Library
Mga Anak ng Diyos


“Mga Anak ng Diyos,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

mga bata na kasama ang Diyos

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Mga Anak ng Diyos

Ang katangiang naglalarawan sa bawat tao sa mundo

Kunwari ay may kinakausap kang isang tao sa unang pagkakataon at sinabi niyang, “Ipakilala mo sa akin ang sarili mo.” Ano ang sasabihin mo? Depende ito sa sitwasyon, siyempre, ngunit ang mga impormasyong pipiliin mong ibahagi ay magsasabi nang husto tungkol sa kung ano ang tingin mo sa sarili mo—at kung ano ang gusto mong tingin sa iyo ng iba.

May isang impormasyon tungkol sa iyo na mas mahalaga kaysa sa lahat ng iba pa. At bagama’t maaaring hindi mo ito banggitin kapag ipinapakilala mo ang iyong sarili, mas mahalaga ito sa iyong identidad kaysa sa iyong pangalan, bayan, o personal na interes. Ito ang katotohanang ikaw ay anak ng Diyos. Siya ang iyong Ama. Tulad ng mayroon kang mga magulang sa lupa na pinagmanahan mo ng pisikal na mga katangian, ikaw rin ay “minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, [ikaw ay] may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos.”1 Paano makakaapekto ang katotohanang ito sa paraan ng pagtingin mo sa iyong sarili? Paano nito mababago ang iyong pamamaraan sa mga hamon at oportunidad sa buhay?

Ano ang Ibig Sabihin ng Maging Anak ng Diyos?

Lahat ng tao ay mga anak na lalaki at babae ng mapagmahal na Ama sa Langit. Bilang literal na anak ng Diyos, espirituwal na isinilang sa premortal na buhay, bawat tao ay may banal at walang hanggang potensyal (tingnan sa Roma 8:16–17).

Buod ng Paksa: Mga Espiritung Anak ng mga Magulang sa Langit

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Ang Diyos Ama, Plano ng Kaligtasan, Buhay Bago ang Buhay sa Mundo

Bahagi 1

Ang Diyos ay Hindi Lamang Iyong Lumikha; Siya ang Iyong Ama

pamilyang nakangiti

Lahat ay may ama sa lupa, at walang sinuman sa mga amang iyon ang perpekto. Gayunpaman, anuman ang ating mga karanasan sa mga ama at pagiging ama sa lupa, mayroon din tayong Ama sa Langit na taglay ang dapat na mga katangian ng isang ama—mapagmahal, mapagsuporta, matalino, di-makasarili, tapat na nagnanais na magtagumpay ka. Ang pinakamakapangyarihan at pinakamaluwalhating Nilalang sa sansinukob ay nagmamahal sa iyo bilang Kanyang minamahal na anak. Lubos ka Niyang nauunawaan at alam niya kung ano mismo ang kailangan mo para umunlad ka, sumulong at magkaroon ng walang-hanggang kagalakan. Ang mga titulo na tulad ng “Kataas-taasang Katauhan,” “Lumikha,” at “Pinakamakapangyarihang Hari,” ay tiyak na angkop sa Kanya. Ngunit, higit sa lahat, nais Niyang makilala mo Siya bilang “Ama.”

Mga bagay na pag-iisipan

  • Nalaman ni Moises sa isang makalangit na pangitain na siya ay anak ng Diyos. Basahin ang kanyang karanasan sa Moises 1:1–11. Pansinin din sa talata 12–18 kung paano nakatulong kay Moises ang kaalamang ito nang subukan siyang tuksuhin ni Satanas. Pag-isipang mabuti kung paano makatutulong sa iyo ang pag-alaala na ikaw ay anak ng Diyos sa oras ng tukso.

  • Ikinuwento ni Elder Brian K. Taylor ang tungkol sa isang dalagita na nagsabing, “Ang pagkabatid na ako ay anak ng Diyos ang pinakamakapangyarihang kaalamang taglay ko!” Basahin ang tungkol sa kanya sa “Ako ba ay Anak ng Diyos?2 para malaman kung bakit niya sinabi iyon. Bakit napakalaking kaibhan sa buhay niya ang kaalamang ang Diyos ang kanyang Ama? Ano ang kaibhang magagawa nito sa iyong buhay?

  • Nakagawa ka na ba ng ilang uri ng craft o artwork? O nakagawa ka na siguro ng isang bagay na gaya ng iskedyul, badyet, o pagkain. Isipin kung paano naiiba ang iyong kaugnayan sa bagay na nilikha mo sa kaugnayan ng isang magulang at ng isang anak. Pag-isipan ito habang pinagninilayan mo ang mga banal na kasulatang ito: Galacia 4:6–7; 1 Juan 3:2. Bakit mahalagang malaman mo na ikaw ay anak na babae o lalaki—hindi lamang likha—ng Diyos?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Para maituro ang ating potensyal bilang mga anak ng Diyos, isipin kung paano mo mailalarawan na ang mga magulang at kanilang mga anak ay may pagkakatulad sa mga pisikal na katangian. Maaari ka sigurong magpakita ng mga larawan ng mga magulang at ng kanilang mga anak at maghanap ng mga pagkakatulad. Pagkatapos ay maaari mong basahin ang ilang talata sa banal na kasulatan tungkol sa mga katangian ng Ama sa Langit, tulad ng mga ito:

    Anong katibayan ng mga katangiang ito ang nakikita natin sa isa’t isa? Paano natin mas matataglay ang mga ito at maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit?

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Ituring ang Lahat na mga Anak ng Diyos

kababaihang nag-uusap

Karaniwang marinig ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na tawagin ang isa’t isa na “brother” at “sister.” Tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring, ang mga salitang ito “ay hindi lamang magiliw na pagbati o pagpapadama ng pagmamahal para sa atin. Ito ay pagpapahayag ng walang hanggang katotohanan: Ang Diyos ang literal na Ama ng buong sangkatauhan; bawat isa sa atin ay bahagi ng Kanyang walang hanggang pamilya.”3 Ang simpleng katotohanang ito ay may kapangyarihang baguhin ang paraan ng pagtrato natin sa isa’t isa. Maaaring magkakaiba tayo ng mga iniisip, kilos, at pisikal na kaanyuan, ngunit mas madaling pahalagahan at igalang ang mga pagkakaibang iyon kapag naaalala natin na, sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na espirituwal, lahat tayo ay kabilang sa iisang pamilya.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Nakasaad sa Aklat ni Mormon ang dalawang grupo ng mga tao—ang mga Nephita at ang mga Lamanita—na mahigpit na magkaaway sa maraming henerasyon. Ngunit may mga pagkakataon na nadaig ng mga grupong ito ang kanilang pagkapoot at itinuring ang isa’t isa na parang magkakapatid. Basahin ang tungkol sa mga karanasang ito sa Mosias 28:1–3; Alma 26:23–31; 27:20–24; 4 Nephi 1:1–3, 14–18. Habang nagbabasa ka, isipin kung ano ang magagawa mo para matulungan ang Tagapagligtas na maghatid ng kapayapaan sa pamilya ng Diyos.

  • Ang mga taong nakikilala mo ay malamang na hindi magpapakilala bilang anak ng Diyos, ngunit maaari mong isipin ang mga ito sa gayong paraan kapag nakilala mo sila. Subukan mo ito! At tuwing natutukso kang mag-isip nang masama tungkol sa isang tao, palitan ang kaisipang iyon ng “Ang taong ito ay anak ng Diyos.” Pansinin kung paano ito nakakaapekto sa nadarama mo tungkol sa mga tao—at ang paraan ng pakikitungo mo sa kanila.

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Maaari kang magpakita ng mga larawan ng mga tao mula sa iba’t ibang lahi, kultura, at pinagmulan. Pag-usapan ang maraming paraan na magkakatulad ang mga tao. Talakayin kung bakit nais ng Diyos na lagi nating igalang at pakitunguhan nang may kabaitan ang iba.

Alamin ang iba pa