Ang Inyong Maligayang Paglalakbay Pauwi
Habang masaya ninyong ginagamit ang mapang ibinigay sa inyo ng mapagmahal na Ama sa Langit para sa inyong paglalakbay, aakayin kayo nito sa mga banal na lugar at maaabot ninyo ang inyong banal na potensiyal.
Karangalan nating makapiling sa gabing ito si Pangulong Thomas S. Monson, na minamahal nating propeta. President, palagi namin kayong ipinagdarasal.
Mahal na mga kapatid, salamat sa musika at sa binigkas na salita. Nagbibigay-sigla ito at akma sa Pasko ng Pagkabuhay, ang sagradong panahon na ipinagdiriwang natin sa linggong ito.
Masaya akong makasama kayong mga minamahal naming kabataang babae, at kasama ang inyong mga ina at mabubuti ninyong lider. Masisigla ang inyong mga espiritu at nakakahawa ang inyong mga ngiti. Tunay ngang iniisip kayo ng Panginoon at buong pagmamahal na minamasdan kayo mula sa langit.
Lumaki ako sa Zwickau, ang dating East Germany. Noong ako ay mga 11 taong gulang, sumailalim sa masusing pagsisiyasat ang aking ama dahil sa pulitika, at nadama ng mga magulang ko na ang tanging ligtas na gawin ng aming pamilya ay ang tumakas papuntang West Germany. Napagkasunduan na ang pinakaligtas na plano ay umalis nang hindi magkakasabay at dumaan sa iba’t ibang ruta papuntang West, at iwan ang lahat ng aming ari-arian.
Dahil mas nasa peligro ang aking ama, pinili niya ang pinakamabilis na daan, ang Berlin. Nagpunta pahilaga ang mga kuya ko, at magkahiwalay silang nakarating sa kanluran. Ang kapatid kong babae—na kasing-edad noon ng karamihan sa inyo na narito—kasama si Helga Fassmann, na guro niya sa Young Women, at ilang iba pa ay sumakay sa tren na mabilis na dumaraan sa teritoryo ng West Germany. Binayaran nila ang isang porter para buksan para sa kanila ang isa sa mga pintuan, at nang makatawid ang tren sa hangganan ng West Germany, lumundag sila sa tumatakbong tren para makatakas. Humanga ako sa katapangan ng kapatid ko.
Ako ang pinakabunsong anak, at nagpasiya ang aking ina na baybayin namin ang kabundukang naghihiwalay sa dalawang bansa. Naaalala ko na nagbaon siya ng pagkain na parang magha-hiking at magpipiknik kami sa kabundukan.
Sumakay kami ng tren hanggang sa pinakamalayong mararating namin at pagkatapos ay naglakad nang maraming oras, palapit nang palapit sa hangganan ng West Germany. Mahigpit ang mga bantay sa mga hangganan, pero may mapa kami at alam namin kung anong oras at kung saan ligtas na tumawid. Dama ko ang pagkabalisa ng aking ina. Minamanmanan niyang mabuti ang paligid para makita kung may sumusunod sa amin. Sa bawat hakbang, tila pahina nang pahina ang kanyang mga binti at tuhod. Tinulungan ko siyang dalhin ang kanyang mabigat na bag na puno ng pagkain, mahahalagang dokumento, at mga larawan ng pamilya nang akyatin namin ang huling mataas na burol. Tiyak na inisip niya na nakalagpas na kami sa hangganan. Nang madama niyang ligtas na nga kami, umupo kami at sinimulan naming kainin ang aming baon. Sa unang pagkakataon sa araw na iyon, alam ko, mas nakahinga siya nang maluwag.
Noon lang namin napansin ang karatula ng hangganan. Napakalayo pa namin! Nagpipiknik kami sa maling panig ng hangganan. Nasa East Germany pa rin kami!
Puwedeng may lumitaw na mga bantay ng hangganan anumang sandali!
Tarantang ibinalot ni Inay ang pagkain namin, at dali-dali kaming umakyat sa gilid ng burol sa abot-kaya naming bilis. Sa pagkakataong ito hindi na namin inisip huminto hangga’t hindi kami nakakasiguro na narating na namin ang kabilang panig ng hangganan.
Kahit iba’t ibang ruta at nakaranas ng iba’t ibang hirap sa paglalakbay ang bawat miyembro ng aming pamilya, lahat kami ay ligtas pa ring nakarating sa bandang huli. Nagkasama-samang muli ang aming pamilya. Napakasayang araw niyon!
Mga Kuwento ng Paglalakbay
Ang ikinuwento ko sa inyo ay isang karanasan na para sa akin ay napakahalagang paglalakbay. Maaari na akong magbalik-tanaw ngayon at tukuyin ang maraming “paglalakbay” sa buhay na aking naranasan. Hindi lamang kabilang dito ang pagtawid sa mga kabundukan o mga hangganang pulitikal; ilan dito ay tungkol sa pagharap sa mga pagsubok o pag-unlad sa espirituwal. Ngunit mga paglalakbay pa rin ito. Naniniwala ako na bawat buhay ay binubuo ng kani-kanyang “mga kuwento ng paglalakbay.”
Tiyak kong alam ninyo na bawat tradisyon ng isang kultura ay mayaman sa mga kuwento ng paglalakbay. Halimbawa, maaaring pamilyar kayo sa paglalakbay ni Dorothy at ng kanyang asong si Toto, sa The Wizard of Oz. Tinangay sina Dorothy at Toto ng buhawi at napunta sa Lupaing Oz. Doon, nakakita si Dorothy ng kakaibang daang gawa sa dilaw na ladrilyo na siyang tanda ng simula ng paglalakbay pabalik sa kanyang tahanan.
Nariyan din ang Ebenezer Scrooge ni Charles Dickens, na ang paglalakbay ay hindi naganap sa iba’t ibang lugar kundi sa iba’t ibang panahon. Ito ay paglalakbay sa sarili niyang kalooban at tinulungan siya nitong maunawaan kung bakit siya nagkaganoon at ano ang mangyayari sa kanya kung patuloy siyang magiging makasarili at walang utang-na-loob.1
Isa sa mga klasikong nobela ng panitikang Intsik ay ang Journey to the West. Isinulat noong ika-16 na siglo, maganda nitong inilahad ang kuwento ng paglalakbay ng isang monghe na, sa tulong ng mababait na tauhan sa kuwento, ay naglakbay tungo sa espirituwal na kaliwanagan.
At siyempre nariyan si Bilbo Baggins, ang maliit at may mababang-loob na hobbit na ang pinakagusto lamang ay mamalagi sa bahay at humigop ng sabaw. Ngunit matapos may kumatok sa kanyang pintuan, ninais niyang marating ang mga lugar na hindi pa niya napuntahan kasama ang isang pantas at pangkat ng mga duwende, para isagawa ang mapanganib ngunit napakahalagang misyon.2
Isang Kuwentong Para sa Lahat
Gusto ba natin ang mga kuwentong ito ng paglalakbay dahil nakikita natin ang ating sarili sa mga manlalakbay? Ang kanilang mga tagumpay at kabiguan ay tumutulong sa ating makakita ng sarili nating pamamaraan sa buhay. Ang video kanina ay kuwento rin ng magandang paglalakbay. Siguro ipinapaalala rin sa atin ng mga kuwentong ito ang tungkol sa isang paglalakbay na dapat ay pamilyar sa ating lahat—isang kuwento ng paglalakbay kung saan bawat isa sa atin ay may mahalagang papel na ginagampanan.
Nagsimula ang kuwentong ito napakaraming taon na ang lumipas, hindi pa man umiikot ang mundo sa orbit nito, hindi pa man naaabot ng init ng araw ang malamig na kalawakan, hindi pa man pinananahanan ng malalaki at maliliit na nilalang ang ating planeta. Sa simula ng kuwentong ito, nabuhay kayo sa malayo at magandang lugar.
Hindi natin alam ang maraming detalye sa premortal na buhay na iyon, ngunit may ilan tayong alam. Inihayag sa atin ng ating Ama sa Langit kung sino Siya, sino tayo, at sino ang maaari nating kahinatnan.
Sa unang kalagayang iyon, alam ninyo nang walang alinlangan na may Diyos dahil nakita at narinig ninyo Siya. Kilala ninyo si Jesucristo, na siyang magiging Kordero ng Diyos. Nanampalataya kayo sa Kanya. At alam ninyo na ang inyong tadhana ay hindi ang mamalagi sa seguridad ng inyong premortal na tahanan. Kahit mahal na mahal ninyo ang walang hanggang daigdig na iyon, alam ninyong kailangan ninyong simulan ang isang paglalakbay. Aalis kayo sa piling ng inyong Ama, daraan sa lambong ng pagkalimot, tatanggap ng mortal na katawan, at matututo at makakaranas ng mga bagay na nawa’y tutulong sa inyong umunlad at mas maging katulad ng inyong Ama sa Langit at makabalik sa Kanyang piling.
Sa sagradong lugar na iyon na napapalibutan ng mga taong kilala at mahal ninyo, ang malaking tanong na maaaring nasasaisip ninyo ay “Ligtas kaya akong makababalik sa aking tahanan sa langit?”
Napakaraming bagay ang hindi ninyo mapipigilan. Magiging mahirap ang buhay sa mundo, puno ng mga hindi inaasahang karanasan sa daan: sakit, kasawian, aksidente, pagtatalu-talo.
Dahil wala kayong alaala ng buhay ninyo noon—dahil hindi ninyo naaalala na minsan ay kasama ninyong nabuhay ang inyong Ama sa Langit—makikilala pa rin ba ninyo ang Kanyang tinig sa gitna ng lahat ng ingay at kaguluhan ng buhay sa mundo?
Ang lakbayin ay tila mahaba at walang katiyakan—punung-puno ng panganib.
Hindi ito magiging madali, ngunit alam ninyong sulit na pagsikapan ito.
Kaya’t, hayan at nariyan na kayo sa simula ng inyong paglalakbay, umaasam at taglay ang di-masambit na pananabik at pag-asa—at, sa wari ko, may bahagya ring takot at pag-aalala.
Sa huli, alam ninyong makatarungan ang Diyos—na kabutihan Niya ang magtatagumpay. Nakibahagi kayo sa malaking kapulungan sa langit at alam ninyo na maglalaan ang inyong Tagapagligtas at Manunubos, si Jesucristo, ng daan para kayo malinis mula sa kasalanan at mailigtas sa pisikal na kamatayan. Nanalig kayo, na sa huli, magagalak at itataas ninyo ang inyong tinig kasama ng koro ng langit sa pagpuri sa Kanyang banal na pangalan.
Kaya, huminga kayo nang malalim …
At humakbang nang malaki …
At narito na kayo!
Sinimulan ng bawat isa sa inyo ang maligayang paglalakbay pabalik sa inyong tahanan sa langit!
Ang Inyong Mapa
Ngayong narito na kayo sa mundo, makabubuting kumustahin ninyo ang lagay ng inyong paglalakbay. Nasa tamang daan ba kayo? Nahuhubog ba sa inyo ang pagkataong nilayon na kahinatnan ninyo at nais ninyong maging? Gumagawa ba kayo ng mga pagpiling tutulong sa inyo na makabalik sa inyong Ama sa Langit?
Hindi Niya kayo ipinadala sa paglalakbay na ito para gumagala-galang mag-isa. Nais niyang lumapit kayo sa Kanya. Maliban sa mapagmahal na mga magulang at matatapat na lider ng Simbahan, ibinigay Niya sa inyo ang mapang naglalarawan ng kalupaan at tumutukoy sa mga panganib; ipinapakita sa inyo ng mapa kung saan matatagpuan ang kapayapaan at kaligayahan at tutulong sa inyo na iplano ang inyong paglalakbay pauwi.
Ngayon, saan ninyo makikita ang mapang ito?
-
Sa mga banal na kasulatan.
-
Sa mga salita ng mga propeta at apostol.
-
At sa pamamagitan ng personal na paghahayag mula sa Espiritu Santo.
Ang mapang ito ay ang ebanghelyo ni Jesucristo, ang mabuting balita, at ang landas na masayang tinatahak ng isang disipulo ni Cristo. Ito ang mga kautusan at halimbawang ibinigay sa atin ng ating Tagapamagitan at Guro, na nakakaalam ng daan dahil Siya ang daan.3
Mangyari pa, ang pagkakaroon ng mapa ay walang kabuluhan sa inyo kung hindi ninyo ito pag-aaralan—maliban kung gagamitin ninyo ito sa paglalakbay sa buhay. Inaanyayahan ko kayong gawing priyoridad ang pag-aaral at pagsasagawa ng salita ng Diyos. Buksan ang inyong puso sa Espiritu Santo upang magabayan Niya kayo sa inyong paglalakbay sa buhay.
Ang mapa ninyo ay puno ng mga mensahe ng panghihikayat at tagubilin mula sa inyong Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Ngayon gusto kong ibahagi sa inyo ang tatlo sa mga mensaheng iyon na tutulong sa inyo na tagumpay na makauwi.
Ang unang mensahe: “Huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo”4
Hindi kayo nag-iisa sa paglalakbay na ito. Kilala kayo ng inyong Ama sa Langit. Kahit walang sinumang nakikinig sa inyo, pinakikinggan Niya kayo. Kapag nagagalak kayo sa kabutihan, kasama ninyo Siyang nagagalak. Kapag kayo ay puno ng pagsubok, nagdadalamhati Siyang kasama ninyo.
Ang pagmamalasakit sa inyo ng Ama sa Langit ay hindi ibinabatay sa inyong yaman o ganda o kalusugan o talino. Ang pagtingin Niya sa inyo ay hindi gaya ng pagtingin sa inyo ng mundo; nakikita Niya kung sino talaga kayo. Tinitingnan Niya ang inyong puso.5 At mahal Niya kayo6 dahil kayo ay Kanyang anak.
Mahal kong mga kapatid, hanapin Ninyo Siya, at inyo Siyang masusumpungan.7
Ipinapangako ko, hindi kayo nag-iisa.
Ngayon, sandali ninyong tingnan ang mga taong nasa paligid ninyo. Maaaring ilan sa kanila ay mga lider, kaibigan, o miyembro ng inyong pamilya. Ang ilan ay maaaring hindi pa ninyo kilala. Gayunpaman, bawat taong nakikita ninyo sa paligid—sa pulong na ito o sa iba pa mang lugar o sa anupamang panahon—ay magiting sa premortal na daigdig. Ang mapagpakumbaba at kung titingnan ay pangkaraniwan lang na taong katabi ninyo ay maaaring isa sa mga pinakamagiting na nilalang na minahal at hinangaan ninyo sa kalipunan ng mga espiritu. Maaaring kayo mismo ay tulad din nilang karapat-dapat tularan!
May isang bagay na nakatitiyak kayo: bawat taong nakikita ninyo—anuman ang lahi, relihiyon, paniniwala sa pulitika, pangangatawan, o kaanyuan—ay pamilya ninyo. Ang dalagitang tinitingnan ninyo ngayon at kayo ay may iisang Ama sa Langit, at nilisan niya ang Kanyang mapagmahal na presensya tulad ninyo, sabik na magtungo sa mundong ito at mabuhay nang sa gayon ay makabalik siya balang-araw sa piling ng Ama.
Gayunman, maaaring madama niyang nag-iisa siya, tulad din ninyo kung minsan. Maaaring malimutan pa niya paminsan-minsan ang layunin ng kanyang paglalakbay. Mangyaring ipaalala sa kanya, sa pamamagitan ng inyong mga salita at gawa na hindi siya nag-iisa. Narito tayo para tulungan ang isa’t isa.
Maaaring mahirap ang buhay, at nagpapatigas ito ng mga puso sa puntong di na maaantig ang ilang tao bunga nito. Maaaring ang ilan ay puspos ng galit. May ibang pinagtatawanan at kinukutya ang mga naniniwala sa mapagmahal na Diyos. Ngunit alalahanin ito: bagama’t hindi nila naaalala, sila man ay umasam noon na makabalik sa kanilang Ama sa Langit.
Hindi ninyo responsibilidad na hikayating magbalik-loob ang sinuman. Iyan ay gawain ng Espiritu Santo. Ang gawain ninyo ay ibahagi ang inyong mga paniniwala at huwag matakot. Kaibiganin ang lahat, ngunit huwag ikompromiso ang inyong mga pamantayan. Manatiling tapat sa inyong mga prinsipyo at pananampalataya. Ipagmalaki ang sarili, dahil kayo ay anak ng Diyos, at Siya ay nasa panig ninyo!
Ang pangalawang mensahe: “Kayo’y mangagibigan sa isa’t isa, na gaya ng pagibig ko sa inyo.”8
Naitanong na ba ninyo kung anong wika ang sinalita nating lahat noong kapiling pa natin ang Diyos? Malakas ang kutob ko na Aleman iyon, bagama’t palagay ko ay wala naman talagang nakaaalam. Ngunit alam ko na sa ating premortal na buhay natutuhan natin mismo, mula sa Ama ng ating mga espiritu, ang wika na para sa lahat—ang wika na may kapangyarihang daigin ang mga emosyonal, pisikal at espirituwal na hadlang.
Ang wikang iyan ay ang dalisay na pag-ibig ni Jesucristo.
Ito ang pinakamakapangyarihang wika sa mundo.
Ang pag-ibig ni Cristo ay hindi pakunwaring pag-ibig. Hindi ito pag-ibig na inihahayag sa greeting card. Hindi ito ang uri ng pag-ibig na ipinagmamalaki sa popular na mga awitin at pelikula.
Ang pag-ibig na ito ay tunay na nagpapabago ng pagkatao. Dinaraig nito ang galit at pinapawi ang inggit. Pinaghihilom nito ang poot at pinapawi ang matinding hinanakit. Maaari itong gumawa ng mga himala.
Natanggap natin ang ating “mga unang aralin”9 sa wikang ito ng pag-ibig bilang mga espiritu sa piling ng Diyos, at dito sa mundo may mga pagkakataon tayong gawin ito at maging matatas dito. Malalaman ninyo kung natututuhan ninyo ang wikang ito ng pag-ibig sa pagsuri kung anong mga bagay ang gumaganyak sa mga iniisip at ikinikilos ninyo.
Kapag ang mga pangunahing iniisip ninyo ay nakatuon sa mga bagay na makatutulong sa inyo, maaaring makasarili at mababaw ang nakagaganyak sa inyo. Hindi iyan ang wikang gusto ninyong matutuhan.
Ngunit kapag ang pangunahing iniisip at inaasal ninyo ay nakatuon sa paglilingkod sa Diyos at sa inyong kapwa—kapag tunay ninyong hinahangad na pagpalain at pasiglahin ang nasa paligid ninyo—ang kapangyarihan ng dalisay na pag-ibig ni Cristo ay aantig sa puso at buhay ninyo. Iyan ang wikang gusto ninyong matutuhan.
Kapag mahusay na kayo sa wikang ito at ginamit ito sa inyong mga pakikipag-ugnayan sa iba, may madarama sila sa inyo na pupukaw sa matagal nang saloobing saliksikin ang tamang daan pabalik sa kanilang tahanan sa langit. Tutal, ang wika ng pag-ibig ay ang kanila ring katutubong wika.
Ang malalim at matinding impluwensyang ito ay ang wikang tumitimo sa kaibuturan ng kaluluwa. Ito ay wika ng pag-unawa, wika ng paglilingkod, wika ng kasiglahan at galak at aliw.
Matutong gamitin ang wika ng pag-ibig ni Cristo.
At ang pangatlong mensahe: “Magalak.”10
Kung minsan naiinip tayo sa kasalukuyan nating paglalakbay, ‘di ba? Kung ikaw ay 12 anyos, maaaring iniisip mo na sana ay 14 anyos ka na. Kapag 14 ka na, iniisip mo na sana ay 18 ka na. At kapag 18 ka na, iniisip mo paminsan-minsan na sana ay 12 anyos ka na ulit at makapagsisimulang muli.
Laging may mga bagay na inirereklamo—mga bagay na tila hindi mailagay sa tama. Maaaring ubusin ninyo ang inyong panahon sa kalungkutan, pag-iisa, sa pag-iisip na hindi kayo maunawaan, o inaayawan kayo. Ngunit hindi iyan ang paglalakbay na inaasam ninyo, at hindi iyan ang paglalakbay na nais ng Ama sa Langit na tahakin ninyo. Tandaan, kayo ay tunay na anak na babae ng Diyos!
Habang isinasaisip ito, inaanyayahan ko kayong lumakad nang may tiwala at galak. Oo, baku-bako, paliku-liko at may mga sagabal sa daan. Ngunit huwag ninyo itong pansinin. Hanapin ang kaligayahang inihanda sa inyo ng Ama sa Langit sa bawat hakbang ng inyong paglalakbay. Ang kaligayahan ang destinasyon, ngunit ito rin ang landas. “Kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating,” ang pangako Niya.11 Iyan ang dahilan kung bakit iniutos Niya sa atin na “magalak.”
Habang masaya ninyong ginagamit ang mapang ibinigay sa inyo ng mapagmahal na Ama sa Langit para sa inyong paglalakbay, aakayin kayo nito sa mga banal na lugar at maaabot ninyo ang inyong banal na potensiyal. Uunlad kayo bilang anak ng Diyos na siyang inasam ninyong kahihinatnan.
Mahal kong mga kapatid, mahal kong mga kabataang babae ng Simbahan, mga kaibigan kong kabataan, bilang Apostol ng Panginoon binabasbasan ko kayo na matagpuan ninyo ang daang pauwi at maging inspirasyon kayo sa lahat ng kasama ninyong naglalakbay. Ipinapangako at idinadalangin ko rin na sa pagtupad at pamumuhay ninyo nang tapat sa mga tipan, sa mga alituntunin, at sa mga pinahahalagahan ng ebanghelyo ni Jesucristo, sa katapusan ng inyong paglalakbay ay naroroon ang Ama sa Langit. Kayo ay Kanyang yayakapin, at malalaman ninyo sa wakas na ligtas kayong nakauwi. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.