Pangkalahatang Kumperensya
Labis na Pinagpala ng Panginoon
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2020


14:7

Labis na Pinagpala ng Panginoon

Hindi nababago ng mga panahon ng pagdurusa at kabiguan ang mapagmasid na mata ng Panginoon habang mapagmahal Siyang nakatingin sa atin, at pinagpapala tayo.

Isang araw maraming taon na ang nakalipas, bilang bata pang mga missionary sa isang munting branch sa maliit na isla ng Amami Oshima, Japan, tuwang-tuwa kaming magkompanyon na malaman na bibisita si Pangulong Spencer W. Kimball sa Asia at na inanyayahan sa Tokyo ang lahat ng miyembro at missionary sa Japan upang pakinggan ang propeta sa isang area conference. Kasama ang mga miyembro ng branch, sabik kaming nagsimulang magplano ng kompanyon ko para sa kumperensya, na mangangailangan ng 12-oras na pagsakay sa barko patawid ng East China Sea patungong mainland Japan, na susundan ng 15-oras na pagsakay sa tren patungong Tokyo. Gayunman, ang malungkot ay hindi nangyari iyon. Sinabihan kami ng aming mission president na dahil sa layo at tagal ng biyahe, hindi kami makakadalo ng kompanyon ko sa kumperensya sa Tokyo.

si Elder Stevenson at ang kanyang missionary companion

Habang sumasakay na sa barko ang mga miyembro ng aming munting branch papuntang Tokyo, nagpaiwan kami. Tila tahimik at hungkag ang sumunod na mga araw. Kami lang magkompanyon ang nag-sacrament meeting sa maliit na chapel, habang nasa kumperensya ang mga Banal sa mga Huling Araw at mga missionary ng Japan.

Asia Area Conference

Nakaramdam ako ng matinding kalungkutan kahit masaya akong nakinig nang bumalik ang mga miyembro ng branch mula sa kumperensya ilang araw kalaunan upang iulat na ibinalita ni Pangulong Kimball na magkakaroon ng templo sa Tokyo. Tuwang-tuwa sila nang ibahagi nila ang katuparan ng kanilang pangarap. Inilarawan nila kung paanong hindi napigilan ng mga miyembro at missionary ang kanilang kagalakan at sabay-sabay silang nagpalakpakan nang marinig nila ang balita tungkol sa templo.

Ibinabalita ni Pangulong Kimball ang templo sa Tokyo

Nagdaan ang mga taon, ngunit naaalala ko pa rin ang kalungkutang nadama ko nang hindi ako makadalo sa makasaysayang miting na iyon.

Nitong mga nakalipas na buwan napagnilayan ko ang karanasang ito nang mamasdan ko ang iba pang dumaranas ng matinding kabiguan at kalungkutan—na mas matindi at mas malalim pa kaysa sa nadama ko noon bilang bata pang missionary—na dulot ng pandemyang COVID-19 sa buong mundo.

Sa pagsisimula ng taon na ito, nang bumilis ang pagkalat ng pandemya, nangako ang Unang Panguluhan na “ang Simbahan at ang mga miyembro nito ay tapat na magpapakita ng ating dedikasyon sa pagiging mabubuting mamamayan at mabubuting kapwa-tao”1 at “lubos na mag-iingat.”2 Kaya, naranasan natin ang pansamantalang pagpapatigil ng mga pagtitipon ng Simbahan sa buong mundo, pagbalik ng mahigit kalahati sa puwersa ng mga missionary ng Simbahan sa kanilang sariling bansa, at pagsasara ng lahat ng templo sa buong Simbahan. Libu-libo sa inyo ang naghahandang pumasok sa templo upang magsagawa ng mga ordenansa para sa mga buhay—kabilang na ang mga pagbubuklod sa templo. Ang iba sa inyo ay natapos nang maaga sa inyong paglilingkod bilang missionary o pansamantalang na-release at nalipat ng assignment.

Mga missionary na nagsisiuwi sa gitna ng COVID

Sa panahong ito, isinara ng mga lider ng pamahalaan at edukasyon ang mga paaralan—na nagpabago sa mga pagtatapos at sapilitang nagkansela ng mga kaganapan at aktibidad sa isports, panlipunan, pangkultura, at pang-edukasyon. Marami sa inyo ang naghanda para sa mga kaganapang hindi nadaluhan, mga pagtatanghal na hindi narinig, at mga athletic season na hindi nalaro.

Ang mas malungkot pa ay ang saloobin ng mga pamilyang namatayan ng mga mahal sa buhay sa panahong ito; karamiha’y hindi makapagdaos ng libing o iba pang nagbibigay-kapanatagang pagtitipong nais sana nila.

Sa madaling salita, napakarami sa inyo ang nakaranas ng masakit na kabiguan, kalungkutan, at panghihina ng loob. Kaya paano tayo maghihilom, magkapagtitiis, at susulong kapag parang sirang-sira ang mga bagay-bagay?

Sinimulang ukitan ng propetang si Nephi ang maliliit na lamina noong binata na siya. Nang gunitain niya ang kanyang buhay at ministeryo, nagbigay siya ng mahalagang pagninilay sa pinakaunang talata ng Aklat ni Mormon. Ibinubuod ng talatang ito ang isang mahalagang alituntuning dapat nating pag-isipan sa ating panahon. Kasunod ng kanyang pamilyar na mga salitang, “Ako, si Nephi, na isinilang sa butihing mga magulang… ,” pagsulat niya, “at sa dahilang nakita ko ang maraming paghihirap sa paglipas ng aking mga araw, gayunman, sa labis na pagpapala ng Panginoon sa lahat ng aking mga araw.”3

Bilang mga estudyante ng Aklat ni Mormon, pamilyar tayo sa maraming paghihirap na tinutukoy ni Nephi. Subalit kasunod ng pagkilala sa kanyang mga paghihirap sa paglipas ng kanyang mga araw, ibinigay ni Nephi ang kanyang pananaw sa ebanghelyo tungkol sa pagiging labis na pinagpala ng Panginoon sa lahat ng kanyang mga araw. Hindi nababago ng mga panahon ng paghihirap at kabiguan ang mga mapagmasid na mata ng Panginoon habang mapagmahal Niya tayong tinitingnan at pinagpapala.

Virtual na mission meeting
Virtual na mission meeting kasama sina Elder at Sister Stevenson
Virtual na mission meeting kasama sina Elder at Sister Stevenson

Kamakailan ay nakausap namin ni Lesa online ang mga 600 missionary sa Australia, na karamihan ay nililimitahan o hinihigpitan kahit paano dahil sa COVID-19, na marami ang ginagawa ang gawaing misyonero mula sa kanilang mga apartment. Sama-sama naming inisip ang mga indibiduwal sa Bagong Tipan, Aklat ni Mormon, at Doktrina at mga Tipan na pinagpala ng Panginoon upang magsakatuparan ng kadakilaan sa oras ng paghihirap. Lahat sila ay mas kinilala sa kanilang nagawa sa tulong ng Panginoon kaysa sa hindi nila nagawa dahil sa paglimita at paghihigpit sa kanila.

Nababasa natin ang tungkol kina Pablo at Silas, habang nakagapos ang mga paa’t kamay, na nananalangin, kumakanta, nagtuturo, nagpapatotoo—nagbibinyag pa nga ng bantay sa bilangguan.4

At muli tungkol kay Pablo, sa Roma, na ibinilanggo sa bahay sa loob ng dalawang taon, kung saan patuloy siyang “[nagpaliwanag at nagpatotoo] tungkol sa kaharian ng Diyos,”5 “itinuturo ang mga bagay na tungkol sa Panginoong [Jesucristo].”6

Tungkol kina Nephi at Lehi, ang mga anak ni Helaman, na matapos abusuhin at ibilanggo ay pinaligiran ng apoy ng proteksyon nang ang “tahimik na tinig nang ganap na kahinahunan [ng Panginoon] … ay tumagos maging sa buong kaluluwa [ng mga dumakip sa kanila].”7

Tungkol kina Alma at Amulek sa Ammonihas, na natuklasang maraming “naniwala … at nagsimulang magsisi, at saliksikin ang mga banal na kasulatan,”8 bagaman kinutya sila noon at hindi pinakain, pinainom, o dinamitan, at iginapos at ibinilanggo.9

Si Joseph Smith sa Liberty Jail

At ang pinakahuli ay tungkol kay Joseph Smith, na nanlulupaypay sa Liberty Jail, nadaramang siya ay pinabayaan at tinalikuran, pagkatapos ay narinig niya ang mga salita ng Panginoon: “Ang [mga] bagay na ito ay … para sa iyong ikabubuti”10 at “ang Diyos ay kasama mo magpakailanman.”11

Naunawaan ng bawat isa sa kanila ang nabatid ni Nephi: na kahit nakaranas sila ng maraming pagdurusa sa kanilang buhay, labis silang pinagpala ng Panginoon.

Maaari rin tayong makakita ng mga pagkakatulad bilang mga indibiduwal na miyembro at bilang isang Simbahan sa paraan kung paano tayo labis na pinagpala ng Panginoon sa mga panahon ng pagsubok na naranasan natin nitong nakalipas na ilang buwan. Habang binabanggit ko ang mga halimbawang ito, hayaang palakasin din ng mga ito ang inyong patotoo tungkol sa pagiging tagakita ng ating buhay na propeta, na naghanda sa atin sa mga pagbabago bago pa man magkaroon ng anumang pahiwatig ng isang pandemya, na nagbigay-kakayahan sa atin na matiis ang mga hamong dumating.

Una, pagiging higit na nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan.

Dalawang taon na ang nakalilipas, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Nasanay na tayo sa pag-iisip na ang ‘simbahan’ ay ang mga nangyayari sa ating mga [meetinghouse], na sinusuportahan ng nangyayari sa ating tahanan. Kailangan natin ng pagbabago sa huwarang ito. … Ang isang Simbahan na nakasentro sa tahanan, na sinusuportahan ng mga nangyayari sa loob ng [ating] mga gusali.”12 Talagang napapanahon ang ginawang pagbabago ng propeta! Ang pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan ay isinasagawa na sa pansamantalang pagsasara ng mga meetinghouse. Bagaman nagsisimula nang maging normal muli ang takbo ng mundo at bumabalik na tayo sa mga chapel, nais nating mapanatili ang ating mga huwaran sa pag-aaral at pagkatuto ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan na napaunlad natin sa panahon ng pandemya.

Ang pangalawang halimbawa ng pagiging labis na pinagpala ng Panginoon ay ang paghahayag tungkol sa ministering sa mas dakila at mas banal na paraan.

Ministering

Noong 2018, pinasimulan ni Pangulong Nelson ang ministering bilang isang pagbabago “sa paraan ng pangangalaga natin sa isa’t isa.”13 Ang pandemya ay nagbigay ng maraming pagkakataong pagbutihin ang ating mga kasanayan sa ministering. Ang mga ministering brother at sister, kabataang lalaki at babae, at iba pa ay tumulong sa pakikipag-ugnayan, pakikipag-usap, paglilinis ng bakuran, pagpapakain, pagbibigay ng mga mensahe sa pamamagitan ng teknolohiya, at pagdaraos ng ordenansa ng sakramento upang mapagpala ang mga taong nangangailangan. Ang Simbahan mismo ay gumawa rin ng ministering sa iba sa panahon ng pandemya sa walang katulad na pamamahagi ng mga produkto sa mga imbakan ng pagkain, kanlungan para sa mga walang tirahan, at immigrant support center at sa mga proyektong nakatuon sa mga lugar na may pinakamaraming nagugutom. Tumugon ang kababaihan ng Relief Society at kanilang pamilya sa hamon na gumawa ng milyun-milyong facemask para sa mga nagtatrabaho sa mga pagamutan.

Mga Humanitarian Project
Paggawa ng mga face mask

Ang huling halimbawa ng pagiging pinagpala sa panahon ng paghihirap ay ang makasumpong ng labis na kagalakan sa pagbabalik ng mga ordenansa sa templo.

Sister Kaitlyn Palmer

Pinakamainam itong mailalarawan sa isang kuwento. Nang matanggap ni Sister Kaitlyn Palmer ang kanyang mission call noong nakaraang Abril, sabik siyang matawag na missionary ngunit nadama rin niya na mahalaga at espesyal na makapunta siya sa templo upang tanggapin ang kanyang endowment at gumawa ng mga sagradong tipan. Di-nagtagal matapos niyang itakda ang petsa ng kanyang endowment, dumating ang balita na ang lahat ng templo ay pansamantalang isasara dahil sa pandaigdigang pandemya. Matapos matanggap ang malungkot na impormasyong ito, nalaman naman niya na dadalo siya sa MTC online mula sa bahay niya. Sa kabila ng mga kabiguang ito, nagtuon si Kaitlyn sa pananatiling positibo.

Si Sister Kaitlyn Palmer at home MTC

Sa mga sumunod na buwan, hindi nawalan ng pag-asa si Sister Palmer na makadalo sa templo. Nag-ayuno at nanalangin ang kanyang pamilya na magbukas ang mga templo bago siya umalis. Madalas sinisimulan ni Kaitlyn ang kanyang umaga sa MTC sa bahay sa pagsasabing, “Ngayon na kaya ang araw na makatatanggap kami ng himala at mabubuksang muli ang mga templo?”

Noong Agosto 10, ibinalita ng Unang Panguluhan na bubuksang muli ang templo sa lugar ni Kaitlyn para sa mga ordenansa para sa buhay sa mismong araw na nakatakda siyang sumakay ng eroplano papunta sa kanyang mission. Hindi siya makadadalo sa templo at aabot sa kanyang iskedyul ng paglipad. Kahit maliit lang ang tsansang magtagumpay, nakipag-ugnayan ang kanyang pamilya sa temple president na si Michael Vellinga upang alamin kung may paraan para magkatotoo ang himalang matagal na nilang ipinagdarasal. Nasagot ang kanilang pag-aayuno at mga panalangin!

Pamilya Palmer sa templo

Alas-2:00 n.u, ilang oras bago lumipad ang eroplanong sasakyan niya, sinalubong ng nakangiting temple president si Sister Palmer at ang kanyang pamilya, na lumuluha, sa may pintuan ng templo na sinasabing, “Magandang umaga, pamilya Palmer. Welcome sa templo!” Nang matapos ang kanyang endowment, hinikayat silang magmadali, dahil naghihintay na ang kasunod na pamilya sa may pintuan ng templo. Dumiretso sila sa paliparan at umabot sa oras ng paglipad niya patungo sa kanyang mission.

Si Sister Palmer na nasa airport

Ang mga ordenansa sa templo na hindi natin naisagawa nitong mga nakaraang buwan ay tila mas espesyal kaysa sa dati nating inaasahan habang muling nagbubukas nang paunti-unti ang mga templo sa buong mundo.

Sa aking pagtatapos, hinihiling kong pakinggan ninyo ang mga nakahihikayat, maalab, at nakasisiglang salita ni Propetang Joseph Smith. Hindi mahuhulaan ninuman na isinulat niya ang mga ito habang nagdurusa at nag-iisa, pinipigilan at hinihigpitan sa isang bahay sa Nauvoo, at nagtatago mula sa mga naghahangad na ilegal siyang hulihin:

“Ngayon, ano ang ating naririnig sa ebanghelyo na ating natanggap? Isang tinig ng kagalakan! Isang tinig ng awa mula sa langit; at isang tinig ng katotohanan mula sa lupa; masasayang balita para sa mga patay; isang tinig ng kagalakan para sa mga buhay at sa mga patay; masasayang balita ng labis na kagalakan. …

“… Hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain? Sumulong at huwag umurong. Lakas ng loob, … at humayo, humayo sa pananagumpay! Magsaya sa inyong mga puso, at labis na magalak. Bumulalas ang mundo sa pag-awit.”14

Mga kapatid, naniniwala ako na balang-araw, gugunitain ng bawat isa sa inyo ang nakanselang mga kaganapan, ang kalungkutan, kabiguan, at kalumbayang dulot ng mahihirap na panahon na pinagdaraanan natin upang makita na dinaig ito ng mga piling pagpapala at ibayong pananampalataya at mga patotoo. Naniniwala ako na sa buhay na ito, at sa kabilang-buhay, ang inyong mga pagdurusa, inyong Ammonihas, inyong Liberty Jail, ay ilalaan para sa inyong kapakinabangan.15 Dalangin ko, kasama ni Nephi, na matanggap natin ang mga pagdurusa sa pagdaan ng ating panahon habang napapansin natin na tayo ay labis na pinagpapala ng Panginoon.

Nagtatapos ako sa aking patotoo kay Jesucristo, na nagdanas mismo ng pagdurusa at bilang bahagi ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala ay nagpakababa-baba sa lahat ng bagay.16 Nauunawaan Niya ang ating pighati, pasakit, at kawalang-pag-asa. Siya ang ating Tagapagligtas, ating Manunubos, ating pag-asa, ating aliw, at ating Tagasagip. Pinatototohanan ko ito sa Kanyang banal na pangalan, na Jesucristo, amen.