Alam Ko ang mga Bagay na Ito
Sa lahat ng nabasa at itinuro at natutuhan ko, ang pinakamahalaga at sagradong katotohanang maibibigay ko ay ang natatanging pagsaksi ko sa Tagapagligtas na si Jesucristo.
Noong 1992, matapos ang siyam na taong paglilingkod bilang Assistant sa Labindalawa at 22 taon bilang miyembro ng Labindalawa ay naabot ko ang edad na 68. Nadama kong dapat kong simulang isulat ang tinawag kong “Unfinished Composition.” Ganito ang nakasaad sa unang bahagi niyon:
Isang gabi’y may naisip,
Ideyang kay-inam at kaylalim.
Ako’y labis nang pagod noon,
At hirap nang makatulog.
Maghapon ko ay abala
Iniisip ang tadhana.
Sa isip ko’y nagsasabi:
Noong bata ako, hindi ako 68!
Hindi ako umiika;
Balikat ko’y walang sakit.
Sa dalawang ulit na pagbasa
Maisasaulong walang mintis.
Matagalang paggawa noon ay kaya ko
Walang pahinga at halos di humihinto.
Ang mga hindi ko na magawa ngayon
Ay madali lang sa akin noon.
Kung maibabalik ko ang panahon,
Kung kaya kong gawin iyon,
Hindi ko ipagpapalit ang pagtanda sa kabataan,
Dahil ako rin naman ang mawawalan.
Kontento na akong sumulong at tumanda,
Kahit gaano kasaya ang pagkabata.
Kung ako’y magbabalik sa akin ay mawawala
Ang bagay na aking nauunawa.
Makalipas ang sampung taon, nagpasiya akong dagdagan pa ang tula:
Sampung taon pa ang mabilis lumipas
Dala ang mga pasakit at hirap.
Sa balakang na bakal nawala ang pag-ika;
Paglakad ko’y tuwid at naitama.
Isa pang bakal ang nakasuporta sa leeg—
Isang likhang tunay na kahanga-hanga!
Ang polyo ko ay tuluyang nawala;
Sa henerasyon ng matitigas ang leeg, ako’y napasama.
Mga palatandaan ng katandaan ay nakikita.
Ang mga ito’y di na magbabago pa.
Ang tanging lalong lumalakas
Ay ang pagkalimot ko sa lahat.
Tanong mo, “Naaalala ko ba kung sino ka?”
Siyempre, wala ka namang ipinagkaiba.
Ngayon huwag ka namang magagalit
Kung pangalan mo’y di ko maisip.
Totoong may mga bagay akong natutuhan
Na ayaw ko sanang malaman,
Ngunit sa pagtanda mahahalagang katotohanan ay nalaman ko
Na nagpapaunlad sa Espiritu.
Sa lahat ng pagpapalang nakamtan,
Ang sukdulang pinakamainam
Ay ang kapanatagan at pagsasama
Namin ng mahal kong asawa.
Ikinasal na mabuti aming mga anak,
Sila’y may pamilya nang lahat,
May mga anak at apo na rin,
Paglaki nilang lahat ay kaytulin.
Ang isip ko’y di pa rin nagbabago
Tungkol sa pagbalik ng kabataan ko.
Nakatakda tayong tumanda, dahil dito
Kaalaman ng katotohanan ay makakamit mo.
Tanong mo, “Ano ang naghihintay sa hinaharap?
Ano ba ang kinabukasan ko?”
Maghihintay na lang ako nang walang reklamo.
Itanong mo na lang kapag ako’y 88!
At noong isang taon ay idinagdag ko ang mga linyang ito:
At ngayon 88 na ako.
Kaybilis lumipas ng mga taon.
Naglakad, umika-ika, gumamit ng tungkod,
At naka-wheelchair na ngayon.
Paulit-ulit akong umiidlip,
Ngunit kapangyarihan ng priesthood ay nakakapit.
At sa kabila ng lahat ng pisikal na kakulangan
Espirituwal na pag-unlad ay kapaki-pakinabang.
Nalakbay ko na ang buong mundo
Milyong milya na ang tinahak ko.
At sa tulong ng mga satellite,
Paglalakbay ko’y ‘di pa rin sapat.
Buong katiyakang masasabi ko ngayon
Na kilala at mahal ko ang Panginoon.
Nagpapatotoo akong gaya ng mga nauna
Sa pangangaral ko ng Kanyang banal na salita.
Alam ko ang dinanas Niya sa Getsemani
Ay di-maarok ni mawari.
Alam kong ginawa Niya iyon para sa ating lahat;
Nag-iisang Kaibigan na ubod nang tapat.
Muli Siyang darating, iyan ang aking alam
Taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian.
Alam kong muli ko Siyang makikita
Kapag buhay ko ay nagwakas na.
Luluhod ako sa Kanyang paang sugatan;
Sa piling Niya’y madarama ko ang kaluwalhatian.
Pabulong at nangangatal ang tinig kong sasabihin,
“Panginoon ko, Diyos ko, nalalaman ko.”1
At ito’y talagang batid ko!
Sa mga bintana sa likuran ng aming tahanan ay tanaw ang munting taniman ng bulaklak at ang kakahuyan sa gilid ng munting sapa. Ang isang dingding ng bahay ay malapit sa halamanan at ginagapangan ng English ivy. Kadalasan ang ivy na ito ang pugad ng maliliit na ibon. Ang mga pugad sa baging ng ivy ay ligtas sa mga sora (fox) at raccoon at pusa na gumagala sa gabi.
Isang araw ay may narinig na ingay sa ivy. Dahil sa desperadong paghuni ng mga ibon sa pugad na ivy ay may dumating na 8 o 10 pang ibon mula sa kakahuyan na sumali na rin sa paghuni. Di nagtagal nakita ko ang pinagmulan ng ingay. May isang ahas na dumulas sa ivy at bahagi ng katawan nito ay nakabitin sa harap ng bintana sapat para mahila ko. Ang bandang tiyan ng ahas ay may dalawang umbok—malinaw na ebidensya na kinain nito ang dalawang ibon mula sa pugad. Sa loob ng 50 taon ng pagtira sa aming tahanan ay noon lang kami nakakita ng ganoon. Minsan lang nangyari ito sa buhay namin—o iyon ang akala namin.
Makalipas ang ilang araw may narinig na namang ingay, doon naman sa baging na tumabon sa bahay ng aso namin. Ganoon pa rin ang huning narinig namin, nakita rin namin ang pagtitipong muli ng mga ibon sa paligid. Alam na namin kung ano ang maninila. Inakyat ng apo namin ang bubong ng bahay ng aso at hinatak ang isa pang ahas na nakapulupot pa sa inahing ibon na nahuli nito sa pugad at pinatay.
Nasabi ko sa sarili ko, “Ano’ng nangyayari? May gumagala na naman ba sa Halamanan ng Eden?”
Pumasok sa isip ko ang mga babala ng mga propeta. Hindi tayo palaging magiging ligtas sa impluwensya ng kaaway, maging sa loob ng ating sariling tahanan. Kailangan nating pangalagaan ang ating maliliit na anak.
Nabubuhay tayo sa lubhang mapanganib na mundo na nagbabanta sa mga bagay na espirituwal. Ang pamilya, ang pangunahing yunit sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan, ay sinasalakay ng mga puwersang nakikita at hindi nakikita. Kumikilos ang kaaway. Layunin niyang makapinsala. Kung mapahihina at masisira niya ang pamilya, magtatagumpay siya.
Kinikilala ng mga Banal sa mga Huling Araw ang malaking kahalagahan ng pamilya at sinisikap mamuhay sa paraan na hindi makapapasok ang kaaway sa ating mga tahanan. Magkakaroon tayo ng kaligtasan at seguridad pati ang ating mga anak sa paggalang sa mga tipan na ginawa natin at sa karaniwang pagsunod na hinihingi sa mga tagasunod ni Cristo.
Sinabi ni Isaias, “Ang gawain ng katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng katuwiran ay katahimikan at pagkakatiwala kailan man.”2
Ang kapayapaang iyan ay ipinangako rin sa mga paghahayag kung saan sinabi ng Panginoon, “Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot.”3
Ang sukdulang kapangyarihan ng priesthood ay ibinigay upang pangalagaan ang tahanan at mga naninirahan dito. Ang ama ay may awtoridad at responsibilidad na turuan ang kanyang mga anak at basbasan at isagawa sa kanila ang mga ordenansa ng ebanghelyo at iba pang proteksyong bigay ng priesthood kung kinakailangan. Dapat siyang magpakita ng pagmamahal at katapatan at paggalang sa ina upang makita iyon ng kanilang mga anak.
Nalaman ko na ang pananampalataya ay tunay na kapangyarihan, hindi lamang pagpapahayag ng paniniwala. Iilan lamang ang mga bagay na higit na mabisa kaysa matapat na panalangin ng isang mabuting ina.
Ituro sa inyong sarili at ituro sa inyong pamilya ang tungkol sa kaloob na Espiritu Santo at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Walang higit na dakilang gawain sa kawalang-hanggan maliban sa loob ng inyong sariling tahanan.
Alam nating tayo ay mga espiritung anak ng mga magulang sa langit, na narito sa lupa para matanggap ang ating katawang-lupa at subukin. Tayo na mayroong katawang-lupa ay higit ang lakas kaysa mga yaong wala nito.4 Malaya tayong piliin ang gusto natin at piliin ang ikikilos natin, ngunit hindi tayo malayang piliin ang mga bunga nito. Talagang darating ang mga ito.
Ang kalayaan sa mga banal na kasulatan ay “moral na kalayaan,” ibig sabihin makakapili tayo sa pagitan ng mabuti at masama. Hangad ng kaaway na tuksuhin tayo na gamitin sa mali ang ating kalayaan.
Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na “nang ang bawat tao ay makakilos sa doktrina at alituntunin na nauukol sa hinaharap, alinsunod sa moral na kalayaan sa pagpili na aking ibinigay sa kanya, upang ang bawat tao ay managot sa kanyang sariling mga kasalanan sa araw ng paghuhukom.”5
Itinuro ni Alma na “ang Panginoon ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may munti mang antas ng pagpapahintulot.”6 Upang maunawaan ito, kailangan nating ihiwalay ang kasalanan sa taong nagkasala.
Halimbawa, nang dalhin nila sa Tagapagligtas ang isang babaing nahuling nangangalunya, na talagang nagkasala, tinugunan Niya ang sitwasyon sa limang salita: “Humayo, … huwag ka nang magkasala.”7 Iyan ang diwa ng Kanyang ministeryo.
Ang pagpaparaya ay banal na katangian, ngunit gaya ng iba pang banal na katangian, kapag inabuso, ito ay nagiging masamang ugali. Kailangang mag-ingat tayo sa “bitag ng pagpaparaya” upang hindi tayo mabihag nito. Ang pagpaparaya ng publiko dahil sa paghina ng mga batas ng lupain na gawing legal ang mga gawa ng kahalayan ay hindi nakakabawas sa tindi ng espirituwal na ibubunga ng paglabag sa batas ng Diyos ukol sa kalinisang-puri.
Lahat ay isinilang na taglay ang Liwanag ni Cristo, isang impluwensyang gumagabay para matukoy ng bawat tao ang tama at mali. Ang ginagawa natin sa liwanag na iyon at ang paraan ng pagtugon natin sa mga pahiwatig na mamuhay nang matwid ay bahagi ng pagsubok sa mortalidad.
“Sapagkat masdan, ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama; samakatwid, ipakikita ko sa inyo ang paraan sa paghatol; sapagkat ang bawat bagay na nag-aanyayang gumawa ng mabuti, at humihikayat na maniwala kay Cristo, ay isinugo sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo; kaya nga, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa Diyos.”8
Bawat isa ay kailangang manatili sa katayuan na makatutugon tayo sa inspirasyon at mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Ang Panginoon ay may paraan ng pagbubuhos ng dalisay na kaalaman sa ating isipan upang diktahan, gabayan, turuan, at balaan tayo. Malalaman ng bawat anak ng Diyos ang mga bagay na kailangan nilang malaman kaagad. Matutong tumanggap at kumilos ayon sa inspirasyon at paghahayag.
Sa lahat ng nabasa at itinuro at natutuhan ko, ang pinakamahalaga at sagradong katotohanang maibibigay ko ay ang natatanging pagsaksi ko sa Tagapagligtas na si Jesucristo. Siya ay buhay. Alam kong buhay Siya. Ako ay Kanyang saksi. At makapagpapatotoo ako tungkol sa Kanya. Siya ang ating Tagapagligtas, ating Manunubos. Natitiyak ko ito. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.