“Mortalidad,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Mortalidad
Ang dahilan kung bakit ka narito sa mundo
Kadalasan, dahil sa kaabalahan sa buhay, hindi na natin talaga pinag-iisipan kung may anumang dakilang layunin sa lahat ng ito. Sinisikap lang nating makaraos sa isa pang araw. Subalit tila may isang bagay sa ating kalooban na inaasam na malaman kung “Bakit ako narito?” o “Ano ang layunin ng buhay?”
Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay nagpapahayag nang may katiyakan na ang iyong buhay ay may layunin, at malalaman mo ito. Sa simpleng salita, narito ka dahil ibinigay sa iyo ng iyong Ama sa Langit ang pagkakataong iyan, at masaya mong tinanggap ito. Ang layunin mo sa buhay na ito ay umunlad, matuto tungkol sa Diyos, maging higit na katulad Niya, at balang-araw ay tumanggap ng buhay na walang hanggan kasama Niya. Ang pag-unawa mo sa mga katotohanang ito ay maaaring magkaroon ng malaking impluwensya sa paraan ng pagtingin mo sa mga pagpapala at pagsubok sa buhay, kalungkutan at kagalakan.
Bahagi 1
Isang Pagkakataong Tumanggap ng Pisikal na Katawan
Mahirap isipin ang buhay kung wala ang ating mga katawan—karamihan sa nalalaman at nararanasan natin ay dumarating sa pamamagitan ng ating pisikal na mga pandamdam. Ngunit hindi ka lamang isang katawan. Mayroon kang buhay na espiritu bago ka pa man isinilang. Ibinigay sa iyo ng Diyos, na Ama ng iyong espiritu, ang pisikal na katawang ito bilang kaloob na tutulong sa iyo na maranasan ang buhay sa lupa at umunlad upang maging higit na katulad Niya. Ang pagtanggap ng pisikal na katawan at pagiging mortal ay mahalagang bahagi ng Kanyang plano para sa iyong walang hanggang kaligayahan.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Ano ang nais ng Diyos na maunawaan natin tungkol sa ating katawan? Pag-isipan ito habang binabasa mo ang Genesis 1:26–27; Moises 2:27; at 1 Corinto 6:19–20. Paano naiiba ang pagtingin ng Diyos sa iyong pisikal na katawan sa mga mensaheng nakikita at naririnig mo sa mundo? Paano nakakaapekto sa mga pagpili mo ang pagtingin mo sa iyong katawan nang tulad ng pagtingin Niya rito?
-
Maaari mong panoorin ang video na “God’s Greatest Creation” (2:51) o basahin ang artikulo ni Pangulong Russell M. Nelson na “Ang Inyong Katawan: Isang Kagila-gilalas na Kaloob na Dapat Pahalagahan.”1 Isulat ang nadarama mo tungkol sa kaloob na iyong katawan. Ano ang nahihikayat kang gawin para maipakita ang iyong pasasalamat para sa kaloob na ito?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Ang Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili ay may bahagi na pinamagatang “Ang Inyong Katawan ay Sagrado” (mga pahina 22–29). Marahil ay maaari ninyo itong basahin nang magkakasama at huminto paminsan-minsan para itanong ang tulad ng “Ano ang kahulugan nito sa inyo?” o “Paano maiimpluwensyahan ng mga alituntuning ito ang mga pagpiling ginagawa natin tungkol sa ating katawan?”
Alamin ang iba pa
-
Russell M. Nelson, “Mga Pagpapasiya para sa Kawalang-Hanggan,” Liahona, Nob. 2013, 106–9
-
Dieter F. Uchtdorf, “Ang Inyong Maligayang Paglalakbay Pauwi,” Liahona, Mayo 2013, 125–29
-
Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 245–47
Bahagi 2
Panahon para Maghanda at Patunayan ang Ating Sarili
Kung nag-aaral ka na, marahil ay alam mo na kung ano ang pakiramdam ng kumuha ng pagsusulit o exam. Ang exam ay nagbibigay sa iyo ng pagkakataon na ipakita ang natutuhan mo upang makasulong ka sa susunod na baitang o kurso at matuto pa.
Ang buhay, sa ilang paraan, ay parang pagsusulit o exam. Ang ating mga karanasan—at ang mga pagtugon natin sa mga karanasang iyon—ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong ipakita “kung [ating] gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos … ng Panginoon” (Abraham 3:25). Ngunit hindi tulad ng halos lahat ng pagsusulit sa paaralan, ang pagsubok sa buhay ay hindi lamang panahon para makita ang iyong katatagan; isa rin itong proseso sa kung ano ang iyong kahihinatnan. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari mong itama ang mga pagkakamali sa pamamagitan ng pagsisisi at unti-unting maging higit na katulad ng Diyos. Kung gagamitin natin ang ating panahon sa mundo upang bumaling kay Cristo at tanggapin ang Kanyang ebanghelyo, magagamit Niya ang ating mga karanasan sa mortalidad—kabilang na ang masasakit at malulungkot na mga karanasan—upang ihanda tayo sa kawalang-hanggan (tingnan sa Roma 8:28).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Kung may nagtanong sa iyo ng “Ano ang layunin ng buhay?” ano ang sasabihin mo? Isipin kung paano maaaring makatulong ang mga talata mula sa mga banal na kasulatan na ito sa paghahanap mo ng sagot: Alma 12:24; 34:31–37; Doktrina at mga Tipan 84:43–48. Paano ka “[naghahanda] sa pagharap sa Diyos”?
-
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang buhay na ito talaga ay ang panahon na magpapasiya kayo kung anong klaseng pamumuhay ang gusto ninyo magpakailanman.”2 Itanong sa iyong sarili, “Anong uri ng buhay ang nais ko magpakailanman? Anong mga pagpili ang ginagawa ko na hahantong sa mithiing iyon? Mayroon bang anumang pagbabago na kailangan kong gawin? Paano ko magagamit ang kapangyarihan ng Tagapagligtas para matulungan akong gawin ang mga pagbabagong iyon?”
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Sa video na “The Challenge to Become,”3 ibinahagi ni Pangulong Dallin H. Oaks ang isang talinghaga tungkol sa isang mayamang ama. Ang talinghagang ito ay maaaring maghikayat ng talakayan tungkol sa mga layunin ng ating Ama sa Langit para sa atin sa buhay na ito. Maaari ninyong pag-usapan kung paano maaaring matulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maghanda para sa kanilang hinaharap. Paano kayo inihahanda ng Ama sa Langit para sa mga pagpapalang nais Niyang ibigay sa inyo sa hinaharap? Marahil ay maaari ninyong ibahagi sa isa’t isa ang ilang karanasan at pagpili na tumutulong sa inyo na maghanda para sa buhay na walang hanggan.
Alamin ang iba pa
-
Roma 5:3–5; 1 Pedro 1:6–7; Doktrina at mga Tipan 121:7–8; 122:5–7
-
David A. Bednar, “Susubukin Natin Sila,” Liahona, Nob. 2020, 8–11
Bahagi 3
Isang Paraan para Makadama ng Kagalakan kay Jesucristo
Ibinuod ni propetang Lehi ang layunin ng buhay sa isang maikling pangungusap: “Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25). Ngunit maging si Lehi ay hindi naging madali ang buhay. Dinanas niya ang lahat ng uri ng pag-aalala at kalungkutan—kinailangan niyang lisanin ang kanyang tahanan upang iligtas ang kanyang buhay, at dalawa sa kanyang mga anak ang naghimagsik laban sa kanya. Tungkol sa paglalarawan ni Lehi sa layunin ng buhay, sinabi ni Pangulong Nelson: “Isipin ninyo iyan! Sa lahat ng salitang magagamit [ni Lehi] para ilarawan ang likas na layunin ng ating buhay dito sa lupa, pinili niya ang salitang kagalakan!”4 Sa kabila ng lahat ng pagsubok at paghihirap sa buhay na ito, hindi natin dapat kalimutan kailanman na ang talagang nais ng ating Ama, sa huli, ay matanggap natin ang kagalakang taglay Niya.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Sa mga panahong hindi gaanong masaya—at lahat tayo ay nakararanas niyan—makatutulong ang isang banal na kasulatan na tulad ng Mga Hebreo 4:14–16. Ano ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito? Ano ang dahilan kaya makapagbibigay Siya ng “[tulong] sa panahon ng pangangailangan”?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Sama-samang tuklasin ang itinuro ni Pangulong Nelson kung paano makasusumpong ng kagalakan sa mensaheng “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan.”5 Maaari ninyong ibahagi sa isa’t isa kung paano kayo nagkaroon ng kagalakan kay Cristo, kahit sa mahihirap na panahon.
Alamin ang iba pa
-
D. Todd Christofferson, “Ang Kagalakan ng mga Banal,” Liahona, Nob. 2019, 15–18