Ito ay Isang Himala
Kung hindi kayo full-time missionary na may nakakabit na missionary badge sa inyong polo, panahon na para isulat ito sa inyong puso—isinulat, tulad ng sabi ni Pablo, “hindi … ng tinta, kundi ng Espiritu, ng Dios na buhay.”
Ang mortal na buhay ni Jesucristo ay puno ng mga himala: isang inang birhen, isang bagong bituin, mga anghel na nagpakita sa mga pastol, nakakita ang bulag, nakalakad ang pilay, mga anghel sa Getsemani at sa libingan, at ang pinakamalaking himala sa lahat—ang Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli.
Mailalarawan ba ninyo sa inyong isipan ang labing-isang Apostol na nasa bundok malapit sa Galilea nang lumapit sa kanila ang nagbangong Panginoon at sabihing: “Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo”?1 “Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.”2
Sa “lahat ng bansa”? “Buong sanglibutan”? “Lahat ng kinapal”? Posible ba iyon? Bagama’t muli itong tiniyak ni Jesus sa kanila, marahil inisip nila kung talagang magkakaroon ng mga himala sa pagpapalaganap nila ng ebanghelyo.3
Nadaig ng pananampalataya ang pag-aalinlangan, at itinaas ni Pedro ang kanyang tinig, na nagsasabi:
“Kayong lahat na nangananahan sa Jerusalem, … inyong pakinggan ang aking mga salita: …
“… Si Jesus na taga Nazaret, … [na] sa pamamagitan ng mga kamay ng mga tampalasan ay inyong ipinako sa krus at pinatay: …
“Ang Jesus na ito … [ay] binuhay na maguli ng Dios, [at] saksi kaming lahat.”4
Hindi maikakaila ang malakas na impluwensya ng Espiritu noong araw na iyon, at 3,000 kaluluwa ang nabinyagan. Tulad ng ipinangako ni Jesus, sinundan ng mga tanda at himala ang pananampalataya ng mga nananalig.
Nang ipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo sa lupa 183 taon na ang nakararaan, ang utos ng Panginoon sa Kanyang maliit na grupo ng mga disipulo ay pag-ulit sa sinabi Niya noon maraming siglo na ang nakararaan: “Ang tinig ng babala ay mapapasalahat ng tao.”5 “Sapagkat, katotohanan, ang tunog ay kinakailangang humayo … sa buong daigdig, at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng mundo.”6
Sa “lahat ng tao”? “Buong daigdig”? “Sa kadulu-duluhang bahagi ng mundo”? Posible ba iyon?
Muli itong tiniyak ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Banal sa mga Huling Araw,7 ngunit nakinita ba nila ang lawak at tadhana ng kagila-gilalas na gawaing ito? Marahil naisip nila kung talaga bang magkakaroon ng mga himala sa pagpapalaganap nila ng ebanghelyo.
Muli, nadaig ng pananampalataya ang pag-aalinlangan, at libu-libo ang nabinyagan. Sa England, nakita ni Elder Wilford Woodruff na naghihintay ang isang buong komunidad sa kanyang pagdating. Napasakanila ang Espiritu ng Panginoon, at nabinyagan niya ang 45 mangangaral at ilang daang miyembro sa unang buwan niya sa Benbow farm.8
Ganyan din sa panahon natin. Noong missionary pa kami ni Elder David A. Bednar mga 40 taon na ang nakararaan (at tinitiyak ko sa inyo na hindi kami ang pinakamatandang returned missionary na nakaupo sa mga pulang silya), 16,000 ang mga missionary. Tulad ng iniulat kahapon ni Pangulong Thomas S. Monson, ngayon ay mayroon na tayong 65,000—mas marami kaysa noon. Noon ay may 562 stake. Ngayon mayroong mahigit 3,000. Noon, ang ating mga ward at branch ay nasa 59 na bansa. Ngayo’y may mga kongregasyon tayo sa 189 ng 224 na bansa at teritoryo sa mundo. Iilan lang tayo, tulad ng ipinropesiya ni Nephi.9 Ngunit kasabay nito, saksi tayo sa katuparan ng propesiya ni Daniel: ang “bato … [na tinibag] hindi ng mga kamay … [ay pinupuno] ang buong lupa.”10
Ang ating panahon ay pambihirang panahon ng mga himala. Anim na buwan na ang nakararaan noong ipahayag ni Pangulong Monson ang pagbabago sa edad para sa mga kabataang lalaki at babae na nais magmisyon, hindi maikakaila ang malakas na impluwensya ng Espiritu. Nadaig ng pananampalataya ang pag-aalinlangan, at nagsisulong ang mga kabataang lalaki at babae. Huwebes kasunod ng kumperensya, naatasan akong magrekomenda ng mga tawag sa misyon sa Unang Panguluhan. Namangha akong makita ang mga application ng mga binatang 18-taong-gulang at mga dalagang 19-na-taong-gulang na binago ang kanilang mga plano, nagpatingin sa kanilang doktor, nainterbyu na ng kanilang bishop at stake president, at naisumite ang kanilang application sa misyon—lahat ng ito sa loob lamang ng limang araw. Libu-libo pa ang nakisali sa kanila. Ito ay isang himala.
Nagpapasalamat kami sa nakasisiglang pananampalataya ng ating kababaihan, sa dumaraming missionary mula sa mga bansa sa iba’t ibang dako ng mundo, at sa dumaraming mag-asawang handang maglingkod. Limampu’t walong bagong mission ang ibinalita, at ang ating punung-punong missionary training center sa Provo ay kamangha-manghang naragdagan ng isa pa sa Mexico City.
Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Tinutupad natin ang utos ng Tagapagligtas [na] …, ‘Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.’”11 “Ang … layuning ito … ay patuloy na lalaganap, at babaguhin at pagpapalain ang maraming buhay. … Walang puwersa sa buong mundo [ang] makapipigil sa gawain ng Diyos.”12
Nasasaksihan natin ang mga himala ng Panginoon habang lumalaganap ang Kanyang ebanghelyo sa buong mundo.
Mga kapatid, yamang binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang mas maraming missionary na maglingkod, ginigising din Niya ang isipan at pinalalambot ang puso ng mas maraming mabubuti at tapat na tao upang tanggapin ang Kanyang mga missionary. Kilala na ninyo sila o makikilala pa lang ninyo sila. Sila ay nasa inyong pamilya at nakatira sa inyong paligid. Nadaraanan nila kayo sa kalye, nakakatabi kayo sa eskuwela, at nakakausap kayo sa Internet. Kayo man ay mahalagang bahagi ng nagaganap na himalang ito.
Kung hindi kayo full-time missionary na may nakakabit na missionary badge sa inyong polo, panahon na para isulat ito sa inyong puso—isinulat, tulad ng sabi ni Pablo, “hindi … ng tinta, kundi ng Espiritu, ng Dios na buhay.”13 At mga returned missionary, hanapin ang luma ninyong missionary tag. Huwag itong ikabit, kundi ilagay ito kung saan ninyo ito makikita. Kailangan kayo ngayon ng Panginoon nang higit kaysa noon upang maging kasangkapan sa Kanyang mga kamay. Tayong lahat ay may maitutulong sa himalang ito.
Bawat matwid na miyembro ng Simbahan ay naisip na kung paano ibabahagi ang ebanghelyo. Ang ilan ay ibinabahagi ang ebanghelyo sa normal na paraan, at marami tayong matututuhan sa kanila.14 Ang ilan ay nahihirapan at nag-iisip kung paano magagawa ito nang mas mahusay, na nagnanais na mawala ang panunurot ng budhi na nadarama natin kung minsan.
Ang hangarin nating ibahagi ang ebanghelyo ay naghihikayat sa ating lahat na lumuhod at manalangin, at dapat naman, dahil kailangan natin ang tulong ng Panginoon.
Hiniling ni Pangulong Monson na ipagdasal natin ang “mga lugar kung saan limitado ang ating impluwensya at hindi tayo pinapayagang magbahagi ng ebanghelyo nang malaya.”15 Kapag taimtim at nagkakaisa tayong humiling sa ating Ama sa Langit, patuloy na gagawing posible ng Panginoon na magawa natin ang mga bagay-bagay.
Ipinagdarasal din natin na magkaroon tayo ng mga pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo. Sinabi ni Apostol Pedro, “Lagi kayong [maging] handa [sa] pagsagot sa bawa’t tao na humihingi … ng katuwiran [para] sa pagasang nasa inyo.”16
Sa kalituhan17 at kaguluhan18 sa mundo ngayon, hindi nakakagulat na iilang tao lang ang nagsisimba. Bagamat maraming nagnanais na mas mapalapit sa Diyos at higit na maunawaan ang layunin ng buhay, may mga tanong silang hindi nasasagot. Maraming taong tatanggap sa katotohanan, ngunit tulad ng paliwanag ng propetang si Amos, “sila’y [nagsisitakbo] ng paroo’t parito na [hinahanap] ang salita ng Panginoon, at hindi [nila ito masumpungan].”19 Makatutulong kayo sa pagsagot sa kanilang mga tanong. Sa araw-araw ninyong pag-uusap madaragdagan ninyo ang pananampalataya nila kay Cristo.20
Sinabi ng Tagapagligtas: “Itaas ninyo ang inyong ilawan upang ito ay magliwanag sa sanlibutan. Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas.”21
Ipinapangako ko sa inyo, kapag nanalangin kayong malaman kung sino ang kakausapin, papasok ang mga pangalan at mukha sa inyong isipan. Ipapaalam sa inyo ang inyong sasabihin sa mismong sandaling kailangan ninyo ito.22 Darating sa inyo ang mga pagkakataon. Madaraig ng pananampalataya ang pag-aalinlangan, at bibiyayaan kayo ng Panginoon na magkaroon ng sarili ninyong mga himala.
Tinuruan tayo ng Tagapagligtas kung paano ibahagi ang ebanghelyo. Gusto ko ang kuwento tungkol kay Andres, na nagtanong, “Guro, saan ka tumitira?”23 Maaari namang sabihin ni Jesus kung saan Siya nakatira. Ngunit sa halip ay sinabi Niya kay Andres, “Magsiparito kayo, at inyong makikita.”24 Gusto kong isipin na ang sinasabi ng Tagapagligtas ay, “Magsiparito kayo at inyong makikita hindi lamang kung saan ako nakatira kundi kung paano ako mamuhay. Magsiparito kayo at alamin ninyo kung sino Ako. Magsiparito kayo at damhin ninyo ang Espiritu.” Hindi natin alam ang lahat ng nangyari sa araw na iyon, ngunit alam natin na nang matagpuan ni Andres ang kapatid niyang si Simon, sinabi niya, “Nasumpungan namin … ang Cristo.”25
Sa mga nagpapakita ng interes sa ating mga pakikipag-usap, maaari nating tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pag-anyaya sa kanila na “magsiparito kayo, at inyong makikita.” Tatanggapin ng ilan ang ating paanyaya, at ang iba ay hindi. Lahat tayo ay may kilala na naanyayahan na nang ilang beses bago tinanggap ang paanyayang “magsiparito kayo, at inyong makikita.” Isipin din natin ang mga miyembro na dati nating nakakasama ngunit ngayo’y bihira na nating makita, at anyayahan silang bumalik at nang muli nilang makita.
Iginagalang natin ang pasiya at takdang-panahon ng bawat tao. Sabi ng Panginoon, “Hayaang ang bawat tao ay pumili para sa kanyang sarili.”26 Ang kawalan ng interes ng isang tao ay hindi kailangang makabawas sa ating pagkakaibigan at pagmamahalan. Tanggapin man ang paanyaya o hindi kapag inanyayahan ninyo ang iba na “magsiparito kayo, at inyong makikita,” madarama ninyo ang pagsang-ayon ng Panginoon at, kasama sa pagsang-ayong iyan, ang dagdag na pananampalataya na patuloy na ibahagi ang inyong mga paniniwala.
Para sa mga gumagamit ng Internet at mga mobile phone, may mga bagong paraan ng pag-anyaya sa iba na “magsiparito kayo, at inyong makikita.” Higit nating gawing bahagi ng pang-araw-araw na buhay ang pagbabahagi ng ating pananampalataya online. LDS.org, Mormon.org, Facebook, Twitter—lahat ay naglalaan ng mga pagkakataon.
Para maibahagi ang ebanghelyo, nagpasimula ng ilang blog ang mga kabataang miyembro sa Boston.27 Yaong mga sumapi sa Simbahan ay sinimulan ang pag-aaral nila online, na sinundan ng mga pakikipagtalakayan sa mga missionary. Ang karanasang ito ay nakatulong din sa mga kabataan na magkaroon ng mas malaking tiwala sa pagsasalita tungkol sa ebanghelyo sa harap ng ibang tao. Sabi ng isa sa kanila, “Hindi ito gawaing misyonero. Ito ay masayang gawain ng misyonero.”28
Kasama tayong lahat dito. Kasama ang kapwa mga miyembro ng ward at mga missionary, sama-sama tayong nagpaplano at nagdarasal at nagtutulungan. Mangyaring isama sa inyong mga iniisip at panalangin ang mga full-time missionary. Ipagkatiwala sa kanila ang inyong pamilya at mga kaibigan. May tiwala sa kanila ang Panginoon at tinawag sila upang turuan at pagpalain yaong mga naghahanap sa Kanya.
Ibinahagi ni President Paulo Kretly ng Mozambique Maputo Mission ang karanasang ito: “Karaniwan na sa Mozambique na magsama [ang] mga magkasintahan [nang hindi kasal dahil] tradisyon sa Africa ang magbigay ng malaking dote para makasal, dote na di-kayang ibigay ng karamihan sa kanila.”29
Pinag-isipan at ipinagdasal ng mga miyembro at missionary kung paano makakatulong.
Ang sagot sa kanilang mga dalangin ay na bibigyang-diin nila ang batas ng kalinisang-puri at kahalagahan ng kasal at mga walang-hanggang pamilya. At habang tinutulungang magsisi at makasal nang legal ang mga magkasintahan, ituturo nila ang kaligayahang nagmumula lamang sa pagsunod kay Jesucristo.
Ito ay larawan ng mga magkasintahan mula sa dalawang magkaibang lungsod sa Mozambique. Nakasal nang Biyernes, nabinyagan sila kasabay ng kanilang nakatatandang mga anak nang Sabado.30 Inanyayahan ang mga kaibigan at kapamilya na “magsiparito kayo, at inyong makikita,” at daan-daan nga ang “nagsiparoon at nakakita.”
Kasunod ng binyag, sinabi ng isang babae, “Kailangan naming magpasiya kung susundin namin ang mga tradisyon ng aming mga ninuno o si Jesucristo. Ipinasiya naming sundin si Cristo.”31
Maaaring hindi kayo nakatira sa Mozambique, ngunit sa sarili ninyong paraan, sa sarili ninyong kultura, maibabahagi ninyo ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Manalangin sa inyong Ama sa Langit. Ito ang Kanyang sagradong gawain. Gagabayan Niya kayo sa inyong gagawin. Magbibigay Siya ng mga pagkakataon, aalisin Niya ang mga hadlang, at tutulungan Niya kayong daigin ang mga balakid. Ipinahayag ng Panginoon, “Ang tinig ng babala ay mapapasalahat ng tao, sa pamamagitan ng mga bibig ng aking mga disipulo, … at walang makapipigil sa kanila.”32
Pinatototohanan ko na “ang tinig ng Panginoon ay hahanggan sa mga dulo ng mundo, upang ang lahat ng makaririnig ay makarinig.”33 Ito ay isang himala. Ito ay isang himala. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.