Pagiging Katanggap-tanggap sa Panginoon
Ang hangaring matanggap at ang pagtanggap ng Panginoon ang aakay sa atin sa kaalaman na tayo ay pinili at pinagpapala Niya.
Noong bata pa ako, naaalala kong isinasama ako paminsan-minsan ni Itay para tumulong sa mga gawain. May maliit kaming halamanan na mga ilang kilometro ang layo sa aming tirahan, at palaging maraming gagawin para maihanda ang halamanan sa bawat panahon. Inaayos namin ang gazebo o kaya’y gumagawa o nagkukumpuni ng mga bakod. Naaalala ko na ang gawaing ito ay palaging sa panahong sobra ang ginaw, makapal ang snow, o umuulan. Pero gustung-gusto ko ito. Tinuruan ako ni Itay kung paano gawin ang mga bagay nang may tiyaga at maluwag sa kalooban.
Isang araw may pinahigpitan siyang turnilyo at nagsabing, “Tandaan mo, kapag sobrang higpit, mapuputol ito.” May pagmamalaking gusto kong ipakita sa kanya ang kaya kong gawin. Napasobra ang paghigpit ko sa turnilyo, at, siyempre, naputol ito. May sinabi siyang nakakatawa, at inulit na lang namin iyon. Kahit “nagkakamali” ako, palagi kong nadarama ang kanyang pagmamahal at pagtitiwala sa akin. Mahigit 10 taon na mula nang pumanaw siya, ngunit parang naririnig ko pa rin ang kanyang tinig, nadarama ang kanyang pagmamahal, ang kanyang panghihikayat, at pagtanggap.
Ang madamang tanggap ka ng taong mahal mo ay pangunahing pangangailangan ng tao. Ang pagtanggap sa atin ng mabubuting tao ay nakahihikayat sa atin. Nakadaragdag ito sa pagpapahalaga sa sarili at pagtitiwala sa sarili. Ang mga hindi makadama ng pagtanggap mula sa taong dapat pagmulan nito ay kadalasang hinahanap ito sa ibang lugar. Maaaring hangarin nilang tanggapin sila ng mga taong walang pakialam sa kanilang kapakanan. Maaari silang makihalubilo sa mga di tunay na kaibigan at makagawa ng mga bagay na hindi tama sa hangaring may tumanggap sa kanila. Maaaring maisip nilang magsuot ng mamahaling kasuotan upang madamang tanggap sila. Para sa ilan, ang pagsisikap na magkaroon ng mataas na katungkulan o posisyon ay paraan din para tanggapin sila. Maaaring sinusukat nila ang kanilang kahalagahan batay sa posisyon o katungkulang hawak nila.
Kahit sa Simbahan ay hindi tayo palaging nakakaligtas sa ganitong uri ng pag-iisip. Ang hangaring matanggap ng mga taong di-mabubuti o dahil sa maling dahilan ay naglalagay sa atin sa mapanganib na landas—na maaaring umakay sa atin palayo at humantong pa sa ating kapahamakan. Sa halip na madamang minamahal tayo at may tiwala tayo sa sarili natin, sa huli’y madarama nating iniwan tayo at mas lalo tayong nawalan ng tiwala sa sarili.
Pinayuhan ni Alma ang kanyang anak na si Helaman, “Tiyaking aasa ka sa Diyos at mabubuhay.”1 Ang talagang nagbibigay ng lakas at tatanggap sa atin magpakailanman ay ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Kilala Nila tayo. Mahal Nila tayo. Hindi Nila tayo tinatanggap dahil sa ating titulo o posisyon. Hindi Nila tinitingnan ang katayuan natin sa buhay. Tumitingin Sila sa ating puso. Tanggap Nila tayo sa kung sino tayo at sa sinisikap nating marating. Ang hangaring matanggap at ang pagtanggap Nila ay palaging magbibigay-sigla at maghihikayat sa atin.
Ibabahagi ko ang simpleng paraan, na kung isasagawa, ay matutulungan ang bawat isa sa atin na maging katanggap-tanggap. Ang paraang ito ay ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, lahat sa kanila na nakababatid na ang kanilang puso ay tapat, at bagbag, at ang kanilang mga kaluluwa ay nagsisisi, at handang tuparin ang kanilang mga tipan sa pamamagitan ng paghahain—oo, bawat paghahain na ako, ang Panginoon, ay ipag-uutos—sila ay tinatanggap ko.”2
Ang paraang ito ay binubuo ng tatlong simpleng hakbang:
-
Alamin kung ang ating puso ay tapat at bagbag,
-
Alamin kung ang ating espiritu ay nagsisisi, at
-
Maging handang tuparin ang ating mga tipan sa pamamagitan ng pagsasakripisyo, gaya ng iniutos ng Panginoon.
Una, dapat nating alamin kung ang ating puso ay tapat at bagbag. Paano natin malalaman iyan? Simulan natin sa taimtim na pagsusuri sa sarili. Ang puso ang sentro ng ating damdamin. Kapag sinuri natin ang nilalaman ng ating puso, sinusuri natin ang ating sarili. Ang hindi nalalaman ng mga nakapaligid sa atin ay tiyak na alam natin. Alam natin ang mga motibo natin at hangarin. Kapag taimtim at tapat tayong nag-iisip-isip, hindi natin pinangangatwiranan o dinadaya ang ating sarili.
May paraan din para mahusgahan kung bagbag ang ating puso. Ang bagbag na puso ay malambot, tapat, at madaling tumanggap. Kapag naririnig kong sinasabi ng Tagapagligtas na, “Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok,”3 naririnig ko Siyang kumakatok sa puso ko. Kung bubuksan ko ang pintuang ito sa Kanya, mas madali akong makatutugon sa mga paanyaya ng Espiritu, at mas madali kong matatanggap ang kalooban ng Diyos.
Habang taimtim at mapanalangin nating pinagninilayan kung tapat at bagbag ang ating puso, tayo ay tuturuan ng Espiritu Santo. Matatanggap natin ang magiliw na pagpapatibay o pagwawasto, na nag-aanyaya sa ating kumilos.
Pangalawa, dapat nating alamin kung nagsisisi ang ating espiritu. Ang ibig sabihin ng salitang contrite sa Oxford dictionary ay “damdamin o pagpapakita ng pagsisisi kapag natanto ng isang tao na nakagawa siya ng pagkakamali.”4 Kung nagsisisi ang ating espiritu, inaamin natin ang ating mga kasalanan at pagkukulang. Madali tayong turuan “hinggil sa [lahat ng] bagay na nauukol sa kabutihan.”5 Nadarama natin ang kalumbayang mula sa Diyos at handang magsisi. Ang nagsisising espiritu ay handang bigyang-daan “ang panghihikayat ng Banal na Espiritu.”6
Ang nagsisising espiritu ay makikita sa kahandaan at determinasyon nating kumilos. Handa tayong magpakumbaba sa harapan ng Diyos, handang magsisi, handang matuto, at handang magbago. Tayo ay handang manalangin na, “Huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.”7
Ang pangatlong hakbang para maging katanggap-tanggap sa Panginoon ay ang desisyon na tuparin ang ating mga tipan sa pamamagitan ng pagsasakripisyo, “oo, bawat paghahain na ako, ang Panginoon, ay ipag-uutos.”8 Kadalasan iniisip natin na ang salitang sakripisyo ay isang bagay na malaki o mahirap gawin. Maaaring totoo ito sa ilang sitwasyon, ngunit kadalasan patungkol ito sa araw-araw na pamumuhay bilang tunay na disipulo ni Cristo.
Ang isang paraan ng pagtupad sa ating mga tipan ay sa pamamagitan ng pagiging karapat-dapat sa pagtanggap ng sakramento bawat linggo. Inihahanda talaga natin ang ating sarili para sa sagradong ordenansa. Pinaninibago at pinagtitibay natin ang mga sagradong pangako natin sa Panginoon. Sa ganitong paraan dama natin ang Kanyang pagtanggap at natatanggap ang Kanyang katiyakan na bawat pagsisikap natin ay kinikilala at ang ating mga kasalanan ay pinatatawad sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa ordenansang ito, nangangako ang Panginoon na kapag handa tayong taglayin ang pangalan ng Kanyang Anak at palagi Siyang aalalahanin at susundin ang Kanyang mga kautusan, makakasama natin sa tuwina ang Kanyang Espiritu. Ang palagiang patnubay ng Espiritu Santo ay pahiwatig ng pagtanggap sa atin ng Diyos.
Ang iba pang paraan ng pagtupad ng ating mga tipan ay kasingsimple ng pagtanggap ng tungkulin sa Simbahan at matapat na paglilingkod sa tungkuling iyon o pagsunod sa paanyaya ng ating propetang si Thomas S. Monson, na tulungan ang mga taong nanghihina sa espirituwal at kailangang iligtas. Tinutupad natin ang ating mga tipan sa pamamagitan ng pagbibigay ng tahimik na paglilingkod sa ating kapitbahay o komunidad o sa paghahanap ng mga pangalan ng ating mga ninuno at paggawa ng gawain sa templo para sa kanila. Tinutupad natin ang ating mga tipan sa pagsisikap na maging mabuti, pagiging bukas, at pakikinig sa mga pahiwatig ng Espiritu sa ating araw-araw na buhay. Kung minsan ang pagtupad ng ating mga tipan ay nangangahulugan lamang ng pagiging matatag at matapat kapag dumaranas tayo ng mga pagsubok sa buhay.
Pagkatapos ipaliwanag ang paraan kung paano magiging katanggap-tanggap sa Kanya, gumamit ang Panginoon ng napakagandang paglalarawan para ipakita kung paano tayo nakikinabang bilang mga indibiduwal at pamilya sa hangarin natin na matanggap Niya. Sinabi Niya, “Sapagkat ako, ang Panginoon, ay pagbubungahin sila tulad sa isang mabungang punungkahoy na itinanim sa mabuting lupa, sa tabi ng isang dalisay na sapa, na nagbubunga ng labis na mahahalagang bunga.”9
Kapag tayo ay nakaayon sa Espiritu ng Panginoon at nadarama ang Kanyang pagtanggap, pagpapalain tayo nang higit sa kaya nating maunawaan at magbubunga ng kabutihan. Mapapabilang tayo sa mga sasabihan Niya ng, “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin; nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong Panginoon.”10
Ang hangaring matanggap at ang pagtanggap ng Panginoon ang aakay sa atin sa kaalaman na tayo ay pinili at pinagpapala Niya. Madaragdagan ang ating pagtitiwala na aakayin Niya tayo at gagabayan sa kabutihan. Ang Kanyang magiliw na awa ay makikita sa ating puso, sa ating buhay, at sa ating pamilya.
Buong puso ko kayong inaanyayahan na hangarin ang pagtanggap ng Panginoon at tamasahin ang Kanyang ipinangakong mga pagpapala. Sa pagsunod natin sa simpleng huwaran na ipinakita sa atin ng Panginoon, malalaman natin na tinanggap Niya tayo, anuman ang ating posisyon, katayuan sa buhay, o mga limitasyon sa mortal na buhay. Ang Kanyang mapagmahal na pagtanggap ang hihikayat sa atin, magpapalakas sa ating pananampalataya, at tutulong sa atin sa pagharap sa lahat ng bagay sa buhay. Sa kabila ng kinakaharap nating mga hamon, tayo ay magtatagumpay, uunlad,11 at makadarama ng kapayapaan.12 Mapapabilang tayo sa mga taong sinabihan ng Panginoon na:
“Huwag matakot, maliliit na bata, sapagkat kayo ay akin, at aking nadaig ang daigdig, at kayo ay bahagi nila na ibinigay ng Ama sa akin;
“At wala sa kanila na ibinigay ng Ama sa akin ang mawawala.”13
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.