Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 2: Ang Ating Pamilya sa Langit


Kabanata 2

Ang Ating Pamilya sa Langit

Hubble image of the galaxy

Tayo ay mga Anak ng Ating Ama sa Langit

  • Ano ang itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan at mga propeta sa mga huling araw tungkol sa kaugnayan natin sa Diyos?

Ang Diyos ay hindi lamang ating Pinuno at Tagapaglikha; Siya rin ang ating Ama sa Langit. Lahat ng lalaki at babae ay tunay na mga anak ng Diyos. “Ang tao, bilang espiritu, ay isinilang sa mga magulang na nasa langit, at inaruga hanggang sa sumapit sa sapat na gulang sa mga walang hanggang mansiyon ng Ama, bago pumarito sa mundo sa isang katawang-lupa” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998], 400).

Bawat taong isinilang sa mundo ay ating espiritung kapatid. Dahil tayo ay mga espiritung anak ng Diyos, namana natin ang potensyal na magkaroon ng mga banal na katangian na Kanyang taglay. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong maging katulad ng ating Ama sa Langit at tumanggap ng lubos na kagalakan.

  • Paano naiimpluwensyahan ng kaalamang kayo ay anak ng Diyos ang inyong mga iniisip, sinasabi, at ginagawa?

Nagkaroon Tayo ng mga Personalidad at Talento Noong Naninirahan pa Tayo sa Langit

  • Isipin ang mga talento at kaloob na ibinigay sa inyo.

Itinuturo sa atin sa mga banal na kasulatan na inihanda ng mga propeta ang kanilang sarili na maging mga pinuno sa daigdig noong sila ay mga espiritu pa sa langit (tingnan sa Alma 13:1–3). Bago sila isinilang sa mga katawang mortal, inorden (pinili) sila ng Diyos na maging mga pinuno sa daigdig. Ilan lamang sina Jesus, Adan, at Abraham sa mga pinunong ito. (Tingnan sa Abraham 3:22–23.) Itinuro ni Joseph Smith na “bawat lalaki na may tungkuling maglingkod sa mga tao sa daigdig ay inordenan [noon pa man] sa mismong layuning iyon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 598). Gayunman, lahat ng tao sa mundo ay malayang tanggapin o tanggihan ang anumang pagkakataong maglingkod.

Magkakaiba tayong lahat sa langit. Alam natin, halimbawa, na tayo ay mga anak ng mga magulang sa langit—mga lalaki at babae (tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” 35602 893). Nagtaglay tayo ng iba’t ibang talento at kakayahan, at inatasang gumawa ng iba’t ibang bagay sa lupa. Lalo nating malalaman ang ating “mga walang hanggang posibilidad” kapag natanggap natin ang ating mga patriarchal blessing (tingnan sa Thomas S. Monson, sa Conference Report, Okt. 1986, 82; o Ensign, Nob. 1986, 66).

Natatakpan ng lambong o tabing ang ating alaala tungkol sa ating buhay sa langit bago tayo isinilang, ngunit alam ng ating Ama sa Langit kung sino tayo at ano ang ating ginawa roon bago tayo pumarito. Pinili Niya ang panahon at lugar kung saan isisilang ang bawat isa sa atin para matutuhan natin ang mga aral na kailangan natin mismo at magawa ang pinakamabuti sa ating kani-kanyang mga talento at personalidad.

  • Paano kayo napagpala ng mga talento ng ibang tao? Paano mapagpapala ng inyong mga talento at kaloob ang iba?

Naglahad ng Plano ang Ating Ama sa Langit para Tayo ay Maging Katulad Niya

  • Paano tayo natutulungan ng buhay sa mundo na maghandang maging katulad ng ating Ama sa Langit?

Alam ng ating Ama sa Langit na may hangganan ang ating pag-unlad maliban kung aalis tayo sa Kanyang piling sa loob ng ilang panahon. Nais Niyang magkaroon tayo ng mga makadiyos na katangiang taglay Niya. Para magawa ito, kinailangan nating lisanin ang ating tahanan sa langit para subukin tayo at magkaroon ng karanasan. Kailangang madamitan ang ating mga espiritu ng pisikal na katawan. Kakailanganin nating lisanin ang ating pisikal na katawan pagkamatay natin at muling sasanib dito sa Pagkabuhay na Mag-uli. Pagkatapos ay tatanggap tayo ng mga katawang imortal tulad ng sa ating Ama sa Langit. Kung malalampasan natin ang mga pagsubok, tatanggapin natin ang lubos na kagalakang natanggap ng ating Ama sa Langit. (Tingnan sa D at T 93:30–34.)

Tumawag ng Malaking Kapulungan ang ating Ama sa Langit upang ilahad ang Kanyang plano para sa ating pag-unlad (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 242, 598). Nalaman natin na kung susundin natin ang Kanyang plano, magiging katulad Niya tayo. Mabubuhay tayong mag-uli; tataglayin natin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at lupa; magiging mga magulang tayo sa langit at magkakaroon ng mga espiritung anak na katulad Niya (tingnan sa D at T 132:19–20).

Nalaman natin na maglalaan Siya ng isang mundo para sa atin kung saan patutunayan natin na karapat-dapat tayo (tingnan sa Abraham 3:24–26). Matatakpan ng lambong o tabing ang ating alaala, at malilimutan natin ang ating tahanan sa langit. Kakailanganin ito para magamit natin ang kalayaan nating pumili ng mabuti o masama nang hindi naiimpluwensyahan ng alaala ng pamumuhay sa piling ng ating Ama sa Langit. Sa gayon masusunod natin Siya dahil sa ating pananampalataya sa Kanya, hindi dahil sa ating kaalaman o alaala tungkol sa Kanya. Tutulungan Niya tayong makilala ang katotohanan kapag muli natin itong narinig sa mundo (tingnan sa Juan 18:37).

Sa Malaking Kapulungan nalaman din natin ang layunin para sa ating pag-unlad: upang magkaroon ng lubos na kagalakan. Gayunman, nalaman din natin na ang ilan ay malilinlang, pipiliin ang ibang landas, at maliligaw. Nalaman natin na lahat tayo ay magkakaroon ng mga pagsubok sa buhay: karamdaman, kabiguan, sakit, kalungkutan, at kamatayan. Ngunit naunawaan natin na ibibigay sa atin ang mga ito para sa ating karanasan at ikabubuti (tingnan sa D at T 122:7). Kung pahihintulutan natin, dadalisayin tayo ng mga pagsubok na ito sa halip na daigin tayo. Tuturuan tayo nitong magtiis, magtiyaga, at ibigin ang kapwa (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 17–19).

Sa kapulungang ito nalaman din natin na dahil sa ating kahinaan, lahat tayo maliban sa maliliit na bata ay magkakasala (tingnan sa D at T 29:46–47). Nalaman natin na maglalaan ng isang Tagapagligtas upang madaig natin ang ating mga kasalanan at ang kamatayan sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli. Nalaman natin na kung sasampalataya tayo sa Kanya, na sinusunod ang Kanyang salita at sinusundan ang Kanyang halimbawa, tayo ay dadakilain at magiging katulad ng ating Ama sa Langit. Tatanggap tayo ng ganap na kagalakan.

  • Ilista ang ilang katangian ng Ama sa Langit. Paano tayo tinutulungan ng plano ng kaligtasan na magkaroon ng mga katangiang ito?

Karagdagang mga Banal na Kasulatan