Pangkalahatang Kumperensya
Gumawa nang may Katarungan, Umibig sa Kaawaan, at Lumakad na may Kapakumbabaan na Kasama ng Diyos
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2020


13:27

Gumawa nang may Katarungan, Umibig sa Kaawaan, at Lumakad na may Kapakumbabaan na Kasama ng Diyos

Ang ibig sabihin ng paggawa nang may katarungan ay pagkilos nang marangal. Kumikilos tayo nang marangal na kasama ng Diyos sa pamamagitan ng paglakad nang may kapakumbabaan na kasama Niya. Kumikilos tayo nang marangal na kasama ng iba sa pamamagitan ng pag-ibig sa kaawaan.

Bilang mga tagasunod ni Jesucristo, at bilang mga Banal sa mga Huling Araw, tayo ay nagsisikap—at hinihikayat na magsikap—na gumawa nang mas mahusay at maging mas mahusay.1 Marahil tulad ko ay iniisip ninyo na, “Sapat na ba ang ginagawa ko?” “Ano pa ang dapat kong gawin?” o “Paano ako, na isang taong may mga kahinaan, maaaring maging karapat-dapat na ‘manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan’?”2

Ang propeta sa Lumang Tipan na si Mikas ay nagtanong sa ganitong paraan: “Ano ang aking ilalapit sa harapan ng Panginoon, at iyuyukod sa harap ng Diyos sa kaitaasan?”3 Mapanuyang inisip ni Mikas kung ang labis-labis na handog ay maaari bang maging sapat na kabayaran para sa kasalanan, nagsasabing: “Nalulugod ba ang Panginoon sa mga libu-libong tupa, o sa mga sampung libong ilog ng langis? Ibibigay ko ba ang aking panganay dahil sa … kasalanan ng aking kaluluwa?”4

Ang sagot ay hindi. Ang mabubuting gawa ay hindi sapat. Ang kaligtasan ay hindi nababayaran.5 Maging ang mga napakalaking handog na alam ni Mikas na imposible ay hindi makatutubos sa pinakamaliit na kasalanan. Kung aasa lang tayo sa sarili nating kakayahan, ang hangaring makabalik upang manahanan sa piling ng Diyos ay walang kahihinatnan.6

Kung wala ang mga pagpapalang nagmumula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, hindi tayo kailanman makagagawa ng sapat na kabutihan o magiging sapat na mabuti sa pamamagitan lang ng sarili nating kakayahan. Gayunman, ang mabuting balita ay dahil kay Jesucristo at sa pamamagitan ni Jesucristo, maaari tayong maging sapat na mabuti.7 Ang lahat ng tao ay maliligtas mula sa pisikal na kamatayan sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, sa pamamagitan ng kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.8 At kung ibabaling natin ang ating mga puso sa Diyos, ang kaligtasan mula sa espirituwal na kamatayan ay makakamtan ng lahat “sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni [Jesucristo] … sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo.”9 Maaari tayong matubos mula sa kasalanan upang makatayo nang malinis at dalisay sa harapan ng Diyos. Tulad ng ipinaliwanag ni Mikas, “Ipinakita [ng Diyos] sa iyo, O tao, kung ano ang mabuti; at ano ang itinatakda ng Panginoon sa iyo, kundi ang gumawa na may katarungan, at umibig sa kaawaan, at lumakad na may kapakumbabaan na kasama ng iyong Diyos?”10

Ang tagubilin ni Mikas tungkol sa pagbaling ng ating mga puso sa Diyos at pagiging karapat-dapat para sa kaligtasan ay may tatlong magkakaugnay na elemento. Ang ibig sabihin ng paggawa nang may katarungan ay pagkilos nang marangal na kasama ng Diyos at ng ibang tao. Kumikilos tayo nang marangal na kasama ng Diyos sa pamamagitan ng paglakad nang may kapakumbabaan na kasama Niya. Kumikilos tayo nang marangal na kasama ng iba sa pamamagitan ng pag-ibig sa kaawaan. Ang paggawa nang may katarungan kung gayon ay isang praktikal na pagsasabuhay ng una at pangalawang dakilang utos, na “ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo … [at] ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”11

Ang paggawa nang may katarungan at paglakad nang may kapakumbabaan na kasama ng Diyos ay kusang pag-urong ng ating kamay sa kasamaan, paglakad ayon sa Kanyang mga tuntunin, at pananatiling totoong tapat.12 Ang taong makatarungan ay tumatalikod sa kasalanan at bumabaling sa Diyos, nakikipagtipan sa Kanya, at tinutupad ang mga tipang iyon. Pinipili ng taong makatarungan na sundin ang mga kautusan ng Diyos, magsisi kapag nagkamali, at patuloy na magsikap.

Nang dalawin ng nabuhay na mag-uli na Cristo ang mga Nephita, ipinaliwanag Niya na ang mga batas ni Moises ay napalitan na ng mas mataas na batas. Iniutos Niya sa kanila na huwag na silang “[mag-alay] … [ng] mga alay at … mga handog na sinusunog” kundi sa halip ay mag-alay sila ng “isang bagbag na puso at nagsisising espiritu.” Ipinangako rin Niya, “At sinuman ang lalapit sa akin nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, siya ay bibinyagan ko ng apoy at ng Espiritu Santo.”13 Kapag tinanggap at ginamit natin ang kaloob na Espiritu Santo pagkatapos ng binyag, matatamasa natin ang palagiang paggabay ng Espiritu Santo at matuturuan tayo ng lahat ng bagay na nararapat nating gawin,14 kabilang ang paraan kung paano lumakad nang may kapakumbabaan na kasama ng Diyos.

Ang sakripisyo ni Jesucristo para sa kasalanan at kaligtasan mula sa espirituwal na kamatayan ay makakamtan ng lahat ng taong may gayong bagbag na puso at nagsisising espiritu.15 Ang pagkakaroon ng bagbag na puso at nagsisising espiritu ay naghihikayat sa atin na magsisi nang may kagalakan at magsikap na maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo. Sa paggawa natin ito, matatanggap natin ang nakapagpapalinis, nakapagpapagaling, at nakapagpapalakas na kapangyarihan ng Tagapagligtas. Hindi lang tayo gagawa nang may katarungan at lalakad nang may kapakumbabaan na kasama ng Diyos; matututuhan din nating umibig sa kaawaan sa paraang katulad ng ginagawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Ang Diyos ay nalulugod sa kaawaan at hindi ito ipinagkakait. Sa mga salita ni Mikas, “Sino ang Diyos na gaya mo, na nagpapatawad ng kasamaan, … mahahabag sa atin,” at “ihahagis ang lahat [ng] kasalanan sa mga kalaliman ng dagat.”16 Ang pag-ibig sa kaawaan tulad ng ginagawa ng Diyos ay dapat kapalooban din ng mabuting pakikitungo sa kapwa at hindi pagtrato nang masama sa kanila.

Ang kahalagahan ng hindi pagtrato nang masama sa kapwa ay binigyang-diin sa isang anekdota tungkol kay Hillel the Elder, isang iskolar na Judio na nabuhay noong unang siglo bago isinilang si Cristo. Isa sa mga estudyante ni Hillel ang labis na nayamot dahil napakahirap unawain ng Torah—ang limang aklat ni Moises kalakip ang 613 na mga kautusan at mga kaugnay na komentaryo tungkol dito na isinulat ng mga rabbi. Hinamon ng estudyante si Hillel na ipaliwanag ang Torah sa loob lang ng oras na kaya ni Hillel na tumayo gamit ang isang paa. Maaaring hindi magaling magbalanse si Hillel ngunit tinanggap niya ang hamon. Nagbanggit siya ng sipi mula sa Levitico, sinasabing, “Huwag kang maghihiganti o magtatanim ng galit laban sa mga anak ng iyong bayan; kundi iibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng sa iyong sarili.”17 Pagkatapos ay tinapos kaagad ni Hillel ang paliwanag sa pagsasabing: “Yaong ayaw mong gawin sa iyong sarili, huwag mong gawin sa iyong kapwa. Ito ang pinakamahalagang mensahe ng Torah; ang iba ay komentaryo lang. Humayo ka at mag-aral.”18

Ang palagiang pakikitungo sa kapwa nang may paggalang ay bahagi ng pag-ibig sa kaawaan. Isipin ang isang usapan na narinig ko ilang dekada na ang nakararaan sa emergency department ng Johns Hopkins Hospital sa Baltimore, Maryland, sa Estados Unidos. Ang pasyente, si Mr. Jackson, ay isang magalang at mabait na taong kilalang-kilala ng mga tauhan sa ospital. Maraming beses na siyang naospital noon upang magpagamot ng sakit na may kaugnayan sa pag-inom ng alak. Sa pagkakataong ito, bumalik si Mr. Jackson sa ospital dahil sa mga sintomas na masusuri bilang pamamaga ng pancreas dahil sa pag-inom ng alak.

Bago matapos ang shift ni Dr. Cohen, isang masipag at hinahangaang doktor, sinuri niya si Mr. Jackson at nagpasiya siya na kailangang manatili sa ospital si Mr. Jackson. Inatasan ni Dr. Cohen si Dra. Jones, ang doktor na karilyebo niya, na i-admit si Mr. Jackson at pangasiwaan ang paggamot dito.

Si Dra. Jones ay nag-aral sa isang kilalang medical school at kasisimula pa lang ng kanyang post-graduate studies. Ang napakahirap na training na ito ay sinabayan pa ng palagiang kakulangan sa tulog, na malamang ay nakaambag sa negatibong tugon ni Dra. Jones. Dahil iyon na ang kanyang panlimang admission noong gabing iyon, nagreklamo siya kay Dr. Cohen sa malakas na tinig. Nadama niya na hindi makatwiran na mag-ukol siya ng maraming oras upang alagaan si Mr. Jackson gayong nagkasakit ito dahil sa sarili nitong kagagawan.

Ang mariing tugon ni Dr. Cohen ay halos pabulong. Sabi niya, “Dra. Jones, naging doktor ka para alagaan ang mga tao at sikaping magamot sila. Hindi ka naging doktor para husgahan sila. Kung hindi mo nauunawaan ang pagkakaiba, wala kang karapatang magsanay sa institusyong ito.” Pagkatapos ng pagtutuwid na ito, masigasig na inalagaan ni Dra. Jones si Mr. Jackson sa mga panahong nasa ospital ito.

Matagal nang pumanaw si Mr. Jackson. Sina Dra. Jones at Dr. Cohen ay kapwa naging mahuhusay sa kanilang propesyon. Ngunit sa mahalagang sandali ng kanyang pagsasanay, kinailangang paalalahanan si Dra. Jones na gumawa nang may katarungan, umibig sa kaawaan, at alagaan si Mr. Jackson nang walang panghuhusga.19

Sa paglipas ng mga taon, nakatulong sa akin ang paalalang iyon. Ang ibig sabihin ng pag-ibig sa kaawaan ay na hindi lang natin ikinasisiya ang awa na ibinibigay ng Diyos sa atin; ikinalulugod din natin na ibinibigay ng Diyos ang awa ring iyon sa iba. At tinutularan natin ang Kanyang halimbawa. “Pantay-pantay ang lahat sa Diyos,”20 at lahat tayo ay nangangailangan ng espirituwal na paggamot upang matulungan at mapagaling. Sabi ng Panginoon, “Hindi ninyo nararapat na pahalagahan ang isang tao nang higit pa sa iba, o ang isang tao ay hindi nararapat mag-isip na ang kanyang sarili ay higit pa kaysa sa iba.”21

Ipinakita ni Jesucristo kung ano ang ibig sabihin ng gumawa nang may katarungan at umibig sa kaawaan. Siya ay malayang nakisalamuha sa mga makasalanan, pinakikitunguhan sila nang may paggalang at respeto. Itinuro Niya ang kagalakang dulot ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos at sinikap Niya na hikayatin sila sa halip na ikondena ang mga nahihirapang sumunod. Hayagan Niyang pinagsabihan ang mga taong nangutya sa Kanya dahil sa paglilingkod Niya sa mga taong itinuring nila na hindi karapat-dapat.22 Ang gayong pagmamagaling ay kasalanan sa Kanya noon hanggang ngayon.23

Upang maging katulad ni Cristo, ang isang tao ay dapat gumawa nang may katarungan, kumikilos nang marangal na kasama ng Diyos at ng ibang tao. Ang taong makatarungan ay magalang sa kanyang pananalita at pagkilos at nauunawaan niya na ang pagkakaiba sa pananaw o paniniwala ay hindi hadlang sa tunay na kabaitan at pagkakaibigan. Ang mga indibiduwal na gumagawa nang may katarungan ay “hindi … maglalayong saktan ang isa’t isa, kundi ang mabuhay nang mapayapa”24 kasama ang isa’t isa.

Upang maging katulad ni Cristo, ang isang tao ay dapat umibig sa kaawaan. Ang mga taong umiibig sa kaawaan ay hindi mapanghusga; sila ay nagpapakita ng pagkahabag sa kapwa, lalo na sa mga taong kapus-palad; sila ay mapagmahal, mabait, at marangal. Pinakikitunguhan ng mga indibiduwal na ito ang lahat nang may pag-ibig at pag-unawa, anuman ang mga katangian nila tulad ng lahi, kasarian, relihiyon, oryentasyong seksuwal, estado sa lipunan, at mga pagkakaiba sa lipi, angkan, o nasyonalidad. Ang mga ito ay napangingibabawan ng pag-ibig na tulad ng kay Cristo.

Upang maging katulad ni Cristo, pinipili ng isang tao ang Diyos,25 lumalakad nang may kapakumbabaan na kasama Niya, sinisikap na magbigay-kaluguran sa Kanya, at tinutupad ang mga tipan sa Kanya. Naaalala ng mga indibiduwal na lumalakad nang may kapakumbabaan na kasama ng Diyos kung ano ang ginawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa kanila.

Sapat na ba ang ginagawa ko? Ano pa ba ang dapat kong gawin? Ang gagawin natin bilang tugon sa mga tanong na ito ay mahalaga sa ating kaligayahan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Hindi nais ng Tagapagligtas na balewalain natin ang kahalagahan ng kaligtasan. Bagama’t nakagawa na tayo ng mga sagradong tipan, may posibilidad pa rin na tayo ay “mahulog mula sa biyaya at malayo sa buhay na Diyos.” Kaya dapat tayong “mag-ingat … at manalangin tuwina,” upang hindi “mahulog sa tukso.”26

Ngunit gayon din, hindi nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na magulumihanan tayo ng patuloy na kawalang-katiyakan sa ating mortal na paglalakbay, napapaisip kung sapat na ang kabutihang nagawa natin upang maligtas at madakila. Tiyak na hindi Nila nais na bagabagin tayo ng mga pagkakamaling pinagsisihan na natin, iniisip na ang mga ito ay mga sugat na hindi na gagaling kailanman,27 o masyado tayong mangamba na baka muli tayong magkamali.

Maaari nating suriin ang sarili nating progreso. Malalaman natin “na ang landas ng buhay na tinatahak [natin] ay ayon sa kalooban ng Diyos”28 kapag tayo ay gumagawa nang may katarungan, umiibig sa kaawaan, at lumalakad nang may kapakumbabaan na kasama ng ating Diyos. Tinataglay natin ang mga katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa ating pagkatao, at minamahal natin ang isa’t isa.

Kapag ginagawa ninyo ang mga bagay na ito, matatahak ninyo ang landas ng tipan at magiging karapat-dapat kayo na “manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.”29 Ang inyong mga kaluluwa ay mapupuspos ng kaluwalhatian ng Diyos at ng liwanag ng buhay na walang hanggan.30 Mapupuspos kayo ng hindi mailarawang kagalakan.31 Pinatototohanan ko na buhay ang Diyos at na si Jesus ang Cristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos, at buong pagmamahal at kagalakang ipinaaabot ang Kanyang awa sa lahat. Hindi ba kaibig-ibig ito? Sa pangalan ni Jesucristo, amen.