Apat na Titulo
Ngayon gusto kong magmungkahi ng apat na … titulong maaaring makatulong sa atin na maunawaan ang ating mga tungkulin sa walang-hanggang plano ng Diyos at ang ating potensyal bilang mga mayhawak ng priesthood.
Mahal kong mga kapatid at kaibigan, puspos ng pasasalamat at galak ang puso ko na makasama kayo. Pinupuri ko kayong mga ama at lolo na nagsama ng inyong mga anak at apo. Binabati ko kayong mga kabataang lalaki na nagpasiyang pumunta rito ngayon. Dito kayo nararapat. Sana’y madama ninyo ang kapatirang nagbibigkis sa atin, at dalangin ko na dito, sa piling ng inyong mga kapatid, ay madarama ninyong kayo ay kabilang, sinusuportahan, at may kaibigan.
Tayong mga kalalakihan kung minsan ay tinutukoy ang ating sarili sa mga titulo. Maraming titulo ang marami sa atin, at bawat isa ay mahalaga ang sinasabi tungkol sa ating pagkatao. Halimbawa, may ilang titulong naglalarawan ng mga tungkulin natin sa pamilya, tulad ng anak, kapatid, asawa, at ama. Ang ibang titulo naman ay naglalarawan ng ating trabaho sa mundo, tulad ng doktor, sundalo, o manggagawa. At ang ilan ay naglalarawan sa katungkulan natin sa Simbahan.
Ngayon gusto kong magmungkahi ng apat na titulong sa palagay ko’y angkop sa lahat ng mayhawak ng priesthood sa iba’t ibang panig ng mundo—mga titulong maaaring makatulong sa atin na maunawaan ang ating mga tungkulin sa walang-hanggang plano ng Diyos at ang ating potensyal bilang mga mayhawak ng priesthood sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Anak ng Ama sa Langit
Ang isang napakahalagang titulong tumutukoy sa ating lahat ay anak ng Ama sa Langit. Sinuman tayo o anuman ang ginagawa natin sa buhay, hindi natin dapat kalimutan na tayo ay literal na mga espiritung anak ng Diyos. Tayo ay Kanyang mga anak bago tayo pumarito sa mundo, at magiging mga anak Niya magpakailanman. Dapat mabago ng mahalagang katotohanang ito ang pananaw natin sa ating sarili, sa ating mga kapatid, at sa buhay mismo.
Ang malungkot, walang isa man sa atin na lubos na iniaayon ang ating buhay sa ipinahihiwatig ng titulong ito, “sapagka’t ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios.”1
Nakalulungkot kung minsan na kahit alam natin ang kahulugan ng maging anak ng Diyos ay nagkukulang pa rin tayo. Gustong samantalahin ng kaaway ang damdaming ito. Mas gusto ni Satanas na manatili kayo sa inyong mga kasalanan sa halip na magtuon sa inyong banal na potensyal. Mga kapatid, huwag siyang pakinggan.
Nakakita na tayong lahat ng isang lumalaking sanggol na natututong lumakad. Maliit ang kanyang hakbang at pagewang-gewang ang lakad. Natutumba siya. Pinagagalitan ba natin siya dahil doon? Siyempre hindi. Anong klaseng ama ang magpaparusa sa isang sanggol sa pagtumba nito? Tayo ay naghihikayat, natutuwa, at pumupuri, dahil sa bawat maliit na hakbang, ang anak ay lalong nakakatulad ng kanyang mga magulang.
Ngayon, mga kapatid, kumpara sa kasakdalan ng Diyos, tayong mga mortal ay hindi naiiba sa mga sanggol na pagewang-gewang sa paglakad. Ngunit nais ng ating mapagmahal na Ama sa Langit na maging higit na katulad Niya tayo, at, mahal kong mga kapatid, iyan din dapat ang ating walang-hanggang mithiin. Nauunawaan ng Diyos na hindi natin mararating iyan kaagad kundi sa paisa-isang hakbang lamang.
Hindi ako naniniwala sa isang Diyos na magtatakda ng mga tuntunin at kautusan para lamang hintayin tayong matumba upang maparusahan Niya tayo. Naniniwala ako sa isang Ama sa Langit na mapagmahal at mapagmalasakit at nagagalak sa bawat pagsisikap nating tumindig at maglakad patungo sa Kanya. Kahit matumba tayo, hinihikayat Niya tayong huwag manghina—huwag sumuko o tumakas sa ating mga responsibilidad kailanman—kundi palakasin ang ating loob, sumampalataya, at patuloy na magsikap.
Tinuturuan ng ating Ama sa Langit ang Kanyang mga anak at kadalasan ay nagpapadala ng tulong ng langit sa mga taong nais sumunod sa Tagapagligtas.
Disipulo ni Jesucristo
At ihahantong tayo niyan sa isa pang titulong karaniwan sa ating lahat: lahat ng masigasig sumunod kay Cristo ay tinatawag na Kanyang mga disipulo. Bagama’t alam natin na walang isa man sa atin ang perpekto, hindi natin ikinakatwiran ang katotohanang iyan para hindi gawin ang inaasahan sa atin, para hindi samantalahin ang ating mga pribilehiyo, para ipagpaliban ang ating pagsisisi, o para tumangging maging mas mabuti, mas perpekto, mas matitinong disipulo ng ating Panginoon at Hari.
Alalahanin na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi itinatag para sa kalalakihan at kababaihang sakdal o hindi nagpapatangay sa mga tukso, kundi para sa mga taong katulad natin mismo. At ito ay nakatayo sa bato na ating Manunubos, ang Panginoong Jesucristo,2 kung kaninong Pagbabayad-sala ay maaari tayong luminis at maging “mga kababayan … [sa] sangbahayan ng Dios.”3
Kung hindi sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang buhay ay walang saysay at walang pag-asa o kinabukasan. Sa Pagbabayad-sala, ang buhay ay isang nakasisigla at masayang paglalakbay tungo sa paglago at pag-unlad na humahantong sa buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit.
Ngunit kahit layon ng Pagbabayad-sala na tulungan tayong lahat na maging higit na katulad ni Cristo, hindi nito layon na gawin tayong magkakapareho. Kung minsan may mali tayong akala na ang personalidad na naiiba sa atin ay kasalanan. Magkakamali pa tayo ng akala na dahil naiiba ang isang tao sa atin, hindi na siya kalugud-lugod sa Diyos. Ang ganitong pag-iisip ay nagtutulak sa ilan na maniwalang gusto ng Simbahan na maging pare-pareho ang personalidad ng mga miyembro—na dapat ay magkakapareho ang hitsura, nadarama, at kilos ng isa’t isa. Sasalungatin nito ang katalinuhan ng Diyos, na nilikha ang bawat tao na iba sa kanyang kapatid, bawat anak na iba sa kanyang ama. Kahit ang magkahawig na kambal ay hindi magkahawig ang personalidad at espirituwalidad.
Sinasalungat din nito ang hangarin at layunin ng Simbahan ni Jesucristo, na kumikilala at nagpoprotekta sa moral na kalayaan—lakip ang lahat ng ibubunga nito—ng lahat ng anak ng Diyos. Bilang mga disipulo ni Jesucristo, nagkakaisa tayo sa ating patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo at sa ating pangakong sundin ang mga utos ng Diyos. Ngunit magkakaiba ang gusto natin sa aspetong pang-kultura, sosyal, at pampulitika.
Lumalakas ang Simbahan kapag sinamantala natin ang pagkakaibang ito at hinikayat natin ang isa’t isa na paunlarin at gamitin ang ating mga talento at palakasin ang ating kapwa mga disipulo.
Mga kapatid, ang pagiging disipulo ay habambuhay na pagsunod sa ating Tagapagligtas. Sa pagsunod natin mula Betlehem hanggang Golgota, magkakaroon tayo ng maraming pagkakataong talikuran ang paglalakbay na ito. Kung minsan magmumukhang mas mahirap tahakin ang landas kaysa nais natin. Ngunit bilang kalalakihan ng Priesthood, dapat nating sundin nang buong tapang ang ating Manunubos, kahit tila napakahirap tiisin ang ating mga pagsubok.
Sa bawat hakbang natin sa pagsunod sa Anak ng Diyos, maaari nating maalala na hindi pa tayo perpekto. Ngunit maging matatag at matapat tayong mga disipulo. Huwag tayong sumuko. Maging tapat tayo sa ating mga tipan. Ituon natin ang ating paningin sa ating Tagapamagitan at Manunubos habang naglalakad tayo palapit sa Kanya, sa paisa-isang hakbang na di-perpekto.
Tagalunas sa mga Kaluluwa
Mga kapatid, kung tunay nating sinusunod ang ating Panginoong Jesucristo, dapat nating tanggapin ang ikatlong titulo: tagalunas sa mga kaluluwa. Tayong mga inorden sa priesthood ng Diyos ay tinatawag na “[taga]lunas.”4
Ang gawain natin ay magpatatag, magsaayos, magpalakas, magpasigla, at magpagaling. Ang tungkulin natin ay sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas at tulungan ang mga nagdurusa. Tayo ay “[naki]kidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati … at [inaaliw natin] yaong mga nangangailangan ng aliw.”5 Ginagamot natin ang mga sugat ng namimighati. Ating “[tinutulungan] ang mahihina, [itinataas] ang mga kamay na nakababa, at [pinalalakas] ang tuhod na mahihina.”6
Bilang mga home teacher, tayo ay mga tagalunas. Bilang mga priesthood leader, tayo ay mga tagalunas. Bilang mga ama, anak, kapatid, at asawa, dapat tayong maging tapat at masigasig na mga tagalunas. Hawak natin sa isang kamay ang lalagyan ng inilaang langis para basbasan ang maysakit; sa kabilang kamay ay hawak natin ang tinapay para pakainin ang nagugutom; at nasa puso natin ang nakapapanatag na salita ng Diyos, na “humihilom sa sugatang kaluluwa.”7
Ito ang una at pangunahing responsibilidad natin bilang mga mayhawak ng priesthood—at ito ay para sa kapwa mga mayhawak ng Aaronic at Melchizedek Priesthood. Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi lamang nagpapala ng mga buhay kapag pinaniwalaan natin ito—kundi higit pa kapag ipinamuhay natin ito. Sa pag-angkop sa mga alituntunin ng ebanghelyo sumisigla ang mga tao at tumatatag ang mga pamilya. Pribilehiyo at responsibilidad natin na hindi lamang sabihin ang tama kundi gawin din ang tama.
Ang Tagapagligtas ang gumagawa ng mga himala. Siya ang dakilang Tagalunas. Siya ang ating halimbawa, ating liwanag, maging sa pinakamahihirap na sandali, at ipinapakita Niya sa atin ang tamang daan.
Sundan natin Siya. Gawin natin ang ating tungkulin at maging mga tagalunas sa pamamagitan ng paglilingkod sa Diyos at sa ating kapwa.
Tagapagmana ng Buhay na Walang Hanggan
Ang ikaapat na titulo nating lahat ay ibinabalik tayo sa unang titulo sa ating listahan. Bilang mga anak ng ating Ama sa Langit, tayo ay mga tagapagmana ng lahat ng mayroon Siya.
“Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Dios:
“At kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung gayon nga makipagtiis tayo sa kaniya, upang tayo’y lumuwalhati namang kasama niya.”8
Isipin ninyo ito, mahal kong mga kapatid. Tayo ay mga kasamang tagapagmana ni Cristo!
Kaya, makabuluhan ba na napakarami sa atin ang labis na gumugugol ng ating mahalagang oras, pag-iisip, pera, at lakas sa paghahangad na tumanyag o yumaman o maaliw sa pinakabago at pinakamagarang mga electronic gadget?
Nangako sa atin ang Panginoon na “sinuman ang matapat sa pagtatamo ng dalawang pagkasaserdoteng ito … [tumutupad sa] kanilang mga tungkulin, … ay [tatanggapin] ako, wika ng Panginoon; … at siya na tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang aking Ama; … kaya nga lahat ng mayroon ang aking Ama ay ibibigay sa kanya.”9
Hindi ko kayang wariin ang lahat ng ipinahihiwatig ng pangakong ito. Ngunit alam kong ito ay napakaganda, napakasagrado, walang hanggan, at karapat-dapat sa lahat ng pagsisikap natin sa buhay.
Dahil alam natin ito, paanong hindi tayo magiging handa at magagalak na maglingkod sa Panginoon at sa ating kapwa at tutupad sa ating mga responsibilidad sa priesthood ng Diyos?
Napakarangal na gawain nito na hahamon sa atin sa lahat ng paraan at mangangailangan ng ating buong kakayahan. Nais ba nating dumanas ng mga pagpapala at patnubay ng langit at masaksihan ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu na ipinapakita sa atin ang daan pabalik sa Ama? Kung gayo’y dapat na tayong kumilos at magsumigasig sa dakilang gawaing ito—isang layunin na mas dakila kaysa sa atin!
Ang paglilingkod sa Diyos at sa ating kapwa ay hahamunin at gagawin tayong mas dakila kaysa inaakala natin.
Marahil ay iisipin ninyo na hindi kayo kailangan, na kayo ay kinaliligtaan o binabalewala, na kayo ay walang halaga.
Labis kong ikinalulungkot kung ganito ang pakiramdam ng sinumang mayhawak ng priesthood. Hindi kayo kinaliligtaan o binabalewala ng inyong Ama sa Langit. Mahal Niya Kayo. At sinasabi ko sa inyo nang may katiyakan na kailangan kayo ng ating Simbahan.
Hindi ba ninyo alam na “pinili ng Dios ang mga bagay na kamangmangan ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong; at pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas”?10
Siguro nga mahina tayo. Siguro nga hindi tayo matalino o malakas. Ngunit kapag kumilos ang Diyos sa pamamagitan natin, walang sinuman at anuman na makakalaban sa atin.11
Iyan ang dahilan kaya kayo kailangan. May sarili kayong maitutulong sa gawain, at pag-iibayuhin ng Diyos ang pagtulong ninyo sa malaking paraan. Ang kakayahan ninyong tumulong ay hindi batay sa katungkulan ninyo sa Simbahan. Walang katapusan ang mga pagkakataon ninyong maglingkod. Kung nakamasid lang kayo, hinihikayat ko kayong makiisa sa gawain ng Diyos.
Huwag nang hintayin pang bigyan kayo ng katungkulan bago kayo lubos na maging abala sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Bilang mayhawak ng priesthood, tinatawag na kayo sa gawain. Pag-aralan ang salita ng Diyos araw-araw, manalangin sa Ama sa Langit araw-araw, gawing bahagi ng inyong buhay ang mga alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo, magpasalamat sa Diyos, at hingin ang Kanyang patnubay. Pagkatapos ay ipamuhay ang inyong natutuhan, una sa inyong pamilya gayundin sa lahat ng sitwasyon ng inyong buhay.
Sa dakilang sonatang nilikha ng Kompositor, may sariling papel kayong gagampanan—may sariling mga titik kayong aawitin. Kapag hindi ninyo nagampanan ito, tiyak na tuloy pa rin ang sonata. Ngunit kung kikilos kayo at sasama sa koro at tutulutang kumilos ang kapangyarihan ng Diyos sa inyo, makikita ninyo na bubukas “ang mga dungawan sa langit,” at Kanyang “ihuhulog sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan.”12 Gampanan ang inyong tunay na potensyal bilang anak ng Diyos, at kayo ay magiging mabuting impluwensya sa inyong pamilya, tahanan, komunidad, bansa, at sa buong mundo.
At sa gayon, kapag kayo ay “mawalan ng [inyong] buhay” sa paglilingkod sa iba,13 kayo ay lalago at uunlad hanggang sa matamo ninyo ang “sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo.”14 Sa gayon ay handa na kayong manahin, kasama ni Cristo, ang lahat ng mayroon ang inyong Ama.
Kayo ay Mahalaga sa Diyos
Mahal kong mga kapatid, mahal kong mga kaibigan, kayo ay mahalaga. Kayo ay minamahal. Kayo ay kailangan. Ang gawaing ito ay totoo. Ang priesthood na pribilehiyo ninyong taglayin ay tunay na sa Diyos.
Dalangin ko na habang pinag-iisipan ninyo ang maraming titulo ng karapat-dapat na mayhawak ng priesthood, matutuklasan ninyo ang patnubay ng Diyos, na tinutulungan kayong umunlad hanggang sa makamtan ninyo ang dakilang pamanang laan sa inyo ng inyong Ama sa Langit. Iniiwan ko ang basbas na ito at ang aking patotoo sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.