“Melchizedek Priesthood,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Melchizedek Priesthood
Ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos na pagpalain ang Kanyang mga anak
Ang Ama sa Langit ay handang tulungan kang magtamo ng espirituwal na lakas at patnubay sa iyong landas tungo sa buhay na walang hanggan. Sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood ng Diyos natatamo ang mga pagpapalang ito para sa lahat ng anak ng Diyos na pinipiling lumapit sa Kanya. Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “[Ang] Melchizedek Priesthood ang … siyang daluyan kung saan ang lahat ng kaalaman, doktrina, plano ng kaligtasan, at bawat mahalagang bagay ay inihahayag mula sa langit.”1 Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Melchizedek Priesthood, lahat ng anak na lalaki at babae ng Diyos ay maaaring gumawa ng mga tipan at tumanggap ng mga ordenansa na tutulong sa kanila na maging katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:52–60; 84:19–22).
Bahagi 1
Ipinagkaloob ng Diyos ang Awtoridad at Kapangyarihan ng Priesthood sa Kanyang mga Tagapaglingkod
Sa buong kasaysayan, ipinagkaloob ng Diyos ang awtoridad ng priesthood sa Kanyang mga tagapaglingkod upang kumilos sa Kanyang pangalan at tumulong sa kaligtasan at kadakilaan ng Kanyang mga anak. Itinuro ni Joseph Smith, “Lahat ng propeta ay nagtaglay ng Melchizedek Priesthood.”2
Sa sinaunang panahon ang priesthood ay tinatawag na “Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos. Ngunit bilang paggalang o pagpipitagan sa pangalan ng Kataas-taasang Katauhan, upang maiwasan ang madalas na pag-ulit ng pangalan [ng Panginoon],” ang priesthood ay tinawag na “Pagkasaserdoteng Melquisedec” (Doktrina at mga Tipan 107:3–4). Si Melquisedec [Melchizedek] ay isang matwid na mataas na saserdote at propeta noong panahon ng Lumang Tipan. Sa Hebreo, ang ibig sabihin ng pangalang Melquisedec ay “hari ng kabutihan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Melquisedec,” Gospel Library).
Sa Bagong Tipan, nalaman natin na inordenan ni Jesus ang Kanyang mga disipulo at binigyan sila ng awtoridad ng priesthood (tingnan sa Lucas 9:1–2; Juan 15:16; Mga Hebreo 5:1–10). Sa Bundok ng Pagbabagong-anyo, natanggap nina Pedro, Santiago, at Juan ang mga susi ng priesthood. Taglay ang mga susing iyon, ang mga Apostol ay may awtoridad na ipagpatuloy ang gawain ng Simbahan ni Cristo matapos ang Kanyang Pag-akyat sa Langit (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbabagong-anyo,” Gospel Library; tingnan din sa Mateo 16:15–19; 17:1–9; Mga Gawa 1:21–26; Efeso 4:11–13).
Sa mga siglo kasunod ng pagkamatay ng mga Apostol ng Panginoon, ang awtoridad ng priesthood ay nawala sa mundo. Sa ating panahon, ang Melchizedek Priesthood ay ipinanumbalik sa pamamagitan nina Pedro, Santiago, at Juan kay Propetang Joseph Smith at kay Oliver Cowdery (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:12–13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:72). Kalaunan, ang iba pang mga sugo ng langit ay nagkaloob ng mga susi ng priesthood sa kanila sa Kirtland Temple sa Ohio, USA (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:11–16).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Ipinahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Ang priesthood ay banal na kapangyarihan at awtoridad na ipinagkatiwala para magamit sa gawain ng Diyos para sa kapakinabangan ng lahat ng Kanyang anak. Ang Priesthood ay hindi ang mga taong inorden sa katungkulan sa priesthood o mga taong gumagamit ng awtoridad nito. Ang mga kalalakihang mayhawak na priesthood ay hindi ang priesthood. Bagama’t hindi natin dapat tawagin ang mga inorden na kalalakihan bilang ang priesthood, angkop silang tawagin na mga mayhawak ng priesthood.3 Bakit mahalagang matukoy ang pagkakaiba ng priesthood at ng mga mayhawak ng priesthood?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Narito ang priesthood. … Alam natin, dahil nakita natin, ang kapangyarihan ng priesthood. Nakita nating gumaling ang mga maysakit, na nakalakad ang mga lumpo, at ang pagdating ng liwanag at kaalaman at pang-unawa sa mga dating nasa kadiliman.”4 Anong mga katibayan ang nakita ninyo na ang kapangyarihan at awtoridad ng priesthood ng Diyos ay kumikilos sa Simbahan ni Jesucristo sa ating panahon?
Alamin ang iba pa
-
Alma 13:14–19; Doktrina at mga Tipan 84:23–26; 107:2–8, 18, 42–52
-
“Kabanata 8: Ang Walang Hanggang Priesthood,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2011), 119–31
Bahagi 2
Sa pamamagitan ng mga Tipan at Ordenansa ng Melchizedek Priesthood, Makapaghahanda Ka na Makabalik sa Piling ng Diyos
Itinuro ni Pangulong Brigham Young, “Ang Ebanghelyo at ang Pagkasaserdote ay ang mga paraang ginagamit [ng Diyos] upang iligtas at dakilain ang kanyang mga masunuring anak sa pagkakaroon nila ng kaluwalhatiang tulad ng sa kanya at ng kapangyarihang maputungan ng korona ng kaluwalhatian, kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.”5 Sa ilalim ng pamamahala ng mga mayhawak ng mga susi ng Melchizedek Priesthood, maaari tayong makipagtipan sa Diyos at tumanggap ng mga sagradong ordenansa na kinakailangan upang matanggap ang buhay na walang hanggan.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Kapag natanggap ng isang lalaki ang Melchizedek Priesthood at inordenan sa isang katungkulan sa priesthood, pumapasok siya sa “sumpa at tipan ng pagkasaserdote [priesthood].” Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:33–44. Anong mga bagay ang dapat tuparin sa mga tipan ng maytaglay ng priesthood? Anong banal na pangako ang ginagawa ng Diyos sa mga tumatanggap at gumaganap sa kanilang tungkulin?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Anyayahan ang iyong mga kagrupo na basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:17–22 at talakayin kung ano ang inihayag ng Panginoon tungkol sa priesthood. Upang linawin ang kahulugan ng scripture passage, maaari mong ibahagi na ang “mga hiwaga ng kaharian,” ay “mga espirituwal na katotohanang nalalaman lamang sa pamamagitan ng paghahayag” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hiwaga ng Diyos, Mga,” Gospel Library). Maaari ding makatulong na ipaliwanag na ang kapangyarihan ng kabanalan ay kapangyarihan ng kabutihan, at sa pamamagitan nito ay nakikilala natin ang Diyos at nagiging katulad Niya (tingnan sa Bruce R. McConkie, The Promised Messiah [1978], 589). Sa paanong mga paraan tayo natutulungan ng mga sagradong ordenansa na maunawaan ang Diyos at maihanda tayo na maging higit na katulad Niya?
Alamin ang iba pa
-
Henry B. Eyring, “Mga Pamilyang Nakipagtipan,” Liahona, Mayo 2012, 62–65
-
Kent F. Richards, “Ang Kapangyarihan ng Kabanalan,” Liahona, Mayo 2016, 118–20
-
Julie B. Beck, “Pagbuhos ng mga Pagpapala,” Liahona, Mayo 2006, 11–13
-
“Ang Banal na Priesthood—para Pagpalain ang mga Anak ng Diyos,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: George Albert Smith (2011), 51–59
Bahagi 3
Ang Kababaihan at Kalalakihan ay Kapwa Naglilingkod sa Simbahan ni Cristo nang may Awtoridad at Kapangyarihan ng Priesthood
Tumatawag ang Diyos ng kababaihan at kalalakihan sa Kanyang Simbahan upang tumulong sa mahalagang gawain ng kaligtasan at kadakilaan. Bagama’t ang kalalakihan lamang ang inoorden sa mga katungkulan sa priesthood, ang paggamit ng awtoridad at kapangyarihan ng priesthood ay kapwa para sa kababaihan at kalalakihan upang tulungan sila na maisakatuparan ang gawain ng Diyos. Ang kapangyarihan sa priesthood ay natatanggap ng bawat isa kapag matwid na tinutupad ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang mga tipan sa Panginoon. Sa ilalim ng pamamahala ng isang taong mayhawak ng mga susi ng priesthood, ang mga indibiduwal ay isini-set apart para sa mga tungkulin sa Simbahan. Sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, siya ay tumatanggap ng awtoridad ng priesthood upang isagawa ang mga tungkuling nakatalaga sa kanya. (Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2014, 50–51).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard: “Ang ating Ama sa Langit ay bukas-palad sa Kanyang kapangyarihan. Lahat ng lalaki at babae ay may karapatan sa kapangyarihang ito para makatulong sa kanilang buhay. Lahat ng gumawa ng sagradong mga tipan sa Panginoon at tumutupad sa mga tipang iyon ay may karapatang makatanggap ng personal na paghahayag, mapaglingkuran ng mga anghel, makipag-ugnayan sa Diyos, makatanggap ng kabuuan ng ebanghelyo, at, sa huli, maging mga tagapagmana na kasama ni Jesucristo sa lahat ng mayroon ang Ama.”6 Bakit mahalagang maunawaan na ang mga sagradong pagpapala ay hindi nakasalalay sa isang taong inorden sa isang katungkulan sa priesthood?
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Kasama ang iyong mga kagrupo, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Bawat babae at bawat lalaki na nakikipagtipan sa Diyos at tumutupad sa mga tipang iyon, at karapat-dapat na nakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood, ay matatanggap mismo ang kapangyarihan ng Diyos. Yaong mga tumanggap ng endowment sa bahay ng Panginoon ay tumatanggap ng kaloob na kapangyarihan ng priesthood ng Diyos dahil sa bisa ng kanilang tipan, at ng kaloob na kaalaman upang malaman kung paano gagamitin ang kapangyarihang iyon.
“Ang kalangitan ay bukas din sa kababaihan na pinagkalooban ng kapangyarihan ng Diyos na nagmumula sa kanilang mga tipan sa priesthood tulad ng kalalakihan na nagtataglay ng priesthood.”7
Talakayin kung paano magagamit ng sinumang karapat-dapat na miyembro ng Simbahan ang kapangyarihan ng Diyos.
Alamin ang iba pa
-
Russell M. Nelson, “Mga Espirituwal na Kayamanan,” Liahona, Nob. 2019, 76–79
-
Dallin H. Oaks, “Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2014, 49–52
-
Jean B. Bingham, “Nagkakaisa sa Pagsasakatuparan ng Gawain ng Diyos,” Liahona, Mayo 2020, 60–63