Panatilihin ang Pagbabago
Sa pamamagitan ni Jesucristo, tayo ay binibigyan ng lakas na makagawa ng panghabang-buhay na pagbabago. Kapag mapagpakumbaba tayong bumabaling sa Kanya, daragdagan Niya ang ating kakayahang magbago.
Mga kapatid, labis akong nagagalak na makasama kayo.
Ilarawan sa isipan ang isang tao na pumunta sa palengke para bumili ng isang bagay. Kung nagbayad siya nang higit sa halaga ng bagay na binili niya, susuklian siya ng nagtitinda.
Si Haring Benjamin ay nagturo sa kanyang mga tao sa lumang Amerika tungkol sa napakalaking mga biyaya na natatanggap natin mula sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Nilikha Niya ang langit, lupa, at ang lahat ng kagandahang tinatamasa natin. 1 Sa pamamagitan ng Kanyang mapagmahal na Pagbabayad-sala, nagbibigay Siya ng paraan para matubos tayo mula sa kasalanan at kamatayan. 2 Kapag ipinapakita natin ang ating pasasalamat sa Kanya sa pamamagitan ng masigasig na pagsasabuhay ng Kanyang mga kautusan, pinagpapala Niya tayo kaagad, kung kaya’t palagi tayong may pagkakautang sa Kanya.
Labis-labis ang ibinibigay Niya sa atin kumpara sa halaga na kaya nating ibalik sa Kanya. Kaya, ano ang maaari nating isukli sa Kanya, na nagbayad ng hindi masusukat na halaga para sa ating mga kasalanan? Maaari natin Siyang suklian ng pagbabago. Maaari natin Siyang suklian ng ating pagbabago. Maaaring ito ay pagbabago ng pag-iisip, pagbabago ng gawi, o pagbabago ng direksyon kung saan tayo tutungo. Bilang sukli sa Kanyang hindi matutumbasang kabayaran para sa bawat isa sa atin, hinihiling ng Panginoon sa atin ang pagbabago ng puso. Ang hinihiling Niyang pagbabago mula sa atin ay hindi para sa Kanyang kapakanan, kundi para sa atin. Ngunit hindi tulad ng namimili sa palengke na kukunin ang isinusukli natin, ang ating mahabaging Panginoon ay nag-aanyaya sa atin na panatilihin ang pagbabago.
Matapos marinig ang mga salita ni Haring Benjamin, ang kanyang mga tao ay sumigaw at nagpahayag na ang kanilang mga puso ay nagbago, at nagwikang, “Dahil sa Espiritu ng Panginoong Makapangyarihan na gumawa ng malaking pagbabago sa amin, … kami ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti.” 3 Hindi sinasabi sa mga banal na kasulatan na naging perpekto sila kaagad; sa halip, ang kanilang hangaring magbago ay naghikayat sa kanila na kumilos. Ang ibig sabihin ng pagbabago ng kanilang puso ay paghuhubad ng likas na tao at pagsunod sa Espiritu habang nagsisikap sila na maging higit na katulad ni Jesucristo.
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, “Ang tunay na pagbabalik-loob ay nakasalalay sa malayang paghahangad nang may pananampalataya, nang may malaking pagsisikap at ilang paghihirap. Pagkatapos, ang Panginoon ang makapagbibigay … ng himala ng paglilinis at pagbabago.” 4 Kapag pinagsama ang ating pagsisikap at ang kakayahan ng Tagapagligtas na baguhin tayo, nagiging mga bagong nilikha tayo.
Noong bata pa ako, iniisip ko na kunwari ay naglalakad ako sa isang pataas at paakyat na landas patungo sa aking mithiin na buhay na walang hanggan. Sa tuwing nakagagawa o nakapagsasabi ako ng mali, pakiramdam ko ay dumadausdos ako pababa ng landas, at kailangan ko na namang simulang muli ang aking paglalakbay. Maihahalintulad ko ito sa pagbagsak sa parisukat na iyon sa pambatang laro na Chutes and Ladders kung saan ay dumadausdos ka mula sa tuktok ng board pabalik sa simula ng laro! Nakapanghihina ito ng loob! Ngunit nang unti-unti kong naunawaan ang doktrina ni Cristo 5 at kung paano ito gamitin sa aking pang-araw-araw na buhay, nakasumpong ako ng pag-asa.
Binigyan tayo ni Jesucristo ng isang di-nagbabagong huwaran para sa pagbabago. Inaanyayahan Niya tayo na manampalataya sa Kanya, na naghihikayat sa atin na magsisi—“kung aling pananampalataya at pagsisisi ay nagdudulot ng isang pagbabago ng puso.” 6 Kapag tayo ay nagsisisi at ibinabaling ang ating puso sa Kanya, nagkakaroon tayo ng mas malaking hangaring gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan. Nagtitiis tayo hanggang sa wakas sa pamamagitan ng patuloy na paggamit ng mga alituntuning ito sa buong buhay natin at pag-anyaya sa Panginoon na baguhin tayo. Ang ibig sabihin ng pagtitiis hanggang wakas ay pagbabago hanggang wakas. Nauunawaan ko na ngayon na hindi ako muling nagsisimula sa bawat bigong pagtatangka, pero sa bawat pagtatangkang iyon, nagpapatuloy ako sa proseso ng aking pagbabago.
May nakapagbibigay-inspirasyong linya sa tema ng Young Women na nagpapahayag na, “Aking pinahahalagahan ang kaloob na pagsisisi at sinisikap na magpakabuti sa bawat araw.” 7 Dalangin ko na talagang mapahalagahan natin ang magandang kaloob na ito at na kusang-loob tayong magsisikap na magbago. Kung minsan, ang mga pagbabagong kailangan nating gawin ay may kinalaman sa mabibigat na kasalanan. Ngunit madalas, sinisikap nating dalisayin ang ating pagkatao upang maiayon natin ang ating mga sarili sa mga katangian ni Jesucristo. Ang ating mga pinipili sa araw-araw ay maaaring makatulong o makahadlang sa ating pag-unlad. Ang maliliit pero tuluy-tuloy, at kusang-loob na pagbabago ay tutulong sa atin na umunlad. Huwag panghinaan ng loob. Ang pagbabago ay isang panghabambuhay na proseso. Nagpapasalamat ako na sa ating mga pagpupunyaging magbago, ang Panginoon ay nagpapasensya sa atin.
Sa pamamagitan ni Jesucristo, tayo ay binibigyan ng lakas na makagawa ng panghabang-buhay na pagbabago. Kapag mapagpakumbaba tayong bumabaling sa Kanya, daragdagan Niya ang ating kakayahang magbago.
Bukod pa sa nakapagpapabagong kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas, ang Espiritu Santo ay tutulong at gagabay sa atin habang nagsisikap tayo. Matutulungan pa Niya tayong malaman kung ano ang mga dapat nating baguhin. Makahahanap din tayo ng tulong at panghihikayat sa pamamagitan ng mga basbas ng priesthood, panalangin, pag-aayuno, at pagdalo sa templo.
Ang mga mapagkakatiwalaang kapamilya, lider, at kaibigan ay makatutulong din sa ating mga pagsisikap na magbago. Noong walong taong gulang ako, kami ng kuya ko na si Lee ay gumugugol ng oras sa pakikipaglaro sa aming mga kaibigan sa mga sanga ng isang puno sa aming lugar. Gustung-gusto namin ang pagsasamahan naming magkakaibigan sa lilim ng punong iyon. Isang araw, nahulog si Lee mula sa puno at nabali ang kanyang braso. Naging mahirap para sa kanya na umakyat sa puno nang mag-isa dahil sa kanyang baling braso. Ngunit talagang hindi masaya ang buhay sa puno kung wala siya roon. Kaya, inalalayan siya ng ilan sa amin sa likod habang hinihila naman ng iba pa ang kanyang maayos na braso, at nang walang masyadong hirap, si Lee ay muling nakaakyat sa puno. Bali pa rin ang kanyang braso, pero siya ay muli naming nakasama at masaya sa aming pagkakaibigan habang nagpapagaling siya.
Madalas kong isipin na ang aking karanasan sa paglalaro sa puno ay tulad ng pagiging aktibo natin sa ebanghelyo ni Jesucristo. Sa lilim ng mga sanga ng ebanghelyo, tinatamasa natin ang maraming pagpapalang kaugnay ng ating mga tipan. Ang ilan ay maaaring nahulog mula sa kaligtasan ng kanilang mga tipan at nangangailangan ng ating tulong upang muling makaakyat sa seguridad ng mga sanga ng ebanghelyo. Maaaring mahirap para sa kanila na umakyat nang mag-isa. Maaari ba natin silang hilahin nang dahan-dahan at hatakin nang kaunti upang matulungan silang magpagaling habang napapasaya sila ng ating pagkakaibigan?
Kung kayo ay nahihirapan dahil sa isang bali mula sa pagkahulog, nakikiusap ako na hayaan ninyo ang iba na tulungan kayong mabalikan ang inyong mga tipan at ang mga pagpapalang ibinibigay nito. Matutulungan kayo ng Tagapagligtas na maghilom at magbago habang napaliligiran kayo ng mga nagmamahal sa inyo.
Kung minsan ay may nakakasalubong akong mga kaibigan na hindi ko nakita sa loob ng maraming taon. Kung minsan, sinasabi nila, “Wala ka talagang ipinagbago!” Sa tuwing maririnig ko iyon, nahihiya ako nang kaunti dahil umaasa ako na may ipinagbago na ako sa paglipas ng mga taon. Sana may ipinagbago na ako simula kahapon! Sana ako ay mas mabait na, hindi na gaanong mapanghusga, at mas mahabagin. Sana mas mabilis na akong tumugon sa mga pangangailangan ng iba, at sana mas mapagpasensya na ako nang kaunti.
Gustung-gusto kong umaakyat sa mga bundok na malapit sa aking tahanan. Madalas, napapasukan ng maliit na bato ang loob ng aking sapatos habang tinatahak ko ang daan. Sa huli, humihinto ako para tanggalin ang bato. Pero nakakagulat para sa akin kung gaano katagal kong hinahayaan ang sarili ko na masaktan habang umaakyat sa bundok bago ako huminto para tanggalin ang nakakatusok na bato.
Sa paglalakbay natin sa landas ng tipan, kung minsan ay napapasukan ng mga bato ang ating mga sapatos sa anyo ng hindi mabubuting gawi, kasalanan, o masasamang pag-uugali. Kapag mas mabilis nating tinatanggal ang mga ito sa ating buhay, magiging mas puno ng kagalakan ang ating mortal na paglalakbay.
Ang pagpapanatili ng pagbabago ay nangangailangan ng pagsisikap. Hindi ko maisip ang sarili ko na humihinto sa daan para ibalik sa aking sapatos ang nakakairita at nakakatusok na bato na katatanggal ko lang. Hindi ko nanaising gawin iyon tulad ng isang magandang paruparong hindi na nanaisin pang bumalik sa bahay-uod nito.
Pinatototohanan ko na dahil kay Jesucristo, makakaya nating magbago. Makakaya nating baguhin ang ating mga gawi, ibahin ang ating pag-iisip, at dalisayin ang ating pagkatao upang maging higit na katulad Niya. At sa tulong Niya, makakaya nating panatilihin ang pagbabago. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.