Sa Pagkakaisa ng Damdamin ay Natatamo Natin ang Kapangyarihan Kasama ng Diyos
Kapag hinahangad natin ang pagkakaisa ng damdamin, mahihingi natin ang kapangyarihan ng Diyos para gawing lubos ang ating mga pagsisikap.
Sinabi ng ina ni Gordon na kapag ginawa niya ang kanyang mga gawain, igagawa niya ito ng pie. Ang paborito niyang pie. Para lamang sa kanya. Nagsimulang magtrabaho si Gordon para matapos ang mga gawaing iyon, at minasa ng kanyang ina ang pie. Dumating sa bahay ang kanyang ate na si Kathy kasama ang kaibigan nito. Nakita niya ang pie at nagtanong siya kung puwede sila ng kaibigan niya na makakuha ng isang hiwa nito.
“Hindi,” sabi ni Gordon, “sa akin ang pie. Bineyk ito ni Inay para sa akin, at kailangan ko itong paghirapan.”
Nagalit si Kathy sa kanyang nakababatang kapatid. Napakamakasarili at napakaramot niya. Paano niya nagawang sarilinin lamang ang lahat ng iyon?
Pagkaraan ng ilang oras, nang buksan ni Kathy ang pinto ng kotse para ihatid sa pag-uwi ang kanyang kaibigan, naroon sa upuan ang dalawang napkin na nakatupi nang maayos, dalawang tinidor sa ibabaw nito, at dalawang malalaking hiwa ng pie sa mga pinggan. Ikinuwento ito ni Kathy sa libing ni Gordon para ipakita kung gaano ito kahandang magbago at magpakita ng kabaitan sa mga taong hindi palaging marapat para rito.
Noong 1842, ang mga Banal ay nagtrabaho nang husto para maitayo ang Nauvoo temple. Matapos itatag ang Relief Society noong Marso, madalas pumunta si Propetang Joseph sa kanilang mga pulong para ihanda sila sa sagrado at nagbibigkis na mga tipan na malapit na nilang gawin sa templo.
Noong Hunyo 9, “sinabi [ng Propeta] na magtuturo siya ng tungkol sa awa[.] “Kung tutulan kaya tayo ni Jesucristo at ng mga … anghel dahil sa mga walang kabuluhang bagay, ano ang mangyayari sa atin? Kailangan tayong maging maawain sa isa’t isa, at huwag pansinin ang maliliit na bagay.” Sinabi pa ni Pangulong Smith, “Nakakalungkot para sa akin na walang mas lubos na pakikipagsamahan—kung ang isang miyembro ay nagdurusa, lahat ay nakadarama nito—sa pagkakaisa ng damdamin ay natatamo natin ang kapangyarihan kasama ng Diyos.” 1
Tila tinamaan ako ng kidlat ng maikling pangungusap na iyon. Sa pagkakaisa ng damdamin ay natatamo natin ang kapangyarihan kasama ng Diyos. Hindi ganitong klase ng mundo ang nais ko. Maraming bagay ang gusto kong maimpluwensiyahan at gawing mas mabuti. At sa totoo lang, maraming sumasalungat sa hangarin ko, at kung minsan ay nararamdaman ko na wala akong magawa. Kamakailan, tinanong ko ang aking sarili ng mga mapagsuring katanungan: Paano ko mas mauunawaan ang mga tao sa paligid ko? Paano ko magagawang magkaroon ng “pagkakaisa ng damdamin” na iyon kung ang lahat ay labis na magkakaiba? Anong kapangyarihan ng Diyos ang maaari kong matanggap kung mas nakikiisa pa ako nang kaunti sa iba? Mula sa pagsusuri ko sa aking sarili, may tatlo akong mungkahi. Maaaring makatulong din sa inyo ang mga ito.
Magkaroon ng Awa
Mababasa sa Jacob 2:17, “Ituring ang inyong mga kapatid nang tulad sa inyong sarili, at maging malapit sa lahat at mapagbigay sa inyong pag-aari, upang yumaman silang tulad ninyo.” Palitan natin ang salitang pag-aari ng salitang awa—maging mapagbigay sa inyong awa upang yumaman silang tulad ninyo.
Madalas nating akalain na ang pag-aari ay tumutukoy lamang sa pagkain o pera, pero marahil ang mas kailangan nating lahat sa ating paglilingkod ay awa.
Kamakailan ay sinabi ng aming Relief Society president: “Ang bagay na aking … ipinapangako … sa inyo ay iingatan ko ang inyong pangalan. … Titingnan ko kayo ayon sa inyong pinakamabuting pagkatao. … Hindi ako magsasabi ng anumang bagay tungkol sa inyo na hindi mabuti, na hindi magtataas sa inyo. Hinihiling ko sa inyo na gayon din ang gawin ninyo para sa akin dahil nangangamba ako, sa totoo lang, na mabigo ko kayo.”
Sinabi ni Joseph Smith sa kababaihan sa araw na iyon ng Hunyo ng 1842:
“Kapag nagpapakita ng kaunting kabaitan at pagmamahal ang mga tao sa akin, Ah, nangingibabaw ito sa aking isipan. …
“… Kapag mas napapalapit tayo sa ating Ama sa Langit, mas nahahabag tayo sa mga taong naliligaw ng landas—[nadarama nating nais natin] silang pasanin, at balikatin ang kanilang mga kasalanan. [Ang aking mensahe ay para sa] lahat sa Samahang ito—kung gusto ninyong kaawaan kayo ng Diyos, kaawaan ninyo ang isa’t isa.” 2
Ang payo na ito ay partikular na para sa Relief Society. Huwag nating husgahan ang bawat isa o magbitiw ng masasakit na salita. Ingatan natin ang pangalan ng bawat isa at ibigay natin ang kaloob na awa. 3
Gawing Maindayog ang Inyong Bangka
Noong 1936, isang hindi kilalang rowing team mula sa University of Washington ang nagtungo sa Germany para lumahok sa Olympic Games. Kasagsagan noon ng Matinding Depresyon. Sila ay mga batang trabahador na binigyan ng kaunting pera ng kanilang mga bayan na nagmimina at nagtotroso para makabiyahe sila patungong Berlin. Tila hindi pabor sa kanila ang bawat aspeto ng kumpetisyon, pero may isang bagay na nangyari sa karera. Sa mundo ng rowing, tinatawag itong “indayog.” Pakinggan ang paglalarawang ito batay sa aklat na The Boys in the Boat [Ang mga Batang Lalaki sa Bangka]:
Kung minsan ay may isang bagay na nangyayari na mahirap matamo at mahirap maipaliwanag. Ito ay tinatawag na “indayog.” Nangyayari lamang ito kapag ang lahat ay sumasagwan nang may lubos na pagkakaisa at sabay-sabay ang pagkilos.
Kailangang kontrolin ng mga sumasagwan ang pagsasagwan nang kanya-kanya at kasabay nito ay maging totoo sa kanilang indibiduwal na mga kakayahan. Ang mga karera ay hindi napapanalunan dahil magkakapareho ang mga miyembro. Ang magagaling na team ay may magagandang kombinasyon—may namumuno, may nag-iipon ng lakas para sa tamang pagkakataon, may mas aktibong lumalaban, may tagapamayapa. Walang sumasagwan ang mas mahalaga sa iba, ang lahat ay kapaki-pakinabang sa bangka, pero kung nais nila na sama-samang makapagsagwan nang maayos, kailangang umayon ang bawat isa sa pangangailangan at kakayahan ng iba—ang may maiksing braso ay mas dumudukwang, ang mas mahaba ang braso ay hindi naman masyadong dumudukwang.
Ang mga pagkakaiba-iba ay maaaring gawing kapaki-pakinabang sa halip na kawalan. Doon lamang madaramang tila umaandar nang mag-isa ang bangka. Doon lamang lubusang mapapawi ng kagalakan ang paghihirap. Ang magaling na “pag-indayog” ay tila isang tula. 4
Laban sa naglalakihang mga balakid, ang team na ito ay nagkaroon ng perpektong indayog at nanalo. Ang gintong medalya sa Olympics ay labis na nakasisiya, ngunit ang pagkakaisa na naranasan ng bawat sumasagwan sa araw na iyon ay isang banal na sandali na hindi nila malilimutan sa buong buhay nila.
Tanggalin Ninyo ang Masasama Alinsunod sa Pagtubo ng Mabubuti
Sa napakagandang alegorya sa Jacob 5, ang Panginoon ng olibohan ay nagtanim ng isang magandang puno sa mainam na lupa, ngunit nabulok ito at kalaunan ay nagbunga ng ligaw na bunga. Sinabi nang walong beses ng Panginoon ng olibohan: “Ikalulungkot kong mawala sa akin ang punong ito.”
Sinabi ng tagapagsilbi sa Panginoon ng olibohan: “Patagalin pa natin nang kaunti [ang puno]. At sinabi ng Panginoon: Oo, patatagalin ko ito nang kaunti pa.” 5
At pagkatapos ay ibinigay ang tagubilin na magagamit ng lahat sa atin na nagsisikap na bumungkal at humanap ng mainam na bunga sa ating sariling maliit na olibohan: “Tanggalin ninyo ang masasama alinsunod sa pagtubo ng mabubuti.” 6
Ang pagkakaisa ay hindi agad-agad nangyayari; nangangailangan ito ng pagkilos. Ito ay masalimuot, kung minsan ay hindi komportable, at nangyayari nang paunti-unti kapag tinanggal natin ang masasama alinsunod sa pagtubo ng mabubuti.
Hindi tayo nag-iisa kailanman sa ating mga pagsisikap na magkaroon ng pagkakaisa. Sinabi pa sa Jacob 5, “Humayo ang mga tagapagsilbi at gumawa nang buong lakas nila; at gumawa rin ang Panginoon ng olibohan na kasama nila.” 7
Bawat isa sa atin ay magkakaroon ng napakasakit na mga karanasan, mga bagay na hindi dapat nangyari. Sa ilang pagkakataon, tutulutan din ng bawat isa sa atin ang kapalaluan at pagmamataas na bulukin ang bungang taglay natin. Ngunit si Jesucristo ang ating Tagapagligtas sa lahat ng bagay. Ang Kanyang kapangyarihan ay umaabot sa pinakailalim at maaasahan na naririyan kapag tumawag tayo sa Kanya. Tayong lahat ay nagsusumamo para sa awa para sa ating mga kasalanan at kabiguan. Ibinibigay Niya ito nang sagana. At iniuutos Niya sa atin na ibigay ang gayon ding awa at pang-unawa sa bawat isa.
Hayagang sinabi ni Jesus: “Maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin.” 8 Ngunit kung tayo ay isa—kung makapagbibigay tayo ng isang hiwa ng ating pie o maiaangkop ang ating mga indibiduwal na talento para umindayog ang ating bangka nang may perpektong pagkakaisa—kung gayon tayo ay sa Kanya. At tutulong Siyang tanggalin ang masasama alinsunod sa pagtubo ng mabubuti.
Mga Pangako ng Propeta
Maaaring wala pa tayo sa nais nating marating, at wala pa tayo ngayon kung saan tayo dapat naroon. Naniniwala ako na ang pagbabagong hinahangad natin para sa ating sarili at sa mga grupo na kinabibilangan natin ay hindi gaanong makakamtan sa pamamagitan ng aktibismo o pagiging aktibista kundi sa pamamagitan ng mas aktibong pagsisikap araw-araw na unawain ang isa’t isa. Bakit? Dahil tayo ay nagtatatag ng Sion—mga taong “may isang puso at isang isipan.” 9
Bilang mga kababaihan ng tipan, malawak ang impluwensya natin. Ang impluwensyang iyan ay magagamit sa mga sandali sa araw-araw kapag tayo ay nag-aaral kasama ng isang kaibigan, nagpapatulog ng mga anak, nakikipag-usap sa katabi sa bus, at naghahanda ng presentasyon kasama ng isang katrabaho. May kakayahan tayong alisin ang panghuhusga sa ating kapwa at magkaisa.
Ang Relief Society at Young Women ay hindi lamang mga klase. Ang mga ito ay maaari ding maging mga di-malilimutang karanasan kung saan ang magkakaibang kababaihan ay sumasakay sa iisang bangka at sumasagwan hanggang sa mahanap nila ang tamang indayog. Ibinibigay ko ang paanyayang ito: maging bahagi ng pinagsama-samang lakas na bumabago sa mundo para sa kabutihan. Ang tungkuling ipinangako natin na tutupdin ay ang maglingkod, ang itaas ang mga kamay na nakababa, at ang buhatin ang mga naghihirap na tao sa ating mga likuran o sa ating mga bisig at pasanin sila. Hindi mahirap malaman kung ano ang ating gagawin, pero madalas ay salungat ito sa ating makasariling mga interes, at kailangan nating pagsikapan. Ang kababaihan ng Simbahang ito ay mayroong hindi masusukat na potensyal na baguhin ang lipunan. Lubos akong espirituwal na nagtitiwala na, kapag hinahangad natin ang pagkakaisa ng damdamin, mahihingi natin ang kapangyarihan ng Diyos para gawing lubos ang ating mga pagsisikap.
Nang gunitain ng Simbahan ang paghahayag tungkol sa priesthood noong 1978, nagbigay si Pangulong Russell M. Nelson ng makapangyarihang pagpapala bilang propeta: “Ito ang dalangin at biyayang iniiwan ko sa lahat ng nakikinig, na mapagtagumpayan natin ang anumang pasanin ng pagtatangi at maglakad nang matuwid kasama ang Diyos—at kasama ang isa’t isa—sa lubos na kapayapaan at pagkakaisa.” 10
Nawa’y panghawakan natin ang pagpapalang ito ng propeta at gamitin ang ating indibiduwal at pinagsama-samang pagsisikap para maragdagan ang pagkakaisa sa mundo. Iniiwan ko ang aking patotoo gamit ang mga salita sa mapagpakumbaba at walang maliw na panalangin ng Panginoong Jesucristo: “Upang silang lahat ay maging isa. Gaya mo, Ama, na nasa akin at ako’y sa iyo, sana sila’y manatili sa atin.” 11 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.