Pangkalahatang Kumperensya
Pumayapa Ka, Tumahimik Ka
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2020


11:0

Pumayapa Ka, Tumahimik Ka

Itinuro sa atin ng Tagapagligtas kung paano makadama ng kapayapaan at kapanatagan kahit humahampas ang malalakas na hangin sa ating paligid at nagbabantang lamunin ng malalaking alon ang ating pag-asa.

Noong bata pa ang aming mga anak, kaming pamilya ay pansamantalang lumagi nang ilang araw sa tabi ng isang magandang lawa. Isang hapon, nagsuot ng life jacket ang ilan sa mga bata bago tumalon sa tubig mula sa isang deck o kubyerta. Atubiling nanood ang aming bunsong babae, na inoobserbahang mabuti ang kanyang mga kapatid. Matapos makaipon ng lakas ng loob, pinisil niya sa isang kamay ang kanyang ilong at tumalon siya. Agad siyang lumutang at sumigaw nang may kaunting takot sa kanyang boses, “Tulong! Tulong!”

Wala naman siya sa panganib; gumana naman nang maayos ang life jacket niya, at ligtas siyang nakalutang. Madali lang naman namin siyang maaabot at mahihila pabalik sa kubyerta. Subalit sa tingin niya, kinailangan niya ng tulong. Marahil ay dahil malamig ang tubig o bago ang karanasang iyon. Sumampa siya pabalik sa kubyerta, kung saan namin siya binalutan ng tuyong tuwalya at pinuri sa kanyang katapangan.

Matanda man tayo o bata pa, marami sa atin, sa mga panahon ng kagipitan, ang agarang nagsabi ng “Tulong!” “Iligtas ninyo ako!” o “Sagutin naman ninyo ang dasal ko!”

Nangyari iyon sa mga disipulo ni Jesus noong panahon ng Kanyang mortal na ministeryo. Sa Marcos mababasa natin na si Jesus ay “muling nagpasimulang magturo sa tabi ng dagat. At nagtipon sa palibot niya ang napakaraming tao.”1 Lubhang dumami ang mga tao kaya si Jesus ay “sumakay sa isang bangka”2 at nagsalita mula rito. Maghapon Niyang tinuruan ang mga tao gamit ang mga talinghaga habang nakaupo sila sa pampang.

“[At] … nang sumapit na ang gabi,” sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo, “Tumawid tayo sa kabilang ibayo. Pagkaiwan sa maraming tao,”3 umalis na sila sa pampang at tumawid sa Dagat ng Galilea. Nang makakita ng lugar sa bandang likod ng bangka, humiga si Jesus at nakatulog kaagad. Hindi nagtagal, “nagkaroon ng isang malakas na unos, sumalpok ang mga alon sa bangka, anupa’t ang bangka ay halos napupuno na”4 ng tubig.

Marami sa mga disipulo ni Jesus ang bihasang mga mangingisda at alam nila kung paano paandarin ang bangka sa gitna ng unos. Sila ang Kanyang mga pinagkakatiwalaan—sa katotohanan, Kanyang mahal—na mga disipulo. Iniwan nila ang kanilang trabaho, personal na interes, at pamilya upang sundan si Jesus. Ang kanilang pananampalataya sa Kanya ay nakita sa presensya nila sa bangka. At ngayon ay nasa gitna ng unos ang kanilang bangka at malapit nang lumubog.

Hindi natin alam kung gaano katagal nila sinikap na panatilihing nakalutang ang bangka sa gitna ng unos, ngunit ginising nila si Jesus nang may kaunting takot sa kanilang boses, sinasabing:

“Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?”5

“Panginoon, iligtas mo kami; mamamatay kami!”6

Tinawag nila Siyang “Guro,” at talagang Siya ay ating guro. Siya rin si “Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ang Ama ng langit at lupa, ang Lumikha ng lahat ng bagay mula sa simula.”7

Pumayapa

Mula sa Kanyang puwesto sa bangka, bumangon si Jesus at sinaway ang hangin at sinabi sa nagngangalit na dagat, “Pumayapa ka. Tumahimik ka! Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan.”8 Bilang Dalubhasang Guro, tinuruan ni Jesus ang Kanyang mga disipulo sa pamamagitan ng dalawang simple subalit magiliw na tanong. Itinanong Niya.

“Bakit kayo nangatakot?”9

“Nasaan ang inyong pananampalataya?”10

Bilang mortal, tayo ay may isang pag-uugali, isang tukso pa nga, kapag nasa gitna tayo ng mga pagsubok, problema, o pagdurusa, na humiyaw ng, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak ako? Iligtas mo ako.” Maging si Joseph Smith ay nagsumamo mula sa isang nakakatakot na bilangguan, “O Diyos, nasaan kayo? At nasaan ang pabilyon na tumatakip sa inyong pinagkukublihang lugar?”11

Tiyak na nauunawaan ng Tagapagligtas ng sanlibutan ang ating mga limitasyon bilang mortal, dahil tinuturuan Niya tayo kung paano makadama ng kapayapaan at kapanatagan kahit humahampas ang malalakas na hangin sa ating paligid at nagbabantang lamunin ng malalaking alon ang ating pag-asa.

Sa mga yaon na subok na ang pananampalataya, may pananampalatayang tulad sa isang bata, o bahagya lamang ang pananampalataya,12 nag-aanyaya si Jesus, nagsasabing: “Lumapit kayo sa akin.”13 “[Maniwala] sa aking pangalan.”14 “Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita.”15 Magiliw Niyang iniutos, “[Magsisi] at [m]abinyagan sa aking pangalan,”16 “Kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa’t isa,”17 at “Lagi ninyo akong [alalahanin].”18 Muling tiniyak ni Jesus, na ipinaliliwanag: “Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo, upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay [magkakaroon kayo ng kapighatian]. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan.”19

Naiisip ko na ang mga disipulo ni Jesus na nasa bangkang binabagyo, dahil kailangan, ay abalang binabantayan ang mga alon na humahampas sa gilid ng kanilang bangka at nililimas ang tubig na pumapasok dito. Naiisip ko na inaayos nila ang mga layag at sinisikap na kontrolin nang kaunti ang kanilang maliit na bangka. Ang tuon nila ay nasa pananatiling ligtas sa sandaling iyon, at ang paghingi nila ng agarang tulong ay taos-puso.

Marami sa atin ang hindi naiiba sa kanila sa ating panahon. Ang mga nagaganap kamakailan sa buong mundo at sa ating mga bansa, komunidad, at pamilya ay tinambakan tayo ng di-inaasahang mga pagsubok. Sa mga panahon ng matinding kalituhan, maaaring masubukan nang husto ang ating tibay at pang-unawa. Maaari tayong gambalain ng mga alon ng takot, na magiging dahilan upang malimutan natin ang kabutihan ng Diyos, sa gayo’y lalabo ang ating paningin. Subalit sa mahihirap na bahaging ito ng ating paglalakbay hindi lamang masusubukan ang ating pananampalataya kundi mapapatibay rin.

Anuman ang ating sitwasyon, maaari tayong sadyang magsikap na palakasin at pag-ibayuhin ang ating pananampalataya kay Jesucristo. Napapatatag ito kapag inaalala natin na tayo ay mga anak ng Diyos at na mahal Niya tayo. Lumalago ang ating pananampalataya kapag sinusubok natin ang salita ng Diyos nang may pag-asa at kasisagisan, na ginagawa ang lahat upang masunod ang mga turo ni Cristo. Nag-iibayo ang ating pananampalataya kapag pinipili nating maniwala sa halip na magduda, magpatawad sa halip na manghusga, magsisi sa halip na maghimagsik. Pumipino ang ating pananampalataya habang matiyaga tayong umaasa sa kabutihan at awa at biyaya ng Banal na Mesiyas.20

“Bagama’t ang pananampalataya ay hindi lubos na kaalaman,” sabi ni Elder Neal A. Maxwell, “naghahatid ito ng malaking tiwala sa Diyos, na may lubos na kaalaman!”21 Maging sa mga panahon ng kaguluhan, matapang at matatag ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Tinutulungan tayo nitong iwaksi ang di-mahalagang mga gambala. Hinihikayat tayo nitong patuloy na sumulong sa landas ng tipan. Nagpapatuloy ang pananampalataya sa kabila ng kabiguan at tinutulutan tayong harapin ang kinabukasan nang may determinasyon at tapang. Hinihikayat tayo nitong humingi ng pagsagip at tulong kapag nagdarasal tayo sa Ama sa pangalan ng Kanyang Anak. At kapag tila hindi nasasagot ang ating mga pagsamo, ang patuloy na pananampalataya natin kay Jesucristo ay nagbubunga ng tiyaga, pagpapakumbaba, at kakayahang sambitin nang may pagpipitagan ang mga salitang, “Masunod nawa ang kalooban mo.”22

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Ngunit hindi kailangang mapalitan ng takot ang ating pananampalataya. Malalabanan natin ang mga pangambang iyon sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ating pananampalataya.

“Simulan sa inyong mga anak. … Ipadama ninyo sa kanila ang inyong pananampalataya, maging sa matitinding pagsubok na dumarating sa inyo. Ituon ang inyong pananampalataya sa ating mapagmahal na Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. … Ituro sa bawat batang lalaki o babae na siya ay anak ng Diyos, nilikha sa Kanyang larawan o wangis, na may sagradong layunin at potensyal. Bawat isa ay isinilang na may mga hamon na dadaigin at pananampalatayang palalaguin.”23

Narinig kong ibahagi ng dalawang apat-na-taong-gulang na bata kamakailan ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo nang sagutin nila ang tanong na “Paano ka tinutulungan ni Jesucristo?” Sabi ng unang bata, “Alam kong mahal ako ni Jesus dahil namatay Siya para sa akin. Mahal din Niya ang matatanda.” Sabi ng pangalawang bata, “Tinutulungan Niya ako kapag malungkot ako o naiinis. Tinutulungan din Niya ako kapag nalulunod ako.”

Ipinahayag ni Jesus, “Anupa’t sinuman ang magsisisi at lalapit sa akin na tulad ng maliit na bata, siya ay tatanggapin ko, sapagkat sa kanila ang kaharian ng Diyos.”24

“Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”25

Kamakailan, nangako si Pangulong Nelson, “na kasunod nito ay mababawasan ang takot at madaragdagan ang pananampalataya” kapag “[nagsimula tayong] muli na talagang makinig, pakinggan, at dinggin ang mga salita ng Tagapagligtas.”26

Pinayapa ni Jesus ang dagat

Mga kapatid, ang ating kasalukuyang mapanghamong sitwasyon ay hindi ang ating huli at walang-hanggang hantungan. Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo sa pamamagitan ng tipan. Nananampalataya tayo sa Kanyang tumutubos na kapangyarihan at umaasa sa Kanyang dakila at natatanging mga pangako. Nasa atin ang lahat ng dahilan upang magalak, sapagkat alam na alam ng ating Panginoon at Tagapagligtas ang ating mga problema, alalahanin, at pighati. Katulad noong sumama si Jesus sa Kanyang mga disipulo, kasama rin natin Siya! Nagpapatotoo ako na nagbuwis Siya ng Kanyang buhay upang kayo at ako ay hindi mamatay. Nawa’y magtiwala tayo sa Kanya, sumunod sa Kanyang mga utos, at may pananampalatayang makinig sa Kanya na nagsasabing, “Pumayapa ka. Tumahimik ka.”27 Sa sagrado at banal na pangalan ni Jesucristo, amen.