Sa Isang Batang Babaeng Mailigtas Mo, Maraming Henerasyon ang Maililigtas Mo
Pagpapalain ng inyong mabuting buhay ang inyong mga ninuno, ang pamilya ninyo ngayon, at mga miyembro ng pamilya sa hinaharap.
Isang karangalan para sa akin ang magsalita sa matatapat na kabataang babae ng Simbahan. Nakikita naming iginagalang ninyo ang inyong mga tipan sa pagsulong ninyo sa buhay, at alam naming pagpapalain ng inyong mabuting buhay ang inyong mga ninuno, ang pamilya ninyo ngayon, at mga miyembro ng pamilya sa hinaharap, dahil sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Sa isang batang babaeng mailigtas mo, maraming henerasyon ang maililigtas mo.”1
Ang paggawa ninyo ng tipan ay nagsimula noong mabinyagan kayo at matanggap ang kaloob na Espiritu Santo. Nagpapatuloy ito bawat linggo sa sakrament miting, isang banal na lugar kung saan sinasariwa ninyo ang inyong tipan sa binyag. Panahon na para maghanda kayo sa paggawa ng mga tipan sa templo. Ang “mga banal na ordenansa at tipan na makukuha sa mga banal na templo ang nagbigay ng pagkakataon sa [atin] na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at upang ang [ating] mga mag-anak ay magkasama-sama sa walang hanggan.”2
Tumayo sa mga banal na lugar para sa inyong mga ninuno. “Bawat nilalang na isinilang sa mundong ito ay bunga ng mga henerasyon ng mga magulang. Likas sa atin ang hangaring makaugnay ang ating mga ninuno.”3 Habang nakikilahok kayo sa gawain sa family history at sa templo, nagiging malapit kayo sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ng paglalaan ng nakapagliligtas na mga ordenansa para sa kanila.
Tumayo sa mga banal na lugar para sa sarili ninyo at sa inyong pamilya. Ang mabuti ninyong halimbawa ay pagmumulan ng malaking kagalakan, anuman ang katayuan ng inyong pamilya. Ang mabubuti ninyong desisyon ang magpapamarapat sa inyo na gawin at tuparin ang mga sagradong tipan na magbibigkis sa inyong pamilya sa kawalang-hanggan.
Tumayo sa mga banal na lugar para sa magiging pamilya ninyo sa hinaharap. Hangaring mabuklod sa inyong asawa sa pamamagitan ng banal na priesthood sa loob ng templo sa pagsisimula ninyong bumuo ng walang-hanggang pamilya. Bibiyayaan ang inyong mga anak ng katotohanan dahil sa inyong mabuting halimbawa at di-natitinag na patotoo na nagiging bahagi ng kanilang buhay at nagpapakita sa landas ng paggawa at pagtupad ng tipan.
Nakita ko ang mga walang-hanggang alituntuning ito sa International Art Competition for Youth kamakailan. Si Megan Warner Talor ay gumawa ng retrato sa digital na paraan, na makabagong paliwanag ng talinghaga ni Cristo tungkol sa sampung dalaga.4 Nakilala ko si Megan, at ipinaliwanag niya ang simbolismo ng ikasampung dalaga, na para sa kanya ay banal at may pananampalataya, na handang gawin at tuparin ang mga sagradong tipan sa templo. Gaya ng matatalinong dalaga, ang sarili niyang paghahanda ay ginawa habang nagdaragdag ng langis sa kanyang ilawan, sa paisa-isang patak ng mabuting pamumuhay. Napansin ko ang magandang tirintas ng kanyang buhok. Ipinaliwanag ni Megan na ang tirintas ay sagisag ng kaugnayan ng mabuting pamumuhay ng dalagang ito sa napakaraming henerasyon. Ang isang strand o bahagi nito ay sagisag ng paghabi sa kanyang pagmamahal at paggalang sa kanyang mga ninuno, ang pangalawa ay paghabi sa kanyang mabuting impluwensya sa kanyang pamilya ngayon, at ang pangatlong strand ay paghabi sa kanyang handang pamumuhay para maugnay sa susunod na mga henerasyon.
May nakilala pa akong isang dalagita na ang maagang espirituwal na paghahanda ay humabi ng mabuting pamumuhay na maiuugnay sa maraming henerasyon.
Isang magandang hapon ng Setyembre, nasa templo kami ng asawa ko at naghihintay na makabahagi sa mga ordenansa sa templo. Si Chris, na kaibigan namin, ay pumasok sa silid. Nakakatuwang makita ang binatang ito, na kauuwi lang mula sa mission sa Russia.
Nang magsisimula na ang sesyon, isang magandang dalaga ang umupo sa tabi ko. Siya ay masaya, nakangiti, at puno ng liwanag. Gusto ko siyang makilala, kaya pabulong akong nagpakilala. Bumulong siya, Kate daw ang pangalan niya, at sa kanyang apelyido ay naalala ko ang isang pamilyang nakatira noon sa Michigan, kung saan minsang tumira ang aming pamilya. Malaki na pala ang anak nilang si Kate, na ilang linggo pa lang nakakauwi mula sa kanyang mission sa Germany.
Habang nasa sesyon pilit na pumapasok sa isipan ko na, “Ipakilala si Kate kay Chris.” Hindi ko pinansin ang pahiwatig dahil naisip kong, “Kailan, saan, paano?” Habang paalis na kami, lumapit sa amin si Chris para magpaalam at sinamantala ko na ang pagkakataon. Hinila ko si Kate at binulungan, “Mabubuting tao kayong dalawa kaya kailangan ninyong makilala ang isa’t isa.” Nilisan ko ang templo na nasisiyahan dahil sinunod ko ang pahiwatig.
Habang pauwi, napag-usapan namin ng asawa ko ang mga naging hamon noon sa pamilya ni Kate. Mula noon mas lalo ko pang nakilala si Kate, at nakatulong siya para maunawaan ko ang mga dahilan sa masayang mukha na napansin ko sa templo sa araw na iyon.
Sinisikap palagi ni Kate na tuparin ang kanyang tipan sa pamamagitan ng pagpunta sa mga banal na lugar. Pinalaki siya sa isang tahanan kung saan ang pagdaraos ng family home evening, sama-samang pananalangin, at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang nagpabanal sa kanilang tahanan. Noong bata pa siya, nalaman niya ang tungkol sa templo, at ang awiting “Templo ay Ibig Makita” ang paborito nilang kantahin sa family home evening.5 Noong bata pa siya, namasdan niya ang kanyang mga magulang na nagpakita ng halimbawa sa paghahanap ng banal na lugar kapag pumupunta sila sa templo tuwing Sabado ng gabi sa halip na manood ng sine o kumain sa labas.
Mahal na mahal niya ang kanyang ama, at ginamit nito ang kanyang awtoridad ng priesthood upang tulungan siya sa paggawa ng kanyang unang tipan sa binyag. Ipinatong ng ama ang kanyang kamay sa ulo ni Kate at natanggap ni Kate ang Espiritu Santo. Sinabi ni Kate, “Sabik akong matanggap ang Espiritu Santo, at alam kong tutulungan ako nito na manatili sa landas tungo sa buhay na walang-hanggan.”
Patuloy na namuhay si Kate na puno ng pagpapala at ligaya. Noong 14 anyos na siya, nag-aral siya sa hayskul at gustung-gusto niya ang seminary, isa pang banal na lugar para malaman ang tungkol sa ebanghelyo. Isang araw nagsalita ang kanyang guro tungkol sa mga pagsubok at tiniyak na lahat tayo ay makararanas nito. Sinabi niya sa kanyang sarili, “Ayoko ng mga pagsubok; ayokong marinig ito.”
Makaraan lamang ang ilang linggo nagising ang kanyang tatay sa Linggo ng Pagkabuhay na may matinding karamdaman. Sabi ni Kate: “Napakalusog ng tatay ko noon; tumatakbo siya sa marathon. Masyadong nag-alala ang nanay ko dahil sa sakit niya kaya dinala niya si Itay sa ospital. Sa loob ng 36 na oras nagkaroon siya ng matinding istrok na pumaralisa halos sa buong katawan niya. Kaya niyang kumurap, pero hindi niya maigalaw ang kanyang buong katawan. Naaalala ko nang makita ko siya at naisip kong, ‘Naku, nangyayari na nga. Tama ang seminary teacher ko. Sinusubukan ako.’” Sa loob ng ilang araw, namatay ang tatay ni Kate.
Sinabi pa ni Kate: “Napakahirap. Hindi mo gustong mawala ang iniidolo mo. Alam kong maaari itong makatulong sa pag-unlad ko o maaari ring maging hadlang. Ayaw kong sirain nito ang buhay ko, dahil 14-anyos lang ako noon. Lalo kong sinikap na mapalapit sa Panginoon. Lalo kong binasa ang mga banal na kasulatan ko. Tiniyak sa akin ng Alma kabanata 40 na tunay ang pagkabuhay na muli at dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo ay makakasama kong muli ang aking ama. Lalo pa akong nagdasal. Dinalasan ko ang pagsusulat sa aking journal. Pinanatili kong masigla ang aking patotoo sa pamamagitan ng pagsulat nito. Nagsisimba at dumadalo ako sa Young Women bawat linggo. Pinalibutan ko ang sarili ko ng mabubuting kaibigan. Nanatili akong malapit sa mga nagmamalasakit na kamag-anak at lalo na sa nanay ko, na pinagkukunan ng lakas sa aming pamilya. Humingi ako ng basbas ng priesthood mula sa aking lolo at sa iba pang mga mayhawak ng priesthood.”
Ang di-nagbabagong mga pagpiling ito, tulad sa matatalinong dalaga, ang nagdagdag ng langis sa ilawan ni Kate. Nahikayat siya ng kanyang hangaring makapiling muli ang kanyang ama. Alam ni Kate na batid ng kanyang ama ang kanyang mga desisyon, at ayaw niyang biguin ito. Nais niyang makapiling ito sa kawalang-hanggan, at naunawaan niya na ang pananatiling tapat sa kanyang tipan ang patuloy na mag-uugnay sa kanya sa buhay ng kanyang ama.
Gayunman, hindi natapos ang mga pagsubok. Noong si Kate ay 21 anyos at nagsusumite ng kanyang papeles sa misyon, natuklasang may kanser ang nanay niya. Kinailangang gumawa si Kate ng mahalagang desisyon sa kanyang buhay. Dapat ba siyang lumagi sa tahanan at suportahan ang kanyang ina o magpunta sa misyon? Binigyan ang kanyang ina ng basbas ng priesthood na may pangakong maliligtasan niya ang sakit. Sa katiyakang dulot ng basbas, sumulong si Kate nang may pananampalataya at itinuloy ang kanyang planong magmisyon.
Sabi ni Kate: “Paghakbang iyon sa kadiliman, ngunit habang nasa misyon ako, dumating sa wakas ang liwanag at natanggap ko ang balita na natupad ang basbas sa aking ina. Tuwang-tuwa ako na hindi ko isinantabi ang paglilingkod sa Panginoon. Kapag dumaranas ng hirap, palagay ko madali ang hindi na kumilos at sumulong pa, pero kung uunahin mo ang Panginoon, ang hindi magagandang pangyayari ay magiging magagandang pagpapala. Makikita mo ang Kanyang kamay at masasaksihan ang mga himala.” Nakita ni Kate ang katuparan ng mga salita ni Pangulong Thomas S. Monson: “Ang pinakamahahalagang pagkakataon na mapapasaatin ay matatagpuan sa oras ng matinding hirap.”6
Ganito ang pananampalataya ni Kate dahil nauunawaan niya ang plano ng kaligtasan. Alam niyang nabuhay tayo noon, na ang buhay sa mundo ay panahon ng pagsubok, at muli tayong mabubuhay. Nanalig siya na pagpapalain ang kanyang ina, ngunit mula sa karanasan ng kanyang ama, alam niya na sakaling mamatay ang kanyang ina, magiging maayos ang lahat. Sabi niya: “Hindi ko lang nakayanan ang pagkamatay ng aking ama; naging bahagi ito ng aking pagkatao at mabuti ang naidulot nito, at kung kinuha man ang aking ina, ganoon din ang mangyayari. Mas patatatagin nito ang aking patotoo.”7
Naghahanap si Kate ng banal na lugar nang gabing makita ko siya sa templo. Sa hangaring maihabi nang mahigpit ang walang-hanggang mga ugnayan na dumarating sa pamamagitan ng serbisyo sa templo, sinunod niya ang huwarang ipinakita ng kanyang mga magulang sa regular na pagpunta sa templo.
Walang gaanong nangyari nang gabing ipakilala ko si Kate kay Chris, ngunit sa paghahanap ng isa pang banal na lugar nang sumunod na Linggo, nakita ni Kate si Chris sa gitna ng daan-daang young single adult sa isang institute devotional. Marami pa silang nalaman tungkol sa isa’t isa. Makaraan ang ilang linggo, niyaya ni Chris si Kate na samahan siya sa panonood ng pangkalahatang kumperensya. Patuloy silang naghanap ng mga lugar na nag-aanyaya sa Espiritu sa buong pagliligawan nila at sa huli sila ay ibinuklod sa templo, ang banal na lugar kung saan sila ipinakilala sa isa’t isa. Kapwa nila ngayon ginagampanan ang sagradong responsibilidad ng pagiging magulang, na hinahabi ang kanilang patotoo sa plano ng kaligtasan sa buhay ng kanilang tatlong maliliit na anak na lalaki, at ipinakikita sa kanila ang landas sa paggawa ng tipan.
“Sa isang batang babaeng mailigtas mo, maraming henerasyon ang maililigtas mo.” Ang desisyon ni Kate noong 14-anyos siya na manatili sa landas, ay patuloy na nagdagdag ng langis sa kanyang ilawan, at ang pagtayo sa banal na mga lugar ay nagliligtas at magliligtas ng maraming henerasyon. Ang pagsasaliksik sa kanyang mga ninuno at paglilingkod sa templo ay nag-ugnay sa kanyang puso sa kanila. Ang pakikilahok sa gawain sa family history at sa templo ay mag-uugnay rin sa inyong mga puso at magbibigay sa inyong mga ninuno ng pagkakataon sa buhay na walang-hanggan.
Ang pamumuhay ng ebanghelyo sa inyong tahanan ay magdaragdag din ng langis sa inyong ilawan at hahabi ng espirituwal na kalakasan sa inyong tahanan ngayon at magpapala sa inyong magiging pamilya sa maraming paraan. Dagdag pa rito, gaya ng sinabi ni Elder Robert D. Hales, “Kung ang halimbawang natanggap natin sa ating mga magulang ay hindi mabuti, responsibilidad nating itigil ito … at ituro ang mga tamang kaugalian sa susunod na mga henerasyon.”8
Magpasiya ngayon na gawin ang lahat para punuin ang inyong mga ilawan, upang ang malakas ninyong patotoo at halimbawa ay maihabi sa buhay ng maraming henerasyon—noon, ngayon, at sa hinaharap. Nagpapatotoo ako na ang mabuti ninyong pamumuhay ay hindi lamang magliligtas ng mga henerasyon, kundi ililigtas din nito ang inyong buhay na walang-hanggan, dahil ito lang ang paraan para makabalik sa ating Ama sa Langit at magkaroon ng tunay na kagalakan ngayon at sa buong kawalang-hanggan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.