Kabanata 33
Gawaing Misyonero
Ang Simbahan ng Panginoon ay Isang Misyonerong Simbahan
-
Sa paanong mga paraan naging bahagi ng plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak ang gawaing misyonero?
Inihayag ng Panginoon ang plano ng ebanghelyo kay Adan: “At sa gayon sinimulang ipangaral ang Ebanghelyo, mula sa simula” (Moises 5:58). Kalaunan, ang mabubuting inapo ni Adan ay isinugo upang ipangaral ang ebanghelyo: “Sila ay … nanawagan sa lahat ng tao, sa lahat ng dako, na magsipagsisi; at ang pananampalataya ay itinuro sa mga anak ng tao” (Moises 6:23).
Ang lahat ng mga propeta ay naging mga misyonero. Ang bawat isa sa kanyang kapanahunan ay inutusang ipangaral ang mensahe ng ebanghelyo. Sa tuwing nasa mundo ang priesthood, ang Panginoon ay nangangailangan ng mga misyonero upang ipangaral ang walang hanggang mga alituntunin ng ebanghelyo sa Kanyang mga anak.
Ang Simbahan ng Panginoon ay isang misyonerong simbahan noon pa man. Noong nabubuhay pa sa lupa ang Tagapagligtas, nag-orden Siya ng mga Apostol at Pitumpu at binigyan sila ng awtoridad at responsibilidad na ipangaral ang ebanghelyo. Ang karamihan sa kanilang pangangaral ay sa kanilang sariling mga tao, ang mga Judio (tingnan sa Mateo 10:5–6). Matapos mabuhay na mag-uli si Jesus, nagsugo Siya ng mga Apostol upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga Gentil. Iniutos Niya sa mga Apostol, “Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal” (Marcos 16:15).
Si Apostol Pablo ay isang dakilang misyonero na isinugo sa mga Gentil. Matapos siyang magbalik-loob sa Simbahan, iniukol niya ang nalalabing panahon ng kanyang buhay sa pangangaral ng ebanghelyo sa kanila. Sa iba’t ibang pagkakataon sa kanyang misyon siya ay hinagupit, binato, at ibinilanggo. Gayunman patuloy niyang ipinangaral ang ebanghelyo (tingnan sa Ang Mga Gawa 23:10–12; 26).
Ang gawaing misyonero ay muling nagsimula nang maipanumbalik ang Simbahan ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ngayon ang mga Apostol at Pitumpu ay binigyan ng pangunahing responsibilidad na ipangaral ang ebanghelyo at tiyakin na ipinapangaral ito sa buong mundo. Sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith: “Ipahayag ang aking ebanghelyo nang lupain sa lupain, at nang lunsod sa lunsod. … Magpatotoo sa bawat lugar, sa bawat tao” (D at T 66:5, 7). Noong Hunyo 1830, sinimulan ni Samuel Harrison Smith, na kapatid ng Propeta, ang unang paglalakbay-misyonero para sa Simbahan.
Mula noong panahong iyon, mahigit isang milyong misyonero na ang tinawag at isinugo upang ipangaral ang ebanghelyo. Ang mensaheng hatid nila sa mundo ay si Jesucristo ang Anak ng Diyos at ating Tagapagligtas. Nagpapatotoo sila na ang ebanghelyo ay naipanumbalik sa mundo sa pamamagitan ng isang propeta ng Diyos. Ang mga misyonero ay binibigyan ng responsibilidad na ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng tao, binyagan sila, at turuan silang gawin ang lahat ng bagay na ipinag-uutos ng Panginoon (tingnan sa Mateo 28:19–20). Ang mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw ang nagbabayad ng sarili nilang mga gastusin at humahayo sa lahat ng panig ng mundo upang ipangaral ang mensahe ng ebanghelyo.
Ang Ebanghelyo ay Ipapangaral sa Buong Daigdig
-
Ano ang ilan sa ibang mga paraan na inihanda ng Panginoon para maipangaral natin ang ebanghelyo?
Sinabihan tayo sa paghahayag sa mga huling araw na kailangan nating dalhin ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa bawat bansa at tao (tingnan sa D at T 133:37). Hindi kailanman nagbibigay sa atin ng kautusan ang Panginoon nang hindi naghahanda ng paraan upang maisagawa natin ito (tingnan sa 1 Nephi 3:7). Ang Panginoon ay naghanda ng mga paraan para maipangaral natin ang ebanghelyo sa mga bansa na noon ay nakasara at hindi natin mapasok. Sa patuloy nating pananalangin at pagsampalataya, bubuksan ng Panginoon ang iba pang mga bansa sa gawaing misyonero.
Ang Panginoon ay “nagbibigay [din] ng inspirasyon sa isipan ng mga dakilang tao upang makalikha ng mga imbensiyon na magsusulong sa gawain ng Panginoon sa mga paraang hindi pa alam ng daigdig” (Russell M. Nelson, sa “Computerized Scriptures Now Available,” Ensign, Abr. 1988, 73). Ang mga pahayagan, magasin, telebisyon, radyo, satellite, kompyuter, ang Internet, at kaugnay na teknolohiya ay nakatutulong sa paghahatid ng mensahe ng ebanghelyo sa milyun-milyong katao. Tayo na nagtataglay ng kaganapan ng ebanghelyo ay kailangang gamitin ang mga imbensiyong ito upang tuparin ang utos ng Panginoon: “Sapagkat, katotohanan, ang tunog ay kinakailangang humayo mula sa lugar na ito hanggang sa buong daigdig, at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng mundo—ang ebanghelyo ay dapat na maipangaral sa bawat [tao]” (D at T 58:64).
-
Sa paanong mga paraan ninyo nakitang nagamit nang mabisa ang teknolohiya upang ibahagi ang ebanghelyo?
Ang Gawaing Misyonero ay Mahalaga
-
Bakit mahalagang marinig at maunawaan ng bawat tao ang ebanghelyo?
“Ito ang ating unang hangarin bilang isang Simbahan—ang iligtas at gawing dakila ang mga kaluluwa ng mga anak ng tao” (Ezra Taft Benson, sa Conference Report, Abr. 1974, 151; o Ensign, Mayo 1974, 104). Ang gawaing misyonero ay kailangan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga tao ng mundo na pakinggan at tanggapin ang ebanghelyo. Kailangan nilang malaman ang katotohanan, bumaling sa Diyos, at tumanggap ng kapatawaran mula sa kanilang mga kasalanan.
Marami sa ating mga kapatid sa lupa ang binubulag ng mga maling turo at “napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan” (D at T 123:12). Sa pamamagitan ng gawaing misyonero maaari nating ihatid sa kanila ang katotohanan.
Ang Panginoon ay nag-utos, “Gumawa kayo sa aking ubasan sa huling pagkakataon—sa huling pagkakataon ay manawagan sa mga naninirahan sa mundo” (D at T 43:28). Sa pagtuturo natin ng ebanghelyo sa ating mga kapatid, inihahanda natin ang daan para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas (tingnan sa D at T 34:6).
Lahat Tayo ay Dapat Maging mga Misyonero
-
Sa paanong paraan natin aktibong mahahangad na magkaroon ng mga pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo sa iba? Sa paanong paraan natin maihahanda ang ating sarili para sa gayong mga pagkakataon?
Bawat miyembro ng Simbahan ay misyonero. Dapat tayong maging mga misyonero kahit na hindi tayo pormal na tinawag at itinalaga. Responsibilidad nating ituro ang ebanghelyo sa salita at gawa sa lahat ng anak ng ating Ama sa Langit. Sinabi sa atin ng Panginoon, “Nababagay lamang sa bawat tao na nabigyang-babala na balaan ang kanyang kapwa” (D at T 88:81). Sinabihan tayo ng isang propeta na dapat nating ipakita sa ating mga kapitbahay na mahal natin sila bago natin sila balaan (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 311.) Kailangan nilang madama ang ating pakikipagkaibigan at pakikipagkapatiran.
Kusang-loob na tinanggap ng mga anak ni Mosias ang kanilang responsibilidad na ituro ang ebanghelyo. Nang magbalik-loob sila sa Simbahan, ang kanilang mga puso ay napuno ng pagkahabag sa iba. Nais nilang ipangaral ang ebanghelyo sa kaaway nilang mga Lamanita, “sapagkat hindi nila maatim na ang sinumang kaluluwa ng tao ay masawi; oo, maging ang isipin lamang na ang sinumang kaluluwa ay magtiis ng walang hanggang pagdurusa ay naging dahilan upang sila ay mayanig at manginig” (Mosias 28:3). Habang pinupuno ng ebanghelyo ng kagalakan ang ating buhay, madarama natin ang ganitong uri ng pag-ibig at pagkahabag sa ating mga kapatid. Nanaisin nating ibahagi ang mensahe ng ebanghelyo sa lahat ng gustong makinig.
Maraming paraan para maibahagi natin ang ebanghelyo. Narito ang ilang mungkahi:
-
Maaari nating ipakita sa ating mga kaibigan at sa iba ang kaligayahang nadarama natin sa pamumuhay ng mga katotohanan ng ebanghelyo. Sa ganitong paraan tayo ay magiging liwanag sa mundo (tingnan sa Mateo 5:16).
-
Maaari nating mapaglabanan ang ating likas na pagkamahiyain sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan sa iba at paggawa ng kabutihan sa kanila. Matutulungan natin sila na makitang tunay tayong nagmamalasakit sa kanila at hindi naghahangad ng pansariling kapakinabangan.
-
Maaari nating ipaliwanag ang ebanghelyo sa mga kaibigan nating hindi miyembro at sa iba pa.
-
Maaari nating anyayahan sa ating mga tahanan ang mga kaibigang interesadong matuto pa tungkol sa ebanghelyo upang maturuan ng mga misyonero. Kung masyadong malayo ang tirahan ng mga kaibigan nating hindi miyembro, maaari nating hilingin na bisitahin sila ng mga misyonerong nakadestino sa kanilang lugar.
-
Maaari nating ituro sa ating mga anak ang kahalagahan ng pagbabahagi ng ebanghelyo, at maihahanda natin sila sa espirituwal at pinansiyal para makapagmisyon. Maaari din nating ihanda ang ating sarili upang makapaglingkod sa full-time mission kapag matanda na tayo.
-
Maaari tayong magbayad ng ating ikapu at mag-ambag sa pondong pangmisyonero. Ang mga donasyong ito ay ginagamit sa pagsusulong ng gawaing misyonero.
-
Maaari tayong mag-ambag sa ward, branch, o general missionary fund upang magbigay ng suportang pinansiyal sa mga misyonerong hindi kayang suportahan ng kanilang pamilya.
-
Maaari tayong gumawa ng pagsasaliksik sa family history at gawain sa templo upang tulungan ang ating mga ninuno na tanggapin ang buong pagpapala ng ebanghelyo.
-
Maaari nating anyayahan ang mga hindi miyembro sa mga aktibidad tulad ng mga family home evening at mga kasayahan sa Simbahan, kumperensya, at mga miting.
-
Maaari tayong magbigay ng mga kopya ng mga magasin ng Simbahan. Maaari din nating ibahagi ang mga mensahe ng ebanghelyo sa pamamagitan ng paggamit ng mga bagay na itinatampok sa opisyal na mga Internet site ng Simbahan na, LDS.org at Mormon.org.
Tutulungan tayo ng ating Ama sa Langit na maging epektibong mga misyonero kapag hinangad nating ibahagi ang ebanghelyo at nanalangin para sa patnubay. Tutulungan Niya tayong makahanap ng mga paraan upang maibahagi ang ebanghelyo sa mga taong nakapaligid sa atin.
-
Isipin ang mga taong mababahaginan ninyo ng ebanghelyo. Magpasiya kung paano ninyo gagawin ito. Isiping magtakda ng mithiin na ibahagi ang ebanghelyo sa mga taong ito sa isang tiyak na petsa.
Ang Panginoon ay Nangangako ng mga Pagpapala sa Atin sa Paggawa ng Gawaing Misyonero
Sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na tatanggap ng maraming pagpapala ang mga misyonero. Sa pagsasalita sa mga elder na pauwi na mula sa kanilang misyon, sinabi ng Panginoon, “Kayo ay pinagpala, sapagkat ang patotoo na inyong sinabi ay nakatala sa langit upang tingnan ng mga anghel; at sila ay nagagalak sa inyo” (D at T 62:3). Sinabi rin niya na ang mga gumagawa para sa kaligtasan ng iba ay patatawarin sa kanilang mga kasalanan at maghahatid ng kaligtasan sa sarili nilang kaluluwa (tingnan sa D at T 4:4; 31:5; 84:61).
Sinabihan tayo ng Panginoon:
“Kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!
“At ngayon, kung ang inyong kagalakan ay magiging malaki sa isang kaluluwa na inyong nadala sa akin sa kaharian ng aking Ama, anong laki ng inyong kagalakan kung makapagdadala kayo ng maraming kaluluwa sa akin!” (D at T 18:15–16).
-
Kailan ninyo naranasan ang galak na dulot ng gawaing misyonero?
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
D at T 1:17–23 (inutusan si Joseph Smith na mangaral)
-
D at T 24:12 (pinatatatag ng Panginoon ang mga laging naghahangad na ipahayag ang Kanyang ebanghelyo)
-
D at T 38:41 (ibahagi ang ebanghelyo sa kahinahunan at kaamuan)
-
D at T 34:4–6; Ang Mga Gawa 5:42 (ipangangaral ang ebanghelyo)
-
D at T 60:1–2 (binabalaan ng Panginoon ang mga takot na ipangaral ang ebanghelyo)
-
D at T 75:2–5 (ang mga nangangaral ng ebanghelyo at tapat ay bibiyayaan ng buhay na walang hanggan)
-
D at T 88:81–82 (lahat ng nabigyang-babala ay dapat balaan ang kanilang kapwa)
-
Mateo 24:14 (ipangangaral ang ebanghelyo bago dumating ang wakas)
-
Abraham 2:9–11 (ang ebanghelyo at priesthood ay ibibigay sa lahat ng bansa)