2010–2019
Ang Kapangyarihan ng Priesthood na Taglay ng Binatilyo
Abril 2013


10:51

Ang Kapangyarihan ng Priesthood na Taglay ng Binatilyo

Ang priesthood na taglay ng binatilyo ay kasingbisa ng kapangyarihan ng priesthood na taglay ng lalaking gumagamit nito sa kabutihan.

Noong 1878 ang aking lolo-sa-tuhod na si George F. Richards ay 17 taong gulang. Tulad ng nangyayari kung minsan sa panahong iyon, naorden na siyang elder. Isang araw ng Linggo dumaing ang kanyang ina sa matinding sakit. Dahil wala ang kanyang ama, hinilingan ang bishop at iba pa na basbasan ang kanyang ina, ngunit hindi ito naginhawahan. Sa gayo’y binalingan nito ang anak na si George at hiniling na basbasan siya nito. Isinulat niya sa kanyang diary, “Sa gitna ng pagluha ko sa paghihirap ng aking ina at sa atas na basbasan siya na hindi ko pa nagawa kahit kailan, nagtungo ako sa ibang silid at umiyak at nanalangin doon.”

Nang handa na siya, ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa kanyang ina at binigyan ito ng napakasimpleng basbas. Kalaunan ay isinulat niya, “Tumigil sa pagdaing ang aking ina at naginhawahan habang nakapatong pa ang mga kamay ko sa ulo niya.” Pagkatapos ay isinulat niya sa kanyang diary ang napakagandang obserbasyong ito. Noon pa man daw ay nadama na niya na hindi naginhawahan ang kanyang ina sa basbas ng bishop hindi dahil ayaw kilalanin ng Panginoon ang basbas ng bishop kundi dahil nais ng Panginoon na isang binatilyo ang magbasbas, para ituro sa kanya na ang priesthood na taglay ng binatilyo ay kasingbisa ng kapangyarihan ng priesthood na taglay ng lalaking gumagamit nito sa kabutihan.

Ngayong gabi gusto kong magsalita tungkol sa kapangyarihang iyan. Kahit tutukoy ako sa mga deacons quorum president, ang mga alituntuning tatalakayin ay angkop sa lahat ng kabataan ng Aaronic Priesthood at sa kanilang mga lider, pati na sa ating mga teachers quorum president at assistant sa priest quorum president.

Noong mission president pa ako, napansin ko na may malaking paglago sa espirituwalidad at kakayahang mamuno ng mga kabataang lalaki habang nasa misyon sila. Kung matatantiya lang natin ang lebel ng mga katangiang ito habang nasa Aaronic Priesthood at misyon pa sila, siguro’y katulad ito ng asul na linyang nakikita ninyo sa graph na ito. Naiisip ko ang tatlong bagay na may kaugnayan sa malaking pag-unlad nila habang nasa misyon: (1) higit ang tiwala natin sa mga binatilyong ito kaysa rati, (2) malaki ang inaasahan natin sa kanila ngunit buong pagmamahal tayong umaasa, at (3) sinasanay natin sila palagi para buong husay nilang maisakatuparan ang mga inaasahang iyon.

Maitatanong ng isang tao, “Bakit hindi natin gamitin ang mga alituntuning ito sa mga deacons quorum president?” Kung gagawin ito, marahil ay mas maagang magsisimula ang paglago at magiging gaya ng berdeng linya na nasa graph. Gusto kong talakayin sandali kung paano maiaangkop ang mga alituntuning ito sa deacons quorum president.

Una—tiwala. Maaari nating pagkatiwalaan ng malaking responsibilidad ang mga deacons quorum president. Ginagawa iyan ng Panginoon—tulad halimbawa ng kahandaan Niyang bigyan sila ng mga susi, ibig sabihin ang karapatang mamuno at mangasiwa sa gawain sa kanilang korum. Bilang katibayan ng tiwalang ito, tumatawag tayo ng mga deacons quorum president sa pamamagitan ng paghahayag, hindi lamang ayon sa senyoridad o anumang katulad nito. Bawat lider sa Simbahang ito, pati na ang deacons quorum president, ay may karapatang malaman, at dapat malaman, na siya ay natawag sa pamamagitan ng paghahayag. Ang katiyakang ito ay ipinaaalam sa kanya na ang Diyos ay may tiwala at sumasang-ayon sa kanya.

Ang ikalawa at ikatlong katangian ay magkaugnay—ang malalaking inaasahan at ang kaugnay na pagsasanay para magampanan ang mga ito. Natuto ako ng malaking aral sa misyon: karaniwan na ang pagsusumikap ng mga missionary ay nakadepende sa laki ng inaasahan sa kanila ng mission president, at gayon din sa mga deacons quorum president. Kung ang inaasahan sa kanila ay mangasiwa lang sa mga quorum meeting at dumalo sa mga bishopric youth committee meeting, iyan lang ang gagawin nila. Ngunit kayong mga lider ay mabibigyan sila ng mas malawak na pananaw—ang pananaw ng Panginoon. At bakit napakahalaga ng pananaw? Dahil ang mas malawak na pananaw ay higit na nakahihikayat.

Kasama sa bawat katungkulan sa Simbahang ito ang karapatang tumanggap ng paghahayag. Dahil dito, kailangang malaman ng mga deacons quorum president na karapatan nilang tumanggap ng paghahayag para magrekomenda ng kanilang mga counselor, paghahayag hinggil sa pagsagip sa nawawala, at paghahayag para maituro sa mga miyembro ng korum ang kanilang mga tungkulin.

Ang isang matalinong lider ay ituturo sa deacons quorum president ang mga alituntuning iyon na makakatulong sa pagtanggap ng paghahayag. Maaari niyang ituro ang malinaw na pangako ng Panginoon: “Kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag” (D at T 42:61). Ang Panginoon ay laging handang magbigay ng paghahayag. Hindi nga ba’t pinaalalahanan Niya sina Joseph Smith at Oliver Cowdery na, “Sa tuwing magtatanong ka ikaw ay makatatanggap ng tagubilin mula sa aking Espiritu” (D at T 6:14)? At mangyayari din iyan sa inyo mga deacons quorum president. Mahal kayo ng Panginoon at nais niyang ihayag sa inyo ang Kanyang isipan at kalooban. Maiisip ba ninyo na may problema ang Panginoon na hindi Niya kayang lutasin? Ako’y hindi. Dahil karapatan ninyong tumanggap ng paghahayag, matutulungan Niya kayong lutasin ang bawat problema ninyo bilang pangulo ng inyong korum kung hihingi lang kayo ng tulong sa Kanya.

Kayong mabubuting lider, ituro ninyo sa deacons quorum president na ito na ang paghahayag ay hindi panghalili sa kasipagan at personal na pagsisikap. Minsa’y tinanong ni Pangulong Henry B. Eyring si Pangulong Harold B. Lee, “Paano ako makatatanggap ng paghahayag?” Sumagot si Pangulong Lee, “Kung nais mong makatanggap ng paghahayag, pagsikapan mo ito.”1 Maaaring talakayin ng matalinong lider sa kanyang deacons quorum president ang ilan sa mga espirituwal na pagsisikap na dapat niyang gawin sa paghahandang magrekomenda ng kanyang mga counselor. Maaaring kailanganin niyang magtanong at sagutin ang mga tanong na tulad ng: Sino ang magandang halimbawang makahihikayat sa ibang mga bata? O sino ang sensitibo sa mga pangangailangan ng mga taong may matitinding hamon?

At sa huli maaaring ituro sa kanya ng matalinong lider kung paano mahiwatigan ang paghahayag at kumilos ayon dito kapag natanggap ito. Nabubuhay tayo sa isang mundong puno ng mabilis at nakasasabik na mga pangyayari kung saan usung-uso ang nakasisilaw na liwanag at malalakas na ingay. Ngunit kailangang malaman ng binatilyong ito na ito ang paraan ng mundo, hindi ng Panginoon. Isinilang ang Tagapagligtas sa isang lugar na halos walang nakakakilala sa Kanya; ginampanan Niya ang pinakadakila at walang-katulad na gawain sa lahat ng panahon sa katahimikan ng isang halamanan; at tinanggap ni Joseph ang kanyang Unang Pangitain sa isang liblib ng kakahuyan. Ang mga sagot ng Diyos ay dumarating sa marahan at banayad na tinig—damdamin ng kapayapaan o kapanatagan, mga paramdam na gumawa ng kabutihan, kaliwanagan—kung minsa’y sa mumunting ideya, na kung pagpipitaganan at pangangalagaan ay lalagong tulad ng pinakamalalaking puno sa daigdig. Kung minsan ang mga paramdam o ideyang ito ay maaari pang magtulak sa inyo na mga deacons quorum president na irekomenda bilang counselor o bigyan ng tungkulin ang isang binatilyo na kasalukuyang di-gaanong aktibo.

Bilang stake presidency, ilang taon na ang nakararaan, nadama naming tawagin ang isang butihing lalaki bilang stake clerk. Pansamantala siyang nahirapan noon na dumalo palagi sa Simbahan. Gayunman alam namin na kung tatanggapin niya ang tungkulin, malaki ang magagawa niya.

Tinawag namin siya sa tungkulin, ngunit ang sagot niya’y, “Hindi po, palagay ko hindi ko kayang gawin iyan.”

Pagkatapos ay dumating ang isang paramdam. Sabi ko, “Kung gayon, palagay ko hindi magkakaroon ng clerk ang Glendale stake.”

Natitigilan, sinabi niya, “Ano po’ng ibig ninyong sabihin? Kailangan ninyo ng stake clerk.”

Sumagot ako, “Gusto mo bang tumawag kami ngayon ng ibang maglilingkod bilang stake clerk samantalang ipinaramdam sa amin ng Panginoon na ikaw ang tawagin?”

“Ok,” sabi niya, “tatanggapin ko.”

At ginampanan nga niya iyon. Hindi lamang maraming kalalakihan kundi maraming kabataang lalaki rin ang tutugon sa tawag kapag alam nila na tinatawag sila ng Panginoon at kailangan sila ng Panginoon.

Pagkatapos ay maipapaalam ninyo sa deacons quorum president na ito na ang isa sa mga inaasahan sa kanya ng Panginoon ay sagipin ang nawawala, kapwa ang di-gaanong aktibo at ang hindi miyembro. Ipinahayag ng Panginoon ang Kanyang pinakamahalagang misyon sa ganitong mga kataga: “Sapagka’t ang Anak ng tao ay naparito upang iligtas ang nawala” (Mateo 18:11). Kung prayoridad ng Tagapagligtas na sagipin ang nawawala, kung prayoridad iyon ni Pangulong Monson, tulad ng makikita sa buong buhay niya, hindi ba dapat din itong maging prayoridad ng bawat lider, bawat deacons quorum president sa Simbahang ito? Ang dapat maging pangunahing tuon ng ating pamumuno, bilang pangunahing bahagi ng ating paglilingkod, ay ang masigla, matindi, at walang humpay na determinasyong hanapin ang nawawala at ibalik sila.

Sabi ng isang binatilyong binisita ng mga miyembro ng kanyang korum: “Nagulat ako kanina nang … biglang dumating ang 30 tao sa bahay namin. … Gusto ko na yatang magsimba ngayon.” Paano matatanggihan ng isang kabataan ang pagmamahal at atensyong katulad niyon?

Natutuwa ako kapag nakakarinig ako ng maraming kuwento tungkol sa mga deacons quorum president na nakaunawa sa pananaw at paminsan-minsa’y nagtuturo ng lahat o ilang bahagi ng mga aralin sa mga quorum meeting nila. Ilang linggo na ang nakararaan dumalo ako sa isang klase ng deacons quorum. Isang 12-taong-gulang na batang lalaki ang nagturo nang 25-minuto tungkol sa Pagbabayad-sala. Nagsimula siya sa pagtatanong sa mga kapwa niya deacon kung ano sa palagay nila ang Pagbabayad-sala. Pagkatapos ay nagbahagi siya ng ilang makabuluhang talata sa banal na kasulatan at nagtanong ng magagandang bagay, na sinagot naman nila. Gayunman, nang malaman niya na marami pang matitirang oras pagkatapos ng aralin, hindi siya nasiraan ng loob at marahil ay naturuan ng kanyang ama na itanong sa mga lider na naroon ang mga itinanong sa kanila tungkol sa Pagbabayad-sala noong nasa misyon sila at ang mga isinagot nila rito. At saka siya nagtapos sa kanyang patotoo. Nakinig ako nang may pagkamangha. Naisip ko, “Wala akong maalala na nag-ambag ako ng mahalagang bahagi sa aralin noong miyembro ako ng Aaronic Priesthood.” Maitataas pa natin ang pamantayan at pananaw para sa mga binatilyog ito, at tutugon sila.

Kayong mga lider, higit ninyong mapapasigla ang mga deacons quorum president na ito kapag hinayaan ninyo silang mamuno. Nagampanan ninyong mabuti ang inyong tungkulin hindi kapag nagbigay kayo ng magandang aral kundi kapag tinulungan ninyo silang magturo ng magandang aralin, hindi kapag sinagip ninyo ang isang tao kundi kapag tinulungan ninyo silang gawin ito.

May lumang sawikain: huwag kayong mamamatay hangga’t hindi ninyo naaabot ang inyong potensyal. Sa gayon ding paraan, sasabihin ko sa inyo, mga adult leader, huwag kayong pa-release hangga’t hindi ninyo naaabot ang inyong potensyal. Turuan ang ating mga kabataan sa bawat pagkakataon; turuan sila kung paano maghanda ng agenda, paano mangasiwa sa mga miting nang may dangal at kabaitan, paano sagipin ang nawawala, paano maghanda at magbigay ng magandang aralin, at paano tumanggap ng paghahayag. Ito ang magiging panukat ng inyong tagumpay—ang pamana ng pamumuno at espirituwalidad na iiwanan ninyong nakakintal sa puso’t isipan ng mga binatilyong ito.

Kung gagampanan ninyong mabuti ang inyong tungkulin, mga deacons quorum president, kayo ay magiging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos kahit ngayon, sapagkat ang priesthood na taglay ng binatilyo ay kasingbisa ng kapangyarihan ng priesthood na taglay ng lalaking gumagamit nito sa kabutihan. Pagkatapos kapag gumawa kayo ng mga tipan sa templo at naging mga missionary at lider ng Simbahang ito sa hinaharap, malalaman ninyo kung paano tumanggap ng paghahayag, sagipin ang nawawala, at ituro ang doktrina ng kaharian nang may kapangyarihan at awtoridad. Sa gayo’y magiging mga kabataan kayo na may marangal na pangako. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, na Tagapagligtas at Manunubos ng mundo, amen.

Mga Tala

  1. Sa Henry B. Eyring, “Waiting upon the Lord,” sa Brigham Young University 1990–91 Devotional and Fireside Speeches (1991), 17.