na magbahagi ng impormasyon tungkol sa kanilang pamilya. Ang mga family history consultant ay maaaring makapagbigay ng mas maraming impormasyon tungkol sa mga computer program ng Simbahan.
-
Makibahagi sa mga samahan ng pamilya. Mas marami ang ating magagawa para sa ating mga ninuno kapag gumawa tayong kasama ang iba pang mga miyembro ng pamilya.
-
Isipin kung ano ang maaari ninyong gawin upang dagdagan ang inyong partisipasyon sa gawain sa templo at family history.
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
I Ni Pedro 4:6 (ipinangaral ang ebanghelyo sa mga patay)
-
Malakias 4:5–6; D at T 2:2; 3 Nephi 25:5–6 (misyon ni Elijah)
-
I Mga Taga Corinto 15:29; D at T 128:15–18 (gawain para sa mga patay)
-
D at T 138 (pagtubos sa mga patay)