“Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian”
Saganang ibinigay ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan sa mga tumatanggap at gumagalang sa Kanyang priesthood, na humahantong sa ipinangakong mga pagpapala ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.
Pangulong Packer, hihintayin namin ang pang-98 na bersyon ng napakagandang tulang iyan. Napakaganda ng tagubiling ibinigay niya sa atin ngayon.
Ilang linggo na ang nakararaan, isang malamig at madilim na gabi ng taglamig, namamanghang tumingala kami ng asawa kong si Barbara sa langit. Milyun-milyong bituin ang tila pambihira sa ningning at ganda. Pagkatapos ay bumaling ako sa Mahalagang Perlas at muli kong binasa nang may pagkamangha ang sinabi ng Panginoong Diyos kay Moises: “At mga daigdig na di mabilang ang aking nilalang; at akin ding nilalang ang mga ito para sa sarili kong layunin; at sa pamamagitan ng Anak aking nilalang ang mga ito, na siyang aking Bugtong na Anak” (Moises 1:33).
Sa ating panahon napagtibay ng Hubble deep-space telescope ang kalakhan at kahalagahan ng nakita ni Moises. Ayon sa mga siyentipiko ng Hubble, ang Milky Way galaxy, kung saan maliit na bahagi lamang ang ating daigdig at araw, ay tinatayang isa lamang sa mahigit 200 bilyong galaxy na kahalintulad niyon. Para sa akin mahirap maunawaan, imposibleng maarok, lubhang malaki at malawak ang mga likha ng Diyos.
Mga kapatid, ang kapangyarihang lumikha at lumilikha sa mga langit at lupa ay ang priesthood. Alam nating mga miyembro ng Simbahan na ang pinagmumulan ng kapangyarihang ito ng priesthood ay ang Diyos na Maykapal at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang priesthood ay hindi lamang ang kapangyarihang lumikha sa mga langit at lupa, kundi ito rin ang kapangyarihang ginamit ng Tagapagligtas sa Kanyang ministeryo sa lupa para isagawa ang mga himala, basbasan at pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, at, bilang Bugtong na Anak ng Ama, para tiisin ang napakatinding pasakit ng Getsemani at Kalbaryo—sa gayon ay natupad ang mga batas ng katarungan nang may awa at inilaan ang walang-hanggang Pagbabayad-sala at nadaig ang pisikal na kamatayan sa pamamagitan ng Pagkabuhay na Mag-uli.
Ang mga susi ng awtoridad ng priesthood na ito at ang ibinungang kapangyarihan ang ibinigay Niya kina Pedro, Santiago, at Juan at sa iba pa Niyang mga Apostol upang basbasan ang iba at ibuklod sa langit ang ibinuklod sa lupa.
Ang kapangyarihan ng priesthood ay isang sagrado at mahalagang kaloob ng Diyos. Iba ito kaysa awtoridad ng priesthood, na siyang pahintulot na kumilos sa ngalan ng Diyos. Ang pahintulot o ordenasyong iyan ay ibinibigay sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Ang kapangyarihan ng priesthood ay dumarating lamang kapag ang mga gumagamit nito ay karapat-dapat at kumikilos alinsunod sa kalooban ng Diyos. Sabi nga ni Pangulong Spencer W. Kimball, “Ang Panginoon ay binahaginan tayong lahat, bilang mga mayhawak ng priesthood, ng kanyang awtoridad, ngunit magagamit lamang natin ang mga kapangyarihan ng langit batay sa ating personal na kabutihan” (“Boys Need Heroes Close By,” Ensign, Mayo 1976, 45).
Sa maluluwalhating araw ng Panunumbalik at muling pagtatatag ng Simbahan ni Jesucristo sa mundo ngayon, bumaba sa lupa sina Juan Bautista; Pedro, Santiago, at Juan; Moises; Elias; at Elijah at ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith ang lahat ng susi at awtoridad ng priesthood para sa gawain ng Diyos sa mga huling araw na ito.
Sa pamamagitan ng mga susi, awtoridad, at kapangyarihang ito itinatag ang Simbahan ni Jesucristo ngayon, na pinamumunuan ni Cristo na pinapatnubayan ang Kanyang buhay na propetang si Thomas S. Monson, at tinutulungan ng mga tinawag at inorden na mga Apostol.
Sa plano ng ating Ama sa Langit na nagkaloob ng priesthood sa kalalakihan, ang mga lalaki ay may kakaibang responsibilidad na pangasiwaan ang priesthood, ngunit hindi sila ang priesthood. Ang kalalakihan at kababaihan ay may mga tungkulin na magkaiba ngunit parehong mahalaga. Hindi man kayang magdalantao ng babae kung walang lalaki, hindi naman lubos na magagamit ng lalaki ang kapangyarihan ng priesthood para magbuo ng walang-hanggang pamilya kung walang babae. Sa madaling salita, sa walang-hanggang pananaw, ang mag-asawa ay parehong may ginagampanan sa kapangyarihang lumikha ng buhay at sa kapangyarihan ng priesthood. At bilang mag-asawa, ang isang lalaki at isang babae ay dapat magsikap na sundin ang ating Ama sa Langit. Ang magagandang katangian ng pagmamahal, pagpapakumbaba, at pagpapasensya ang dapat nilang pagtuunan kapag naghangad sila ng mga pagpapala ng priesthood sa kanilang buhay at para sa kanilang pamilya.
Lubhang kailangan nating maunawaan na ang Ama sa Langit ay naglaan ng paraan sa lahat ng Kanyang anak na makatanggap ng mga pagpapala at mapalakas ng kapangyarihan ng priesthood. Sentro sa plano ng Diyos para sa Kanyang mga espiritung anak ang Kanyang sariling pahayag: “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).
Sa isang paghahayag kay Propetang Joseph Smith sa bahagi 81 ng Doktrina at mga Tipan, ipinaliwanag ng Panginoon na ang kapangyarihan ng priesthood ay gagamitin upang “tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina” (talata 5).
“At sa paggawa ng mga bagay na ito ginagawa mo ang higit na mabuti sa iyong kapwa tao, at itinataguyod ang kaluwalhatian niya na iyong Panginoon” (D at T 81:4).
Habang inilalarawan natin sa ating isipan ang pagtulong sa mahihina, pagtataas ng mga kamay na nakababa, at pagpapalakas ng tuhod na mahihina, naalala ko ang malambing na pitong-taong-gulang na batang babae na nagpakita sa lolo niya ng munting tanim na kamatis mula sa butong itinanim niya para sa school project sa ikalawang baitang.
Ipinaliwanag niya na mula sa maliit na buto ay susulpot ang isang halaman. At kung maalagaan ang halaman, magbubunga iyon ng maraming kamatis na maraming buto ang bawat isa.
Sabi niya, “At kung itinanim ang lahat ng butong iyon at nagbunga ng mas maraming kamatis, at itinanim po ninyo ang lahat ng butong iyon, sa kaunting panahon ay milyun-milyon ang kamatis ninyo.”
“Lahat,” sabi niya nang may pagkamangha, “ay mula sa isang maliit na buto.”
Ngunit pagkatapos ay sinabi niya, “Muntik ko na pong mapatay ang halaman ko. Iniwan ko ito sa madilim na kuwarto at nalimutan kong diligan. Nang maalala ko po ang halaman, lanta na iyon at mukhang patay na. Umiyak po ako kasi naisip ko ang milyun-milyong kamatis na iyon na hindi na lalago.”
Pagkatapos ay natuwa siyang ikuwento sa lolo niya ang “himala” na nangyari.
Ipinaliwanag niya, “Sabi po ni Inay, baka hindi pa patay ang halaman. Siguro kailangan lang itong diligan at paarawan para muling sumigla.
“At tama po siya. Diniligan ko ang halaman at inilagay ko sa may bintana para maarawan. At alam ‘nyo po ba kung ano’ng nangyari?” tanong niya. “Sumigla po itong muli, at ngayo’y magbubunga ng milyun-milyong kamatis!”
Ang kanyang maliit na halamang kamatis, na lalago sana ngunit nanghina at nalanta dahil napabayaan nang hindi sadya, ay napalakas at napasigla sa pamamagitan ng simpleng pagdidilig at pinaarawan ng mapagmahal at mapag-arugang mga kamay ng isang munting bata.
Mga kapatid, bilang literal na mga espiritung anak ng mapagmahal nating Ama sa Langit, walang hanggan ang ating banal na potensyal. Ngunit kung hindi tayo maingat, matutulad tayo sa nalantang halamang kamatis. Maaari tayong malihis sa tunay na doktrina at ebanghelyo ni Jesucristo at hindi mapangalagaan ang ating espiritu at manghina tayo, dahil napalayo tayo sa banal na liwanag at tubig na buhay ng walang-hanggang pag-ibig at kapangyarihan ng priesthood ng Tagapagligtas.
Yaong mga mayhawak ng priesthood at hindi nagpunyaging igalang ito sa pamamagitan ng paglilingkod sa ating pamilya at sa iba ay matutulad sa mga hindi tumatanggap ng mga pagpapala ng kapangyarihan ng priesthood at tiyak na espirituwal na malalanta, dahil pinagkaitan nila ang kanilang sarili ng mahahalagang espirituwal na sustansya, liwanag, at kapangyarihan ng Diyos sa kanilang buhay—tulad ng halamang kamatis na lalago sana ngunit napabayaan at nalanta.
Ang kapangyarihan ding iyon ng priesthood na lumikha ng mga mundo, galaxy, at sansinukob ay maaari at dapat na maging bahagi ng ating buhay upang tulungan, palakasin, at basbasan ang ating pamilya, mga kaibigan, at mga kapitbahay—sa madaling salita, gawin ang mga bagay na gagawin ng Tagapagligtas kung nagmiministeryo Siya sa atin ngayon.
At ang pangunahing layunin ng kapangyarihang ito ng priesthood ay basbasan, pabanalin, at dalisayin tayo para makapiling natin ang ating pamilya sa kinaroroonan ng ating mga magulang sa langit, na ibinigkis ng mga pagbubuklod ng priesthood, nakikibahagi sa kagila-gilalas na gawain ng Diyos at ni Jesucristo sa pagpapalaganap ng Kanilang liwanag at kaluwalhatian magpakailanman.
Para maisagawa ito, ilang buwan pa lang ang nakararaan ay nagkaroon ako ng pagkakataong makibahagi sa video-based presentation ng pandaigdigang pagsasanay sa pamumuno na tinatawag na Pagpapatatag ng Pamilya at ng Simbahan sa pamamagitan ng Priesthood.
Ang makabago at kapaki-pakinabang na DVD na ito ay isinalin sa 66 na wika. Itinuturo nito kung paano mababasbasan, pasisiglahin at muling mapapasigla ng kapangyarihan ng priesthood ang buhay natin, ng ating pamilya, at ng lahat ng miyembro ng Simbahan.
Ipinapakita nito sa ating lahat—mga lalaki, babae, at bata; may-asawa, balo, o walang asawa; anuman ang ating sitwasyon—kung paano tayo makakabahagi sa mga pagpapala ng priesthood. May ilang 8-hanggang-12-minutong mga segment na ipinaliliwanag ang mga susi, awtoridad, at kapangyarihan ng priesthood at kung paano nito pinalalakas ang mga indibiduwal, pamilya, at Simbahan.
Isang espesyal na tagpo ang kinunan sa munting bahay mismo ng pioneer na si Mary Fielding Smith, na lola sa tuhod ng aking ina. Siya ang balo ni Hyrum, ang kuya ni Propetang Joseph. Bilang isang balo, dahil sa matatag niyang pananampalataya sa priesthood, nanawagan at umasa siya sa kapangyarihang iyon upang palakihin at basbasan ang kanyang mga anak sa pagmamahal at liwanag ng ebanghelyo. Ngayo’y pinasasalamatan ng libu-libo niyang mga inapo na matatapat na lider at miyembro ng Simbahan ang kanyang pananampalataya, tapang, at halimbawa.
Ang bagong pagsasanay na ito sa pamumuno ay makukuha na ngayon sa Internet sa LDS.org para mapanood at matutuhan ng lahat (wwlt.lds.org). Maaari ninyo itong mapanood sa LDS.org, o maida-download ninyo ito sa inyong computer, smartphone, o tablet.
Pinakiusapan ng Unang Panguluhan ang “mga stake presidency at bishopric na ilaan ang isa o mahigit pang stake o ward council meeting sa panonood ng [buong] DVD. Dapat talakayin ng mga stake at ward council kung paano ipatutupad ang mga turong nakalahad doon” (Liham ng Unang Panguluhan, Peb. 1, 2013).
Ang nilalaman nito ay magbibigay-inspirasyon at maghihikayat sa mga miyembrong nasa priesthood quorum, Relief Society, Sunday School, Young Women, Young Men (lalo na sa mga naghahandang magmisyon), at sa mga Primary meeting o sa pinagsamang mga pulong sa ikalimang Linggo. Sa gayon ay mahihikayat ng mga miyembro ng council ang mga indibiduwal at magulang na panoorin ito sa kanilang pamilya. Mga kapatid, ang pagsasanay na ito sa pamumuno ay para sa bawat miyembro ng Simbahan. Mga magulang, rebyuhin, ibahagi, at talakayin ang natutuhan at nadama ninyo sa inyong mga anak, at hayaan silang panoorin at gawin din iyon sa inyo, para mapatatag ang inyong pamilya sa pamamagitan ng priesthood.
Sinabi ni Jesus:
“Kung ang sinomang tao’y nauuhaw, ay pumarito siya sa akin, at uminom” (Juan 7:37).
“Sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man; nguni’t ang tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay magiging balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan” (Juan 4:14).
“Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay … magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan” (Juan 8:12).
Kung nadarama ng sinuman sa inyo na ang inyong pananampalataya o patotoo tungkol sa plano ng Ama sa Langit ay hindi singlakas ng alam ninyong nararapat, lubos pang bumaling sa Tagapagligtas. Hayaang gawin ng Kanyang liwanag at tubig na buhay sa inyo at sa inyong pamilya ang ginawa ng kaunting tubig at init ng araw para pasiglahing muli ang nanghinang halamang kamatis.
Ngayon, nagsimula ako sa pagkamangha at paghanga sa mga likha ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood. Iniisip ko, at palagay ko’y ng karamihan din sa inyo, kung lubos ngang mauunawaan ang kapangyarihan ng Diyos na turuan at pagpalain tayo. Napakadakila, napakaringal, at lubos na makapangyarihan ito.
Sabi ni Joseph Smith, “Ang priesthood ay walang hanggang alituntunin, at umiral kasabay ng Diyos mula sa kawalang-hanggan, at hanggang sa kawalang-hanggan, walang simula o katapusan ng mga panahon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 121).
Saganang ibinigay ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan sa mga tumatanggap at gumagalang sa Kanyang priesthood, na humahantong sa ipinangakong mga pagpapala ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.
Pinatototohanan ko na ang gawain ni Jesucristo ay isinasakatuparan sa pamamagitan ng priesthood. Ang kapangyarihang ito ang ginamit nang likhain ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak ang daigdig na ito at pasimulan ang dakilang plano ng kaligayahan para sa ating kapakanan. Nawa’y maging matalino tayo at hangarin nating patatagin ang buhay natin, ng ating pamilya, at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood ng Diyos ang siyang mapagkumbaba kong dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.