Halina, Mga Anak ng Diyos
Nawa ang bawat isa sa atin ay masigasig na saliksikin ang mga banal na kasulatan, planuhin ang kanyang buhay nang may layunin, ituro ang katotohanan nang may patotoo, at paglingkuran ang Panginoon nang may pagmamahal.
Dalawang beses sa isang taon ang napakagandang Conference Center na ito ay tila nagsasabi sa atin, sa mapanghikayat nitong tinig, “Halina, mga anak ng Diyos na mayhawak ng priesthood.”1 May isang diwang namamayani sa pangkalahatang pulong ng priesthood ng Simbahan.
Ngayong gabi libu-libo sa ating mga mayhawak ng priesthood sa iba’t ibang dako ng mundo ang naglilingkod sa Panginoon bilang Kanyang mga missionary. Tulad ng nabanggit ko sa mensahe ko kaninang umaga, tayo ay mayroong mahigit 65,000 missionary sa kasalukuyan, na may libu-libo pa na naghihintay na makapasok sa missionary training center o kasalukuyan pang pinoproseso ang kanilang missionary application. Mahal namin at ikinararangal ang mga yaong handa at sabik na maglingkod.
Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng wala nang mas akmang paghahayag, mas mahalagang responsibilidad, mas tahasang tagubilin kaysa sa kautusan na ibinigay ng nabuhay na muling Panginoon nang magpakita Siya sa labing-isang disipulo sa Galilea. Sabi Niya:
“Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:
“Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.”2
Ang banal na utos na ito, lakip ang mga maluwalhating pangako nito, ay ang ating gabay sa panahong ito tulad noong panahong narito sa lupa si Jesucristo. Kilala sa gawaing misyonero ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Noon pa man; hanggang magpakailanman. Tulad ng sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Matapos masabi ang lahat, ang pinakadakila at pinakamahalagang tungkulin ay ipangaral ang ebanghelyo.”3
Sa loob ng dalawang maikling taon, lahat ng mga full-time missionary na kasalukuyang naglilingkod sa maharlikang hukbong ito ng Diyos ay matatapos sa kanilang gawain at babalik sa kanilang tahanan at mga mahal sa buhay. Para sa mga elder, ang hahalili sa kanila ay matatagpuan sa gabing ito sa kalipunan ng Aaronic Priesthood ng Simbahan. Mga kabataang lalaki, handa na ba kayo? Handa na ba kayong gumawa? Handa ba kayong maglingkod?
Ang gawaing misyonero ay nangangailangan ng malaking pagbabago sa karaniwang pamumuhay ng isang tao. Ito ay nangangailangan ng mahabang oras at matinding katapatan, lubos na pagsasakripisyo at taimtim na panalangin. Bunga nito, ang matapat na paglilingkod ng missionary ay nagbibigay ng walang hanggang kagalakan na nadarama sa mortalidad hanggang sa kawalang-hanggan.
Ang hamon sa atin ay maging mas kapaki-pakinabang na mga lingkod sa ubasan ng Panginoon. Ito ay angkop para sa ating lahat, anuman ang ating edad, at hindi lamang sa mga naghahandang maglingkod bilang mga full-time missionary, dahil iniutos sa bawat isa sa atin na ibahagi ang ebanghelyo ni Cristo.
Magmumungkahi ako ng pormula na titiyak sa ating tagumpay: una, masigasig na saliksikin ang mga banal na kasulatan; ikalawa, planuhin ang inyong buhay nang may layunin (at, idaragdag ko pa, planuhin ang inyong buhay anuman ang edad ninyo); ikatlo, ituro ang katotohanan nang may patotoo; at ikaapat, paglingkuran ang Panginoon nang may pagmamahal.
Talakayin natin ang bawat isa sa apat na bahagi ng pormulang ito.
Una, masigasig na saliksikin ang mga banal na kasulatan.
Ang mga banal na kasulatan ay nagpapatotoo sa Diyos at naglalaman ng mga salita ng buhay na walang hanggan. Ang mga ito ang naging batayan ng ating mensahe.
Ang binibigyang-diin sa mga kurikulum ng Simbahan ay ang mga banal na kasulatan, ipinrograma-at pinagtugma-tugma sa pamamagitan ng pinagsama-samang pagsisikap. Tayo ay hinihikayat din na pag-aralan ang mga banal na kasulatan bawat araw nang personal at kasama ang ating pamilya.
Magbibigay lamang ako ng isang banal na kasulatan na kaagad nating maisasabuhay. Sa Aklat ni Mormon, sa ika-17 kabanata ng Alma, nabasa natin ang salaysay tungkol sa kagalakan ni Alma nang makita niyang muli ang mga anak ni Mosias at napansin ang katatagan nila sa ebanghelyo. Sinasabi sa aklat na, “Sila ay naging malakas sa kaalaman ng katotohanan; sapagkat sila’y mga lalaking may malinaw na pang-unawa at sinaliksik nila nang masigasig ang mga banal na kasulatan upang malaman nila ang salita ng Diyos.
“Subalit hindi lamang ito; itinuon nila ang kanilang sarili sa maraming panalangin, at pag-aayuno; kaya nga taglay nila ang diwa ng propesiya, at ang diwa ng paghahayag, at kapag sila ay nagturo, sila ay nagtuturo nang may kapangyarihan at karapatan ng Diyos.”4
Mga kapatid, masigasig na saliksikin ang mga banal na kasulatan.
Ikalawa sa ating pormula: planuhin ang inyong buhay nang may layunin.
Marahil wala pang henerasyon ng mga kabataan ang mas nakagawa ng napakahalagang desisyon kaysa mga kabataan ngayon. Dapat maghanda para sa pag-aaral, pagmimisyon, at pag-aasawa. Sa ilan, kasama ang paglilingkod sa military.
Ang paghahanda para magmisyon ay nagsisimula nang maaga. Dagdag pa sa espirituwal na paghahanda, ang matalinong magulang ay maglalaan ng paraan upang makapagsimula nang mag-impok ang musmos na anak para sa kanyang sariling missionary fund. At sa pagdaan ng mga taon ay maaari din siyang hikayating mag-aral ng ibang wika upang, kung kinakailangan, ay magamit ang kanyang kahusayan sa wika. Sa huli ay darating ang magandang araw na iyon na kakausapin ng bishop at stake president ang binatilyo. Natiyak ang pagiging karapat-dapat; isang rekomendasyon para sa missionary ang ginawa.
Ito ang panahon na sabik na inaabangan at hinihintay ng buong pamilya ang kartero at ang liham na mula sa 47 East South Temple, Salt Lake City, Utah. Dumating ang liham; nag-uumapaw ang kasabikan; binasa ang mission call. Kadalasan malayo sa tahanan ang lugar na pagmimisyunan. Gayunpaman, saanmang lugar, ang tugon ng handa at masunuring missionary ay iisa: “Ako ay maglilingkod.”
Nagsimula na ang paghahanda para sa pag-alis. Mga kabataang lalaki, umaaasa ako na pahahalagahan ninyo ang sakripisyo na handang gawin ng inyong mga magulang para makapaglingkod kayo. Ang ginawa nila ay magpapatatag sa inyo, ang kanilang pananampalataya ay magpapalakas sa inyo, at ang kanilang mga panalangin ay tutulong sa inyo. Ang misyon ay pinagsisikapan ng buong pamilya. Bagama’t kontinente o karagatan ang layo ninyo sa isa’t isa, ang mga puso ay nagkakaisa.
Mga kapatid, kapag ipinlano ninyo ang inyong buhay nang may layunin, alalahanin na ang inyong mga pagkakataon bilang missionary ay hindi nalilimitahan sa pormal na pagtawag sa inyo. Kayo na naglilingkod sa military, ang panahong iyan ay maaaring maging kapaki-pakinabang at dapat na maging kapaki-pakinabang. Bawat taon ang ating mga kabataang lalaki sa military ay nakapagdadala ng maraming kaluluwa sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng paggalang sa kanilang priesthood, pagsunod sa mga utos ng Diyos, at pagtuturo sa iba ng mga banal na salita ng Panginoon.
Huwag balewalain ang inyong pribilehiyo na maging missionary habang kayo ay nag-aaral. Ang inyong halimbawa bilang Banal sa mga Huling Araw ay minamasdan, hinuhusgahan, at kadalasang tinutularan.
Mga kapatid, anuman ang inyong edad, anuman ang inyong kalagayan, pinapayuhan ko kayo na planuhin ang inyong buhay nang may layunin.
Ngayon ang ikatlong bahagi sa ating pormula: ituro ang katotohanan nang may patotoo.
Sundin ang payo ni Apostol Pedro, na nagsabing, “Lagi kayong handa ng pagsagot sa bawa’t tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo.”5 Itaas ang inyong mga tinig at magpatotoo sa likas na katangian ng Panguluhang Diyos. Ihayag ang inyong patotoo hinggil sa Aklat ni Mormon. Ibahagi ang maluwalhati at magagandang katotohanan na nasa plano ng kaligtasan.
Noong maglingkod ako bilang mission president sa Canada mahigit 50 taon na ang nakalipas, isang bata pang missionary na mula sa maliit na bayan sa isang lalawigan ang namangha sa laki ng Toronto. Maliit lang siya ngunit malakas ang patotoo. Kalaunan, kasama ang kanyang kompanyon, bumisita sila sa tahanan ni Elmer Pollard sa Oshawa, Ontario, Canada. Dahil naawa sa mga binatang ito na, sa matinding bagyo ng niyebe, ay nagbahay-bahay, pinapasok ni Mr. Pollard ang mga missionary sa kanyang tahanan. Ibinahagi nila sa kanya ang kanilang mensahe. Hindi niya nadama ang espiritu. At pagkaraan ay sinabi niya sa kanila na umalis na sila at huwag nang babalik. May pangungutya ang huling sinabi niya sa mga elder habang papaalis ang mga ito sa kanyang balkonahe: “Hindi ninyo masabi sa akin na talagang naniniwala kayo na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos!”
At isinara ang pinto. Naglakad na ang mga elder sa kalsada. Sinabi ng batang misyonero sa kanyang kompanyon: “Elder, hindi natin sinagot si Mr. Pollard. Sinabi niya na hindi tayo naniniwala na totoong propeta si Joseph Smith. Bumalik tayo at magpatotoo sa kanya.” Sa una nag-alangan ang mas matagal nang missionary ngunit sa huli ay pumayag na rin na samahan ang kanyang kompanyon. Takot ang nadama nila habang papalapit sila sa pinto kung saan sila ay pinaalis. Kumatok sila, hinarap si Mr. Pollard, tiniis ang mahirap na sandali, at pagkatapos taglay ang kapangyarihang nagmula sa Espiritu, ang ating bagong missionary ay nagsalita: “Mr. Pollard, sinabi ninyo na hindi kami talagang naniniwala na totoong propeta ng Diyos si Joseph Smith. Gusto kong patotohanan sa inyo, na si Joseph ay propeta ng Diyos. Totoong isinalin niya ang Aklat ni Mormon. Nakita niya ang Diyos Ama at ang Anak na Si Jesus. Alam ko ito.”
Di-nagtagal, si Mr. Pollard, ngayon ay Brother Pollard, ay tumayo sa isang miting ng priesthood at nagsabing, “Hindi ako makatulog nang gabing iyon. Paulit-ulit kong naririnig ang mga salitang ‘Si Joseph Smith ay propeta ng Diyos. Alam ko ito.” Alam ko ito.” Alam ko ito.” Kinabukasan tinawagan ko ang mga missionary at hiniling na bumalik sila. Ang kanilang mensahe, lakip ang kanilang patotoo, ay nagpabago ng buhay ko at ng buhay ng aking pamilya.” Mga kapatid, ituro ang katotohanan nang may patotoo.
Ang huling bahagi ng ating pormula ay paglingkuran ang Panginoon nang may pagmamahal. Walang makahahalili sa pagmamahal. Ang matagumpay na mga missionary ay nagmahal ng kanilang mga kompanyon, mga mission leader, at ng kanilang mga tinuturuan. Sa ikaapat na bahagi ng Doktrina at mga Tipan, inilahad ng Panginoon ang mga kwalipikasyon para sa paglilingkod. Pag-isipan natin ang ilang talata:
“O ikaw na humaharap sa paglilingkod sa Diyos, tiyaking pinaglilingkuran mo siya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas, upang ikaw ay makatayong walang-sala sa harapan ng Diyos sa huling araw. …
“At pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa-tao at pagmamahal, na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos, ang kinakailangan upang maging karapat-dapat siya sa gawain.
“Alalahanin ang pananampalataya, karangalan, kaalaman, kahinahunan, tiyaga, kabaitang pangkapatid, kabanalan, pag-ibig sa kapwa-tao, kababaang-loob, sigasig.”6
Nawa ang bawat isa sa inyo na nakaririnig sa aking tinig ay tanungin ang kanyang sarili “Ngayon, nadagdagan ba ang aking pananampalataya, kabaitan, kaalaman, kabutihan, pagmamahal?”
Sa pamamagitan ng inyong lubos na katapatan sa sariling bayan o ibang bansa, yaong mga kaluluwa na tinulungan ninyong makaligtas ay yaong inyong pinakamamahal.
Maraming taon na ang nakararaan, ang aking mahal na mga kaibigan, si Craig Sudbury at kanyang ina na si Pearl, ay dumating sa aking opisina bago umalis si Craig patungo sa Australia Melbourne Mission. Si Fred Sudbury, ama ni Craig, ay wala roon. Dalawampu’t limang taon na ang nakararaan, nagpakasal ang ina ni Craig kay Fred, na walang pagmamahal sa Simbahan at, sa katunayan, ay hindi miyembro.
Sinabi sa akin ni Craig ang kanyang malaki at walang hanggang pagmamahal sa kanyang mga magulang at umaasa na balang-araw, ang kanyang ama ay maaantig ng Espiritu at mabubuksan ang puso nito sa ebanghelyo ni Jesucristo. Nanalangin ako na mainspirasyunan kung paano matutupad ang hangaring iyon. Dumating ang inspirasyon, at sinabi ko kay Craig, “Paglingkuran mo nang buong puso ang Panginoon. Maging masunurin sa iyong sagradong tungkulin. Bawat linggo ay lumiham ka sa iyong mga magulang; at paminsan-minsan, personal na sulatan ang iyong Itay, at ipaalam sa kanya kung gaano mo siya kamahal, at sabihin sa kanya kung bakit ka nagpapasalamat na ikaw ay anak niya.” Pinasalamatan niya ako at, kasama ang kanyang ina, ay nilisan ang opisina.
Hindi ko na nakausap ang ina ni Craig nang mga 18 buwan, nang dumating siya sa aking opisina at umiiyak na sinabi sa akin, “Halos dalawang taon na mula nang magmisyon si Craig. Palagi siyang may liham sa amin bawat linggo. Kamakailan, ang aking asawa, si Fred, ay tumayo sa unang pagkakataon sa testimony meeting at sinorpresa ako at ang lahat ng naroon sa pagsasabing nagdesisyon siyang maging miyembro ng Simbahan. Sinabi niya na kami ay pupunta sa Australia para makita si Craig sa pagtatapos ng kanyang misyon upang si Fred ang huling taong bibinyagan ni Craig bilang isang full-time missionary.”
Wala nang mas sasaya pang missionary kaysa kay Craig Sudbury nang, sa napakalayong bansang Australia, ay inalalayan niya ang kanyang ama palusong sa tubig na hanggang baywang ang lalim at, nang itaas nang pakuwadrado ang kanyang kanang kamay, ay binanggit ang mga sagradong salitang ito: “Frederick Charles Sudbury, bilang naatasan ni Jesucristo, binibinyagan kita sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.”
Nagtagumpay ang pagmamahal. Paglingkuran ang Panginoon nang may pagmamahal.
Mga kapatid, nawa ang bawat isa sa atin ay masigasig na saliksikin ang mga banal na kasulatan, planuhin ang kanyang buhay nang may layunin, ituro ang katotohanan nang may patotoo, at paglingkuran ang Panginoon nang may pagmamahal.
Ang perpektong Pastol ng ating mga kaluluwa, ang misyonero na tumubos ng sangkatauhan, ay nagbigay ng katiyakan sa atin:
“Kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!
“At ngayon, kung ang inyong kagalakan ay magiging malaki sa isang kaluluwa na inyong nadala sa akin sa kaharian ng aking Ama, anong laki ng inyong kagalakan kung makapagdadala kayo ng maraming kaluluwa sa akin!”7
Sa Kanya na nangusap ng mga salitang ito ay ipinahahayag ko ang aking patotoo: Siya ay Anak ng Diyos, ating Manunubos, at ating Tagapagligtas.
Dalangin ko na tumugon tayo tuwina sa Kanyang magiliw na paanyaya, “Sumunod ka sa akin.”8 Sa Kanyang banal na pangalan—maging ang pangalan ni Jesucristo ang Panginoon—amen.