“Kilalanin na ang Paghahayag ay Isang Proseso,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Paghahanap ng mga Sagot sa Iyong mga Tanong
Kilalanin na ang Paghahayag ay Isang Proseso
Madaling isipin na kapag nais ng Diyos na may ipahayag na isang bagay, nakikipag-ugnayan lang Siya sa mga lider ng Simbahan upang ipaalam ito sa kanila. Ngunit ang kasaysayan ng Pagpapanumbalik ay nagpapakita na ang paghahayag ay isang proseso ng paghahangad na malaman ang kalooban ng Diyos at kadalasang natatanggap matapos magnilay-nilay at magsumamo. Totoo ito para sa mga propeta at para sa bawat isa sa atin. Hinikayat tayong lahat ni Pangulong Russell M. Nelson na “dagdagan ang [ating kasalukuyang] espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag.”1
Narito ang ilang alituntunin na tutulong sa iyo habang pinag-aaralan mo ang paglalahad ng paghahayag, kapwa sa Simbahan at sa sarili mong buhay:
-
Tandaan na ang paghahayag ay karaniwang nagsisimula sa mga tanong. Inilalarawan ng halimbawa ni Joseph Smith na ang ating kalayaang pumili at tapat na mga tanong ay may mahalagang papel na ginagampanan sa proseso ng paghahayag. Halos bawat bahagi ng Doktrina at mga Tipan ay dumating bilang sagot sa isang tanong. Itinuro ng Panginoon kay Joseph na pag-aralan ang mga bagay-bagay sa kanyang isipan at hangarin ang diwa ng paghahayag. Ang proseso ng pagharap sa mga problema, paghahangad ng pag-unawa, pagsusuri ng iba’t ibang posibleng sagot, at pagdarasal para mapatnubayan ay naghahanda sa ating puso at nagbubukas sa ating isipan. Tinutulungan tayo nitong makatanggap, makaunawa, at kumilos ayon sa paghahayag.
-
Kilalanin na ang paghahayag ay dumarating nang taludtod sa taludtod. “Saksi tayo sa isang proseso ng panunumbalik,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson. “Kung inaakala ninyo na lubos nang naipanumbalik ang Simbahan, simula pa lang ang nakikita ninyo.”2 Ito ay buhay na Simbahan. Bagama’t hindi nagbabago ang mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo, ang mga patakaran, programa, organisasyon, at turo ng Simbahan ay inihahayag nang taludtod sa taludtod sa paglipas ng mga buwan, taon, at dekada. At nagpapatuloy ang proseso. Hindi natin palaging nakikita ang wakas mula sa simula, ngunit maaari tayong magtiwala na patuloy na makikipagtulungan ang Panginoon sa Kanyang mga anak upang mabigyan sila ng higit na kaalaman at pang-unawa.
-
Tandaan na nangungusap ang Diyos sa atin ayon sa ating pang-unawa. Lahat ng tao ay hinubog ng kultura: ng magkakatulad na paniniwala, kaugalian, wika, at pinahahalagahan. Ang mga kultura ay malaki ang pagkakaiba-iba sa bawat lugar at sa paglipas ng panahon. Ang kahandaan ng Diyos na magbigay ng paghahayag na nangungusap sa atin sa ating mga kultura at ayon sa ating pang-unawa ay isang magandang katotohanan ng Pagpapanumbalik. Ang pag-alaala rito ay makatutulong sa atin na pag-aralan ang mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga nakaraang propeta nang may pagpapakumbaba. Nangusap ang Diyos sa mga sinaunang Israelita ayon sa kanilang pang-unawa noong unang panahon. Nagsalita Siya kay Joseph Smith gamit ang mga simbolo at wika mula sa kanyang kultura ng Amerika noong 1800s. At ang Diyos ay nakikipag-ugnayan sa atin ngayon ayon sa ating limitadong kakayahan sa mga paraang mauunawaan natin.
-
Maging matapat at maniwala. Karaniwang ipinapahayag ng mga Banal sa mga Huling Araw ang “Alam ko” kapag nagbabahagi sila ng kanilang patotoo. Ang taos-pusong pagpapahayag na ito ay naglalarawan ng mga personal na espirituwal na karanasan na natamo sa pamamagitan ng pag-aaral at pamumuhay ng ebanghelyo. Ngunit lahat tayo ay namumuhay ayon sa pananampalataya natin. Hinihiling lang sa atin ni Jesucristo na simulan ito sa paniniwala. OK lang kung may mga pag-aalinlangan ka. OK lang kung ang mayroon ka lang ngayon ay ang pagnanais na maniwala. Tulad ng ama na humiling kay Jesus na pagalingin ang kanyang anak, masasabi mong,“[Panginoon,] nananampalataya ako; tulungan mo ang kawalan ko ng pananampalataya.”3
-
Tandaan na lahat ng kabutihan ay nagmumula sa Diyos. Nang magpakita ang anghel na si Moroni kay Joseph Smith, binigkas niya ang propesiya ni Joel na ibubuhos ng Panginoon ang Kanyang Espiritu sa lahat ng laman.4 Bagama’t maraming kasamaan sa mundo, puspos din ito ng kabutihan at katotohanan. Kabilang dito ang mga pag-unlad sa siyensya at medisina at mga pagsisikap na dagdagan ang paggalang sa lahat ng tao. Itinuro ng mga lider ng Simbahan na ang Diyos ay nangungusap sa mga tao sa bawat kultura. Tulad ng pag-anyaya natin sa iba na sumama sa atin at “dalhin ninyo ang lahat ng kabutihan ninyo,” tinatanggap natin ang katotohanan saanman natin ito matagpuan.5
-
Dapat ninyong malaman na ang pagtatamo ng paghahayag ay maaaring mahirap. Bagama’t ang mga sagot sa ating mga tanong ay dumarating nang mabilis at madali, ang paghahayag ay maaari ding tumagal ng maraming taon ng pagpapagal. Ang ating sitwasyon sa buhay ay maaari ding maging dahilan para mahirapan tayo kapag naghahangad tayo ng personal na paghahayag. Halimbawa, may mga taong nakararanas ng mga sakit tulad ng depresyon kaya mas nahihirapang mapalapit sa Diyos. Magagawa natin ang ating bahagi sa pagharap sa mga hamong ito habang patuloy na nagtitiwala na tutulungan tayo ng Panginoon na makasumpong ng kapayapaan. Kung hindi ka nakatatanggap ng mga sagot mula sa Diyos hindi ito nangangahulugan na may ginagawa kang mali. Maging matiyaga at linangin ang iyong pananampalataya habang naghihintay ka sa Panginoon.
-
Patuloy na maghangad ng paghahayag. Habang naghahanap ka ng kapayapaan na may kaugnayan sa iyong mga tanong, patuloy na gawin ang mahahalagang bagay: manalangin, mag-aral ng mga banal na kasulatan, tumanggap ng sakramento, magsikap na sundin ang mga kautusan, at sumamba sa templo. Dagdag pa rito, maaari kang maghangad na mapalapit sa Panginoon sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba sa inyong pamilya, kongregasyon, o komunidad; sa pag-uukol ng panahon sa kalikasan; o sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga espirituwal na bagay. Ang paglapit sa Diyos ay tutulong na matiyak na nananatiling bukas ang mga daluyan ng paghahayag.
Mahahalagang banal na kasulatan: Santiago 1:5–6; 2 Nephi 28:30; 31:3; Alma 5:45–47; Doktrina at mga Tipan 1:24; 88:63