“Magsiparito sa Akin”
Sa Kanyang mga salita at Kanyang mga halimbawa, ipinakita sa atin ni Cristo kung paano tayo mas malalapit sa Kanya.
Nagpapasalamat ako na makasama kayo sa kumperensyang ito ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ang Kanyang Simbahan. Taglay natin ang Kanyang pangalan sa pagpasok natin sa Kanyang kaharian. Siya ay Diyos, ang Tagapaglikha, at sakdal. Tayo ay mga mortal na may kamatayan at nagkakasala. Subalit dahil sa Kanyang pagmamahal sa atin at sa ating pamilya, inaanyayahan Niya tayong lumapit sa Kanya. Ito ang Kanyang sinabi: “Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan; humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan.”1
Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay ipinapaalala sa atin kung bakit mahal natin Siya at ang pangako Niya sa Kanyang matatapat na disipulo na gagawin silang pinakamamahal na kaibigan. Ibinigay ng Tagapagligtas ang pangakong iyan at sinabi sa atin kung paano Siya lumalapit sa atin kapag Siya ay ating pinaglilingkuran. Isang halimbawa niyan ay ang ipinahayag kay Oliver Cowdery habang siya ay naglilingkod sa Panginoon kasama si Propetang Joseph Smith sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon: “Masdan, ikaw ay si Oliver, at ako ay nakipag-usap sa iyo dahil sa iyong mga nais; samakatwid pahalagahan ang mga salitang ito sa iyong puso. Maging matapat at matiyaga sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, at kita’y aking yayakapin sa bisig ng aking pagmamahal.”2
Nadarama ko ang galak ng pagiging malapit sa Tagapagligtas at ng Kanyang pagiging malapit sa akin sa mga simpleng pagsunod sa mga utos.
Nararanasan din ninyo ito. Maaaring naganap ito nang piliin ninyong dumalo sa pulong ng sakramento. Naranasan ko ito isang araw ng Sabbath noong bata pa ako. Noong mga panahong iyon ginaganap namin ang sakramento sa panggabing pulong. Ang alaala ng araw na iyon mahigit 65 taon na ang nakararaan, nang sundin ko ang utos na magtipong kasama ng aking pamilya at mga Banal, ay naglalapit pa rin sa akin sa Tagapagligtas.
Madilim at malamig noon sa labas. Naaalala ko na parang maliwanag at mainit sa chapel nang gabing iyon kasama ang aking mga magulang. Nakibahagi kami sa sakramento, na pinangasiwaan ng mga mayhawak ng Aaronic Priesthood, at nakipagtipan sa ating Walang Hanggang Ama na laging aalalahanin ang Kanyang Anak at susundin ang Kanyang mga kautusan.
Nang matapos ang pulong inawit namin ang himnong “Manatili sa ‘King Tabi,” na may mga titik na “Panginoon, manatili.”3
Nadama ko ang pagmamahal at pagiging malapit ng Tagapagligtas noong gabing iyon. At nadama ko ang kapanatagang dulot ng Espiritu Santo.
Gusto kong sariwaing muli ang nadama kong pagmamahal at pagiging malapit ng Tagapagligtas sa pulong ng sakramentong iyon noong kabataan ko. Kaya kamakailan sinunod ko ang isa pang utos. Sinaliksik ko ang mga banal na kasulatan. Sa mga ito, alam ko na maipapadama sa aking muli ng Espiritu Santo ang nadama ng dalawang disipulo ng nagbangong Panginoon nang Kanyang paunlakan ang paanyaya nila na magtungo Siya sa kanilang tahanan at manatili sa kanila.
Binasa ko ang salaysay tungkol sa ikatlong araw matapos ang Kanyang Pagkapako sa Krus at libing. Natuklasan ng matatapat na kababaihan at ng iba pa na pinagulong ang batong tumatakip sa libingan at wala na ang Kanyang katawan doon. Dahil sa pagmamahal sa Kanya, nagtungo sila roon para pahiran ng pabango ang Kanyang katawan.
Itinanong ng dalawang anghel na naroon kung bakit sila natatakot, sinasabing:
“Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay?
“Wala siya rito, datapuwa’t nagbangon: alalahanin ninyo ang salita niya sa inyo nang siya’y nasa Galilea pa,
“Na sinasabi, Kinakailangan na ang anak ng tao ay ibigay sa mga kamay ng mga taong makasalanan, at ipako sa krus, at magbangong muli sa ikatlong araw.”4
Idinagdag sa Ebanghelyo ni Marcos ang tagubiling ibinigay ng isa sa mga anghel: “Datapuwa’t magsiyaon kayo, sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro, Siya’y nangunguna sa inyo sa Galilea: doon siya makikita, ayon sa sinabi niya sa inyo.”5
Ang mga Apostol at mga disipulo ay nakatipon noon sa Jerusalem. Tulad din natin marahil, sila ay natakot at nagtaka habang pinag-uusapan nila ang ibig sabihin sa kanila ng kamatayan at ng ulat na siya ay nabuhay na muli.
Dalawa sa mga disipulo ang naglalakad nang hapong iyon mula Jerusalem patungong Emaus. Ang nabuhay na mag-uling Cristo ay nagpakita sa kanila sa daan at sumabay sa kanila. Lumapit sa kanila ang Panginoon.
Sa aklat ni Lucas ay makakasama natin sila sa paglakad sa gabing iyon:
“At nangyari na, samantalang sila’y naguusap at nagtatanongan, na si Jesus din ay lumapit, at nakisabay sa kanila.
“Datapuwa’t sa mga mata nila’y may nakatatakip upang siya’y huwag nilang makilala.
“At sinabi niya sa kanila, Ano ang mga salitaan ninyong ito sa inyong paglalakad? At sila’y nagsitigil, na nangalulumbay ang mga mukha.
“At isa sa kanila, na nagngangalang Cleopas, sa pagsagot ay sinabi sa kaniya, Ikaw baga’y nakikipamayan lamang sa Jerusalem, at hindi nakaalam ng mga bagay na doo’y nangyari nang mga araw na ito?”6
Sinabi nila sa Kanya na nalulungkot sila sa pagkamatay ni Jesus samantalang inasahan nila na Siya ang magiging Manunubos ng Israel.
Tiyak na pagmamalasakit ang nasa tinig ng nagbangong Panginoon nang kausapin Niya ang dalawang nalulungkot at nagdadalamhating disipulong ito:
“At sinabi niya sa kanila, Oh mga taong haling, at makukupad ang mga pusong magsisampalataya sa lahat ng salita ng mga propeta:
“Hindi baga kinakailangang si Cristo ay maghirap ng mga bagay na ito, at pumasok sa kaniyang kaluwalhatian?
“At magmula kay Moises at sa mga propeta, ay ipinaaninaw niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniya sa lahat ng mga kasulatan.”7
At dumating ang sandaling nagpasaya sa puso ko mula pa noong bata ako:
“At sila’y malapit na sa nayong kanilang paroroonan: at naganyo siyang wari may paroroonang lalo pang malayo.
“At siya’y kanilang pinigil, na sinasabi, tumuloy ka sa amin, sapagka’t gumagabi na, at kumikiling na ang araw. At pumasok siya upang tumuloy sa kanila.”8
Tinanggap ng Tagapagligtas ang paanyaya nang gabing iyon na pumasok sa bahay ng Kanyang mga disipulo na malapit sa nayon ng Emaus.
Kumain siyang kasama nila. Dumampot siya ng tinapay, binasbasan ito, pinutul-putol ito, at ibinigay ito sa kanila. Nangabuksan ang kanilang mga mata kaya’t Siya ay nakilala nila. At Siya’y nawala sa kanilang paningin. Itinala ni Lucas para sa atin ang nadama ng mga pinagpalang disipulong iyon: “At sila-sila’y nangagsabihan, Hindi baga nagaalab ang ating puso sa loob natin, habang tayo’y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan?”9
Sa oras ding iyon, dali-daling bumalik sa Jerusalem ang dalawang disipulo upang sabihin sa labing-isang Apostol ang nangyari sa kanila. Nang oras ding iyon muling nagpakita ang Tagapagligtas.
Sinabi Niyang muli ang mga propesiya tungkol sa Kanyang misyon na magbayad-sala para sa mga kasalanan ng lahat ng mga anak ng Kanyang Ama at kalagin ang mga gapos ng kamatayan.
“At sinabi niya sa kanila, Ganyan ang pagkasulat, na kinakailangang maghirap ang Cristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw:
“At ipangaral sa kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa, magbuhat sa Jerusalem.
“Kayo’y mga saksi ng mga bagay na ito.”10
Ang mga salita ng Tagapagligtas ay angkop sa atin tulad sa Kanyang mga disipulo noon. Tayo ay mga saksi ng mga bagay na ito. At ang dakilang utos na tinanggap natin nang tayo ay binyagan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nilinaw sa atin ng propetang si Alma daan-daang taon na ang nakalipas sa mga tubig ni Mormon:
“At ito ay nangyari na, na kanyang sinabi sa kanila: Masdan, narito ang mga tubig ng Mormon (sapagkat sa gayon ang mga yaon ay tinawag) at ngayon, yamang kayo ay nagnanais na lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, at nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan;
“Oo, at nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan kayo ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan, nang kayo ay matubos ng Diyos, at mapabilang sa kanila sa unang pagkabuhay na mag-uli, nang kayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan—
“Ngayon, sinasabi ko sa inyo, kung ito ang naisin ng inyong mga puso, ano ang mayroon kayo laban sa pagpapabinyag sa pangalan ng Panginoon, bilang saksi sa harapan niya na kayo ay nakikipagtipan sa kanya, na siya ay inyong paglilingkuran at susundin ang kanyang mga kautusan, nang kanyang ibuhos nang higit na masagana ang kanyang Espiritu sa inyo?
“At ngayon, nang marinig ng mga tao ang mga salitang ito, ipinalakpak nila ang kanilang mga kamay sa kagalakan, at nagbulalas: Ito ang mga naisin ng aming mga puso.”11
Nakipagtipan tayo na tulungan ang nangangailangan at maging saksi sa Tagapagligtas habang tayo ay nabubuhay.
Magagawa lamang natin ito nang walang humpay kapag minamahal natin ang Tagapagligtas at nadarama nating mahal Niya tayo. Kung tapat tayo sa mga ipinangako natin, madarama natin ang ating pagmamahal sa Kanya. Madaragdagan ito dahil madarama natin ang Kanyang kapangyarihan at ang pagiging malapit Niya sa atin kapag tayo ay naglilingkod sa Kanya.
Madalas na ipaalala sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson ang pangako ng Panginoon sa Kanyang matatapat na disipulo: “At sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.”12
May isa pang paraan na nadama natin na Siya ay malapit sa atin. Kapag matapat tayong naglilingkod sa Kanya, mas lumalapit Siya sa mga mahal natin sa buhay. Sa tuwing tatawagin akong maglingkod ng Panginoon sa malayong lugar at kailangan kong iwan ang aking pamilya, nakikita ko na pinagpapala ng Panginoon ang aking asawa at mga anak. Inihanda Niya ang mapagmahal Niyang mga lingkod at nagbibigay ng mga pagkakataon na mas mailalapit ang aking pamilya sa Kanya.
Nadama rin ninyo ang mga pagpapalang iyan sa inyong buhay. Marami sa inyo ang may mga mahal sa buhay na nalalayo sa landas na patungo sa buhay na walang hanggan. Iniisip ninyo kung ano pa ang magagawa ninyo upang ibalik sila. Makaaasa kayo na mas lalapit sa kanila ang Panginoon habang matapat ninyo Siyang pinaglilingkuran.
Naaalala ninyo ang pangako ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon noong nalayo sila sa kanilang mga pamilya para maglingkod sa Kanya: “Aking mga kaibigang Sidney at Joseph, ang inyong mga mag-anak ay nasa mabuting kalagayan; sila ay nasa aking mga kamay, at aking gagawin sa kanila kung ano ang inaakala kong mabuti; sapagkat sa akin naroon ang lahat ng kapangyarihan.”13
Tulad nina Alma at Haring Mosias, ilan sa matatapat na magulang ang matagal nang naglilingkod sa Panginoon at may mga anak na nalihis ng landas sa kabila ng pagsasakripisyo ng kanilang mga magulang para sa Panginoon. Ginawa nila ang lahat, ngunit walang nangyari, kahit tumulong ang mapagmahal at matatapat na kaibigan.
Ipinagdasal noon ni Alma at ng mga Banal ang kanyang anak at ang mga anak ni Haring Mosias. Isang anghel ang dumating. Ang inyong mga panalangin at ang panalangin ng mga nananampalataya ay magdadala ng mga lingkod ng Panginoon sa inyo upang tulungan ang mga miyembro ng inyong pamilya. Tutulungan nila sila na piliin ang daan pabalik sa Diyos, kahit tinutukso sila ni Satanas at ng kanyang mga alagad, na ang hangad ay wasakin ang mga pamilya sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.
Naaalala ninyo ang mga sinabi ng anghel kay Nakababatang Alma at sa mga anak na lalaki ni Mosias sa kanilang paghihimagsik. “At muli, sinabi ng anghel: Masdan, napakinggan ng Panginoon ang mga panalangin ng kanyang mga tao, at gayon din ang mga panalangin ng kanyang tagapaglingkod na si Alma, na iyong ama; sapagkat nanalangin siya nang may labis na pananampalataya hinggil sa iyo na baka sakaling madala ka sa kaalaman ng katotohanan; anupa’t dahil sa layuning ito ako ay naparito upang papaniwalain ka sa kapangyarihan at karapatan ng Diyos, upang ang mga panalangin ng kanyang mga tagapaglingkod ay matugon alinsunod sa kanilang pananampalataya.”14
Sa inyong nananalangin at naglilingkod sa Panginoon, hindi ko ipinapangako na makakamtan ninyo ang bawat pagpapalang nais ninyo para sa inyo at sa inyong pamilya. Ngunit maipapangako ko na ang Tagapagligtas ay lalapit sa inyo at pagpapalain kayo at ang inyong pamilya sa alam Niyang pinakamainam para sa inyo. Madarama ninyo ang kapanatagang dulot ng Kanyang pagmamahal at ang isinasamo ninyong paglapit Niya kapag naglilingkod kayo sa iba. Kapag tumulong kayo sa mga nangangailangan at ibinahagi ang Kanyang nakadadalisay na Pagbabayad-sala sa mga nagdurusa sa mga kasalanan, palalakasin kayo ng kapangyarihan ng Panginoon. Nakaunat ang Kanyang mga bisig upang makatuwang ninyo sa pagtulong at pagpapala sa mga anak ng ating Ama sa Langit, kabilang ang mga nasa inyong pamilya.
May maluwalhating pagsalubong sa ating pag-uwi. At makikita natin ang katuparan ng pangako ng ating mahal na Panginoon. Siya ang tatanggap sa atin tungo sa buhay na walang hanggan kasama Niya at ng ating Ama sa Langit. Narito ang paglalarawan dito ni Jesucristo:
“Hangaring ipahayag at itatag ang aking Sion. Sundin ang aking mga kautusan sa lahat ng bagay.
“At, kung susundin mo ang aking mga kautusan at magtitiis hanggang wakas ikaw ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, kung aling kaloob ay pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.”15
“Sa mga yaong nabubuhay ay mamanahin ang lupa, at yaong mga namamatay ay mamamahinga mula sa lahat ng kanilang gawain, at ang kanilang mga gawa ay susunod sa kanila; at sila ay makatatanggap ng putong sa mga mansiyon ng aking Ama, na aking inihanda para sa kanila.”16
Pinatototohanan ko na sa pamamagitan ng Espiritu masusunod natin ang paanyaya ng Ama sa Langit na: “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”17
Sa Kanyang mga salita at Kanyang mga halimbawa, ipinakita sa atin ni Cristo kung paano tayo mas malalapit sa Kanya. Bawat anak ng Ama sa Langit na piniling makabilang sa Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng binyag ay may pagkakataon sa buhay na ito na maturuan ng Kanyang ebanghelyo at marinig mula sa Kanyang mga tagapaglingkod ang Kanyang paanyayang, “Magsiparito sa akin.”18
Bawat tagapaglingkod na nakipagtipan sa Kanya sa kaharian Niya sa lupa at sa daigdig ng mga espiritu ay tatanggap ng Kanyang patnubay sa pamamagitan ng Espiritu habang pinagpapala at pinaglilingkuran nila ang iba para sa Kanya. At madarama nila ang Kanyang pagmamahal at magagalak na sila’y mas malapit sa Kanya.
Ako ay saksi sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoon na parang naroon ako nang gabing iyon kasama ang dalawang disipulo sa bahay sa nayon ng Emaus. Alam kong Siya ay buhay tulad nang alam ni Joseph Smith nang makita niya ang Ama at ang Anak sa liwanag ng maaliwalas na umaga sa kakahuyan sa Palmyra.
Ito ang totoong Simbahan ni Jesucristo. Tanging sa mga susi ng priesthood na hawak ni Pangulong Thomas S. Monson naroon ang kapangyarihan na magbubuklod sa ating pamilya upang makasama nang walang hanggan ang ating Ama sa Langit at ang Panginoong Jesucristo. Sa Araw ng Paghuhukom tatayo tayo sa harapan ng ating Tagapagligtas. Magiging panahon ito ng kagalakan sa mga lumapit sa Kanya sa pamamagitan ng paglilingkod sa Kanya sa buhay na ito. Isang kagalakan ang marinig ang mga salitang ito: “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin.”19 Ito ang aking patotoo bilang saksi ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas at ating Manunubos sa pangalan ni Jesucristo, amen.