Isang Bagong Normal
Inaanyayahan ko kayo na mas ibaling ang inyong puso, isip, at kaluluwa sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo.
Mahal kong mga kapatid, itong dalawang araw ng kumperensya ay talagang maluwalhati! Sumasang-ayon ako kay Elder Jeffrey R. Holland. Tulad ng binanggit niya, ang mga mensahe, dalangin, at musika ay binigyan lahat ng inspirasyon ng Panginoon. Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga nakibahagi sa anumang paraan.
Sa buong kaganapan ng kumperensya, inisip ko na nakikinig kayo sa kumperensya. Hiniling ko sa Panginoon na tulungan akong maintindihan ang inyong mga nadarama, alalahanin, o mga bagay na sinisikap ninyong lutasin. Inisip ko kung ano ang masasabi ko sa pagtatapos ng kumperensyang ito na magbibigay sa inyo ng magandang pananaw sa hinaharap na alam kong nais ng Panginoon na madama ninyo.
Nabubuhay tayo sa maluwalhating panahon, na nakita ng mga propeta sa loob ng maraming siglo. Ito ang dispensasyon na walang espirituwal na kaloob na hindi ibibigay sa mabubuti.1 Kahit magulo ang mundo,2 nais ng Panginoon na tanawin natin ang hinaharap “nang may masayang pagkasabik.”3 Huwag nating paulit-ulit na balikan ang alaala ng kahapon. Patuloy na sumusulong ang pagtitipon ng Israel. Ang Panginoong Jesucristo ang namamahala sa mga ginagawa sa Kanyang Simbahan at matutupad ang mga dakilang layunin nito.
Ang hamon sa iyo at sa akin ay tiyakin na maaabot ng bawat isa sa atin ang ating banal na potensyal. Ngayon, madalas nating marinig ang “bagong normal.” Kung nais talaga ninyong isabuhay ang bagong normal, inaanyayahan ko kayo na mas ibaling ang inyong puso, isip, at kaluluwa sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak, si Jesucristo. Iyan ang gawin ninyong bagong normal.
Isabuhay ang inyong bagong normal sa pagsisisi araw-araw. Sikaping maging mas dalisay sa isip, salita, at gawa. Maglingkod sa iba. Magkaroon ng walang-hanggang pananaw. Gampanang mabuti ang inyong mga calling. At anuman ang inyong mga hamon, mga minamahal na kapatid, mamuhay araw-araw upang maging mas handa kayo na humarap sa inyong Tagapaglikha.4
Ito ang dahilan kaya tayo may mga templo. Inihahanda tayo ng mga ordenansa at tipan para sa buhay na walang-hanggan, ang pinakadakila sa lahat ng biyaya ng Diyos.5 Tulad ng alam ninyo, dahil sa pandemyang COVID, kinailangang pansamantalang isara ang ating mga templo. At sinimulan nating maingat na isagawa ang unti-unting muling pagbubukas. Ngayong nasa phase 2 na ang maraming mga templo, libu-libong magkasintahan na ang nabuklod, at libu-libo na ang nakatanggap ang kanilang endowment sa nakalipas na mga buwan. Nasasabik kami sa araw na lahat ng karapat-dapat na miyembro ng Simbahan ay muling mapaglilingkuran ang mga ninuno nila at makasasamba sa banal na templo.
Ngayon ay ikinagagalak kong ibalita ang mga plano para sa pagtatayo ng anim na bagong templo sa mga sumusunod na lugar: Tarawa, Kiribati; Port Vila, Vanuatu; Lindon, Utah; Greater Guatemala City, Guatemala; São Paulo East, Brazil; at Santa Cruz, Bolivia.
Sa pagtatayo at pangangalaga natin sa mga templo na ito, dalangin namin na pagbutihin at panatilihin din ninyong marapat ang inyong sarili sa pagpasok sa banal na templo.
Ngayon, mga minamahal kong kapatid, binabasbasan ko kayo na mapuno kayo ng kapayapaan ng Panginoong Jesucristo. Ang Kanyang kapayapaan ay higit pa sa kaya nating maintindihan.6 Binabasbasan ko kayo ng higit na paghangad at kakayahan na sundin ang mga batas ng Diyos. Ipinapangako ko na sa paggawa nito, makatatanggap kayo ng maraming biyaya, at ng dagdag na katapangan at personal na paghahayag, higit na pagkakaisa sa inyong mga tahanan, at kaligayahan, sa kabila ng kawalang-katiyakan.
Nawa’y sumulong tayo nang magkakasama upang tuparin ang ating banal na mandato—ang paghahanda ng ating sarili at ng mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Ipinagdarasal ko ito, nang may pagmamahal sa bawat isa sa inyo, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.