2010–2019
Tayo’y Nagkakaisa
Abril 2013


15:44

Tayo’y Nagkakaisa

Dalangin ko na saanman tayo naroon at anuman ang ating mga tungkulin sa priesthood ng Diyos, tayo ay magkakaisa sa layunin na ihatid ang ebanghelyo sa buong mundo.

Nilinaw ng Panginoon sa simula pa lang nitong huling dispensasyon na ihahatid natin ang ebanghelyo sa buong mundo. Ang sinabi Niya sa iilang mayhawak ng priesthood noong 1831 ang siya ring sinasabi Niya sa marami ngayon. Anuman ang ating edad, kakayahan, tungkulin sa Simbahan, o kinaroroonan, tayong lahat ay tinawag sa gawain upang tulungan Siya sa pag-aani ng mga kaluluwa hanggang sa muli Siyang pumarito. Sabi Niya sa mga unang manggagawa sa ubasan:

“At muli, sinasabi ko sa inyo, binibigyan ko kayo ng isang kautusan, na bawat lalaki, kapwa mga elder, saserdote, guro, at gayon din ang kasapi, na humayo nang buo niyang lakas, lakip ang gawain sa kanyang mga kamay, upang ihanda at tuparin ang mga bagay na aking ipinag-utos.

“At ang inyong pangangaral ang magiging tinig ng babala, bawat tao sa kanyang kapwa, sa kahinahunan at kaamuan.

“At kayo ay humayo mula sa masasama. Iligtas ang inyong sarili. Maging malinis kayo na nagtataglay ng sisidlan ng Panginoon.”1

Ngayon, nakikita ninyong mga miyembro ng Aaronic Priesthood na kasama kayo sa utos ng Panginoon. Yamang alam ninyo na palaging naghahanda ang Panginoon ng daan para masunod ang Kanyang mga kautusan, makakaasa kayo na gagawin Niya iyan para sa bawat isa sa inyo.

Sasabihin ko sa inyo kung paano Niya ito ginawa para sa isang binatilyong priest sa Aaronic Priesthood. Siya’y 16 anyos. Nakatira siya sa isang bansa kung saan isang taon pa lamang na naroon ang mga missionary. Nadestino sila sa dalawang lungsod ngunit hindi sa lungsod kung saan nakatira ang binatilyo.

Noong maliit pa siya, dinala siya ng kanyang mga magulang sa Utah para maging ligtas. Ang pamilya ay tinuruan at bininyagan ng mga missionary. Hindi siya nabinyagan noon sa Simbahan dahil wala pa siyang otso anyos.

Namatay ang kanyang mga magulang sa isang aksidente. Kaya’t pinauwi siya ng kanyang lola sa kanyang tahanan, patawid ng karagatan, pabalik sa lungsod na kanyang sinilangan.

Naglalakad sila sa kalye noong Marso noon lang isang taon nang madama niya na dapat niyang kausapin ang isang babaing hindi niya kilala. Kinausap niya ang babae sa wikang Ingles na natandaan pa niya. Ang babae ay isang nars na ipinadala ng mission president sa kanyang lungsod para maghanap ng matitirhan at pagamutan ng mga missionary na madedestino roon. Naging magkaibigan sila habang nag-uusap sila. Pagbalik ng babae sa mission headquarters, ikinuwento siya nito sa mga missionary.

Dumating ang unang dalawang elder noong Setyembre ng 2012. Ang batang ulila ang una nilang nabinyagan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Noong Marso ng taong ito apat na buwan na siyang miyembro. Naorden na siyang priest sa Aaronic Priesthood at puwede na niyang binyagan ang pangalawang sumapi sa Simbahan. Siya ang unang priesthood pioneer na magtitipon sa iba pang mga anak ng Ama sa Langit para itayo ang Simbahan sa isang lungsod na binubuo ng mga 130,000 tao.

Noong Linggo ng Pagkabuhay, Marso 31, 2013, umabot na sa anim ang mga miyembro ng Simbahan sa lungsod na iyon. Siya lang ang miyembrong tagaroon na dumalo sa pulong noong Linggong iyon. Nasugatan ang tuhod niya isang araw bago ang pulong, ngunit nagpasiya siyang dumalo. Nagdasal siya na makalakad siya papunta sa simbahan. At nakadalo nga siya. Nakibahagi siya ng sakramento kasama ang apat na bata pang mga elder at isang mag-asawang missionary—ang buong kongregasyon.

Tila walang halaga ang kuwentong iyon maliban kung makita mo rito ang paraan ng Diyos sa pagtatayo ng Kanyang kaharian. Maraming beses ko na itong nakita.

Nakita ko ito sa New Mexico noong binata pa ako. Maraming henerasyon nang sinasabi sa atin ng mga propeta na kailangan nating tulungan ang mga missionary na hanapin at turuan ang matatapat ang puso at mahalin ang mga pumapasok sa kaharian.

Nakita ko mismo ang magagawa ng matatapat na lider ng priesthood at mga miyembro. Noong 1955 naging opisyal ako sa United States Air Force. Binasbasan ako ng bishop ko bago ako umalis papunta sa una kong destino sa Albuquerque, New Mexico.

Sa kanyang basbas sinabi niya na ang panahon ko sa air force ay magiging paglilingkod ng misyonero. Dumating ako sa simbahan sa unang Linggo ko sa Albuquerque First Branch. Nilapitan ako ng isang lalaki, ipinakilala ang sarili na siya ang district president, at sinabihan ako na tatawagin niya akong maglingkod bilang district missionary.

Sinabi ko sa kanya na ilang linggo lang akong naroon para sa training at pagkatapos ay idedestino na ako sa ibang panig ng mundo. Sabi niya, “Wala akong alam diyan, pero tatawagin ka naming maglingkod.” Sa kalagitnaan ng aking military training, tila nagkataon naman na ako ang pinili sa daan-daang opisyal na tine-train na pumalit sa isang opisyal na nasa headquarters na biglang namatay.

Kaya, sa dalawang taon ko roon, naglingkod ako bilang district missionary. Kadalasan sa gabi at tuwing katapusan ng linggo, nagturo ako ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga taong dinala sa amin ng mga miyembro.

Nag-ukol kami ng mga kompanyon ko ng mahigit 40 oras kada buwan sa paglilingkod namin bilang missionary nang hindi kumatok ni minsan sa mga pinto para maghanap ng matuturuan. Ginawa kaming abala ng mga miyembro kaya’t madalas ay dalawang pamilya ang natuturuan namin sa isang gabi. Nakita ko mismo ang kapangyarihan at pagpapalang hatid ng paulit-ulit na panawagan ng mga propeta sa bawat miyembro na maging missionary.

Sa huling Linggo bago ko nilisan ang Albuquerque, inorganisa ang unang stake sa lungsod na iyon. May templo na roon ngayon, isang bahay ng Panginoon, sa isang lungsod kung saan nagpulong kaming minsan sa isang chapel kasama ang mga Banal na nagdala sa amin ng kanilang mga kaibigan para maturuan at madama ang pagsaksi ng Espiritu. Nadama ng mga kaibigang ito na tanggap sila at panatag sa totoong Simbahan ng Panginoon.

Nakita ko itong muli sa New England nang mag-aral ako. Tinawag akong tagapayo sa isang mahusay na district president na dating walang interes sa Simbahan ngunit naging napakaespirituwal na tao. Sapat ang pagmamahal sa kanya ng kanyang home teacher para hindi pansinin ang kanyang paninigarilyo at tingnan kung ano ang nakikita sa kanya ng Diyos. Sakay ng kotseng nagpunta kami ng district president sa mga burol at pampang para bisitahin ang maliliit na branch sa Massachusetts at Rhode Island upang itayo at pagpalain ang kaharian ng Diyos.

Sa mga taon ng paglilingkod ko kasama ang mahusay na lider na iyon, nakita namin ang pag-akit ng mga tao sa kanilang mga kaibigan sa Simbahan dahil sa kanilang halimbawa at paanyayang pakinggan nila ang mga missionary. Para sa akin ang paglago ng mga branch na iyon ay parang mabagal at hindi tiyak. Ngunit nang Linggong umalis ako, makalipas ang limang taon, dalawang Apostol ang nagpunta para gawing stake ang aming district sa Longfellow Park chapel sa Cambridge.

Makalipas ang maraming taon bumalik ako para mangasiwa sa isang stake conference doon. Dinala ako ng stake president sa mabatong burol sa Belmont. Sinabi niya sa akin na perpektong lugar ito para sa isang templo ng Diyos. May templo na ngayon doon. Kapag tinititigan ko ito, naaalala ko ang mapagkumbabang mga miyembrong katabi ko noon sa upuan sa maliliit na branch, ang inanyayahan nilang mga kapitbahay, at ang mga missionary na nagturo sa kanila.

May bagong deacon sa miting na ito ngayong gabi. Kasama ko siya noon ding Linggong iyon ng Pagkabuhay nang ang priest na tinukoy ko, ay lumakad papunta sa miting na iisa ang miyembro. Masayang ngumiti ang deacon nang sabihin ng kanyang ama na magkasama silang dadalo sa priesthood meeting na ito ngayong gabi. Ang tatay na ito ay mahusay na missionary sa mission ding iyon kung saan naging pangulo ang kanyang ama. Nakita ko ang 1937 na Missionary Handbook ng kanyang lolo-sa-tuhod. Ang kanyang pamilya ay matagal nang nagdadala ng mga tao sa Simbahan.

Kinausap ko ang bishop ng deacon na iyon para malaman kung ano ang maaasahan nito sa pagtupad sa tungkulin ng priesthood na magtipon ng mga kaluluwa para sa Panginoon. Tuwang-tuwa ang bishop nang ilarawan niya kung paano sinubaybayan ng ward mission leader ang paglago ng mga investigator. Nakukuha niya ang impormasyong iyon sa regular na pakikipag-usap sa mga missionary.

Tinatalakay ng bishop at ng kanyang ward council ang paglago ng bawat investigator. Nagpapasiya sila kung ano ang magagawa nila para sa bawat tao at sa kanilang pamilya para matulungan silang makipagkaibigan sa mga miyembro bago sila mabinyagan, maisama sila sa mga aktibidad, at mapangalagaan ang mga nabinyagan. Sinabi niya na may mga pagkakataon na napakaraming tuturuan ng mga missionary kaya isinasama nila ang mga mayhawak ng Aaronic Priesthood bilang kompanyon.

Kasama sa ward mission plan ang mga mithiin ng mga korum na anyayahan ang mga kakilala nila na makipagkita sa mga missionary. Kahit ang deacons quorum presidency ay inaanyayahang magtakda ng mga mithiin at magplano para sa mga miyembro ng kanilang korum para madala ang mga kakilala nila sa kaharian ng Diyos.

Ngayon, ang deacon sa matatag na ward at ang bagong priest—ang bagong miyembro—sa maliit na grupo ng mga miyembro ay maaaring mukhang kakaunti lang ang pagkakatulad sa isa’t isa o sa inyo. At maaaring hindi gaanong katulad ng mga karanasan ninyo sa pagtatayo ng Simbahan ang mga nakita kong mga himala sa New Mexico at New England.

Ngunit may isang paraan kung saan nagkakaisa tayo sa ating tungkulin sa priesthood. Pinababanal natin ang ating sarili at ginagampanan ang sarili nating mga tungkulin sa kautusan na dalhin ang ebanghelyo sa lahat ng anak ng ating Ama sa Langit.

Magkakapareho ang ating mga karanasan sa paraan ng pagtatayo ng Panginoon ng Kanyang kaharian sa lupa. Sa Kanyang Simbahan, taglay ang magagandang kasangkapan at organisasyong ibinigay sa atin, may isa pang mahalagang katotohanang itinuro ng mga propeta kung paano natin gagampanan ang tungkulin natin sa priesthood sa gawaing misyonero.

Sa pangkalahatang kumperensya ng Abril noong 1959, itinuro ni Pangulong David O. McKay ang alituntuning ito, tulad ng mga propeta simula noong panahon niya, kabilang na si Pangulong Thomas S. Monson. Ikinuwento ni Pangulong McKay sa kanyang pangwakas na mensahe na noong 1923 sa British Mission, may isang pangkalahatang tagubiling ipinalabas sa mga miyembro ng Simbahan doon. Sinabihan sila na huwag gumastos sa mga patalastas para labanan ang masasamang iniisip ng mga tao laban sa Simbahan. Sinabi ni Pangulong McKay na ang desisyon ay: “Iatang sa bawat miyembro ng Simbahan ang responsibilidad na sa susunod na taong 1923 bawat miyembro ay magiging missionary. Bawat miyembro ay missionary! Maaari mong dalhin sa Simbahan ang iyong ina, o kaya’y ang iyong ama; marahil ang kasamahan mo sa trabaho. Maririnig ng isang tao ang mabuting mensahe ng katotohanan sa pamamagitan mo.”

At nagpatuloy si Pangulong McKay: “At iyan ang mensahe ngayon. Bawat miyembro—isang milyon at kalahati—ay missionary!2

Nang ibalita noong 2002 na ang gawaing misyonero ay magiging responsibilidad na ng mga bishop, namangha ako. Naging bishop ako. Sa tingin ko sagad na sila sa dami ng responsibilidad sa paglilingkod sa mga miyembro at pamamahala sa mga organisasyon sa ward.

Ang tingin dito ng isang bishop na kilala ko ay hindi ito dagdag na tungkulin kundi isang pagkakataong paglapitin ang mga miyembro ng ward sa isang dakilang layunin kung saan bawat miyembro ay naging missionary. Tumawag siya ng ward mission leader. Pinulong niya mismo ang mga missionary tuwing Linggo para malaman ang kanilang ginagawa, palakasin ang kanilang loob, at malaman ang pag-unlad ng bawat investigator. Ang ward council ay nakahanap ng mga paraan para magamit ng mga organisasyon at korum ang mga karanasan nila sa paglilingkod bilang paghahanda sa misyon. Bilang isang hukom sa Israel, tinulungan niya ang mga kabataan na madama ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala para mapanatili silang dalisay.

Tinanong ko kamakailan kung paano niya ipinaliwanag ang pagdami ng bilang ng mga nabinyagan sa kanyang ward at ang dagdag na bilang ng mga kabataang handa at sabik na ihatid ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mundo. Sinabi niya na sa tingin niya hindi iyon dahil sa ginawa ng sinuman, kundi ang kanilang sigasig na dalhin ang mga tao sa komunidad ng mga Banal ang nagdulot sa kanila ng malaking kaligayahan.

Para sa ilan, bukod doon ay may iba pang dahilan. Gaya ng mga anak ni Mosias, nadama nila ang epekto ng kasalanan sa kanilang buhay at ang kagila-gilalas na pagpapagaling ng Pagbabayad-sala sa Simbahan ng Diyos. Dahil sa pagmamahal at pasasalamat sa kaloob na bigay sa kanila ng Tagapagligtas, gusto nilang tulungan ang lahat para makaiwas sa kalungkutang dulot ng kasalanan, madama ang kagalakan ng pagpapatawad, at matipon na kasama nila sa kaligtasan sa kaharian ng Diyos.

Ang pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kanilang mga kaibigan at kapwa ang dahilan ng pagkakaisa nila sa paglilingkod sa mga tao. Nais nilang ihatid ang ebanghelyo sa lahat ng tao sa kanilang lugar. At inihanda nila ang kanilang mga anak na maging marapat na tawagin ng Panginoon para magturo, magpatotoo, at maglingkod sa iba pang bahagi ng Kanyang ubasan.

Ito man ay sa malaking ward kung saan isasagawa ng bagong deacon ang kanyang tungkulin na ibahagi ang ebanghelyo at itayo ang kaharian o sa maliit na grupo sa malayong lugar kung saan naglilingkod ang bagong priest, nagkakaisa sila sa layunin. Ang deacon ay mabibigyang-inspirasyon ng pag-ibig ng Diyos na tulungan ang isang kaibigan na hindi pa miyembro. Isasama niya ang kanyang kaibigan sa ilang paglilingkod o aktibidad sa Simbahan at aanyayahan siya at ang kanyang pamilya na maturuan ng mga missionary. Sa mga nabinyagan, siya ang magiging kaibigan na kailangan nila.

Aanyayahan ng priest ang iba pa na sumama sa kanya sa maliit na grupo ng mga Banal kung saan nadama niya ang pagmamahal ng Diyos at kapayapaang hatid ng Pagbabayad-sala.

Kung mananatili siyang tapat sa kanyang tungkulin sa priesthood, makikita niya ang pagiging branch ng isang grupo, at pagkatapos magkakaroon ng stake ng Sion sa kanyang lungsod. Magkakaroon ng ward na may mapagmalasakit na bishop. Maaaring isa sa mga anak o apo niya ang magiging lingkod ng Diyos balang-araw sa isang kalapit na burol at sasabihing, “Magandang lugar ito para sa isang templo.”

Dalangin ko na saanman tayo naroon at anuman ang ating mga tungkulin sa priesthood ng Diyos, tayo ay magkakaisa sa layunin na ihatid ang ebanghelyo sa buong mundo at hihikayatin natin ang mga taong mahal natin na maging malinis mula sa kasalanan at maging maligayang kasama natin sa kaharian ng Diyos. Sa pangalan ni Jesucristo, na may-ari ng Simbahang ito, amen.