Magagandang Umaga
Hindi natin kailangang katakutan ang hinaharap, ni mawalan ng pag-asa at galak, dahil nasa panig natin ang Diyos.
Isang Huwebes ng gabi sa Jerusalem, nagpulong si Jesus at ang Kanyang mga disipulo sa silid sa itaas upang ipagdiwang ang Paskua. Hindi alam ng kalalakihang sumama sa Kanya na ang hapunang ito ay tatawagin balang araw na Huling Hapunan. Kung alam lang nila ito at ang kahulugan nito, malamang ay napaiyak sila.
Gayunman, lubos na naunawaan ng kanilang Panginoon na magsisimula na ang mahigpit na pagsubok sa Getsemani at sa Golgota. Ang pinakamahirap na mga oras sa kasaysayan ng mundo ay nalalapit na; magkagayunman, sinabi sa kanila ni Jesus, “Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan” (Juan 16:33).
Nabubuhay tayo ngayon sa panahon ng kaligaligan at kawalang-katiyakan, isang panahong ipinropesiya ng Panginoon kay Enoc na mababahiran ng “mga araw ng kasamaan at paghihiganti” (Moises 7:60) Maaaring nakaabang ang pasakit at pagdurusa, subalit tayo man ay may dahilan para lakasan ang ating loob at magalak. Tayo ay nabubuhay sa huling dispensasyon, kung kailan naipanumbalik na ng Diyos ang Kanyang Simbahan at kaharian sa lupa bilang paghahanda sa pagbalik ng Kanyang Anak
Minsan ay binanggit ni Pangulong Boyd K. Packer ang kanyang mga apo at ang lumulubhang kaguluhan sa mundong kanilang tinitirhan. Sabi niya: “Masasaksihan nila ang maraming pangyayari sa kanilang buhay. Ang ilan ay hahamunin ang kanilang katapangan at patatatagin ang kanilang pananampalataya. Ngunit kung hihingi sila ng tulong at patnubay sa panalangin, bibigyan sila ng kapangyarihan laban sa kasamaan.”
At idinagdag pa niya kalaunan: “Ang mga kabutihang-asal na mahalagang batayan ng sibilisasyon ay ubod nang bilis na naglalaho. Gayunman, hindi ako takot sa kinabukasan” (“Huwag Matakot,” Liahona, Mayo 2004, 77, 78).
Mga kapatid, hindi natin kailangang katakutan ang hinaharap, ni mawalan ng pag-asa at galak, dahil nasa panig natin ang Diyos. Kasama sa unang naitalang mga payo ni Jesus sa Kanyang bagong-tawag na mga disipulo sa Galilea ang tatlong-salitang babala na, “Huwag kang matakot” (Lucas 5:10). Inulit Niya ang payong iyon nang maraming beses sa Kanyang paglilingkod. Sa Kanyang mga Banal sa ating panahon, sinabi ng Tagapagligtas, “Magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo” (D at T 68:6).
Ang Panginoon ay tatayo sa tabi ng (o susuportahan ang) Kanyang Simbahan at mga tao at pananatilihin silang ligtas hanggang sa Kanyang pagparito. Magkakaroon ng kapayapaan sa Sion at sa kanyang mga stake, dahil ipinahayag Niya, “At nang ang pagtitipong sama-sama sa lupain ng Sion, at sa kanyang mga istaka, ay maaaring maging isang tanggulan, at isang kanlungan mula sa bagyo, at mula sa poot sa panahong ito ay ibubuhos nang walang halo sa buong lupa” (D at T 115:6).
Ang Simbahan ay moog ng kaligtasan para sa mga miyembro nito. Nakababalisa man ang kalagayan ng mundo paminsan-minsan, makatatagpo ng kanlungan ang matatapat na Banal sa mga Huling Araw sa mga stake ng Sion. Iniutos ng Panginoon na ang batong tinibag mula sa bundok hindi ng mga kamay ay lalaganap hanggang sa mapuno nito ang buong mundo (tingnan sa Daniel 2:31–45; D at T 65:2). Walang kapangyarihan ang tao para pigilan ito, sapagkat ang Diyos ang may-akda ng gawaing ito at si Jesucristo ang pangulong bato sa panulok.
Nakita ni Nephi sa pangitain na sa mga huling araw, ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos ay bababa “sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon” at “[m]asasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian” (1 Nephi 14:144).
Bawat isa sa atin, at ang ating pamilya, ay maaaring sandatahan ng kapangyarihan ng Diyos bilang pananggol kung mananatili lang tayong tapat sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at pagagabay tayo sa Espiritu. Maaaring dumating ang mga pagsubok, at hindi natin maunawaan ang lahat ng nangyayari sa atin o sa ating paligid. Ngunit kung mapagkumbaba at tahimik tayong magtitiwala sa Panginoon, palalakasin at papatnubayan Niya tayo sa bawat hamon ng buhay. Kapag ang tanging naisin natin ay mapalugod ang Panginoon, mapapayapa ang ating kalooban.
Noong mga unang araw ng Panunumbalik, naharap sa matitinding pagsubok ang mga miyembro ng Simbahan. Sinabi ni Pangulong Brigham Young tungkol sa panahong iyon: “[Habang] napapalibutan ng mga mandurumog, at nagbabanta ang kamatayan at kapahamakan sa magkabilang panig, hindi ko ito napapansin, bagkus ang aking kalooban ay maligaya tulad ng nararamdaman ko ngayon. Ang hinaharap ay maaaring waring madilim at malagim, ngunit wala pa akong nakikitang panahon sa Ebanghelyong ito na hindi ko alam na nagbunga ng magiging hindi kapaki-pakinabang sa layunin ng katotohanan at sa mga nagmamahal sa katwiran” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 398).
Ang missionary companion kong si Paul ay isang taong masayahin. Noong siya ay bata pang ama, dinapuan siya ng multiple sclerosis. Subalit sa kabila ng sumunod na paghihirap, patuloy siyang naglingkod sa iba nang may galak at katuwaan. Minsa’y pumasok siya sa aking opisina na nakaupo sa una niyang wheelchair at sinabi, “Ang buhay ay nagsisimula sa wheelchair na de-motor!” Hindi ko malilimutan na, ilang taon bago siya namatay, hawak niya nang mataas ang Olympic torch habang nakasakay sa kanyang wheelchair habang daan-daan ang nagbubunyi. Gaya ng apoy na laging naglalagablab, hindi lumamlam ang pananampalataya ni Paul sa mga pagsubok sa buhay.
Noong nag-aaral ako sa Brigham Young University, tumira ako sa isang bahay kasama ang ilang kabataan. Si Bruce na yata, na kasama ko sa kuwarto, ang may pinakamagandang pananaw sa buhay na nakilala ko. Kailanma’y hindi namin siya naringgan ng anumang negatibo tungkol sa sinumang tao o anumang sitwasyon, at imposibleng hindi kami sumaya kapag kasama namin siya. Ang kanyang galak ay nagmula sa matibay na pananalig niya sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.
Isang malamig na umaga, isa pang kaibigan ko, si Tom, ang tumatawid sa kampus ng unibersidad. Alas-7:00 pa lang ng umaga iyon, at walang katau-tao at madilim sa kampus. Umuulan ng makapal na snow, na may kasamang malakas na hangin. “Ang sama naman ng panahon,” naisip ni Tom. Nang maglakad siya sa banda pa roon, sa madilim na daan at makapal na snow, narinig niyang may kumakanta.
Tulad ng inaasahan, lumabas sa gitna ng napakatinding snow ang masayahin naming kaibigang si Bruce. Nakaunat ang mga kamay sa langit, kumakanta siya ng isang bilang mula sa Broadway musical na Oklahoma: “Ah, kaygandang umaga! Ah, kaygandang panahon! Kaysarap sa pakiramdam, sa plano ko umaayon” (Richard Rodgers at Oscar Hammerstein II, “Oh, What a Beautiful Mornin’” [1943]).
Simula noon, ang masayang tinig na iyon sa matinding unos ay naging simbolo sa akin ng tunay na kahulugan ng pananampalataya at pag-asa. Maging sa nagdidilim na mundo, tayong mga Banal sa mga Huling Araw ay maaaring kumanta nang may kagalakan, batid na ang mga kapangyarihan ng langit ay nasa Simbahan at mga tao ng Diyos. Nawa’y magalak tayo sa kaalaman na darating ang isang magandang umaga—ang pagsisimula ng milenyo, kapag bumaba ang Anak ng Diyos sa Silangan at nagharing muli sa daigdig.
Naiisip ko rin ang dalawa pang magagandang umaga sa kasaysayan ng mundo. Noong tagsibol ng 1820, sa umaga ng isang maganda at maaliwalas na araw sa Palmyra, New York, isang binatilyong nagngangalang Joseph Smith ang pumasok sa kakayuhan at lumuhod sa panalangin. Ang sagot sa panalanging iyon, ang pagpapakita ng Ama at ng Anak, ang nagpasimula sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon at ng Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo sa lupa.
At may isa pang magandang umaga halos 2,000 taon na ang nakararaan sa labas lamang ng lungsod ng Jerusalem na naliligiran ng pader. Walang alinlangang sumikat ang araw na may kakaibang ningning noong umagang iyon ng Pasko ng Pagkabuhay. Isang maliit na grupo ng kababaihan ang bumisita sa libingan sa halamahan, sa pag-asang mapahiran ng langis ang katawan ng kanilang Panginoon na namatay sa krus. Dalawang anghel ang sumalubong sa kanila at nagpahayag: “Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay? Wala siya rito, datapuwa’t nagbangon” (Lucas 24:5–6).
Pinatototohanan ko ang pagwawagi ni Jesucristo laban sa kasalanan at kamatayan. Pinatototohanan ko ang maawaing plano ng ating Amang Walang Hanggan at Kanyang walang-hanggang pagmamahal. Pagbangon natin tuwing umaga, nawa’y tumingala tayo sa langit nang may pananampalataya at sabihin nating, “Ah, kaygandang umaga,” ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.