Susubukin Natin Sila
Ngayon na ang panahon para maghanda at patunayang gusto at kaya nating gawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa atin ng Panginoon nating Diyos.
Dalangin ko na tulungan tayo ng Espiritu Santo habang ibinabahagi ko ang mga naisip at nadama ko sa paghahanda ko para sa pangkalahatang kumperensyang ito.
Ang Kahalagahan ng mga Pagsusulit
Sa mahigit dalawang dekada bago ako tawaging maglingkod nang full-time sa Simbahan, nagtrabaho ako bilang guro at tagapangasiwa sa isang unibersidad. Ang unang responsibilidad ko bilang guro ay tulungan ang mga estudyate kung paano matuto sa kanilang sarili. Mahalagang bahagi ng trabaho ko ang paggawa, pagbibigay ng grado at feedback sa resulta ng kanilang mga pagsusulit. Tulad ng maaaring alam na ninyo batay sa personal na karanasan, kadalasan ang pagsusulit ay bahagi ng pag-aaral na hindi gaanong gusto ng mga estudyante!
Ngunit ang pana-panahong mga pagsusulit ay mahalaga sa pagkatuto. Tinutulungan tayo ng epektibong pagsusulit na maikumpara ang kailangan nating malaman at ang nalalaman na natin tungkol sa isang partikular na paksa; nagbibigay din ito ng batayan para masuri kung may natutuhan tayo at kung may progreso tayo.
Gayundin, ang mga pagsusulit sa paaralan ng mortalidad ay mahalagang bahagi ng walang-hanggang pag-unlad. Kapansin-pansin, gayunpaman, na ang salitang pagsusulit ay hindi makikita ni minsan sa teksto ng mga Pamantayang Aklat sa Tagalog. Sa halip, ang mga salitang tulad ng subukin, siyasatin, at suriin ay ginagamit upang ilarawan ang iba’t ibang paraan ng angkop na pagpapakita ng ating espirituwal na kaalaman, pag-unawa, at katapatan sa walang-hanggang plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit at ng ating kakayahang hangarin ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
Siya na may-akda ng plano ng kaligtasan ay inilarawan ang pinakalayunin ng ating pagsubok sa buhay gamit ang mga salitang subukin, siyasatin, at suriin sa sinauna at makabagong banal na kasulatan. “At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.” 1
Isipin ang pagsamong ito ng Mang-aawit na si David:
“Siyasatin mo ako, O Panginoon, at ako’y subukin; ang aking puso at isipan ay iyong suriin.
“Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay nasa harapan ng aking mga mata: at ako’y lumalakad na may katapatan sa iyo.” 2
At ipinahayag ng Panginoon noong 1833, “Samakatwid, huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway, sapagkat aking napagpasiyahan sa aking puso, wika ng Panginoon, na akin kayong susubukin sa lahat ng bagay, kung kayo ay mananatiling tapat sa aking tipan, maging hanggang sa kamatayan, nang kayo ay matagpuang karapat-dapat.” 3
Pagsubok at Pagsuri sa Panahon Ngayon
Ang taong 2020 ay mailalarawan, kahit paano, ng isang pandaigdigang pandemya na sumubok, sumiyasat, at sumuri sa atin sa maraming paraan. Dalangin ko na bilang mga indibiduwal at pamilya ay matutuhan natin ang mahahalagang aral na tanging mahihirap na karanasan ang makapagtuturo sa atin. Umaasa rin ako na lahat tayo ay ganap na kikilalanin ang “kadakilaan ng Diyos” at ang katotohanan na “kanyang ilalaan ang [ating] mga paghihirap para sa [ating] kapakinabangan.” 4
Dalawang pangunahing alituntunin ang makagagabay at magpapalakas sa atin habang nakararanas tayo ng mahihirap na kalagayang susubok sa ating buhay, anuman ang mga ito: (1) ang alituntunin ng paghahanda; at (2) ang alituntunin ng patuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo.
Pagsubok at Paghahanda
Bilang mga disipulo ng Tagapagligtas, iniutos sa atin na “ihanda ang bawat kinakailangang bagay; at magtayo ng isang bahay, maging isang bahay ng panalanginan, isang bahay ng pag-aayuno, isang bahay ng pananampalataya, isang bahay ng pagkakatuto, isang bahay ng kaluwalhatian, isang bahay ng kaayusan, isang bahay ng Diyos.” 5
Ipinangako rin sa atin na “kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot.
“At maaari ninyong matakasan ang kapangyarihan ng kaaway, at matipon sa akin bilang isang mabubuting tao, na walang bahid-dungis at walang kasalanan” 6
Ang mga banal na kasulatang ito ay nagbibigay ng perpektong batayan para maisaayos at maihanda ang ating buhay at tahanan kapwa sa temporal at espirituwal. Ang ating mga pagsisikap na maghanda para sa mapanubok na karanasan ng mortalidad ay dapat tumulad sa halimbawa ng Tagapagligtas na unti-unting “lumago … sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao” 7 —pinagsama-sama na balanseng kahandaan sa intelektuwal, pisikal, espirituwal, at sa pakikisalamuha.
Isang hapon ilang buwan na ang nakalipas, nag-imbentaryo kami ni Susan ng aming imbak na pagkain at mga emergency supply. Nang panahong iyon, mabilis ang paglaganap ng COVID-19, at sunud-sunod na lindol ang yumanig sa tahanan namin sa Utah. Bagong kasal palang kami ay sinikap na naming sundin ang payo ng propeta tungkol sa paghahanda para sa mga di-inaasahang hamon, kaya ang “pagsiyasat” kung gaano ba kami kahanda sa panahon na may virus at lindol ay bagay na tila maganda at napapanahong gawin. Gusto naming malaman ang makukuha naming grado sa mga biglaang pagsusulit na ito.
Napakarami naming natutuhan. Sa maraming aspeto, sapat lang ang nagawa naming paghahanda. Sa ilang aspeto, gayunpaman, kailangang may pagbutihin dahil hindi namin nakita at natugunan ang ilang partikular na pangangailangan sa tamang panahon.
Natawa rin kami nang husto. Natuklasan namin, halimbawa, na sa pinakasulok na kabinet, may mga aytem na maraming dekada na palang nakaimbak doon. Ang totoo, natakot kaming buksan at inspeksyunin ang ilan sa mga lalagyan sa takot na makapagpakawala kami ng isa na namang pandaigdigang pandemya! Pero matutuwa kayong malaman na itinapon namin nang tama ang mga nakapipinsalang materyal, at ang kalusugan ng mundo ay hindi na manganganib.
Iniisip ng ilang miyembro ng Simbahan na hindi na importante ang mga plano at suplay para sa emergency, pag-iimbak ng pagkain, at ang 72-hour kit dahil hindi naman binanggit o binigyang-diin ito ng mga Kapatid at ang mga paksang kaugnay nito sa pangkalahatang kumperensya. Ngunit maraming dekada nang paulit-ulit na ipinayo ng mga lider ng Simbahan na maghanda. Ang patuloy na pagpapayo ng propeta ay lilikha sa paglipas ng panahon ng epektibo at malinaw na babala na mas malakas kaysa sa nagagawa ng minsanang pagsasabi lamang.
Makikita sa panahon ng kagipitan ang kakulangan ng temporal na paghahanda, sa gayunding paraan, ang pagiging kaswal at kampante sa espirituwal ay nagdudulot ng nakapipinsalang epekto sa panahon ng matitinding pagsubok. Natutuhan natin, halimbawa, sa talinghaga ng sampung birhen na ang pagpapaliban ng paghahanda ay humahantong sa kabiguan. Matatandaan na hindi naghanda nang sapat ang mga mangmang na birhen sa pagsusulit na ibinigay sa kanila sa araw ng pagdating ng lalaking ikakasal.
“Sapagka’t nang dalhin ng mga mangmang ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nangagdala ng langis:
“Ngunit ang matatalino ay nagdala ng langis sa mga lalagyan na kasama ng kanilang mga ilawan. …
“Subalit nang hatinggabi na ay may sumigaw, ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo upang salubungin siya.
“Bumangon lahat ang mga birheng iyon at iniayos ang kanilang mga ilawan.
“At sinabi ng mga hangal sa matatalino, Bigyan ninyo kami ng inyong langis, sapagkat namamatay na ang aming mga ilawan.
“Ngunit sumagot ang matatalino na nagsasabi, Maaaring hindi sapat para sa amin at para sa inyo. Kaya’t pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili kayo ng para sa inyo.
“At habang pumupunta sila upang bumili, dumating ang lalaking ikakasal. Ang mga nakapaghanda ay pumasok na kasama niya sa piging ng kasalan; at isinara ang pintuan.
“Pagkatapos ay dumating naman ang ibang mga birhen, na nagsasabi, ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami.” 8
“Ngunit sumagot siya at sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi ko kayo nakikilala.” 9
Kahit paano sa pagsusulit na ito, napatunayan ng limang mangmang na birhen na sila ay tagapakinig lamang at hindi tagatupad ng salita. 10
May kaibigan ako na masigasig na nag-aaral ng abogasya. Sa buong semestre, nag-uukol si Sam ng panahon araw-araw sa pagrerebyu, pagbubuod, at pag-aaral ng kanyang mga isinulat para sa bawat kursong pinag-aralan niya. Ganoon din ang kanyang ginawa sa lahat ng klase niya sa katapusan ng bawat linggo at bawat buwan. Dahil sa pamamaraang ito natutuhan niya ang batas at hindi lamang niya basta naisaulo ang mga detalye. At nang sumapit ang pagsusulit, handa na si Sam. Sa katunayan, para sa kanya ang pagsusulit ang pinakamadaling bahagi ng pag-aaral niya ng batas. Ang epektibo at napapanahong paghahanda ay nagbubunga ng matagumpay na pagsusulit.
Ang pamamaraan ni Sam sa kanyang pag-aaral ng batas ay nagbibigay-diin sa pangunahing huwaran ng Panginoon sa paglago at pag-unlad. “Ganito ang wika ng Panginoong Diyos: Magbibigay ako sa mga anak ng tao ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon; at pinagpala ang mga yaong nakikinig sa aking mga tuntunin, at ipahiram ang tainga sa aking mga payo, sapagkat matututo sila ng karunungan; sapagkat siya na tumatanggap ay bibigyan ko pa ng karagdagan.” 11
Inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na “pag-isipan [natin] ang [ating] mga lakad.” 12 at “siyasatin [natin] ang [ating] mga sarili kung [tayo’y] nasa pananampalataya; [at] subukin [natin] ang [ating] mga sarili.” 13 Ano ang natutuhan natin nitong nakalipas na ilang buwang pagbabago at paghihigpit sa pamumuhay natin? Ano ang kinakailangan nating pagbutihin sa buhay natin sa espirituwal, pisikal, emosyonal, at pakikisalamuha? Ngayon na ang panahon para maghanda at patunayang gusto at kaya nating gawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa atin ng Panginoon nating Diyos.
Pagsubok at Patuloy na Paglakad
Minsan ay pumunta ako sa libing ng isang batang missionary na namatay sa aksidente. Nagsalita sa serbisyo ng libing ang ama ng missionary at inilarawan nito ang pagdadalamhati sa biglaang pagkawalay ng pinakamamahal na anak. Inamin niyang hindi niya personal na maunawaan kung ano ang dahilan at bakit nangyari iyon sa ganoong panahon. Ngunit hindi ko malilimutan na sinabi rin ng butihing lalaking ito na alam niyang alam ng Diyos kung ano ang dahilan at bakit nangyari iyon sa ganoong panahon sa kanyang anak—at sapat na iyon sa kanya. Sinabi niya sa kongregasyon na sila ng kanyang pamilya, bagama’t nalulungkot, ay makakaraos din; nanatiling matibay at matatag ang kanilang mga patotoo. Tinapos niya ang kanyang mensahe sa pahayag na ito: Gusto kong malaman ninyo na para sa ebanghelyo ni Jesucristo, gagawin ng pamilya namin ang lahat. Gagawin namin ang lahat.”
Kahit napakasakit at napakahirap mawalan ng mahal sa buhay, ang mga miyembro ng magiting na pamilyang ito ay espirituwal na handang patunayan na sila ay maaaring matuto ng mga aral na may walang-hanggang kahalagahan sa pamamagitan ng mga bagay na dinanas nila. 14
Ang katapatan ay hindi kahangalan o panatisismo. Sa halip, ito ay pagtitiwala at pananalig kay Jesuscristo bilang ating Tagapagligtas, sa Kanyang pangalan, at sa Kanyang mga pangako. Habang tayo ay “patuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao,” 15 pagpapalain tayo ng walang-hanggang pananaw at bisyon na lampas sa ating limitadong kakayahan bilang mortal. Magagawa nating “sama-samang magtipon, at tumayo sa mga banal na lugar” 16 at “huwag matinag, hanggang sa ang araw ng Panginoon ay dumating.” 17
Noong naglilingkod pa ako bilang pangulo ng Brigham Young University–Idaho, dumating si Elder Jeffrey R. Holland sa kampus noong Disyembre 1998 para magsalita sa isa sa aming mga debosyonal. Nag-anyaya kami ni Susan ng grupo ng mga estudyante para makilala at makausap ni Elder Holland bago siya magbigay ng mensahe. Nang malapit na kaming matapos, tinanong ko si Eder Holland, “Kung may isang bagay lang kayong maituturo sa mga estudyanteng ito, ano iyon?”
Sagot niya:
“Nasasaksihan natin ang patuloy na tumitinding agwat ng magkatunggaling opinyon. Ang opsyong pumagitna ay aalisin sa atin bilang mga Banal sa mga Huling Araw. Ang pananatili sa gitna ay hindi na magiging opsyon.
“Kung magpapalutang-lutang ka lang sa daloy ng tubig sa ilog, wala kang mapatutunguhan. Maaanod ka lang kung saan ka dalhin ng daloy ng tubig. Ang pagpapaagos sa ilog, pagpapatangay sa alon, pagpapaanod sa daloy ng tubig ay walang kahihinatnan.
“Dapat pumili tayo. Ang hindi pagpili ay isang pagpili. Matutong pumili ngayon.”
Ang pahayag ni Elder Holland tungkol sa tumitinding polarisasyon ay maituturing na paglalarawan sa magiging kalakaran at kaganapan sa lipunan 22 taon mula nang sagutin niya ang aking tanong. Sa pagsasabi ng nakikinitang paglaki ng agwat ng mga pamamaraan ng Panginoon at ng mundo, nagbabala si Elder Holland na ang mga araw na komportableng paglalagay ng isang paa sa ipinanumbalik na ebanghelyo at ng isang paa sa mundo ay mabilis nang nawawala. Hinihikayat ng tagapaglingkod na ito ng Panginoon ang mga kabataan na pumili, maghanda, at maging matatapat na disipulo ni Jesucristo. Tinutulungan niya sila na maghanda at magpatuloy sa kabila ng mga pagsubok at mahihirap na mararanasan nila sa buhay.
Pangako at Patotoo
Ang proseso kung saan masusubukan natin ang ating sarili ay mahalagang bahagi ng dakilang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit. Ipinapangako ko na kapag tayo at naghanda at nagpatuloy sa paglakad nang may pananampalataya sa Tagapagligtas, lahat tayo ay makatatanggap ng parehong grado sa pinakahuling pagsusulit ng mortalidad: “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay: Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.” 18
Pinatototohanan ko na ang Diyos Amang Walang Hanggan ay ang ating Ama. Si Jesucristo ay Kanyang Bugtong at buhay na Anak, ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Buong galak na pinatototohanan ko ang mga katotohanang ito sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.