“Sikaping Unawain ang Nakaraan,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Paghahanap ng mga Sagot sa Iyong mga Tanong
Sikaping Unawain ang Nakaraan
Ang pag-aaral ng kasaysayan ng Simbahan ay makatutulong sa atin na makita ang kamay ng Diyos sa buhay ng Kanyang mga anak. Sagana ito sa mga kuwento ng pananampalataya, tapang, at kabutihan ng mga naunang Banal sa mga Huling Araw. Kung minsan, inihahayag din nito ang kanilang mga kahinaan bilang tao at nagpapakita ng mga paghihirap na kinakaharap nating lahat habang nagsisikap tayong sundin si Jesucristo. Ang pagharap sa mga kasalimuutan ng kasaysayan ng Simbahan o pag-aaral tungkol sa mga bagay ng nakaraan na hindi tugma sa ating mga inaasahan ay maaaring humamon sa ating pananampalataya.
Bawat isa sa atin ay iba ang pagtugon sa bagong impormasyon tungkol sa kasaysayan. Ang mga tanong na nakakabagabag sa isang tao ay maaaring magbigay ng lakas sa iba. Lahat tayo ay may iba’t ibang palagay, inaasahan, karanasan sa buhay, at kaalaman sa paghahangad nating makaunawa. Ang pagsasabuhay ng mga sumusunod na alituntunin habang pinag-aaralan natin ang kasaysayan ay makatutulong sa atin na makita ang nakaraan nang mas malinaw at makabuluhan:
-
Kilalanin ang mga limitasyon ng ating kaalaman. Ang mga kasaysayan ay mga interpretasyon ng nakaraan batay sa limitadong sources na nananatili. Maraming bagay tayong masasabi nang may kumpiyansa tungkol sa nakaraan. Ngunit maraming bagay ang hindi natin alam. At ang impormasyong nasa atin ay halos palaging may isa o mahigit na interpretasyon. Kapag nanatili tayong mapagkumbaba tungkol sa inaakala nating alam natin, mas magiging bukas tayo sa mga bagong paliwanag habang naglalabasan ang karagdagang sources. Alalahanin na kung minsan maaari nating maranasan ang kalituhan o kawalan ng katiyakan, maging sa mahahalagang tanong.
-
Asahan ang pagbabago. Kapag pinag-aaralan natin ang nakaraan, nakikita natin kung minsan na ang mga gawain, turo, at ideya na inaakala nating hindi nagbabago ay talagang nagbago nang kaunti. Ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo ay walang hanggan, ngunit ang mga paraan na nauunawaan at ipinahahayag ang mga ito sa paglipas ng panahon ay nagpapahiwatig na ang paghahayag ay sadyang natatanggap nang taludtod sa taludtod at ang kultura ng tao ay patuloy na nagbabago. Ang alituntunin ng patuloy na paghahayag ay tumutulong sa atin na harapin ang mga pagbabagong ito. Maaari mong malaman na ang pag-aaral pa tungkol sa maraming bagay na nagbago ay mas nagpapadali na mahiwatigan ang mga bagay na nagtatagal.
-
Ilagay sa konteksto ang mga bagay-bagay. Minsan ay may nagsabing, “Ang nakaraan ay isang banyagang bansa: iba ang ginagawa nila roon.”1 Ang mga tao noon ay may iba’t ibang palagay tungkol sa mundo kaysa sa atin. Gumamit sila ng iba’t ibang paglalarawan at mga salita para ilarawan ang kanilang karanasan. Kung nais nating mas maunawaan ang mga salita at kilos ng mga tao noon, kailangan din nating maunawaan ang kultura at konteksto kung saan nangyari ang mga ito. Hindi ibig sabihin niyan na hindi natin matatanggihan ang mga bagay-bagay tungkol sa mga nakaraang kultura. Sa katunayan, may ilang bagay mula sa nakaraan na isinasamo sa atin ng ebanghelyo na tanggihan. Ngunit ang pag-unawa sa konteksto ng kasaysayan ay tumutulong sa atin na iwasang igiit ang ating kasalukuyang mga pananaw sa mga tao noong araw na nagiging sanhi ng di-pagkakaunawaan.
-
Tandaan na nagkakamali ang mga tao. Kapag nagkukuwento tayo mula sa kasaysayan ng Simbahan, madalas tayong magtuon sa mga kabayanihan at masasayang wakas. Magandang alalahanin ang mga tao sa pinakamainam na sandali ng kanilang buhay. Ngunit kung minsan nalilimutan natin na ang mga naunang Banal sa mga Huling Araw, kabilang na ang mga naunang lider ng Simbahan, ay mga tao lamang. Ang mga tao ay may mga kahinaan. Nagkakamali sila. Nagkakasala sila. Alalahanin na ginagamit ng Diyos ang mga taong hindi perpekto para maisakatuparan ang Kanyang gawain. Maaari tayong matuto sa kanilang mga kontribusyon at sa kanilang mga pagkakamali. At bagama’t makabubuting tingnan ang mga aspekto ng kasaysayan ng Simbahan nang walang pagkiling, huwag pagtuunan ang mga ito sa paraang malilimutan mo ang mabuti at ang maganda.
-
Mag-ingat sa mga maling interpretasyon. Hindi lahat ng interpretasyon ng mga nakaraang pangyayari ay totoo rin. Maraming sinasabi ang mga tao tungkol sa kasaysayan ng Simbahan, kapwa kanais-nais at mapagsalungat, na hindi natutugunan ang mga pamantayan para sa katumpakan, pagiging mapagkakatiwalan, at katarungan. Totoo ito lalo na sa panahon na maaaring ilathala ng sinuman ang kanilang mga pananaw sa pag-klik lamang sa isang button. Iniutos sa atin ng Panginoon na maghangad ng karunungan “sa mga pinakamabubuting aklat.”2 Bilang estudyante ng kasaysayan ng Simbahan, magagamit mo kapwa ang karunungan at ang kaloob na Espiritu Santo.
Mahahalagang banal na kasulatan: 1 Nephi 11:17; Doktrina at mga Tipan 88:118