Mga Tagasunod ni Cristo
Ang pagsunod kay Cristo ay hindi isang kaswal o paminsan-minsang gawain kundi tuluy-tuloy na pangako at uri ng pamumuhay na angkop sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar.
Isa sa ating mahal na mga himno, na inawit ng Tabernacle Choir sa umagang ito, ay nagsisimula sa ganitong mga salita:
“Magsisunod kayo sa ‘kin,”
Ang wika ni Cristo sa ‘tin,
Upang tayo’y makiisa
Sa Bugtong ng ating Ama.1
Ang mga titik na iyon, na binigyang-inspirasyon ng pinakaunang paanyaya ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo (tingnan sa Mateo 4:19), ay isinulat ni John Nicholson, isang binyagang Scottish. Gaya ng marami sa ating mga pinuno noong araw, hindi siya nakatapos sa pag-aaral ngunit malaki ang pagmamahal niya sa ating Tagapagligtas at sa plano ng kaligtasan.2
Lahat ng mensahe sa kumperensyang ito ay nakatulong sa atin na sundan ang mga yapak ng ating Tagapagligtas, na ang halimbawa at mga turo ay nagtatakda ng landas na tatahakin ng bawat tagasunod ni Jesucristo.
Katulad ng iba pang mga Kristiyano, pinag-aaralan ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang buhay ng ating Tagapagligtas ayon sa nakaulat sa mga aklat nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan sa Bagong Tipan. Magsasabi ako ng mga halimbawa at turo sa apat na aklat na ito ng Banal na Biblia at aanyayahan ko ang bawat isa sa atin at ang lahat ng iba pang mga Kristiyano na isipin kung paano naipanumbalik ang Simbahang ito at paano magiging marapat ang bawat isa sa atin bilang mga tagasunod ni Cristo.
Itinuro ni Jesus na ang binyag ay kailangan para makapasok sa kaharian ng Diyos (tingnan sa Juan 3:5). Sinimulan Niya ang Kanyang paglilingkod sa pamamagitan ng pagpapabinyag (tingnan sa Marcos 1:9), at bininyagan Niya at ng Kanyang mga tagasunod ang iba pa (tingnan sa Juan 3:22–26). Ginagawa rin natin iyon.
Sinimulan ni Jesus ang Kanyang pangangaral sa pag-anyaya sa Kanyang mga tagapakinig na magsisi (tingnan sa Mateo 4:17). Iyan pa rin ang mensahe ng Kanyang mga lingkod sa mundo.
Sa Kanyang buong paglilingkod si Jesus ay nagbigay ng mga utos. At itinuro Niya, “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15; tingnan din sa mga talata 21, 23). Pinagtibay Niya na sa pagsunod sa Kanyang mga utos kailangang iwan ng Kanyang mga tagasunod ang tinawag Niyang “dinadakila ng mga tao” (Lucas 16:15) at “[kaugalian] ng mga tao” (Marcos 7:8; tingnan din sa talata 13). Nagbabala rin siya na, “Kung kayo’y taga sanglibutan, ay iibigin ng sanglibutan ang kaniyang sarili: nguni’t sapagka’t kayo’y hindi taga sanglibutan, kundi kayo’y hinirang ko sa sanglibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanglibutan” (Juan 15:19).Tulad ng ipinahayag ni Apostol Pedro kalaunan, ang mga tagasunod ni Jesus ay magiging “isang lahing hirang” (I Pedro 2:9).
Nauunawaan ng mga Banal sa mga Huling Araw na hindi tayo dapat maging “makamundo” o matali sa “kaugalian ng mga tao,” ngunit gaya ng iba pang mga tagasunod ni Cristo, kung minsan ay nahihirapan tayong ihiwalay ang ating sarili sa daigdig at mga tradisyon nito. Ginagaya ng ilan ang mga makamundong paraan dahil, tulad ng sinabi ni Jesus tungkol sa ilang tinuruan Niya, “iniibig nila ng higit ang kaluwalhatian sa mga tao kay sa kaluwalhatian sa Dios” (Juan 12:43). Ang mga kabiguang ito na sundin si Cristo ay napakarami at napakaselan para ilista dito. Kasama na rito ang lahat mula sa mga makamundong kaugalian tulad ng pangungunsiti sa mali at mga kalabisan sa pananamit at pag-aayos sa sarili hanggang sa paglihis sa mahahalagang bagay na tulad ng likas na kawalang-hanggan at tungkulin ng pamilya.
Ang mga turo ni Jesus ay hindi nilayong maging puro salita lamang. Dapat itong gawin palagi. Itinuro ni Jesus, “Bawa’t dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino” (Mateo 7:24; tingnan din sa Lucas 11:28) at “Mapalad yaong aliping kung dumating ang kaniyang Panginoon, ay maratnan siyang gayon ang kaniyang ginagawa” (Mateo 24:46). Sa isa pang napakagandang himno inaawit natin ang:
Diyos, nawa Kayo’y ibigin,
Sundan ang Inyong landas, …
Diyos, nawa kayo’y ibigin—
Kayo’y laging susundin.3
Tulad ng itinuro ni Jesus, ang mga nagmamahal sa Kanya ay susundin ang Kanyang mga utos. Magiging masunurin sila, gaya ng itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson kaninang umaga. Ang pagsunod kay Cristo ay hindi isang kaswal o paminsan-minsang gawain kundi tuluy-tuloy na pangako at uri ng pamumuhay na angkop sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Itinuro ng Tagapagligtas ang alituntuning ito at kung paano tayo dapat mapaalalahanan at mapalakas na sundin ito nang pasimulan Niya ang ordenansa ng sakramento (komunyon ang tawag dito ng iba). Alam natin mula sa makabagong paghahayag na inutusan Niya ang Kanyang mga tagasunod na makibahagi sa mga sagisag bilang pag-alaala sa Kanya (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 26:22 [sa Matthew 26:26, footnote c], 24 Mateo 26:22, 24 at Marcos 14:21–24). Sinusunod ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang utos na iyan linggu-linggo sa pagdalo sa pagsamba kung saan nakikibahagi tayo sa tinapay at tubig at nakikipagtipan na lagi natin Siyang aalalahanin at susundin ang Kanyang mga utos.
Itinuro ni Jesus na “[ang mga tao’y] dapat magsipanalanging lagi” (Lucas 18:1). Ipinakita rin Niya ang halimbawang iyan, tulad noong “sa buong magdamag ay nanatili siya sa pananalangin sa Dios” (Lucas 6:12) bago Niya tinawag ang Kanyang Labindalawang Apostol. Tulad ng iba pang mga Kristiyano, nagdarasal tayo sa lahat ng ating pagsamba. Nagdarasal din tayo para sa patnubay, at nagtuturo na dapat ay madalas tayong manalangin nang personal at araw-araw tayong manalangin nang nakaluhod bilang pamilya. Tulad ni Jesus, nagdarasal tayo sa ating Ama sa Langit, at ginagawa natin iyon sa sagradong pangalan ni Jesucristo.
Tumawag ng Labindalawang Apostol ang Tagapagligtas para tumulong sa Kanyang Simbahan at ibinigay sa kanila ang mga susi at awtoridad na magpapatuloy pagkamatay Niya (tingnan sa Mateo 16:18–19; Marcos 3:14–15; 6:7; Lucas 6:13). Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, bilang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, ay sumusunod sa halimbawang ito sa pag-oorganisa nito at pagkakaloob ng mga susi at awtoridad sa mga Apostol.
Ang ilang tinawag ni Jesus na sumunod sa Kanya ay hindi tumugon kaagad kundi humanap ng paraan para maipagpaliban ang pag-aasikaso sa mga tamang obligasyon sa pamilya. Sumagot si Jesus, “Walang taong pagkahawak sa araro, at lumilingon sa likod, ay karapatdapat sa kaharian ng Dios” (Lucas 9:62). Maraming Banal sa mga Huling Araw ang sumusunod sa prayoridad na itinuro ni Jesus. Kabilang dito ang napakagandang halimbawa ng libu-libong senior missionary at iba pa na iniwan ang mga anak at apo upang gampanan ang kanilang mga tungkulin bilang missionary.
Itinuro ni Jesus na nilikha ng Diyos ang lalaki at babae at na dapat iwan ng lalaki ang kanyang mga magulang at makisama sa kanyang asawa (tingnan sa Marcos 10:6–8). Ang katapatan natin sa turong ito ay bantog.
Sa pamilyar na talinghaga ng nawawalang tupa, itinuro ni Jesus na dapat nating gawin ang lahat para hanapin ang alinman sa kawan na naligaw (tingnan sa Mateo 18:11–14; Lucas 15:3–7). Tulad ng alam natin, lubos na binibigyang-diin ni Pangulong Thomas S. Monson ang tagubiling ito sa kanyang di-malilimutang halimbawa at mga turo tungkol sa pagsagip sa ating kapwa.4
Sa mga pagsisikap nating sumagip at maglingkod, sinusunod natin ang kakaibang halimbawa at magiliw na mga turo ng ating Tagapagligtas tungkol sa pagmamahal: “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:39). Inutusan pa Niya tayong ibigin ang ating mga kaaway (tingnan sa Lucas 6:27–28). At sa Kanyang mga dakilang turo sa pagtatapos ng Kanyang paglilingkod sa lupa, sinabi Niya:
“Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa.
“Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa” (Juan 13:34–35).
Bilang bahagi ng pagmamahal sa isa’t isa, itinuro ni Jesus na kapag sinaktan tayo ng mga tao, dapat natin silang patawarin (tingnan sa Mateo 18:21–35; Marcos 11:25–26; Lucas 6:37). Samantalang maraming nahihirapang sumunod sa utos na ito, alam nating lahat ang nagbibigay-inspirasyong mga halimbawa ng mga Banal sa mga Huling Araw na mapagmahal na pinatawad, maging ang pinakamabibigat na kasalanan. Halimbawa, humugot ng lakas si Chris Williams sa kanyang pananampalataya kay Jesucristo para patawarin ang isang lasing na drayber na nakasagasa at nakapatay sa kanyang asawa at dalawa nilang anak. Dalawang araw lamang matapos ang trahedya at nagdadalamhati pa, sinabi ng mapagpatawad na lalaking ito, na noon ay naglilingkod bilang isa sa ating mga bishop, “Bilang disipulo ni Cristo, wala akong ibang magagawa.”5
Karamihan sa mga Kristiyano ay nagbibigay sa mga maralita at nangangailangan, tulad ng itinuro ni Jesus (tingnan sa Mateo 25:31–46; Marcos 14:7). Ang mga turong ito ng ating Tagapagligtas ay nasusunod na mabuti ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng mga miyembro nito. Nagbibigay ng malaking kontribusyon ang ating mga miyembro sa mga kawanggawa at ng personal na paglilingkod at iba pang mga regalo sa mga maralita at nangangailangan. Bukod pa rito, nag-aayuno ang ating mga miyembro nang dalawang kainan bawat buwan at nagbibigay ng di-kukulangin sa halaga ng dalawang kainang ito bilang handog-ayuno, na ginagamit ng ating mga bishop at branch president para tulungan ang mga miyembro natin na nangangailangan. Ang ating pag-aayuno para tulungan ang nagugutom ay pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa at, kapag ginawa nang may dalisay na layunin, ito ay espirituwal na pagpapakabusog.
Hindi pa gaanong kilala ang pagkakawanggawa ng ating Simbahan sa buong daigdig. Gamit ang pondong bukas-palad na ibinibigay ng mga miyembro, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagpapadala ng pagkain, damit, at iba pang mahahalagang bagay para mapagaan ang pagdurusa ng matatanda at mga bata sa buong mundo. Ang mapagkawanggawang mga donasyong ito, na umaabot sa daan-daang milyong dolyar nitong huling dekada, ay ibinibigay sa lahat, anuman ang kanilang relihiyon, lahi, o bansa.
Ang malawakang pagtulong natin kasunod ng lindol at tsunami sa Japan noong 2011 ay naglaan ng halagang $13 milyon at mga relief supply. Bukod pa rito, mahigit 31,000 mga volunteer na inisponsor ng Simbahan ang nagbigay ng mahigit 600,000 oras ng paglilingkod. Kasama sa ating pagkakawanggawa sa mga biktima ng Hurricane Sandy sa silangang Estados Unidos ang malalaking donasyon na iba’t iba ang pinanggalingan, bukod pa sa halos 300,000 oras ng paglilingkod sa paglilinis ng mga 28,000 miyembro ng Simbahan. Bukod sa maraming iba pang halimbawa noong isang taon, nagbigay tayo ng 300,000 libra (136,000 kilo) ng damit at sapatos para sa mga refugee sa bansang Chad sa Africa. Sa huling quarter na siglo nakatulong tayo sa halos 30 milyong katao sa 179 na bansa.6 Tunay ngang alam ng mga taong tinatawag na “mga Mormon” kung paano magbigay sa mga maralita at nangangailangan.
Sa huling turo Niya sa Biblia, pinagbilinan ng ating Tagapagligtas ang Kanyang mga tagasunod na dalhin ang Kanyang mga turo sa bawat bansa at sa bawat nilalang. Sa simula pa lamang ng Panunumbalik, hinangad nang sundin ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang turong iyon. Kahit noong tayo ay isang mahirap at nagpupunyaging bagong simbahan na may iilang libong miyembro lamang, ang ating mga pinuno noong araw ay nagpadala ng mga missionary sa ibayong-dagat, sa silangan at kanluran. Bilang isang grupo, patuloy nating itinuturo ang mensahe ni Cristo hanggang ngayon kung kailan ang ating kakaibang missionary program ay may mahigit 60,000 full-time missionary, bukod sa libu-libo pang naglilingkod nang part-time. May mga missionary tayo sa mahigit 150 bansa at teritoryo sa buong mundo.
Bilang bahagi ng Kanyang dakilang Sermon sa Bundok, itinuro ni Jesus, “Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal” (Mateo 5:48). Ang layunin ng turong ito at ang layunin ng pagsunod sa ating Tagapagligtas ay lumapit sa Ama, na tinukoy ng ating Tagapagligtas na “aking Ama, at inyong Ama; at aking Dios, at inyong Dios” (Juan 20:17).
Mula sa makabagong paghahayag, na natatanging katangian ng ipinanumbalik na ebanghelyo, alam natin na ang utos na hangaring maging perpekto ay bahagi ng plano ng Diyos Ama para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak. Sa ilalim ng planong iyon lahat tayo ay mga tagapagmana ng ating mga magulang sa langit. “Tayo’y mga anak ng Dios,” pagtuturo ni Apostol Pablo, “at kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo” (Mga Taga Roma 8:16–17). Ang ibig sabihin nito, tulad ng sinabi sa atin sa Bagong Tipan, tayo ay “mga tagapagmana … [ng] buhay na walang hanggan” (Tito 3:7) at kung lalapit tayo sa Ama, tayo ay “magmamana ng mga bagay na ito” (Apocalipsis 21:7)—lahat ng mayroon Siya—isang konseptong mahirap maunawaan ng ating mortal na isipan. Ngunit kahit paano ay nauunawaan natin na ang pagkakamit ng sukdulang tadhanang ito sa kawalang-hanggan ay posible lamang kung susundin natin ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, na nagturo na “sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6). Hinahangad nating sundin Siya at maging higit na katulad Niya, ngayon at magpakailanman. Kaya nga inaawit natin sa huling mga talata ng ating himnong “Magsisunod Kayo sa Akin”:
Sapat na bang malaman lang
Na dito’y dapat S’yang sundan,
Habang tayo’y nabubuhay?
Hindi, hanggang sa langit man. …
L’walhati’y kapangyarihan,
At ligaya’y makakamtan,
Kung tawag N’ya ay susundin,
“Magsisunod kayo sa ‘kin.”7
Pinatototohanan ko ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, na ang mga turo at halimbawa ay hangad nating sundin. Inaanyayahan Niya ang lahat na may mabigat na dalahin na lumapit sa Kanya, kilalanin Siya, sundin Siya, at sa gayon ay makasumpong ng kapahingahan sa ating kaluluwa (tingnan sa Mateo 4:19; 11:28). Pinatototohanan ko na totoo ang Kanyang mensahe at banal ang misyon at awtoridad ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan sa pangalan ni Jesucristo, amen.