Library
Ang Papel ng mga Propeta


“Ang Papel ng mga Propeta,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)

pangkalahatang kumperensya

Mga Tanong tungkol sa Simbahan at sa Ebanghelyo

Ang Papel ng mga Propeta

Ang paghahanap ng mga sagot sa ating mga tanong ay mas maglalapit sa atin kay Jesucristo kung gagamitan natin ng mga tamang alituntunin. Mahalagang maunawaan kung paano makatanggap ng paghahayag kapag naghahanap ng mga sagot. Tingnan ang paksang “Kilalanin na ang Paghahayag ay Isang Proseso” para makita ang iba pang mga tip sa pagsagot sa mga tanong.

Buod

Noon pa mang mga unang panahon, tumawag na ang Diyos ng mga propeta para patotohanan si Jesucristo at ipahayag ang Kanyang salita. Inihahanda, tinatawag, at inaakay ng Diyos ang mga propeta na maisakatuparan ang Kanyang mga walang-hanggang layunin. Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga turo ng maraming propeta, tulad nina Moises, Isaias, Elijah, at Nephi. Bawat isa ay nagsalita sa mga tao sa kanilang wika, panahon, at lugar, na nagbibigay ng inspiradong patnubay at napapanahong mga babala.

Patuloy na tumatawag ang Diyos ng mga propeta sa ating panahon. Tumanggap si Propetang Joseph Smith ng awtoridad mula sa Diyos na pangasiwaan ang mga tipan ng ebanghelyo at mga ordenansa ng priesthood at ipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo. Tumanggap din Siya ng paghahayag na naglilinaw sa mahahalagang katotohanan tungkol sa Diyos at sa Kanyang plano para sa Kanyang mga anak. Ang naging mga kahalili niya bilang Pangulo ng Simbahan ay nagkaroon din ng awtoridad na iyon na tumanggap ng paghahayag para magdagdag ng kaalaman tungkol sa ebanghelyo at gabayan ang Simbahan. Ang alituntuning ito ng patuloy na paghahayag ay isang pangunahing bahagi ng ipinanumbalik na ebanghelyo.

Sinasang-ayunan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Pangulo ng Simbahan, ang kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, at ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Ang mga turo ng Simbahan ay ipinapahayag sa pamamagitan ng nagkakaisang tinig ng mga buhay na propetang ito. Ang doktrina ay ipinapahayag at binibigyang-kahulugan ng Pangulo ng Simbahan at sinasang-ayunan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa na kumikilos nang may pagkakaisa, na sumusunod sa huwarang ibinigay sa Doktrina at mga Tipan 107:27–31.

Tumawag ang Panginoon ng mga mortal na tao na maging Kanyang mga propeta. Tulad ng lahat ng anak ng Diyos, nararanasan nila ang mga pagsubok ng mortalidad, ngunit kumikilos ang Panginoon sa pamamagitan nila upang maisagawa ang Kanyang gawain. Inutusan Niya ang Simbahan na sundin ang kanilang payo “nang buong pagtitiis at pananampalataya.” Kung gagawin natin ito, nangangako Siya na Kanyang “itataboy … ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan [natin], at payayanigin ang kalangitan para sa [ating] ikabubuti.”

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo:

Paggalugad ng Iyong mga Tanong

Bakit mahalaga na makinig ako sa mga propeta?

Ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa mga huling araw para tulungan Siyang maisagawa ang Kanyang kagila-gilalas na gawain: Nais Niyang ituro ang mga pagpapala ng tipan, mapadali ang kapatawaran ng kasalanan, at mag-alok ng tulong na lampasan ang mga pagsubok sa lahat ng anak ng Diyos; pagkaisahin ang isang watak-watak na mundo sa Kanyang mga turo at halimbawa; at ikonekta ang lahat ng henerasyon ng sangkatauhan sa pamamagitan ng mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan.

Tumatawag ng mga propeta ang Panginoon at binibigyan sila ng awtoridad na pamahalaan ang gawaing ito. Binibigyan Niya sila ng paghahayag para tulungan silang malaman kung ano ang bibigyang-diin at kung paano isulong ang gawain ng Diyos. Kahit iba’t iba ang pinagmulan ng mga propeta at may iba’t iba silang mga talento at pananaw, mapagpakumbaba nilang hinahangad at tinatanggap ang kalooban ng Panginoon para sa Kanyang Simbahan.

Ang paghahangad ng pag-unawa at kumpirmasyon sa mga banal na tungkulin ng mga propeta sa pamamagitan ng tapat na pagsunod sa kanilang mga turo ay isang elemento ng pagiging disipulo. Ang pagsunod sa mga propeta ay maaaring mangailangan ng “pagtitiis at pananampalataya” dahil maaaring hindi natin laging maunawaan ang banal na layunin ng mga paghahayag at ang mga turong inihayag sa isang propeta. Bagama’t maaaring mayroon tayong mga tanong, hinihiling sa atin ng Panginoon na sundin ang tagubilin ng Kanyang mga lingkod nang may pananampalataya sa Kanyang lubos na kaalaman at sa kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Kapag sinusunod natin ang mga salita ng mga propeta, inaanyayahan natin ang Banal na Espiritu sa ating buhay. Sumali tayo sa isang pandaigdigang komunidad ng mga disipulo ni Jesucristo na tapat sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa. Kapag sinunod natin ang payo ng propeta, matatamo natin ang mga pagpapala ng banal na kapangyarihan at walang-hanggang kapayapaang ipinangako sa mga taong pumapasok at tumutupad sa mga tipan ng ebanghelyo.

Paano ako magtatamo ng patotoo na ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng mga propeta?

Nais ng Diyos na makinig at magtiwala ang Kanyang mga anak sa Kanyang mga propeta. Kapag naghangad tayo nang may tunay na layunin, maaari tayong magtamo ng personal na patotoo na ginagabayan Niya ang Kanyang Simbahan ngayon.

Maaari nating ipamuhay ang payo ni propetang Alma. “[Subukan ang] aking mga salita,” paghimok niya sa mga Zoramita, “at [gumamit] ng kahit bahagyang pananampalataya, oo, kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo, maging hanggang sa kayo ay maniwala sa isang pamamaraan na kayo ay magbibigay-puwang para sa isang bahagi ng aking mga salita.”

Ipinaliwanag pa ni Alma: “Ating ihahalintulad ang salita sa isang binhi. Ngayon, kung kayo ay magbibigay-puwang, na ang binhi ay maitanim sa inyong mga puso, masdan, kung iyon ay isang tunay na binhi, o isang mabuting binhi,” at “hindi ninyo ito itatapon dahil sa inyong kawalang-paniniwala, … ito ay magsisimulang lumaki sa loob ng inyong mga dibdib” at sasabihin ninyo, “Talagang ito ay mabuting binhi, o na ang salita ay mabuti, sapagkat sinisimulan nitong palakihin ang aking kaluluwa; oo, sinisimulan nitong liwanagin ang aking pang-unawa, oo, ito ay nagsisimulang maging masarap para sa akin.”

Tulad ng itinuro ni Alma, maaari nating subukan ang mga salita ng mga propeta. Halimbawa, kung saan maaari, masusunod natin ang payo ng propeta na gumawa ng regular na appointment na sumamba sa bahay ng Panginoon. Kapag ginawa natin ito, maaari nating abangan ang mga pagpapalang ipinangako ng propeta. Ang pagkilala sa mga pagpapalang ito ay nagpapalakas sa ating pananampalataya sa mga salita ng mga buhay na propeta.

Ang paglilinang ng binhi sa pamamagitan ng ating pananampalataya ay isang habambuhay na proseso, ngunit maaari tayong magsimula ngayon na magtamo ng espirituwal na katiyakan tungkol sa mga buhay na propeta at sundin ang kanilang payo nang may tiyaga at pananampalataya.

Hindi ba maaaring magkamali ang mga pinuno ng Simbahan?

Si Jesucristo lamang ang namuhay nang sakdal. Sinisikap ng mga pinuno ng Simbahan na mamuhay nang matwid at dalhin ang mga tao kay Jesucristo sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa, ngunit napapailalim sila sa kahinaan ng tao. Ang mga pinuno ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay maaaring magkamali.

Ngunit hindi dapat mawala sa ating paningin ang kanilang mahalagang papel. Tinatawag ng Panginoon ang mga miyembro ng Unang Panguluhan ng Simbahan at Korum ng Labindalawang Apostol na maging “mga natatanging saksi sa pangalan ni Cristo” at kumilos bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag sa ating panahon. Tulad ng mga sinaunang propeta, nakikipag-usap sila sa Diyos at inihahayag ang Kanyang kalooban. May banal silang awtoridad na gabayan ang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag, pangasiwaan ang mga ordenansa ng ebanghelyo, at pamahalaan ang gawain ng Panginoon sa lupa. Hindi ito nangangahulugan na alam nila ang lahat ng bagay. Kumikilos sila ayon sa liwanag na ibinigay sa kanila ng Panginoon, naghahanap ng karagdagang kaalaman sa pamamagitan ng patuloy na paghahayag, at umaasa sa nagpapalakas na kapangyarihang natatanggap nila sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Laging kumikilos ang Panginoon sa pamamagitan ng mga mortal na propeta sa kabila ng kanilang kahinaan. Tulad ni Jonas na tinakasan ang tungkulin sa Ninive, ni Pedro na pinutol ang tainga ng sundalo, o ni Joseph Smith na ibinigay ang mga pahina ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon kay Martin Harris, maaaring magkamali ang mga propeta kung minsan. Sa gayong mga sitwasyon, itinutuwid ng Panginoon ang Kanyang mga lingkod, at matapos nilang magsisi, pinagpapala Niya sila para magampanan ang gawaing ipinagagawa Niya sa kanila.

Mahalagang tandaan kung paano itinatatag ang doktrina ng Simbahan. Ang doktrina ay ipinapahayag at binibigyang-kahulugan ng Pangulo ng Simbahan at sinasang-ayunan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa na kumikilos nang may pagkakaisa, na sumusunod sa huwarang ibinigay sa Doktrina at mga Tipan 107:27–31. “Ang pangangailangang ito sa pagkakaisa ay nagsisilbing gabay para maiwasan ang pagbibigay ng pabor sa personal na kagustuhan. Tinitiyak nito na ang Diyos ang namamahala sa pamamagitan ng Espiritu, hindi ang tao sa pamamagitan ng mayorya o kompromiso.” Ang turo ng isang lider ng Simbahan ay maaaring kumatawan sa “personal na opinyon, bagama’t pinag-isipang mabuti, at hindi nilayong maging opisyal o maybisa sa buong Simbahan.”

Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, bawat isa sa atin ay maaaring tumanggap ng personal na katiyakan na ang mga propeta ay tinawag ng Diyos at na pinamamahalaan Niya ang Kanyang gawain sa pamamagitan nila.

Ano ang ibig sabihin ng hindi kailanman ililigaw ng propeta ang Simbahan?

Sabi ni Pangulong Wilford Woodruff, “Hindi ako pahihintulutan ng Panginoon kailanman o ang sinumang tao na tumatayo bilang Pangulo ng Simbahang ito na akayin kayo sa pagkaligaw.” Muling pinagtibay ng mga propeta at apostol ang turong ito sa iba’t ibang henerasyon. Ang doktrina ay ipinapahayag at binibigyang-kahulugan ng Pangulo ng Simbahan at sinasang-ayunan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa na kumikilos nang may pagkakaisa, na sumusunod sa huwarang ibinigay sa Doktrina at mga Tipan 107:27–31.

Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na ang kabuuan ng ipinanumbalik na ebanghelyo at ang awtoridad ng priesthood ay hindi na muling kukunin sa mundo. Nangangahulugan ito na laging gagabayan ng Diyos ang mga propeta para matiyak na tinutupad ng Simbahan ang misyon nito na ihanda ang Kanyang mga anak para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan. Patuloy Niyang ihahayag ang Kanyang kalooban sa mga propeta nang taludtod sa taludtod, na magdaragdag sa ating pang-unawa at mag-aalis ng kamalian bilang bahagi ng nagaganap na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo.

Bakit nagbabago ang ilang bagay sa Simbahan sa paglipas ng panahon?

Sa Doktrina at mga Tipan 1:30, ipinahayag ng Panginoon na ang Simbahan “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo.” Subalit lahat ng nabubuhay ay umuunlad at nagbabago. Iba na ang mga gawi ng Simbahan ngayon kaysa noong ilang taon pa lamang ang nakalipas. Ito ay isang mahalagang bahagi ng Simbahan, na nakasalig sa alituntunin ng patuloy na paghahayag. Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na ang Diyos ay “maghahayag pa ng maraming dakila at mahalagang bagay.”

Ang patuloy na paghahayag ay magpapalawak o magpapadalisay sa ating pang-unawa, aakay sa atin na baguhin ang ilan sa ating mga tradisyon, at tutulong sa atin na mas mapalapit sa huwaran ng Sion. Inaakma ng pandaigdigang Simbahan ang mga patakaran nito para matugunan ang mga pangangailangan sa partikular na mga panahon at lugar. Tutal naman, ang mga pangangailangan ng mga Banal sa hangganan ng Amerika noong ika-19 na siglo ay ibang-iba sa maraming paraan mula sa mga pangangailangan ng milyun-milyong miyembro ng Simbahan na nakakalat sa buong mundo ngayon.

Karamihan sa mga pagbabagong nararanasan natin sa Simbahan ay kinapapalooban ng praktikal na pagpapatupad ng mga alituntunin ng ebanghelyo, tulad ng kung paano tayo sumasamba sa araw ng Sabbath o naglilingkod sa isa’t isa sa ating mga ward at branch. Ang paghahayag kung minsan ay humantong na sa mas makabuluhang mga pagbabago sa mga turo at gawi ng Simbahan. Kabilang sa mga halimbawa ang mga opisyal na pahayag na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan, na humantong sa pagwawakas ng pagpapakasal sa maraming asawa at pagkakaloob ng priesthood at mga pagpapala ng templo sa lahat anuman ang lahi.

Mas mahalaga ba ang mga turo ng mga buhay na propeta kaysa sa mga turo ng mga banal na kasulatan o ng mga nakaraang pinuno ng Simbahan?

Ang mga buhay na propeta, ang mga banal na kasulatan, at ang mga nakaraang pinuno ng Simbahan ay mahalagang lahat. Ang pangunahing layunin ng tatlong pinagmumulang ito ng katotohanan ay ang magpatotoo sa nakapagliligtas na misyon ni Jesucristo. Dapat nating hangaring maunawaan ang mahalagang papel ng bawat pinagmumulan at kung paano sila nauugnay sa isa’t isa.

Ang mga banal na kasulatan ay pinagmumulan ng mahahalagang katotohanang inihayag sa loob ng libu-libong taon at sa maraming kultura. Palagi nila tayong tinutulungan na manatiling nakatuon sa mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo. Nagpapatotoo sila tungkol kay Cristo at nagbibigay ng pagkakataon na mangusap sa atin ang Espiritu. Ang mga turo ng mga nakaraang propeta ng Pagpapanumbalik ay nagbibigay ng gayon ding espirituwal na resource. Dapat nating hangaring maunawaan ang mga banal na kasulatan at ang mga turo ng mga nakaraang propeta ayon sa konteksto na ibinigay ang mga ito at mapagpasalamat na tanggapin ang mga inihayag na katotohanang ibinabahagi nila.

Hawak ng mga buhay na propeta ang mga susi ng priesthood na kailangan para pamunuan ang Simbahan at pangasiwaan ang mga ordenansa ng ebanghelyo ngayon. Idinaragdag nila ang kanilang patotoo kay Cristo sa mga ipinahayag ng mga nakaraang propeta. Tinutulungan tayo nito na makita kung paano naaangkop ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa ating kasalukuyang sitwasyon. Tumatanggap sila ng bagong paghahayag para sa Simbahan, inaakma nila ang nakaraang mga tagubilin sa mga kasalukuyang sitwasyon ayon sa utos ng Panginoon. Ang kanilang mga turo kung minsan ay pumapalit sa mga turo ng mga nakaraang propeta. Kadalasan, ang kanilang mga salita ay nagpapatibay sa mga turo ng mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga nakaraang propeta.

Alamin ang iba pa