Library
Mga Susi ng Priesthood


“Mga Susi ng Priesthood,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

inoorden ni Cristo ang mga apostol

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Mga Susi ng Priesthood

Ang awtoridad na pamahalaan ang gawain ng Diyos

Marahil ay nagbubukas ka araw-araw ng mga pinto sa pamamagitan ng paggamit ng susi. Ang paghawak ng mga susi ay maaaring simbolo ng isang taong may awtoridad at access. Ang mga susi ng priesthood na hawak ng mga tagapaglingkod ng Panginoon ay nagbibigay sa kanila ng awtoridad na pamahalaan kung paano ginagamit ang awtoridad at kapangyarihan ng priesthood sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan.

Si Jesucristo ang mayhawak ng lahat ng susi ng priesthood na nauukol sa Kanyang Simbahan. Ipinagkaloob Niya sa bawat isa sa Kanyang mga Apostol ang lahat ng susing nauukol sa kaharian ng Diyos sa lupa. Ang Pangulo ng Simbahan ang tanging tao na may karapatang gamitin ang lahat ng susing iyon ng priesthood.

Ang mga temple president, mission president, stake president, bishop, at quorum president ay humahawak din ng mga susi ng priesthood na nagtutulot sa kanila na mamuno at mangasiwa sa gawaing iniatas sa kanila na gawin. Dahil sa mga susi ng priesthood, maaari tayong magkaroon ng access sa mga ordenansa, tipan, pagpapala, at kapangyarihang kailangan natin upang makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas at maging katulad Nila.

Ano ang Mga Susi ng Priesthood?

Ang mga susi ng priesthood ay ang mga karapatang mangulo, o ang kapangyarihang ibinibigay ng Diyos sa tao upang pamahalaan at pangasiwaan ang kaharian ng Diyos sa lupa (tingnan sa Mateo 16:15–19). Kailangan ang mga susi ng priesthood para pamahalaan ang pangangaral ng ebanghelyo at ang pangangasiwa sa mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan.

Buod ng Paksa: Priesthood

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Aaronic Priesthood, Melchizedek Priesthood, Pagpapanumbalik ng Priesthood

Bahagi 1

Ipinanumbalik ng mga Sugo ng Langit ang mga Susi ng Priesthood sa Ating Panahon

estatwa ng pagpapanumbalik

Noong Kanyang mortal na ministeryo, ibinigay ni Jesucristo ang “mga susi ng kaharian ng langit” kina Pedro, Santiago, at Juan (tingnan sa Mateo 16:18–19; Doktrina at mga Tipan 7:5–7). Sa pagpanaw ni Jesucristo at ng Kanyang mga Apostol, ang priesthood at mga susi ng priesthood ay nawala sa mundo sa loob ng maraming siglo.

Noong 1829, bumalik si Juan Bautista sa lupa at ipinanumbalik ang Aaronic Priesthood at ang mga susi nito kay Propetang Joseph Smith (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:67–72). Hindi nagtagal, ipinanumbalik nina Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek Priesthood at ang mga susi nito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:12–13).

Ang iba pang mga sugo mula sa langit, kabilang na sina Moises, Elias, at Elijah, ay nagpakita kay Joseph Smith sa Kirtland Temple at nagkaloob ng maraming awtoridad upang maisagawa ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:11–16).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ikumpara ang Doktrina at mga Tipan 110:1–16 sa Mateo 17:1–9. Paano natutulad ang karanasan nina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple sa karanasan nina Pedro, Santiago, at Juan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo?

  • Basahin ang Doktrina at mga Tipan 65. Ano ang ilang paraan na inihahanda ng Diyos ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood na ibinigay Niya sa Kanyang mga tagapaglingkod? Sa paanong mga paraan mo maihahanda ang iyong sarili at ang iba para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson kung anong awtoridad ang ipinagkaloob nina Moises, Elias, at Elijah kay Propetang Joseph Smith sa Kirtland Temple. Basahin ang sumusunod na pahayag kasama ang iyong mga kagrupo:

    • “Ibinigay ni Moises ang mga susi ng pagtitipon ng Israel … ;

    • “Si Elias, ang mga susi ng tipang Abraham;

    • “At si Elijah, ang mga susi ng awtoridad para sa pagbubuklod.

    • “Ipinagkaloob ni Joseph Smith ang mga ipinanumbalik na susi ng priesthood na iyon sa lahat ng Apostol na tinawag sa kanyang panahon. At ang mga susi namang ito ay nagpasalin-salin sa lahat ng mga henerasyon hanggang sa mga kasalukuyang lider ng Simbahan. Ngayon, ang Pangulo ng Simbahan ang kasalukuyang may hawak ng bawat susing hinawakan ng ‘lahat ng yaong nakatanggap ng dispensasyon sa alin mang panahon mula pa noong simula ng paglalang’ [Doktrina at mga Tipan 112:31].”1

    Bakit kailangang hawak ng Pangulo ng Simbahan ngayon ang parehong mga susi ng priesthood na ibinigay noon kay Joseph Smith?

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Sinasang-ayunan Natin ang mga Maytaglay ng mga Susi ng Priesthood

pamilyang nanonood ng kumperensya

Itinuro ni Propetang Joseph Smith na “ang mga pangunahing alituntunin, pamahalaan, at doktrina ng Simbahan ay napapailalim sa mga susi ng kaharian.”2 Nangangahulugan ito na ang mga susi ng priesthood na hawak ng Pangulo ng Simbahan ni Jesucristo ay nagpapahintulot sa kanya na pangasiwaan ang lahat ng pagpapala, ordenansa, tipan, at organisasyon ng Simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:65–67).

Ang mga miyembro ng Simbahan ay madalas magkaroon ng pagkakataon sa mga kumperensya at sacrament meeting na sang-ayunan ang mga pangkalahatan at lokal na lider ng Simbahan, kabilang na ang mga mayhawak ng mga susi ng priesthood. Ang pagsang-ayon ay nagpapahiwatig ng ating pagtitiwala sa kanila at ng kahandaan nating suportahan, tulungan, at ipagdasal sila (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 26:2). Makatatanggap din tayo ng espirituwal na proteksyon kapag sinusunod at sinasang-ayunan natin ang mga mayhawak ng mga susi ng priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 43:1–7).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Basahin ang Doktrina at mga Tipan 90:2–6 para malaman ang mahahalagang katotohanan tungkol sa mga susi na hawak ng mga miyembro ng Unang Panguluhan. Paano nauugnay ang mga susi ng kaharian sa mga paghahayag na ibinibigay ng Diyos sa Simbahan? Ano ang mangyayari kung babalewalain natin ang mga paghahayag na ibinibigay sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng mga mayhawak ng mga susi ng kaharian?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Kasama ang mga kagrupo, talakayin ang katotohanan na lahat ng naglilingkod sa Simbahan—kalalakihan at kababaihan—ay tinatawag sa ilalim ng pamamahala ng isang tao na mayhawak ng mga susi ng priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:11). Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Sinumang gumaganap sa katungkulan o tungkulin na natanggap mula sa taong mayhawak ng mga susi ng priesthood ay ginagamit ang awtoridad ng priesthood sa pagtupad sa mga gawaing itinalaga sa kanya.”3 Kailan ninyo nadama na tinutulungan kayo ng mga pagpapala ng Diyos matapos kayong ma-set apart para maglingkod sa isang tungkulin sa Simbahan?

Alamin ang iba pa

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Keys of the Priesthood,” Ensign, Okt. 2005, 43.

  2. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2011), 229.

  3. Dallin H. Oaks, “Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2014, 51.