Pangkalahatang Kumperensya
Paghihintay sa Panginoon
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2020


14:18

Paghihintay sa Panginoon

Ang ibig sabihin ng pananampalataya ay pagtitiwala sa Diyos sa hirap at ginhawa, kahit na kabilang doon ang ilang pagdurusa hanggang sa ang Kanyang bisig ay maipahayag alang-alang sa atin.

Mga minamahal kong kapatid, tayong lahat ay nasasabik—lalo na ako—na marinig ang pangwakas na mensahe ng ating minamahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson. Napakaganda ng kumperensyang ito, ngunit ito na ang pangalawang pagkakataon na naapektuhan ng COVID-19 ang ating mga nakagawiang pagtitipon. Sa sobrang pagod namin sa pandemyang ito, tila malalagas na ang aming buhok. At sa katunayan, mukhang nalagasan na nga ng buhok ang ilan sa aking mga Kapatid. Nais kong malaman ninyo na palagi kaming nananalangin para sa mga naapektuhan sa anumang paraan, lalo na sa mga nawalan ng mahal sa buhay. Ang lahat ay sumasang-ayon na masyado nang mahaba ang itinagal nito.

Gaano ba tayo katagal maghihintay ng kaginhawaan mula sa mga paghihirap na dumarating sa atin? O magtitiis sa mga personal na pagsubok habang naghihintay nang napakatagal para sa tulong? Bakit ba kailangang patagalin gayong tila hindi na natin makayanan ang mga pasanin?

Habang itinatanong ang mga bagay na ito, maaari nating marinig, kung susubukan natin, ang pagtangis ng isang tao mula sa isang basa at madilim na bilangguan sa isa sa pinakamalalamig na panahong naitala sa lugar na iyon.

“O Diyos, nasaan kayo?” maririnig natin mula sa kailaliman ng Piitan ng Liberty. “At nasaan ang pabilyon na tumatakip sa inyong pinagkukublihang lugar? Hanggang kailan pipigilan ang inyong kamay?”1 Hanggan kailan, O Panginoon, hanggang kailan?

Kaya, hindi tayo ang una ni ang huling magtatanong ng gayong mga bagay kapag nalulugmok na tayo sa pighati o may kirot na hindi mawala-wala sa ating puso. Hindi na pandemya o bilangguan ang tinutukoy ko ngayon, kundi kayo, ang inyong pamilya, at ang inyong mga kapit-bahay na nahaharap sa napakaraming hamon. Tinutukoy ko ang pananabik ng marami na nais maikasal ngunit hindi maikasal o na ikinasal ngunit nais pagbutihin ang kanilang pagsasama. Tinutukoy ko ang mga taong kailangang makibaka sa di-inaasahang paglitaw ng isang matinding sakit—na maaaring hindi na magagamot—o nahaharap sa habambuhay na pakikipaglaban sa isang kapansanan na walang lunas. Tinutukoy ko ang patuloy na pagdurusa na dulot ng mga hamon sa kalusugang emosyonal at pangkaisipan na nagpapahirap sa mga kaluluwa ng napakaraming nakararanas ng mga ito, at sa puso ng mga taong nagmamahal at dumadamay sa kanila. Tinutukoy ko ang mga maralita, na sinabi sa atin ng Tagapagligtas na huwag kalimutan kailanman, at tinutukoy ko rin kayong naghihintay sa pagbabalik ng isang anak, anuman ang edad, na pumili ng isang landas na naiiba sa idinalangin ninyong tahakin niya.

Bukod pa rito, kinikilala ko na maging ang mahabang listahang ito na maaaring personal nating hinihintay ay hindi nagtatangkang lutasin ang matitinding problema sa ekonomiya, politika, at lipunan na kinakaharap nating lahat. Malinaw na inaasahan ng ating Ama sa Langit na lulutasin natin ang mahihirap na pampublikong isyu na ito pati na rin ang ating mga personal na problema, ngunit may mga pagkakataon sa ating buhay kung saan maging ang ating pinakamatinding pagsisikap sa espirituwal at pinakataimtim na panalangin ay hindi humahantong sa inaasam nating tagumpay, hinggil man ito sa malalaking pandaigdigang isyu o maliliit na personal na problema. Kaya habang sama-sama tayong nagsisikap at naghihintay para sa mga sagot sa ilan sa ating mga panalangin, ibinibigay ko sa inyo ang aking pangako bilang apostol na ang mga ito ay dinirinig at sinasagot, bagaman maaaring hindi sa panahon o paraang nais natin. Ngunit ang mga ito ay palaging sinasagot sa panahon at paraang dapat sagutin ang mga ito ng isang magulang na nakaaalam ng lahat at mahabagin magpakailanman. Mga minamahal kong kapatid, mangyaring unawain na Siya na hindi umiidlip ni natutulog man2 ay nagmamalasakit sa kaligayahan at kadakilaan sa huli ng Kanyang mga anak higit pa sa anumang bagay na kailangang gawin ng isang banal na nilalang. Siya ay maluwalhating katauhan ng dalisay na pag-ibig, at Maawaing Ama ang Kanyang pangalan.

“Kung totoo nga iyan,” maaaring sabihin ninyo, “hindi ba dapat hatiin na lang ng Kanyang pag-ibig at awa ang ating mga personal na Dagat na Pula upang makalakad tayo sa tuyong lupa? Hindi ba dapat magpadala na lang Siya ng mga ika-21 siglong tagak mula sa kung saanman upang malamon ang ating mga nakayayamot na ika-21 siglong kuliglig?”

Ang sagot sa gayong mga tanong ay “Oo, kayang gumawa ng Diyos ng mga himala agad-agad, ngunit kalaunan ay matututuhan natin na Siya lang, at wala nang iba, ang makapamamahala sa mga panahon at sandali sa ating mortal na paglalakbay.” Magkakaiba ang pamamahala Niya sa mga pangyayari sa buhay ng bawat isa sa atin. Para sa bawat maysakit na gumaling kaagad habang naghihintay na lumusong sa Tangke ng Betesda,3 may isang taong gugugol ng 40 taon sa disyerto habang naghihintay na makapasok sa lupang pangako.4 Para sa bawat Nephi at Lehi na mahimalang naprotektahan ng nakapaligid na apoy dahil sa kanilang pananampalataya,5 mayroon tayong isang Abinadi na sinunog sa nagliliyab na tulos dahil sa kanyang pananampalataya.6 At naaalala natin na ang Elias din na iyon na agad-agad na tumawag ng apoy mula sa langit upang magpatotoo laban sa mga saserdote ni Baal7 ang siya ring Elias na nagtiis sa panahong walang ulan nang maraming taon at na, sa maikling panahon, binigyan lang ng kakaunting pagkain na kayang dalhin ng kuko ng uwak.8 Sa palagay ko, malayo iyon sa matatawag nating “happy meal.”

Ano ang ipinupunto ko? Ang ipinupunto ko ay na ang ibig sabihin ng pananampalataya ay pagtitiwala sa Diyos sa hirap at ginhawa, kahit na kabilang doon ang ilang pagdurusa hanggang sa ang Kanyang bisig ay maipahayag alang-alang sa atin.9 Maaaring maging mahirap iyon sa ating makabagong mundo kung saan maraming naniniwala na ang pinakamagandang maaaring mangyari sa buhay ay maiwasan ang lahat ng paghihirap at na walang sinumang dapat magdusa dahil sa anumang bagay.10 Ngunit ang paniniwalang iyon ay hindi kailanman hahantong sa “sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo.”11

Humihingi ako ng paumanhin kay Elder Neal A. Maxwell sa pangangahas na baguhin at palawakin ang isang bagay na sinabi niya noon, ngunit naniniwala rin ako na “ang buhay ng isang tao … ay hindi maaaring maging kapwa puno ng pananampalataya at walang problema.” Hindi tayo maaaring “basta na lang mamuhay nang walang kamalayan sa mga paghihirap,” na habang umiinom ng isa pang baso ng lemonada ay nagsasabing: “Panginoon, pagkalooban ako ng lahat ng Inyong pinakamagagandang katangian, ngunit tiyaking huwag akong bigyan ng kalungkutan, ni pighati, ni sakit, ni pagsalungat. Mangyaring huwag hayaang may sinumang umayaw o magtaksil sa akin, at higit sa lahat, huwag na huwag hayaang maramdaman ko na ako ay tinalikuran na Ninyo o ng mga taong minamahal ko. Sa katunayan, Panginoon, ingatan ako nang hindi ko maranasan ang lahat ng bagay na nagpabanal sa Inyo. Ngunit kapag tapos na ang mga paghihirap ng iba, mangyaring hayaan akong pumunta at manahan sa kinaroroonan Ninyo, kung saan maipagyayabang ko kung gaano nagkakatulad ang ating mga kalakasan at katangian habang lumulutang ako sa aking ulap ng maginhawang Kristiyanismo.”12

Mga minamahal kong kapatid, ang Kristiyanismo ay nakagiginhawa, ngunit kadalasan ay hindi nagbubunga ng maginhawang kalagayan ang pagsasabuhay nito. Ang landas tungo sa kabanalan at kaligayahan sa buhay na ito at pagkatapos nito ay mahaba at mabato kung minsan. Kailangan ng panahon at tiyaga upang matahak ito. Ngunit, mangyari pa, ang gantimpala sa paggawa nito ay napakalaki. Ang katotohanang ito ay itinuro nang malinaw at mapanghimok sa ika-32 kabanata ng Alma sa Aklat ni Mormon. Doon, itinuro ng dakilang mataas na saserdote na kung ang salita ng Diyos ay itinanim sa ating mga puso tulad ng isang munting binhi, at kung sisikapin natin itong diligan, bunutan ng ligaw na damo, alagaan, at hikayatin, sa hinaharap ay magkakaroon ito ng bunga “na pinakamahalaga, … pinakamatamis sa lahat ng matamis,” at ang pagkain nito ay hahantong sa isang kalagayan kung saan hindi na tayo mauuhaw ni magugutom pa.13

Maraming aral na itinuro sa pambihirang kabanata na ito, ngunit ang sentro ng mga ito ay ang katotohanan na kailangan nating alagaan ang binhi at hintayin itong mahinog; tayo ay “umaasa nang may pananampalataya sa bunga niyon.”14 Ang ating ani, sabi ni Alma, ay darating “di maglalaon.”15 Hindi na nakapagtataka na tinapos niya ang kanyang pambihirang tagubilin sa pamamagitan ng tatlong beses na pag-uulit ng panawagan para sa pagsisikap at pagtitiyaga sa pangangalaga sa salita ng Diyos sa ating mga puso, “[n]aghihintay,” tulad ng sabi niya, nang may “mahabang pagtitiis … sa punungkahoy na magbigay ng bunga sa inyo.”16

COVID at kanser, pag-aalinlangan at pagkabalisa, problema sa pananalapi at pagsubok sa pamilya. Kailan pagagaanin ang mga pasaning ito? Ang sagot ay “di maglalaon.”17 At kung iyon man ay maikli o mahabang panahon ay hindi tayo ang palaging magpapasiya, ngunit sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ang mga pagpapala ay darating sa mga taong mahigpit na kakapit sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang isyung iyon ay napagpasiyahan na sa isang pribadong halamanan at sa isang pampublikong burol sa Jerusalem maraming taon na ang nakalipas.

Habang pinapakinggan natin ngayon ang ating minamahal na propeta sa pagtatapos ng kumperensyang ito, nawa’y maalala natin, tulad ng ipinakita ni Russell Nelson sa buong buhay niya, na ang mga “naghihintay sa Panginoon ay magpapanibagong lakas [at] paiilanglang na may mga pakpak na parang mga agila; sila’y tatakbo at hindi mapapagod; … sila’y lalakad, at hindi manghihina.”18 Dalangin ko na “di maglalaon”—malapit man o malayo pa—ang mga pagpapalang iyon ay dumating sa bawat isa sa inyo na naghahangad ng kaginhawaan mula sa inyong mga pighati at ng kalayaan mula sa inyong kalungkutan. Nagpapatotoo ako sa pag-ibig ng Diyos at sa Pagpapanumbalik ng Kanyang maluwalhating ebanghelyo, na sa anumang paraan ay sagot sa lahat ng isyu na nararanasan natin sa buhay. Sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.