Pangkalahatang Kumperensya
Subalit Maging Handa Kayo sa Bawat Panahon, na Nananalangin
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2020


15:1

Subalit Maging Handa Kayo sa Bawat Panahon, na Nananalangin

Ngayon ay ipinaaabot ko ang aking paanyaya na manalangin sa lahat ng tao mula sa bawat bansa sa buong mundo.

Minamahal kong mga kapatid, noong huling linggo ng Kanyang ministeryo dito sa lupa, itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na “maging handa kayo sa bawat panahon, na nananalanging magkaroon kayo ng lakas upang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang makatayo kayo sa harapan ng Anak ng Tao.”1

Kabilang sa “mga bagay na ito na mangyayari” bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito ay “mga digmaan at … mga bali-balita ng mga digmaan[,] … taggutom, [mga salot], at mga lindol sa iba’t ibang dako.”2

Sa Doktrina at mga Tipan sinabi ng Tagapagligtas na, “At lahat ng bagay ay magkakagulo; … sapagkat ang takot ay mapapasalahat ng tao.”3

Tunay ngang nabubuhay tayo sa panahon ng maraming kaguluhan. Maraming tao ang natatakot sa hinaharap, at maraming puso ang tumalikod sa kanilang pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

Ang mga balita ay puno ng mga kwento ng karahasan. Ang mga bagay na imoral ay inilalathala sa internet. Ang mga sementeryo, simbahan, mosque, sinagoga, at mga dambanang panrelihiyon ay nilapastangan.

Isang pandaigdigang pandemya ang umabot sa halos bawat sulok ng mundo: milyun-milyong tao ang nagkasakit; at higit isang milyon ang namatay. Ang mga seremonya sa pagtatapos sa paaralan, pagsamba sa simbahan, kasal, paglilingkod ng mga misyonero, at maraming iba pang mahahalagang pangyayari sa buhay ay naapektuhan. Dagdag pa rito, napakaraming tao ang naiwang mag-isa at walang kasama.

Ang mga pagbabago sa ekonomiya ay nagdulot ng mga pagsubok para sa napakaraming tao, lalo na sa mga anak ng Ama sa Langit na nasa mahihirap na kalagayan.

Nakakita tayo ng mga taong masigasig na ginagamit ang kanilang karapatan sa mapayapang pagprotesta, at nakakita rin tayo ng mga taong galit na gumagawa ng mga kaguluhan.

Gayundin, patuloy tayong nakakakita ng mga hidwaan sa buong mundo.

Palagi kong naiisip kayong mga nagdurusa, nag-aalala, natatakot, at nadaramang nag-iisa lamang kayo. Tinitiyak ko sa bawat isa sa inyo na kilala kayo ng Panginoon, na alam Niya ang inyong mga alalahanin at paghihirap, at na mahal Niya kayo—nang lubos, personal, malalim, at magpakailanman.

Kapag nananalangin ako tuwing gabi, hinihiling ko sa Panginoon na pagpalain Niya ang mga nagdadalamhati, may nadaramang sakit, nalulungkot, at nalulumbay. Alam kong gayon din ang panalangin ng iba pang mga lider ng Simbahan. Ang aming mga puso ay sumasainyo at ipinagdarasal namin kayo sa Diyos.

Noong nakaraang taon ay nagpunta ako sa hilagang kanlurang bahagi ng Estados Unidos upang dumalaw sa mga makasaysayang lugar ng Amerika at ng Simbahan, dumalo sa mga pulong kasama ang ating mga missionary at miyembro, at makipagkita sa mga pinuno ng pamahalaan at negosyo.

Noong Linggo, Oktubre 20, nagsalita ako sa isang malaking pagtitipon malapit sa Boston, Massachusetts. Habang ibinibigay ko ang aking mensahe, nakatanggap ako ng inspirasyon na sabihing “Nakikiusap ako sa inyo … na manalangin para sa bansang ito, sa ating mga pinuno, sa ating mga tao, at para sa mga pamilyang naninirahan sa dakilang bansang ito na itinatag ng Diyos.”4

Sinabi ko rin na ang Amerika at marami sa mga bansa sa mundo, tulad noong unang panahon, ay nasa isa na namang mahalagang sangang daan sa kasaysayan.5

Ang pakiusap ko ay hindi bahagi ng inihanda kong mensahe. Ang mga salitang iyon ay natanggap ko nang madama ko ang inspirasyon ng Espiritu na anyayahan ang mga naroon na manalangin para sa kanilang bansa at mga pinuno.

Ngayon ay ipinaaabot ko ang aking paanyaya na manalangin sa lahat ng tao mula sa bawat bansa sa buong mundo. Anuman ang inyong paraan ng pananalangin o kaninuman kayo nananalangin, magkaroon nawa kayo ng pananampalataya—anuman ang inyong relihiyon—at manalangin para sa inyong bansa at para sa mga pinuno ng inyong bansa. Tulad ng sinabi ko noong nakaraang Oktubre sa Massachusetts, tayo ngayon ay nasa isa na namang mahalagang sangang daan sa kasaysayan, at ang mga bansa sa mundo ay kailangang-kailangan ang inspirasyon at patnubay ng Diyos. Hindi ito tungkol sa pulitika o patakaran. Tungkol ito sa kapayapaan at sa pagpapagaling na maaaring dumating sa kaluluwa ng bawat tao at gayun din sa kauluwa ng mga bansa—sa kanilang mga lungsod, bayan, at nayon—sa pamamagitan ng Prinsipe ng Kapayapaan at sa pinagmumulan ng lahat ng pagpapagaling, ang Panginoong Jesucristo.

Sa mga nakalipas na buwan, nakatanggap ako ng inspirasyon na ang pinakamainam na paraan para makatulong sa kasalukuyang sitwasyon ng mundo ay ang lubos na pag-asa sa Diyos ng lahat ng tao at ang pagbaling ng kanilang puso sa Kanya sa pamamagitan ng taos-pusong panalangin. Ang pagpapakumbaba ng sarili at paghahangad ng inspirasyon ng langit para mapagtiisan o mapagtagumpayan ang ating mga kinahaharap ay ang pinakaligtas at pinakasiguradong paraan na makasusulong tayo nang may tiwala sa mga panahong ito ng kaguluhan.

Itinampok sa mga banal na kasulatan ang panalangin ni Jesus at ang Kanyang mga turo tungkol sa panalangin noong panahon ng Kanyang ministeryo sa lupa. Maaalala natin ang Panalangin ng Panginoon:

“Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo.

“Dumating nawa ang kaharian mo. Masunod nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa.

“Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw.

“At patawarin mo kami sa aming mga utang, gaya rin namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin.

“At huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama: Sapagkat iyo ang kaharian, ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailanman. Amen.”6

Nililinaw ng taimtim at magandang panalanging ito, na palaging inuulit sa buong Kristiyanismo, na naaangkop lamang na direktang magsumamo sa “Ama [nating] nasa langit” para sa kasagutan sa anumang bumabagabag sa atin. Kung gayon, manalangin tayo para mapatnubayan ng Diyos.

Inaanyayahan ko kayong manalangin sa tuwina.7 Manalangin para sa inyong pamilya. Manalangin para sa mga pinuno ng mga bansa. Manalangin para sa matatapang na taong nangunguna sa kasalukuyang mga labanan laban sa mga salot sa lipunan, kalikasan, pulitika, at buhay na may epekto sa lahat ng tao sa buong mundo: sa mayaman at sa mahirap, sa bata at sa matanda.

Itinuro sa atin ng Tagapagligtas na huwag nating limitahan kung para kanino tayo mananalangin. Sabi niya, “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, [pagpalain ninyo sila na sumusumpa sa inyo, gawan ninyo ng mabuti sila na napopoot sa inyo, at ipanalangin ninyo sila na may masamang hangarin sa paggamit sa inyo at umuusig sa inyo.]”8

Sa krus sa Kalbaryo, kung saan namatay si Jesus para sa ating mga kasalanan, isinabuhay Niya ang Kanyang turo nang manalangin Siya, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”9

Ang taos-pusong pananalangin para sa mga maaaring ituring na ating mga kaaway ay nagpapakita ng ating paniniwala na kayang baguhin ng Diyos ang ating puso at ang puso ng iba. Ang gayong mga panalangin ay dapat na magpatibay sa ating pagnanais na gawin ang anumang kinakailangang pagbabago sa ating sariling buhay, pamilya, at komunidad.

Saanman kayo nakatira, anumang wika ang inyong sinasalita, o anuman ang mga hamong kinahaharap ninyo, naririnig at sasagutin kayo ng Diyos sa Kanyang sariling paraan at panahon. Dahil tayo ay Kanyang mga anak, maaari tayong lumapit sa Kanya para humingi ng tulong, kaginhawahan, at pinanibagong pagnanais na gumawa ng mabuting kaibhan sa mundo.

Hindi sapat ang pananalangin para sa katarungan, sa kapayapaan, sa mahihirap, at sa mga may sakit. Pagkatapos nating lumuhod sa panalangin, kailangan nating tumayo at gawin ang makakaya natin upang tumulong—tumulong sa ating sarili at sa ibang tao.10

Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga halimbawa ng mga taong may pananampalataya na nilakipan ng gawa ang panalangin upang makagawa ng kaibhan sa buhay nila at sa buhay ng iba. Sa Aklat ni Mormon, halimbawa, mababasa natin ang tungkol kay Enos. Mapapansin na “halos dalawang katlo ng kanyang maikling aklat ay naglalarawan sa isang panalangin o serye ng mga panalangin, at ang natitirang bahagi ay tungkol naman sa kanyang ginawa dahil sa mga sagot na kanyang natanggap.”11

Marami tayong halimbawa kung paano nakagawa ng kaibhan ang panalangin sa sariling kasaysayan ng Simbahan, simula sa unang panalangin ni Joseph Smith noong tagsibol ng 1820 sa kakahuyan malapit sa bahay na yari sa troso ng kanyang mga magulang. Naghahangad ng kapatawaran at espirituwal na patnubay, ang panalangin ni Joseph ay nagbukas sa kalangitan. Ngayon ay tinatamasa natin ang mga bunga ng panalangin at pagsisikap ni Joseph ang Propeta at ng iba pang matatapat na mga lalaki at babaeng Banal sa mga Huling Araw na nanalangin at nagsikap na tumulong sa pagtatatag ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Madalas kong isipin ang mga panalangin ng matatapat na kababaihang tulad ni Mary Fielding Smith na, sa tulong ng Diyos, ay buong tapang na inakay ang kanyang pamilya mula sa tumitinding pag-uusig sa Illinois patungo sa kaligtasan sa lambak na ito kung saan umunlad ang kanyang pamilya sa espirituwal at sa temporal. Pagkatapos lumuhod para taimtim na manalangin, siya ay nagsumikap para mapagtagumpayan ang kanyang mga hamon at pagpalain ang kanyang pamilya.

Ang panalangin ay magpapasigla sa atin at pag-iisahin tayo bilang mga indibiduwal, bilang mga pamilya, bilang isang simbahan, at bilang isang mundo. Maiimpluwensyahan ng panalangin ang mga siyentipiko at tutulungan sila nito na matuklasan ang mga bakuna at gamot na tatapos sa pandemyang ito. Papanatagin ng panalangin ang mga nawalan ng mahal sa buhay. Gagabayan tayo nito para malaman kung ano ang ating gagawin para maprotektahan ang ating sarili.

Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na pagtibayin ninyo ang inyong pangako na manalangin. Nakikiusap ako sa inyo na manalangin kayo sa inyong mga silid, habang kayo ay naglalakad, sa inyong mga tahanan, sa inyong mga ward, at palagi sa inyong mga puso.12

Sa ngalan ng mga lider ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, pinasasalamatan ko kayo para sa inyong mga panalangin para sa amin. Nakikiusap ako sa inyo na patuloy na manalangin upang matanggap namin ang inspirasyon at paghahayag para gabayan ang Simbahan sa mahihirap na panahong ito.

Kayang baguhin ng panalangin ang ating buhay. Nahihikayat ng taos-pusong panalangin, makakaya nating bumuti pa at tulungan ang iba na gawin din iyon.

Alam ko ang kapangyarihan ng panalangin dahil sa aking sariling karanasan. Nitong nakaraan ay mag-isa ako sa aking opisina. Katatapos lamang operahan ang aking kamay. Ito ay may pasa, namamaga, at masakit. Habang nakaupo sa tabi ng aking mesa, hindi ako makapagtuon sa mahahalagang bagay dahil sa sakit na aking nadarama.

Lumuhod ako sa panalangin at hiniling ko sa Panginoon na tulungan akong makapagtuon sa aking ginagawa upang matapos ko ito. Tumayo ako at binalikan ang tumpok ng mga papel sa aking mesa. Halos agad-agad ay naging malinaw ang aking isipan at nakapagtuon ako sa aking gawain at natapos ko ang mahahalagang bagay sa aking harapan.

Ang kasalukuyang magulong sitwasyon ng mundo ay maaaring nakakatakot kung iisipin natin ang napakaraming problema at hamon. Ngunit taimtim akong nagpapatotoo na kung tayo ay mananalangin at hihiling sa Ama sa Langit ng mga kinakailangan nating pagpapala at patnubay, malalalaman natin kung paano natin mapagpapala ang ating mga pamilya, kapitbahay, komunidad, at maging ang mga bansa kung saan tayo nakatira.

Ang Tagapagligtas ay nanalangin at pagkatapos Siya ay “naglibot … na gumagawa ng mabuti”13 sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain sa mahihirap, pagbibigay ng tapang at suporta sa mga nangangailangan, at pag-aalok ng pag-ibig, kapatawaran, kapayapaan, at kapahingahan sa mga yaong lalapit sa Kanya. Patuloy Niya tayong inaanyayahang lumapit sa Kanya.

Inaanyayahan ko ang lahat ng miyembro ng Simbahan, pati na rin ang mga kaibigan natin na iba ang relihiyon sa buong mundo, na gawin ang ipinayo ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo: “Maging handa kayo sa bawat panahon, na nananalangin14 para sa kapayapaan, kaginhawahan, kaligtasan, at para sa mga pagkakataong mapaglingkuran ang isa’t isa.

Tunay ngang makapangyarihan ang panalangin at tunay ring kailangan ng mundo ngayon ang ating mga panalangin ng pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Minamahal na Anak! Nawa’y alalahanin at pahalagahan natin ang kapangyarihan ng panalangin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.