Library
Ituon ang Iyong Buhay kay Jesucristo


“Ituon ang Iyong Buhay kay Jesucristo,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

pamilya sa Africa na magkakasamang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Paghahanap ng mga Sagot sa Iyong mga Tanong

Ituon ang Iyong Buhay kay Jesucristo

Ang pananampalataya kay Jesucristo ay mahalaga sa hangarin nating makahanap ng mga sagot sa pinakamahihirap na tanong sa buhay. Madalas nating isipin na ang pananampalataya ay isang matibay na paniniwala. Ngunit ang pananampalataya ay higit pa sa paniniwala. Kinapapalooban ito ng tiwala, kumpiyansa, at katapatan. Kapag tayo ay may mahihirap na tanong o alalahanin, lagi tayong makababaling kay Jesucristo. Lalago ang ating pananampalataya habang nakikinig tayo sa Kanyang mga salita, sumusunod sa Kanyang mga turo, at nagsisikap na mahalin ang iba sa paraan ng Kanyang pagmamahal.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang kapayapaan ay darating sa inyong kaluluwa kapag nanampalataya kayo sa Prinsipe ng Kapayapaan.”1 Narito ang ilang bagay na dapat tandaan:

  • Si Jesucristo ang tiyak na saligan para sa ating pananampalataya. Sa ating pang-araw-araw na buhay, nagtitiwala tayo sa maraming tao at institusyon. Kabilang dito ang mga kapamilya, kaibigan, pamahalaan, at kumpanyang ating pinapasukan. Ngunit si Jesucristo ang tanging tao na lubos nating mapagkakatiwalaan sa inaasam nating kapayapaan at kaligtasan. Ang Simbahan ay itinatag upang magdala ng mga tao sa Kanya. Lubos kang makapagtitiwala kay Jesucristo, kahit na nahihirapan ka sa iba pang mga aspekto ng iyong pananampalataya.

  • Si Jesucristo ay lubos na dumaramay. Ang ating mabibigat na pagsubok ay mas lalong makapaglalapit sa atin sa Tagapagligtas. Walang sinuman maliban kay Cristo ang lubos na makadarama ng ating mga paghihirap. Nanangis Siya sa mga pinaglilingkuran Niya. Nakaranas Siya ng kalungkutan, dalamhati ng espiritu, at maging sa paglayo ng presensya ng Kanyang Ama. Maaari kang bumaling sa Kanya at makahanap ng pang-unawa at habag.

  • Ang plano ng kaligtasan ng Diyos ay nagbibigay ng pananaw. Marami sa ating mga tanong ang naiiba kapag sinusunod natin ang plano ng Ama sa Langit. “Dahil sa ating kaalaman sa planong ito,” itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, “nagsisimula tayo sa mga palagay na naiiba sa mga palagay ng mga taong hindi nakaaalam nito. Dahil dito, nagkakaroon tayo ng iba’t ibang konklusyon sa maraming mahahalagang paksa.”2 Ang pagsusuri sa ating mga tanong na iniisip ang plano ng kaligtasan ay makatutulong sa atin na maunawaan ang ating mga alalahanin nang may walang-hanggang pananaw.

  • May mga pangunahin at pangalawang tanong. Kung minsan may mga tanong o alalahanin tayo na may kaugnayan sa mga nangyari sa kasaysayan, mga turo at patakaran ng Simbahan, o mga kabiguan ng tao. Ang pagkakaroon ng kapayapaan sa gayong mga tanong ay nararapat sa ating tapat na pagsisikap. Ngunit mahalagang matukoy ang mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo mula sa mga bagay na hindi gayon kahalaga. Itinuro ni Joseph Smith na “lahat ng iba pang bagay ay mga karagdagan lamang” sa mga katotohanang nakapalibot sa nakapagliligtas na misyon ng Tagapagligtas.3

  • Piliing manampalataya. Ang pagkakaroon ng espirituwal na kaalaman ay nangangailangan na “[tayo ay lumakad] sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.”4 Kung maghihintay tayo hanggang sa magkaroon tayo ng nahahawakang katibayan ng mga espirituwal na bagay, hindi natin kailanman masisimulan ang proseso ng pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo. Itinuro ni Elder Dale G. Renlund, “Para lumago ang pananampalataya, kailangang piliin ng tao na manampalataya. Kailangang hangarin ng tao na manampalataya. Kailangang kumilos ang tao nang may pananampalataya”5

  • Manangan nang mahigpit sa nalalaman mo. Kapag nadarama mong hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, “manangan nang mahigpit sa nalalaman na ninyo,” payo ni Elder Jeffrey R. Holland, at “manindigan hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman.”6 Magtiwala sa iyong mga espirituwal na karanasan noon. Ang mga ito ay katibayan na ginantimpalaan ng Diyos ang iyong pananampalataya kay Jesucristo nang may espirituwal na katiyakan.

Mahahalagang banal na kasulatan: Roma 8:35, 37–39; 2 Nephi 4:34–35; Mosias 4:9; Helaman 5:12