“Buhay Bago Isilang sa Mundo” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Buhay Bago Isilang sa Mundo
Ang ating buhay kasama ang Diyos bago tayo isinilang
Kung minsan, maiisip ng karamihan sa mga tao kung ano ba ang mangyayari kapag namatay sila. Ngunit naisip mo na ba kung nabuhay ka bago ka isinilang at, kung gayon, sino ka roon?
Nalaman natin mula sa mga banal na kasulatan na bago tayo pumarito sa lupa, nanahan tayo sa piling ng Diyos at sinamba natin Siya bilang ating Amang Walang Hanggan. Tumanggap din tayo ng tagubilin at paghahanda para sa ating buhay sa mundo at piniling sundin ang plano ng ating Ama para sa ating kaligtasan.
Kabilang sa plano ng kaligtasan ang pagparito natin sa lupa. Bilang bahagi ng mortal na karanasan, tatanggap tayo ng mortal na katawan at malalambungan ang mga alaala natin tungkol sa ating premortal na buhay. Dito sa lupa, kailangan nating gamitin ang ating moral na kalayaan sa pagpili, o ang kakayahan nating pumili. Sa Malaking Kapulungan na idinaos sa ating buhay bago isilang o premortal na buhay, pinili ng Ama sa Langit si Jesucristo upang magbayad para sa ating mga kasalanan at daigin ang kamatayan, at malugod na tinanggap ni Jesus ang tungkuling ito. Nalaman natin na ang ating pag-unlad upang maging katulad ng ating Ama sa Langit ay mangangailangan ng pagsampalataya natin kay Jesucristo at pagsunod sa mga kautusan ng Diyos.
Bahagi 1
Nabuhay Ka sa Piling ng Diyos Bago Ka Isinilang
Bago tayo isinilang, tayo ay may katawang espiritu at nanahan sa piling ng Diyos bilang mga espiritung anak na babae at anak na lalaki ng mga magulang sa langit (tingnan sa Moises 3:4–5). Doon ay “kilala at sinamba [natin] ang Diyos bilang [ating] Amang Walang Hanggan.” 1 Ito ang panahon ng pagkatuto at paghahanda, at kilala tayo ng Diyos (tingnan sa Jeremias 1:5) at tinulungan tayong maghanda para sa ating buhay sa lupa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:56).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Ang mga katotohanang itinuro sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ay tumutulong sa atin na maunawaan kung paano naaakma ang ating premortal na buhay sa plano ng Ama sa Langit para sa ating kaligayahan. Basahin ang unang tatlong talata ng pagpapahayag, na nakatuon lalo na sa pagbanggit sa ating buhay bago isilang sa mundo. Paano nakatutulong ang naunawaan mo tungkol sa ating premortal na buhay kapag nahaharap ka sa mga pagsubok? Sa iyong palagay, bakit inihayag ng Diyos ang mga katotohanang ito tungkol sa premortal na buhay?
-
Wala tayong gaanong alam tungkol sa ating premortal na buhay. Gayunman, alam natin na “marami … [ang] tumanggap ng kanilang mga unang aral sa daigdig ng mga espiritu at inihanda upang bumangon sa takdang panahon ng Panginoon” (Doktrina at mga Tipan 138:56). Nang isinasaalang-alang ang nalalaman mo tungkol sa plano ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos at sa ebanghelyo ni Jesucristo, anong mga aral ang maaaring natutuhan natin sa panahong ito? Pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 138:53–57, na nakatuon lalo na sa (talata 56). Kung may patriarchal blessing ka, maaaring makatulong din ang pagbabasa nito. Paano makapagbibigay sa iyo ng tiwala sa sarili sa panahon ng paghihirap ang kaalamang nakahanda ka para sa iyong buhay sa mundo?
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Ipinaalala ni Pangulong Russell M. Nelson sa mga miyembro ng Simbahan, “Sino kayo? Una sa lahat, kayo ay anak ng Diyos.”2 Anyayahan ang lahat na magbahagi kung bakit mahalaga sa kanila ang kanilang identidad bilang mga anak ng Diyos. Pagkatapos ay magkakasamang basahin ang Mga Hebreo 12:9; Doktrina at mga Tipan 76:24; Mga Gawa 17:29; at Roma 8:16. Ano ang mga nalaman ninyo mula sa mga banal na kasulatang ito? Ano ang natutuhan ninyo sa mga banal na kasulatang ito tungkol sa kahulugan ng maging anak ng Diyos? Ibahagi sa grupo ang inyong mga ideya.
-
Isipin ang mga kuwentong sinabi sa inyo ng iba tungkol sa inyong kabataan. Kahit hindi ninyo naaalala na naging sanggol o maliit na bata kayo, ang nangyari sa inyo noon ay makaaapekto pa rin sa buong buhay ninyo. Anyayahan ang grupo na magbahagi ng ilang halimbawa. Tulad ng hindi natin maalala ang ating pagkabata, hindi rin natin maaalala ang ating buhay bago tayo isinilang sa mundo. Paano nakaiimpluwensya ang katotohanang ito sa pananaw natin tungkol sa buhay natin bago tayo isinilang sa mundo?
Alamin ang iba pa
-
Dieter F. Uchtdorf, “Ang Inyong Maligayang Paglalakbay Pauwi,” Liahona, Mayo 2013, 125–29
-
Neal A. Maxwell, “Premortality, a Glorious Reality,” Ensign, Nob. 1985, 15–18
-
“Chapter 6: Our Premortal Life,” Doctrines of the Gospel Student Manual (2010), 13–15
Bahagi 2
Si Jesucristo ay Pinili sa Premortal na Buhay Upang Maging Ating Tagapagligtas
Sa premortal na buhay, nagdaos ang Ama sa Langit ng Malaking Kapulungan upang ilahad ang Kanyang plano para sa ating walang hanggang pag-unlad. Nalaman natin na paparito tayo sa mundo, kung saan magagamit natin ang ating kalayaang moral at magiging higit na katulad ng Diyos (tingnan sa Abraham 3:23–26). Pinili ng Ama sa Langit si Jesucristo na maging Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan, at malugod Niyang tinanggap ang tungkuling iyon (tingnan sa 1 Pedro 1:19–20). Bilang ating Manunubos, gagawin Niyang posible na makabalik tayo sa piling ng Diyos sa pamamagitan ng pagdaig sa kamatayan at kasalanan.
Gayunman, hinangad ni Lucifer (Satanas) na sirain ang kalayaang ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga anak (tingnan sa Moises 4:1–3). Nais din niyang makamtan ang kaluwalhatian ng Diyos (tingnan sa Isaias 14:12–15; Doktrina at mga Tipan 76:25–29). Nagdulot ito ng malaking pagkakahati-hati sa mga anak ng Diyos (tingnan sa Abraham 3:27–28; Apocalipsis 12:7). Ang mga sumunod kay Lucifer ay pinalayas sa langit kasama niya (tingnan sa Apocalipsis 12:8–9; Doktrina at mga Tipan 29:36–37). Lahat ng tumanggap kay Jesucristo bilang Tagapagligtas ay nagkaroon ng pag-unlad at tumanggap ng pisikal na katawan sa mundo.
Ibinigay sa atin ng Diyos ang kaloob na moral na kalayaan sa pagpili. Basahin ang 2 Nephi 2:27–29, at bigyang-pansin ang ginagampanan ng kalayaang pumili sa ating buhay. Bakit mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit at ng ating mortal na karanasan ang kaloob na kalayaang pumili? Ano ang itinuturo sa iyo ng pagpapalayas kay Lucifer at sa kanyang mga alagad tungkol sa kahalagahan ng kalayaang pumili?
Si Jesucristo ay inordenan noon pa man na maging Tagapagligtas natin. Ano ang ibig sabihin ng titulong “Tagapagligtas”? Basahin ang Juan 3:17; Mga Gawa 2:21; Helaman 14:15; at Moises 1:6. Ano ang matututuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa tungkulin ni Jesucristo?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
Sa ating premortal na buhay, kilala natin ang Diyos at si Jesucristo. Sa mortalidad, wala tayong naaalala tungkol sa panahong ito at dapat tayong “lumalakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin” (2 Corinto 5:7). Kung nagtuturo ka ng mas maliliit na bata, maaari mo silang anyayahang lumakad sa silid na nakapiring upang tulungan silang maunawaan ang kahulugan nito. Bilang grupo, pag-aralan ang ilan sa mga banal na kasulatan na nakatala sa ilalim ng “Pananampalataya” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Pagkatapos ay talakayin ang ginagampanan ng pananampalataya kay Jesucristo sa ating paglalakbay pabalik sa ating tahanan sa langit.
Alamin ang iba pa
-
Dallin H. Oaks, “Ang Dakilang Plano,” Liahona, Mayo 2020, 93–96
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kapulungan sa Langit,” Gospel Library
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tagapagligtas,” Gospel Library