Pangkalahatang Kumperensya
Pagsulong
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2020


5:7

Pagsulong

Patuloy na sumusulong ang gawain ng Panginoon.

Mahal kong mga kapatid, nagagalak akong makasama kayo sa pagsisimula ng Ika-190 Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Napakasaya kong makasama kayo sa inyong mga tahanan o nasaan man kayo para sama-samang makinig sa mga mensahe ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag at iba pang mga lider ng Simbahan.

Talagang nagpapasalamat tayo sa teknolohiya na paraan para maging konektado tayo sa malaking pandaigdigang pagtitipon ng mga disipulo ni Jesucristo. Ang pangkalahatang kumperensya noong Abril ay ang kumperensyang may pinakamaraming nanood, at umaasa kami na mauulit iyon.

Sa nakaraang mga buwan, isang pandaigdigang pandemya, mga sunog, at iba pang mga likas na kalamidad ang nagpataob sa ating mundo. Nakikidalamhati ako sa lahat ng nawalan ng mahal sa buhay sa panahong ito. At ipinagdarasal ko ang lahat na kasalukuyang naghihirap.

Habang patuloy na sumusulong ang gawain ng Panginoon. Sa gitna ng social distancing, pagsusuot ng face mask, at mga Zoom meeting, natuto tayong baguhin ang nakagawian na at gawin ang iba pa nang mas epektibo. Ang naiibang panahon ay nagdadala ng naiibang pagpapala.

Ang mga missionary at mission leader ay naging maparaan, matatag, at napakahuhusay. Kahit na karamihan sa mga missionary ay kinailangang humanap ng bago at malikhaing paraan para magawa ang kanilang gawain, maraming mission ang nag-ulat na mas marami ang mga tinuturuan ngayon.

Kinailangang pansamantalang isara ang mga templo, at ilang mga proyekto sa pagtatayo ang saglit na naantala, ngunit patuloy na ang mga ito ngayon. Sa taong 2020, nag-ground breaking tayo para sa 20 bagong mga templo!

Labis na nadagdagan ang mga gawain sa family history. Maraming bagong mga ward at stake ang nalikha. At masaya kaming iulat na ang Simbahan ay nagbigay ng pandemic humanitarian aid sa 895 na mga proyekto sa 150 mga bansa.

Ang higit na pag-aaral ng ebanghelyo sa mga tahanan ay nagbubunga ng mas malalakas na patotoo at relasyon ng pamilya. Isang ina ang nagsulat: “Dama naming mas malapit kami sa mga anak at apo namin ngayon na nagkakatipon kami gamit ang Zoom bawat Linggo. Nagsasalitan kami sa pagbabahagi ng mga kaisipan ukol sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Nagbago ang mga panalangin para sa mga kapamilya dahil mas naiintindihan na namin ang mga kailangan nila.”

Dalangin ko na sana ay ginagamit natin ang pambihirang panahon na ito upang lumago sa espirituwal. Nasa mundo tayo ngayon upang masubukan, para makita kung pipiliin nating sundin si Jesucristo, para regular na magsisi, para matuto, at umunlad. Nais ng mga espiritu natin na umunlad. At pinakamainam natin itong nagagawa sa pananatiling tapat sa landas ng tipan.

Sa gitna ng lahat ng ito, mahal tayo ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. May malasakit Sila sa atin! Sila at ang Kanilang banal na mga anghel ay nakamasid sa atin. 1 Alam kong iyan ay totoo.

Sa pagtitipon natin upang pakinggan ang mga salita na nais ng Panginoon na ipahayag ng Kanyang mga lingkod, inaanyayahan ko kayo na pagnilayan ang pangakong ginawa ng Panginoon. Sinabi Niya na “sinuman ang magnanais ay makayayakap sa salita ng Diyos, na buhay at makapangyarihan, na maghahati-hati sa lahat ng katusuhan … at panlilinlang ng diyablo, at aakayin ang [disipulo] ni Cristo sa makipot at makitid na daan.” 2

Dalangin ko na piliin ninyong yakapin ang salita ng Diyos ngayong pangkalahatang kumperensya. Dalangin kong madama ninyo ang sakdal na pagmamahal ng Panginoon para sa inyo, 3 sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.