Library
Aaronic Priesthood


“Aaronic Priesthood,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

binatilyong nagbabasbas ng sakramento

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Aaronic Priesthood

Hawak ang mga susi ng ebanghelyo ng pagsisisi at binyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan

Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nagsisikap ang mga tagasunod ng Diyos na tulungan Siya sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan. Ang priesthood, o ang walang hanggang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos, ay ipinanumbalik sa lupa upang tulungan ang mga anak ng Diyos na makabalik sa Kanya sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa Kanya.

Ang priesthood ay inorganisa sa dalawang bahagi, bawat isa ay may responsibilidad sa mahahalagang aspeto ng pamumuhay sa ebanghelyo. Ang Aaronic Priesthood ang “panimulang” priesthood o “nakabababang” priesthood. Hawak nito ang mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 13:1). Ang mga maytaglay ng Aaronic Priesthood ay naghahanda, nagbabasbas, at nangangasiwa ng tinapay at tubig ng sakramento. Naglilingkod din sila sa mga temporal na aspeto ng Simbahan, tulad ng pangangalaga sa mga miyembro nito at pagkolekta ng mga handog-ayuno.

Ano ang Aaronic Priesthood?

Ang priesthood ay ang walang-hanggang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Tinutulungan ng mga maytaglay ng priesthood ang Diyos sa pagsasakatuparan ng kaligtasan at kadakilaan ng Kanyang mga anak sa pamamagitan ng paglalaan ng mga sagradong tipan at ordenansa. Ang Aaronic Priesthood ay kaakibat sa nakatataas na Melchizedek Priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:1, 6, 13–14). Sa Simbahan ngayon, ang mga karapat-dapat na lalaking miyembro ay makatatanggap ng Aaronic Priesthood simula sa Enero ng taon na sila ay magiging 12 taong gulang na. Kabilang sa mga katungkulan sa Aaronic Priesthood ay deacon, teacher, priest, at bishop.

Buod ng Paksa: Aaronic Priesthood

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Pagpapanumbalik ng Priesthood, Melchizedek Priesthood, Mga Susi ng Priesthood

Bahagi 1

Ipinanumbalik ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery

Si Juan Bautista na ipinagkakaloob ang priesthood kay Joseph Smith

Mula sa panahon ni Adan hanggang kay Moises, taglay ng mga propeta ang Melchizedek Priesthood. Ngunit noong panahon ng ministeryo ni Moises, tinanggihan ng mga Israelita ang mga pagpapala ni Jehova at ang mas mataas na priesthood na ito ay inalis sa mga tao sa pangkalahatan. Patuloy na tinaglay ng mga propeta ang Melchizedek Priesthood. Ang mga lalaking miyembro ng lipi ni Levi, kabilang na ang mga inapo ni Aaron, ay binigyan ng Aaronic Priesthood. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:23–27).

Bilang inapo ni Aaron at panganay na anak na lalaki, taglay ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:16–18; 84:26–27). Matapos ang pagkamatay ni Jesus at ng Kanyang mga Apostol, gumawa ang mga tao ng di-awtorisadong mga pagbabago sa mga ordenansa ng priesthood at sa Simbahan. Dahil sa apostasiyang ito, ang Aaronic Priesthood, kasama ang mas mataas na priesthood na iginawad kina Pedro, Santiago, Juan, at sa iba pang mga disipulo ni Cristo (Lucas 9:1–2), ay inalis mula sa lupa. Noong 1829, ang nabuhay na mag-uling si Juan Bautista ay nagpakita kina Joseph Smith at Oliver Cowdery at iginawad sa kanila ang Aaronic Priesthood, ipinapanumbalik muli ang awtoridad na ito sa lupa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 13:1; 27:7–8; Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–72).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ang buhay at ministeryo ni Juan Bautista ay maaaring pagkunan ng inspirasyon ng mga maytaglay ng Aaronic Priesthood ngayon. Basahin ang Mateo 11:7–13; Lucas 7:24–30; at Juan 5:32–35. Ano ang natutuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa nadarama ng Tagapagligtas para kay Juan Bautista? Sa palagay mo, bakit inilarawan ni Jesus si Juan Bautista sa ganitong paraan? Paano matutularan ng mga disipulo ni Jesucristo ngayon ang halimbawa ni Juan Bautista?

  • Sa kanyang mensaheng “The Aaronic Priesthood—a Gift from God,” itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Responsibilidad ng mga [deacon, teacher, at priest] na pangalagaan ang Simbahan at tiyakin na walang kasamaan at anyayahan ang lahat na lumapit kay Cristo.”1 Sa Simbahan ngayon, marami sa maytaglay ng Aaronic Priesthood ay mga kabataang lalaki. Paano magagampanan nang makabuluhan ng mga kabataang ito ang mga tungkuling ito sa kanilang mga ward at branch ngayon?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ang salaysay ni Oliver Cowdery tungkol sa pagpapanumbalik ng Aaronic Priesthood ay nagdaragdag ng konteksto at detalye sa ating pagkaunawa sa nangyari noong araw na iyon. Basahin ang kanyang salaysay na matatagpuan sa katapusan ng Joseph Smith—Kasaysayan. Anyayahan ang mga kagrupo na ibahagi kung aling mga detalye ang partikular na makabuluhan sa kanila. Pagkatapos ay anyayahan ang mga kagrupo na isipin kung ano kaya ang pakiramdam kung kasama nila sina Joseph at Oliver noong araw na iyon. Sa inyong palagay, bakit mahalaga ang pangyayaring ito sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo?

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Ang Aaronic Priesthood ay Naglalaan ng Mahahalagang Susi at Paglilingkod

mga kabataang lalaki na nakikipag-usap sa babae

Ang Aaronic Priesthood ay kilala kung minsan bilang “nakabababang” priesthood at tinutukoy sa banal na kasulatan bilang “kaakibat sa” Melchizedek Priesthood (Doktrina at mga Tipan 107:14). Ngunit ang Aaronic Priesthood ay may taglay na mahalagang kapangyarihan at awtoridad na magbigay ng mga sagradong tipan at ordenansa na kailangan para sa kaligtasan at kadakilaan.

Nakapaloob sa Aaronic Priesthood ang mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, ang ebanghelyo ng pagsisisi, at pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 13:1; 107:20).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Inihanda ni Juan Bautista ang daan para matanggap ng sanlibutan si Jesucristo. Itinuro niya ang ebanghelyo ng pagsisisi at ng pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, at bininyagan niya ang Tagapagligtas (tingnan sa Marcos 1:1–11; Juan 1:15–34). Sa iyong palagay, bakit itinuturing na mahalagang paghahanda ang mga alituntunin at mga ordenansang ito para sa pagdating ni Cristo? Paano inihahanda ng pagsisisi at binyag ang mga disipulo ni Cristo ngayon para matanggap ang mga ordenansa sa templo at gawin at tuparin ang kaugnay na mga tipan?

  • Sa pagsasalita sa mga maytaglay ng Aaronic Priesthood tungkol sa Doktrina at mga Tipan 13, ipinayo ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Hinihimok ko kayong buksan ang Doktrina at mga Tipan … at basahin ang mga salitang ito at isaulo ang mga ito. Ang mga ito ang charter ng priesthood. … Ang mga ito ay katibayan na ang priesthood na ito ay may bisa at lubos na totoo.”2 Paano maaaring ituon ng Doktrina at mga Tipan 13 ang pokus at mga kilos ng isang kabataang maytaglay ng priesthood? Paano makatutulong ang pag-unawa sa mga katotohanang ito tungkol sa Aaronic Priesthood para maunawaan ng lahat ng miyembro ng Simbahan ang kahalagahan ng mga ordenansang tulad ng binyag at pagtanggap ng sakramento bawat linggo at ng mga tipang nauugnay sa mga ito?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Mahalaga para sa lahat ng miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na maunawaan ang mga tungkulin at pagpapala ng Aaronic Priesthood, ngunit hindi alam ng maraming miyembro ng Simbahan kung gaano kahalaga ang mga ordenansa at responsibilidad ng Aaronic Priesthood. Matututuhan ng inyong grupo ang tungkol sa mga karapatan at responsibilidad ng Aaronic Priesthood sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga sumusunod na sources, nang mag-isa o sa maliliit na grupo:

Kapag nabasa na ng mga miyembro ng grupo ang mga reperensya sa itaas, anyayahan silang ibahagi sa iba pang kagrupo ang natutuhan nila.

Alamin ang iba pa

Bahagi 3

Ang Aaronic Priesthood ang Panimulang Priesthood

mga binatilyo sa klase

Sa loob ng maraming henerasyon, inihanda ng Aaronic Priesthood ang mga anak ni Israel para sa mas mataas na batas na ibinigay kalaunan ni Jesucristo. Ang misyon ni Juan Bautista ay ihanda ang mundo para sa pagdating ni Cristo. Samakatwid, ang Aaronic Priesthood ay nakilala bilang “panimulang pagkasaserdote.” Itinuturo din sa mga banal na kasulatan na hawak ng Aaronic Priesthood ang mga susi ng panimulang ebanghelyo, na kinapapalooban ng pagsisisi at pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:26–27).

Ngayon, tumutulong ang mga maytaglay ng Aaronic Priesthood na ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Tinutulungan nila ang mga tao na maghandang gumawa at tumupad ng mga tipan at tumanggap ng mga ordenansa sa bahay ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsisisi sa kasalanan at pagpapabinyag. At ang pagtataglay ng Aaronic Priesthood ay naghahanda rin sa mga tagasunod ni Jesucristo para sa habambuhay na paglilingkod sa Melchizedek Priesthood.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ang tema ng korum ng Aaronic Priesthood ay makatutulong sa bawat kabataang lalaki na maunawaan ang kanyang banal na pagkatao at ang kanyang layunin bilang mayhawak ng priesthood. Basahin ang tema, na matatagpuan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.1.2. Sa iyong palagay, paano nakahihikayat ang temang ito sa mga kabataang lalaki na piliin ang mabuti? Anong mga aspeto ng tema ng korum ng Aaronic Priesthood ang mailalakip mo nang mas mabuti sa iyong sariling pagkadisipulo?

  • Ang mga ordenansa at mga tipang natanggap sa pamamagitan ng Aaronic Priesthood ay naghahanda sa atin para sa mga bagay na may kaugnayan sa Melchizedek Priesthood. Paano ka maihahanda ng pagsisisi, pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan, sakramento, at pamumuhay sa kaugnay na mga tipan para gumawa at tumupad ng mga tipan at tumanggap ng mga ordenansa ng bahay ng Panginoon?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ang Aaronic Priesthood ay mahalagang bahagi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ngunit pinagpapala rin nito ang bawat indibiduwal na maytaglay ng priesthood. Panoorin ang video na “Let Every Man Learn His Duty: Aaronic Priesthood” (3:34). Sa inyong palagay, paano nakakaimpluwensya ang paghawak ng priesthood sa mga desisyon ng mga kabataang lalaking ito? Habang nakikinig ang iyong grupo sa iba’t ibang kabataang lalaki na nagbabahagi kung ano ang kahulugan sa kanila ng kapangyarihan at awtoridad ng priesthood, anyayahan ang mga kagrupo na ibahagi ang kanilang mga impresyon at ideya.

Alamin ang iba pa

Mga Tala

  1. Gordon B. Hinckley, “The Aaronic Priesthood—a Gift from God,” Ensign, Mayo 1988, 46.

  2. Gordon B. Hinckley, “The Priesthood of Aaron,” Ensign, Nob. 1982, 44.