Pangkalahatang Kumperensya
May Pagkain
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2020


10:7

May Pagkain

Kapag sinisikap nating maging handa sa temporal, makahaharap tayo sa mga pagsubok sa buhay nang may dagdag na tiwala sa sarili.

Bago nagkaroon ng mga restriksyon sa pagbibiyahe dahil sa kasalukuyang pandemya, ako ay pauwi na mula sa isang gawain sa ibang bansa nang magkaroon ako ng pahinga sa araw ng Linggo bago magbiyahe dahil sa mga problema sa iskedyul. Sa pagitan ng mga flight schedule ko ay nagkaroon ako ng oras na dumalo sa isang lokal na sacrament meeting, kung saan ay nakapagbahagi ako ng isang maikling mensahe. Pagkatapos ng pulong, isang masiglang deacon ang lumapit sa akin at nagtanong kung kilala ko si Pangulong Nelson at kung nagkaroon na ako ng pagkakataon na makamayan siya. Sinagot ko siya na kilala ko nga siya, na nakamayan ko na siya, at bilang miyembro ng Presiding Bishopric, nagkaroon na kami ng pagkakataong makausap si Pangulong Nelson at ang kanyang mga tagapayo nang dalawang beses kada linggo.

Pagkatapos ay umupo ang batang deacon, nagtaas ng kanyang mga kamay, at malakas na nagsabi ng, “Ito ang pinakamagandang araw ng buhay ko!” Mga kapatid, maaaring hindi ako nagtataas ng aking mga kamay at humihiyaw, pero walang hanggan ang aking pasasalamat para sa isang buhay na propeta at para sa mga tagubilin na natatanggap natin mula sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag, lalo na sa mga panahong ito ng pagsubok.

Mula pa sa simula ng panahon, ang Panginoon ay nagbibigay ng mga tagubilin para matulungan ang Kanyang mga tao na maghanda sa espirituwal at temporal laban sa mga kalamidad at pagsubok na alam Niyang darating bilang bahagi ng mortal na karanasang ito. Ang mga kalamidad na ito ay maaaring personal o pangkalahatan, ngunit ang patnubay ng Panginoon ay magbibigay ng proteksiyon at suporta hanggang sa ating dinggin at gawin ang Kanyang payo. Isang magandang halimbawa ang ibinigay sa isang salaysay mula sa aklat ng Genesis, kung saan ay nalaman natin ang tungkol kay Jose sa Ehipto at ang kanyang inspiradong interpretasyon ng panaginip ng Faraon.

“Sinabi ni Jose sa Faraon, … ipinakita ng Diyos sa Faraon ang malapit na niyang gawin. …

“Magkakaroon ng pitong taong kasaganaan sa buong lupain ng Ehipto.

“Pagkatapos ng mga iyon, magkakaroon ng pitong taong taggutom at ang lahat ng kasaganaan sa lupain ng Ehipto ay malilimutan.” 1

Ang Faraon ay nakinig kay Jose, tumugon sa ipinakita sa kanya ng Diyos sa panaginip, at mabilis na naghanda para sa mga pangyayaring darating. Pagkatapos ay itinala sa mga banal na kasulatan:

“Ang lupa ay nagbunga [na]ng sagana sa loob ng pitong taon ng kasaganaan,

“At tinipon niya ang lahat ng pagkain sa loob ng pitong taon. …

“Si Jose ay nag-imbak ng napakaraming trigo na gaya ng buhangin sa dagat, hanggang sa huminto siya sa pagtatala nito, sapagkat hindi na ito mabilang.” 2

Nang matapos na ang pitong taon ng kasaganaan, sinabi sa atin na “nang ang pitong taon ng taggutom ay nagpasimulang dumating, ayon sa sinabi ni Jose, nagkagutom sa lahat ng lupain subalit sa buong lupain ng Ehipto ay may pagkain.” 3

Ngayon, tayo ay pinagpala na mapamunuan ng mga propeta na nakauunawa sa pangangailangan natin na maghanda laban sa mga kalamidad na “sasapit” 4 at kumikilala rin sa mga limitasyon o restriksiyon na maaari nating maranasan sa pagsisikap nating sundin ang kanilang mga payo.

Malinaw na nauunawaan natin na ang mga epekto ng COVID-19, gayundin ng mga mapaminsalang natural na kalamidad, ay hindi namimili ng tao at umaabot sa anumang lahi, lipunan, at relihiyon sa bawat kontinente. Ang mga trabaho ay nawala at lumiit ang kita dahil ang mga pagkakataong makapagtrabaho ay naapektuhan ng mga pansamantala o tuluyang pagpapatigil sa trabaho at ang kakayahang magtrabaho ay naapektuhan ng mga problema sa kalusugan at ng mga patakaran ng batas.

Sa lahat ng mga naapektuhan, ipinaaabot namin ang aming pag-unawa at pag-aalala sa inyong sitwasyon, gayundin ang matibay na paniniwalang darating ang mas mabubuting araw. Kayo ay pinagpalang magkaroon ng mga bishop at branch president na humahanap at tumutulong sa mga miyembro ng kanilang kongregasyon na may mga temporal na pangangailangan at may mga tool at resources na makatutulong sa inyo na muling itatag ang inyong buhay at ilagay kayo sa landas patungo sa pagiging self-reliant habang ipinamumuhay ninyo ang mga alituntunin ng kahandaan.

Sa ating paligid ngayon, na may pandemya na puminsala sa buong ekonomiya at sa buhay din ng bawat tao, hindi magiging makatwiran para sa isang mahabaging Tagapagligtas na balewalain ang katotohanan na marami ang naghihirap at hilingin sa kanila na agad na simulan ang pag-iimbak ng pagkain at pag-iimpok ng pera para sa hinaharap. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na dapat nating tuluyang isantabi ang mga alituntunin ng paghahanda—sa halip ay dapat ipamuhay ang mga alituntuning ito “sa karunungan at kaayusan,” 5 upang sa hinaharap ay maaari nating masabi ang sinabi ni Jose sa Ehipto, “May pagkain.” 6

Hindi inaasahan ng Panginoon na gumawa tayo nang higit sa ating makakaya, ngunit ang inaasahan Niya ay gawin natin ang kaya natin, kapag kaya na natin itong gawin. Tulad ng ipinaalala sa atin ni Pangulong Nelson sa nakaraang pangkalahatang kumperensya, “Nais ng Panginoon na may pagsisikap.” 7

Manwal ng Personal na Pera sa iba’t ibang wika

Madalas na hinihikayat ng mga lider ng Simbahan ang mga Banal sa mga Huling Araw na “paghandaan ang mga kahirapan sa buhay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng panustos na mga pangunahing pagkain at tubig at ipon na pera.” 8 Kasabay nito, hinihikayat tayo na “maging matalino” at “huwag magmalabis” 9 sa ating mga pagsisikap na magkaroon ng imbak na pagkain sa tahanan at ipon na pera. Ang isang sangguniang pinamagatang Personal na Pera para Maging Self-Reliant, na inilathala noong 2017 at kasalukuyang makukuha sa website ng Simbahan sa 36 na wika, ay nagsisimula sa mensahe ng Unang Panguluhan, na nagsasaad na:

“Ipinahayag ng Panginoon, ‘Layunin ko ito na maglaan para sa aking mga banal’ [Doktrina at mga Tipan 104:15]. Ang paghahayag na ito ay isang pangako na magbibigay ang Panginoon ng temporal na biyaya at mga oportunidad para maging self-reliant. …

“… Sa pagtanggap at pagsasabuhay ng mga alituntuning ito, higit ninyong makakamtan ang mga temporal na biyayang ipinangako ng Panginoon.

“Inaanyayahan namin kayo na pag-aralang mabuti at isabuhay ang mga alituntuning ito at ituro ang mga ito sa mga miyembro ng inyong pamilya. Kapag ginawa ninyo ito, pagpapalain ang inyong buhay … [dahil] kayo ay anak ng ating Ama sa Langit. Mahal Niya kayo at hindi Niya kayo pababayaan. Kilala Niya kayo at handa Siyang ipagkaloob sa inyo ang mga espirituwal at temporal na biyaya ng self-reliance.” 10

Ang sangguniang ito ay may mga kabanatang nakatuon sa pagbabadyet at pamumuhay nang naaayon dito, pagprotekta sa inyong pamilya laban sa kahirapan, pagsasaayos ng mga problemang pinansiyal, pag-iinvest para sa hinaharap, at marami pang iba at makukuha ito ng lahat sa website ng Simbahan o sa pamamagitan ng mga lokal na lider.

Kapag pinag-iisipan natin ang alituntunin ng kahandaan, maaari nating gunitain si Jose sa Ehipto para sa inspirasyon. Hindi sapat na malaman lang ang magaganap para matulungan sila sa mga taon ng “taggutom” kung walang anumang pagsasakripisyo sa panahon ng kasaganaan. Sa halip na ubusin ang lahat ng kayang anihin ng mga tauhan ng Faraon, naglagay ng mga limitasyon, at sinunod ang mga ito, upang sapat na makapaglaan para sa kanilang agarang pangangailangan, gayon din sa mga pangangailangan nila sa hinaharap. Hindi sapat na malaman lang na darating ang mahihirap na panahon. Kailangan nilang kumilos, at dahil sa kanilang pagsisikap, “may pagkain.” 11

Humahantong ito sa isang mahalagang tanong: “Kung gayon, ano ang aral dito?” Makabubuting magsimula sa pag-unawa na ang lahat ng bagay ay espirituwal sa Panginoon, “at hindi kailanman” Siya nagbigay sa atin ng “batas … na temporal.” 12 Ang lahat, kung gayon, ay nakatuon kay Jesucristo bilang pundasyon na dapat nating sandigan maging pagdating sa ating temporal na kahandaan.

Ang ibig sabihin ng pagiging handa sa temporal at pagiging self-reliant ay ang “paniniwala na sa pamamagitan ng biyaya, o nagbibigay-kakayahang kapangyarihan, ni Jesucristo at ng ating sariling pagsisikap, kaya nating makamit ang lahat ng espirituwal at temporal na pangangailangan ng buhay na kailangan natin sa ating sarili at sa ating pamilya.” 13

Ang iba pang aspeto ng espirituwal na pundasyon para sa temporal na kahandaan ay kinabibilangan ng pagkilos “sa karunungan at kaayusan,” 14 na ang ibig sabihin ay unti-unting pag-iimbak ng pagkain at unti-unting pag-iimpok ng pera, at pagsasagawa rin ng “maliliit at mga karaniwang” paraan, 15 na pagpapakita ng pananampalataya na palalawigin ng Panginoon ang ating maliliit ngunit tuluy-tuloy na mga pagsisikap.

Kapag naitatag na ang espirituwal na pundasyon, matagumpay na nating magagamit ang dalawang mahalagang elemento ng temporal na kahandaan—ang pagsasaayos ng pananalapi at ang pag-iimbak sa tahanan.

Ang mahahalagang alituntunin para maisaayos ang inyong pananalapi ay kinabibilangan ng pagbabayad ng ikapu at mga handog, pagbabayad at pag-iwas sa utang, paghahanda ng badyet at paggastos nang naaayon dito, at pag-iimpok para sa hinaharap.

Ang mga pangunahing alituntunin sa pag-iimbak sa tahanan ay kinabibilangan ng pag-iimbak ng pagkain, pag-iimbak ng tubig, at ng iba pang mga pangangailangan batay sa mga pangangailangan ng indibiduwal at pamilya dahil “ang pinakamahusay na imbakan” 16 ay ang tahanan, na “pinakamadaling kuhaan ng mga inimbak sa panahon ng pangangailangan.” 17

Kapag ipinamuhay natin ang mga espirituwal na alituntunin at humingi ng inspirasyon mula sa Panginoon, tayo ay gagabayan na malaman kung ano ang kalooban ng Panginoon sa atin, bilang indibiduwal at mga pamilya, at kung paano pinakamainam na maisasabuhay ang mahahalagang alituntunin ng temporal na kahandaan. Ang pinakamahalagang hakbang sa lahat ay ang magsimula.

Itinuro ni Elder David A. Bednar ang alituntuning ito nang sabihin niya: “Ang pagkilos ay pagpapakita ng pananampalataya. … Ang tunay na pananampalataya ay nakatuon sa Panginoong Jesucristo at palaging humahantong sa pagkilos at paggawa.” 18

Mga kapatid, sa mundong patuloy na nagbabago, kailangan nating maghanda para sa mga hindi inaasahan. Kahit na mas magiging maayos ang susunod na mga araw, alam natin na ang mabubuti at mahihirap na panahon sa ating mortalidad ay magpapatuloy. Kapag sinisikap nating maging handa sa temporal, makahaharap tayo sa mga pagsubok sa buhay nang may dagdag na tiwala sa sarili, kapayapaan sa ating puso, at tulad ni Jose sa Ehipto, masasabi natin, kahit sa mahihirap na mga kalagayan, “May pagkain.” 19 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.