Ang Inyong Sagradong Tungkuling Maglingkod
Tinanggap ninyo ang kapangyarihan, awtoridad, at sagradong tungkuling maglingkod nang iorden kayo sa priesthood.
Ang Galak sa Paglilingkod
Mga kabataang lalaki ng Aaronic Priesthood, kayo ay pinakamamahal na mga anak ng Diyos, at may dakilang gawain Siyang ipagagawa sa inyo. Para maisakatuparan ang gawaing ito, kailangan ninyong gampanan ang inyong sagradong tungkuling maglingkod sa iba.1
Alam ba ninyo ang ibig sabihin ng maglingkod? Pag-isipan ang tanong na ito habang ikinukuwento ko sa inyo ang batang babaeng si Chy Johnson.
Nang magsimula si Chy sa high school noong isang taon, naging biktima siya ng malupit at walang-awang pang-aapi. Siya ay minaltrato, ipinagtulakan, at pinagtutuya habang naglalakad papasok sa klase—binato pa siya ng basura ng ilang estudyante. Marahil ay nakakita na rin kayo ng mga taong minaltrato nang ganito sa eskuwela ninyo.
Para sa napakaraming tao, ang pagka-tinedyer ay panahon ng kalungkutan at takot. Hindi iyon kailangang maging gayon. Mapalad si Chy at may mga kabataang lalaki sa eskuwela nila na nauunawaan ang ibig sabihin ng maglingkod.
Pinakiusapan ng ina ni Chy ang mga guro sa eskuwela na patigilin ang mga nananakot sa anak niya, ngunit nagpatuloy ito. Sa gayon ay kinausap nito si Carson Jones, isang mayhawak ng Aaronic Priesthood at starting quarterback ng football team. Nagpatulong siya ritong alamin kung sino ang nang-aapi.
Pumayag si Carson na tumulong, ngunit nadama niya na may iba pa siyang magagawa kaysa tukuyin lang ang mga nang-aapi. Ibinulong sa kanya ng Espiritu na kailangan niyang ipadama kay Chy na may nagmamahal sa kanya.
Pinakiusapan ni Carson ang ilan sa kanyang mga teammate na sumama sa kanya sa paglilingkod kay Chy. Inanyayahan nila itong sabayan silang mananghalian. Inihatid nila ito sa klase para tiyakin na ligtas siya. Dahil mga manlalaro ng football ang matatalik niyang kaibigan, hindi nakakagulat na wala nang nang-api kay Chy.
Nakakatuwang panahon ito para sa football team. Ngunit kahit nakakatuwa na wala silang talo, hindi nalimutan ng mga kabataang ito si Chy. Inanyayahan nila itong sumama sa team sa field pagkatapos ng mga laro. Nadama ni Chy na may nagmamahal at nagpapahalaga sa kanya. Nadama niyang ligtas siya. Masaya siya.
Nagpatuloy ang football team at nanalo sila sa kampeonato. Ngunit may nangyari sa eskuwela nila na mas mahalaga kaysa sa kampeonato sa football. Ang halimbawa ng mga kabataang ito ay naghikayat sa iba pang mga estudyante na maging mas mabait, mas palakaibigan. Ngayon ay mas mabait at magalang na sila sa isa’t isa.
Natuklasan ng national news media ang nagawa ng mga kabataang ito at ibinahagi ang kuwento tungkol sa kanila sa buong bansa. Ang pagsisikap na nagsimula sa paglilingkod sa isang tao ay nagbigay-inspirasyon sa libu-libong iba pa na gawin din ang gayon.
Ang tawag ng ina ni Chy sa mga kabataang ito ay “mga anghel na nakabalatkayo.” Mabilis si Carson at ang kanyang mga kaibigan sa pagsasabi na napagpala ni Chy ang kanilang buhay nang higit kaysa napagpala nila ang buhay nito. Iyan ang nangyayari kapag kinalimutan ninyo ang inyong sarili sa paglilingkod sa iba—natatagpuan ninyo ang inyong sarili.2 Nagbabago kayo at lumalago sa mga paraang imposible kapag hindi ninyo ito ginawa. Nagalak ang mga kabataang ito sa paglilingkod at patuloy silang naghahanap ng mga pagkakataong mapagpala ang iba. Sabik silang maglingkod sa darating na mga buwan kapag naging mga full-time missionary na sila.3
Isang Pangangailangan at Isang Tungkulin
Libu-libo ang Chy Johnson sa buong mundo—mga taong kailangang madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit. Sila ay nasa inyong mga eskuwela, sa inyong mga korum, at maging sa inyong pamilya. Agad maaalala ang ilan. Ang iba ay may mga pangangailangang di-gaanong halata. Talagang lahat ng kilala ninyo ay mapagpapala kahit paano ng inyong paglilingkod. Umaasa ang Panginoon na tutulungan ninyo sila.
Hindi ninyo kailangang maging tanyag na atleta para makapaglingkod sa iba. Tinanggap ninyo ang kapangyarihan, awtoridad, at sagradong tungkuling maglingkod nang iorden kayo sa priesthood. Itinuro ni Pangulong James E. Faust, “Ang priesthood ay awtoridad na ibinigay sa tao para maglingkod sa ngalan ng Panginoon.”4 Hawak ng Aaronic Priesthood ang mga susi ng paglilingkod ng mga anghel.5
Kapag minahal ninyo ang Kanyang mga anak, gagabayan kayo ng Ama sa Langit at tutulungan kayo ng mga anghel.6 Bibigyan kayo ng kapangyarihang magpala ng mga buhay at sumagip ng mga kaluluwa.
Si Jesucristo ang inyong halimbawa. Siya ay “hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod.”7 Ang ibig sabihin ng maglingkod ay magmahal at magmalasakit sa iba. Ibig sabihin ay tugunan ang kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan. Sa madaling salita, ibig sabihin ay gawin ang gagawin ng Tagapagligtas kung Siya ay narito.
Ang Inyong Pamilya
Magsimula sa sarili ninyong tahanan. Dito ninyo magagawa ang pinakamahalaga ninyong paglilingkod.8
Gusto ba ninyong subukan ang isang nakakaaliw na eksperimento? Sa susunod na magpatulong ang inyong ina sa gawaing-bahay, sabihin ninyong, “Salamat po sa pagpapatulong ninyo, Inay. Gusto ko pong makatulong.” Pagkatapos ay masdan ang kanyang reaksyon. Gugustuhin siguro ng ilan sa inyo na mag-aral ulit ng first aid bago ninyo ito subukan. Baka mabigla siya sa inyo. Kapag naibalik na ninyo ang malay niya, mapapansin ninyo na gumanda ang inyong pagtitinginan at nag-ibayo ang Espiritu sa inyong tahanan.
Isang paraan lang iyan ng paglilingkod sa inyong pamilya; marami pang iba. Naglilingkod kayo kapag nagsalita kayo ng maganda sa mga kapamilya. Naglilingkod kayo kapag itinuring ninyong matatalik na kaibigan ang inyong mga kapatid.
Marahil ang pinakamahalaga, naglilingkod kayo kapag tinulungan ninyo ang inyong ama sa kanyang mga tungkulin bilang espirituwal na pinuno sa inyong tahanan. Ibigay ang inyong buong suporta at panghihikayat sa family home evening at sa panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya. Gawin ang inyong bahagi para matiyak na nasa tahanan ninyo ang Espiritu. Palalakasin nito ang inyong ama sa kanyang tungkulin at ihahanda kayo sa pagiging ama balang araw. Kung walang isang ama sa inyong tahanan, ang responsibilidad ninyong maglingkod sa inyong pamilya ay mas kailangan pa.
Ang Inyong Korum
May tungkulin din kayong maglingkod sa inyong korum.
Ang priesthood ay umuunlad sa buong mundo. Marami sa inyo ang sumusunod sa panawagan ni Pangulong Monson na sumagip. Mas maraming aktibong mayhawak ng Aaronic Priesthood ngayon kaysa rati sa kasaysayan ng Simbahan. Subalit mayroon pang mga hindi aktibo na nangangailangan sa inyo.
Noong Hunyo, nang likhain ang isang bagong branch sa Bangalore, India, ang tanging binatilyo sa miting ng priesthood ay si Gladwin na inorden kamakailan bilang deacon.
Sinimulang tawagan ni Gladwin, sa tulong ng Young Men president at branch president, ang di-gaanong aktibong mga binatilyo at binisita ang mga ito sa bahay. Hindi naglaon at isa pang binatilyo, si Samuel, ang nagsimbang muli.
Linggu-linggong tinawagan nina Gladwin at Samuel ang mga hindi nakadalo sa miting ng korum at ibinahagi sa mga ito ang kanilang natutuhan. Tinawagan o binisita rin nila ang mga ito sa kaarawan nila. Isa-isang naging kaibigan nila ang di-gaanong aktibong mga binatilyo at nagsimulang tanggapin ng mga ito ang mga imbitasyong dumalo sa mga aktibidad at miting ng korum, at kalaunan ay gumawa ng sarili nilang paglilingkod. Ngayon, lahat ng binatilyo sa branch ay aktibo na sa Simbahan.
Itinuturo sa mga banal na kasulatan na ang mga korum ng Aaronic Priesthood ay uupo sa kapulungan at patitibayin—o patatatagin at palalakasin—ang isa’t isa.9 Nagpapatibay kayo kapag nagturo kayo ng mga katotohanan ng ebanghelyo, nagbahagi ng mga espirituwal na karanasan, at nagpatotoo. Hinihikayat ng kurikulum ng mga kabataan ang ganitong mga uri ng pagtutulungan sa mga miting ng korum, ngunit mangyayari lamang ito kapag nadama ng bawat miyembro ng korum na siya ay minamahal at iginagalang. Ang tudyuan at tuksuhan ay hindi dapat mangyari sa miting ng korum—lalo na kapag hayagan silang nagbahagi ng damdamin. Dapat manguna ang mga quorum presidency sa pagtiyak na ang mga miting ng korum ay isang ligtas na lugar para makibahagi ang lahat.
Nagbabala si Apostol Pablo, “Anomang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuting ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang makinabang ng biyaya ang mga nagsisipakinig.”10
Ang mga mayhawak ng priesthood ay hindi nagsasalita ng mahalay o masama kailanman. Hindi nila hinahamak o sinasaktan ang iba kailanman. Lagi nilang pinatitibay at pinalalakas ang iba. Simple ngunit mabisang paraan ito ng paglilingkod.
Sa Lahat ng Oras
Ang paglilingkod ay hindi lamang sa mga ordenansa o home teaching visit o paminsan-minsang mga proyektong pangserbisyo. Palagi tayong mga lalaking may priesthood—hindi lamang tuwing Linggo at hindi lamang kapag nakaputing polo tayo at kurbata. Tungkulin nating maglingkod saanman tayo naroon. Ang paglilingkod ay hindi lamang isang bagay na ginagawa natin—inilalarawan nito kung sino tayo.
Maglingkod araw-araw. Nasa buong paligid ninyo ang mga pagkakataon. Hanapin ang mga ito. Magpatulong sa Panginoon na makita ang mga ito. Malalaman ninyo na karamihan ay maliliit at tapat na mga gawain ang tumutulong sa iba na maging mga tagasunod ni Jesucristo.11
Kapag sinikap ninyong maging karapat-dapat sa Espiritu, magkakaroon kayo ng mga ideya at damdaming naghihikayat sa inyo na maglingkod. Kapag kumilos kayo ayon sa mga panghihikayat na ito, tatanggap kayo ng iba pang mga panghihikayat, at ang mga pagkakataon at kakayahan ninyong maglingkod ay dadami at lalawak.
Mga kapatid kong kabataan, pinatototohanan ko na kayo ay pinagkaloloban ng awtoridad at kapangyarihan ng maringal na Aaronic Priesthood na maglingkod sa ngalan ng Diyos.
Pinatototohanan ko na kapag ginawa ninyo ito, kayo ay magiging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos para tulungan ang iba. Ang inyong buhay ay magiging mas sagana at mas makabuluhan. Higit kayong lalakas na labanan ang kasamaan. Masusumpungan ninyo ang tunay na kaligayahan—ang uring tanging matatapat na tagasunod ni Jesucristo ang nakaaalam.
Nawa’y magalak kayo sa pagganap sa inyong sagradong tungkuling maglingkod, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.