Kabanata 24
Ang Araw ng Sabbath
Ang Kahulugan ng Araw ng Sabbath
-
Ano ang araw ng Sabbath?
“Alalahanin mo ang araw ng sabbath, upang ipangilin” (Exodo 20:8; tingnan din sa D at T 68:29).
Ang salitang Sabbath ay mula sa salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay pahinga. Bago ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, ang araw ng Sabbath ay paggunita sa araw ng pamamahinga ng Diyos nang matapos Niya ang Paglikha. Ito ay tanda ng tipan sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga tao. Mababasa natin sa aklat ng Genesis na nilikha ng Diyos ang kalangitan at ang mundo sa anim na bahagi ng panahon, na tinawag Niyang mga araw: “At nang ikapitong araw ay nayari ng Dios ang kaniyang gawang ginawa; at nagpahinga ng ikapitong araw sa madlang gawa niyang ginawa. At binasbasan ng Dios ang ikapitong araw at kaniyang ipinangilin” (Genesis 2:2–3). Ngayon ang Sabbath ay paggunita rin sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.
Ang araw ng Sabbath ay tuwing ikapitong araw. Ito ay banal na araw na inorden ng Diyos upang makapagpahinga tayo sa pang-araw-araw nating gawain at sumamba sa Kanya.
Ang Layunin ng Araw ng Sabbath
-
Paano ninyo ipaliliwanag ang layunin ng araw ng Sabbath sa isang taong walang alam tungkol sa Sabbath?
Itinuro ni Jesus na ang araw ng Sabbath ay ginawa para sa ating kapakinabangan (tingnan sa Marcos 2:27). Ang layunin ng Sabbath ay bigyan tayo ng tiyak na araw sa loob ng isang linggo upang maituon ang ating kaisipan at gawain sa Diyos. Hindi ito araw ng pamamahinga lamang sa gawain. Ito ay sagradong araw na dapat gugulin sa pagsamba at paggalang. Habang nagpapahinga tayo sa ating karaniwang pang-araw-araw na mga gawain, ang ating mga isipan ay nagiging malaya na pag-isipan nang mabuti ang mga bagay na espirituwal. Sa araw na ito, dapat nating panibaguhin ang ating mga tipan sa Panginoon at pakainin ang ating kaluluwa ng mga bagay na nauukol sa Espiritu.
-
Isipin kung ano ang maaari ninyong gawin upang maisaisip ang layunin ng Sabbath habang naghahanda kayo para dito sa bawat linggo.
Kasaysayan ng Sabbath
Ang ikapitong araw ay inilaan ng Diyos bilang Sabbath sa simula pa lang ng mundo (tingnan sa Genesis 2:2–3). Mula pa noong unang panahon, ang tradisyon ng pagkakaroon ng sagradong ikapitong araw ay napanatili sa iba’t ibang tao sa mundo. Sinariwa ng Diyos ang utos ukol sa araw na ito sa mga Israelita, na sinasabing, “Alalahanin mo ang araw ng sabbath, upang ipangilin” (Exodo 20:8). Ang pangingilin sa araw ng Sabbath ay palatandaan din na ang mga Israelita ang Kanyang mga pinagtipanang tao (tingnan sa Exodo 31:12–13, 16; Isaias 56:1–8; Jeremias 17:19–27).
Gayunman, ang ilang mga pinunong Judio ay gumawa ng maraming hindi kailangang patakaran tungkol sa Sabbath. Sila ang nagpapasiya kung gaano kalayo ang maaaring lakarin ng tao, anong uri ng mga buhol ang maaari nilang itali, at iba pa. Nang punahin ng ilang pinunong Judio si Jesucristo sa pagpapagaling ng mga taong may karamdaman sa araw ng Sabbath, ipinaalala sa kanila ni Jesus na ang Sabbath ay ginawa para sa kapakanan ng tao.
Sinunod din ng mga Nephita ang araw ng Sabbath alinsunod sa mga utos ng Diyos (tingnan sa Jarom 1:5).
Sa makabagong panahon ay inulit ng Panginoon ang Kanyang utos na dapat nating alalahanin ang araw ng Sabbath at gawin itong banal (tingnan sa D at T 68:29).
Ang Araw ng Panginoon
-
Bakit binago ang Sabbath mula sa ikapitong araw at ginawang unang araw?
Hanggang sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, kinilala ni Jesucristo at ng Kanyang mga disipulo ang ikapitong araw bilang Sabbath. Pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, ang araw ng Linggo ay itinuring na sagradong araw ng Panginoon bilang pag-alaala sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli sa araw na iyon (tingnan sa Ang Mga Gawa 20:7; I Mga Taga Corinto 16:2). Mula noon, itinakda ng Kanyang mga tagasunod ang unang araw ng linggo bilang kanilang Sabbath. Kapwa noon at ngayon ay may anim na araw ng paggawa at isang araw para sa pamamahinga at pagsamba.
Binigyan tayo ng Panginoon ng tuwirang utos sa panahong ito na dapat din nating igalang ang Linggo, ang araw ng Panginoon, bilang ating Sabbath (tingnan sa D at T 59:12).
-
Paano maiimpluwensyahan ng pag-alaala sa Pagkabuhay na Mag-uli ang ating pagsamba sa araw ng Sabbath?
Pagpapanatiling Banal sa Araw ng Sabbath
-
Ano ang ibig sabihin ng gawing banal ang araw ng Sabbath?
Hiniling muna sa atin ng Panginoon na pabanalin ang araw ng Sabbath. Sa isang paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith noong 1831, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magpunta sa bahay-dalanginan at ialay ang kanilang mga sacrament, mamahinga sa kanilang mga gawain, at iukol ang kanilang mga dalangin sa Kataas-taasan (tingnan sa D at T 59:9–12).
Pangalawa, hiniling Niya sa atin na mamahinga sa pang-araw-araw na gawain. Ibig sabihin hindi tayo dapat gumawa ng gawain na makahahadlang sa atin sa pagbibigay ng buong pansin sa mga espirituwal na bagay. Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Huwag kang gagawa ng anomang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalake ni babae, ni ang iyong aliping lalake ni babae, ni ang iyong baka” (Exodo 20:10). Sinabi sa atin ng ating mga propeta na hindi tayo dapat mamili, mangaso, mangisda, dumalo sa mga larong pampalakasan, o makilahok sa anumang katulad na mga gawain sa araw na iyon.
Gayunman, pinagsabihan tayo ni Pangulong Spencer W. Kimball na kapag magpapahinga lamang tayo at walang gagawin sa araw ng Sabbath, hindi natin ginagawang banal ang araw na ito. Kailangan sa araw ng Sabbath ang kapaki-pakinabang na pag-iisip at pagkilos. (Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 203.)
Anong mga bagay ang maaari nating gawin sa araw ng Sabbath? Iminungkahi ni propetang Isaias na dapat nating itigil ang paggawa ng pansariling kasiyahan at dapat “tawagin ang sabbath na kaluguran, at ang banal ng Panginoon, na marangal” (Isaias 58:13).
Dapat nating isipin ang mabubuting bagay na maaari nating gawin sa araw ng Sabbath. Halimbawa, magagawa nating banal ang araw ng Sabbath sa pamamagitan ng pagdalo sa mga miting ng Simbahan; pagbabasa ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga pinuno ng ating Simbahan; pagdalaw sa maysakit, matatanda, at mga mahal natin sa buhay; pakikinig sa kaaya-ayang musika at pagkanta ng mga himno; pananalangin sa ating Ama sa Langit nang may papuri at pasasalamat; paglilingkod sa Simbahan; paghahanda ng mga rekord ng family history at personal na kasaysayan; pagsasalaysay ng mga kuwentong nagpapalakas ng pananampalataya at pagbibigay ng ating patotoo sa mga miyembro ng pamilya at pagbabahagi ng mga espirituwal na karanasan sa kanila; pagsulat sa mga misyonero at mga mahal sa buhay; pag-aayuno nang may layunin; at pag-uukol ng panahon sa mga anak at sa iba pang mga kasambahay.
Sa pagpapasiya kung ano ang iba pang mga gawain na nararapat gawin sa Sabbath, maaari nating itanong sa ating sarili: Mapauunlad ba ako nito at makapagbibigay ba ito ng inspirasyon sa akin? Nagpapakita ba ito ng paggalang sa Panginoon? Itinutuon ba nito ang aking isipan sa Kanya?
Maaaring may mga pagkakataon na kailangan nating gumawa sa araw ng Sabbath. Dapat nating iwasan ito hangga’t maaari, ngunit kapag talagang kinakailangan, dapat nating panatilihin ang diwa ng pagsamba sa Sabbath sa ating mga puso hangga’t maaari.
-
Isipin ang isang bagay na magagawa ninyo upang mapagbuti ang inyong pagsisikap na gawing banal ang araw ng Sabbath. Kung ikaw ay isang magulang o lolo o lola, mag-isip ng isang bagay na maaari mong gawin upang matulungan ang iyong mga anak o apo na maunawaan ang kahulugan ng Sabbath.
Mga Pagpapala sa Pagpapanatiling Banal sa Araw ng Sabbath
-
Ano ang ilang mga pagpapalang natatanggap natin kapag ginagawa nating banal ang araw ng Sabbath?
Kung iginagalang natin ang araw ng Sabbath, maaari tayong tumanggap ng maraming espirituwal at temporal na pagpapala. Sinabi ng Panginoon na kung ipangingilin natin ang araw ng Sabbath nang may pasasalamat at malugod na puso, tayo ay mapupuno ng kagalakan. Nangako Siya:
“Ang kabuuan ng mundo ay sa inyo, … maging para sa pagkain o para sa kasuotan, o para sa mga bahay, o para sa mga kamalig, o para sa mga taniman, o para sa mga halamanan, o para sa mga ubasan;
“Oo, lahat ng bagay na nanggagaling sa lupa, sa panahon niyon, ay ginawa para sa kapakinabangan at gamit ng tao, kapwa upang makalugod sa mata at upang pasiglahin ang puso;
“Oo, para sa pagkain at para sa kasuotan, para sa panlasa at para sa pang-amoy, upang palakasin ang katawan at pasiglahin ang kaluluwa” (D at T 59:16–19).
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
Exodo 31:16–17 (ang Sabbath ay patuloy na tipan sa pagitan ng Panginoon at ng Kanyang mga tao)
-
Mosias 13:16–19; 18:23; Exodo 35:1–3; Levitico 26:2–4, 6, 12 (panatilihing banal ang araw ng Sabbath)
-
Lucas 6:1–11 (makatarungang gumawa ng kabutihan sa araw ng Sabbath)
-
Lucas 13:11–17; Juan 5:1–18 (halimbawa ng paggawa ni Jesus ng mabuti sa araw ng Sabbath)