Dalhin ang Ebanghelyo sa Buong Mundo
Patuloy na lumalaganap ang Simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo, sa bawat bansa, bawat kultura, sa mga tao, ayon sa takdang panahon ng Panginoon.
Tapos na ang mortal na ministeryo ng Tagapagligtas. Natapos na ang Kanyang pagdurusa sa Getsemani at sa krus. Nalaman natin mula sa Mga Gawa 1 na nagministeryo Siya nang 40 araw matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, “na napakikita” sa mga Apostol at “nagpahayag ng mga bagay tungkol sa kaharian ng Dios” (Mga Gawa 1:3).
Sinabi Niya sa kanila na “tatanggapin ninyo ang kapangyarihan, pagdating sa inyo ng Espiritu Santo: at kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa” (Mga Gawa 1:8).
Di-nagtagal pagkasabi Niya nito, “dinala siya sa itaas; at siya’y tinanggap ng isang alapaap at ikinubli sa kanilang mga paningin.
“At samantalang tinititigan nila ang langit habang siya’y lumalayo, narito may dalawang lalaking nangakatayo sa tabi nila na may puting damit;
“Na nangagsabi naman, Kayong mga lalaking taga Galilea, bakit kayo’y nangakatayong tumitingin sa langit? itong si Jesus, na tinanggap sa langit mula sa inyo, ay paparitong gaya rin ng inyong nakitang pagparoon niya sa langit” (Mga Gawa 1:9–11).
Sa katunayan, ang Tagapagligtas ay darating muli sa Kanyang Ikalawang Pagparito, ngunit bago maganap ito, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay dadalhin hanggang sa “kadulu-duluhang bahagi ng mundo.”
Mula sa Mateo nalaman natin ang espesyal na utos sa mga Apostol na dalhin ang ebanghelyo sa lahat ng bansa:
“At lumapit si Jesus sa kanila at sila’y kaniyang kinausap, na sinasabi, Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin.
“Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo” (Mateo 28:18–19).
Noong mga unang panahon ng Simbahan, sa kalagitnaan ng panahon, ang ebanghelyo ay itinuturo lamang sa sambahayan ng Israel; pagkatapos ipinahayag kay Pedro, ang senior na Apostol, na panahon na para dalhin ang ebanghelyo sa labas ng sambahayan ng Israel at ituro sa mga Gentil. Ang ika-10 at ika-11 kabanata ng Mga Gawa ay tumutulong sa atin na maunawaan ang paraan at huwaran kung saan ipinaalam sa mga lider at miyembro ang kinakailangang pagpapalawak ng Simbahan sa mas marami pang anak ng Diyos.
Ginamit si Cornelio, na isang Gentil, senturion, at mabuting tao, ipinaunawa ng Panginoon kay Pedro na dadalhin ang ebanghelyo sa mga Gentil, isang konseptong bago at kakaiba sa mga Banal ng panahong iyon. Ang paghahayag na nagpabago sa mga gawain ng Simbahan ay dumating kay Pedro, ang senior na Apostol. Nalaman natin na mula noon ang ebanghelyo ay mabilis na ipinalaganap sa mga bansa ng mga Gentil.
Ang isang halimbawa ng paglawak ng Simbahan nang panahong iyon ay ang pagbabalik-loob ni Pablo, na naging dakilang Apostol sa mga Gentil. Nagkaroon siya ng pangitain habang nasa daan patungong Damasco, kung saan nakakita siya ng liwanag at nakarinig ng tinig, nagsisi ng kanyang mga kasalanan, at tinawag ng Diyos (tingnan sa Mga Gawa 22:6–18) at naging napakalakas na impluwensya sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Ngayon dumako tayo, makaraan ang 1,800 taon, sa panahon ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo, o pagbabalik ng lahat ng bagay bago ang Ikalawang Pagparito. Pinatototohanan ko na sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ang Simbahan ay naipanumbalik at patuloy na ipinalalaganap sa patnubay ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. Ang utos sa kanila na dalhin ang ebanghelyo sa buong mundo ay katulad sa iniutos sa mga Apostol noong sinauna.
Mula nang itatag ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong 1830, patuloy na lumaganap ang Simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo, sa bawat bansa, bawat kultura, sa mga tao, ayon sa takdang panahon ng Panginoon.
Noong 1978, sinusunod ang itinatag na huwaran ng paghahayag sa pamamagitan ng senior na Apostol na si Pangulong Spencer W. Kimball, dumating ang paghahayag, sa panahong ito, na nagtutulot sa lahat ng karapat-dapat na kalalakihan sa iba’t ibang panig ng mundo na matanggap ang mga pagpapala ng priesthood. Ibig sabihin na sa ating panahon lahat ng mga anak ng Ama sa Langit sa buong mundo ay maaaring matamo ang lahat ng pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Ito ay angkop na pagkilos ng kaharian ng Diyos dito sa lupa sa nalalapit na Ikalawang Pagparito ni Cristo.
Sa karanasan ko tungkol dito, katatawag lang sa akin noon bilang mission president at kami ni Sister Dickson ay paalis na sana kasama ang aming pamilya papunta sa Mexico nang sabihin sa akin ni Elder Richard G. Scott, na noon ay miyembro ng Seventy, ang tungkol sa espesyal na paghahayag na ito. Naalala kong napaluha ako habang ikinukuwento niya sa akin ang nangyari. Hindi ko mailarawan ang sayang nadama ko, dahil alam kong tama iyon at dumating na ang panahon para matamo ng buong sangkatauhan ang lahat ng ordenansa, tipan, at pagpapala ng ebanghelyo.
Halos 35 taon nang nakalipas iyon, at hindi ko akalain na makapaglilingkod ako bilang miyembro ng Seventy nang ilang taon sa Africa West Area ng Simbahan, sa kalipunan ng mga nananalig at matatapat na tao na nabago rin ang buhay dahil sa paghahayag noong 1978 tungkol sa priesthood. Nanirahan kami roon ni Sister Dickson nang apat na taon, at maganda ang naging karanasan namin at nagpabago ng aming buhay.
Bilang mamamayan, ang mga taga West Africa ay naniniwala sa Diyos, hindi nahihiya na ipahayag at ibahagi ang kanilang paniniwala sa iba, at mahusay sa pamumuno. Dumarating sila sa Simbahan nang daan-daan, at kada linggo o mahigit pa ilang mga ward o branch ang naitatatag sa ilang lugar sa Africa West Area na, sa halos lahat ng ito, pawang mayhawak na priesthood na Aprikano ang namumuno.
Sana makasama ninyo ang mga Banal sa templo sa Aba, Nigeria, o Accra, Ghana, kung saan madarama ninyo ang katapatan ng mga Banal at makilala ang mga temple presidency na pawang Aprikano. O sana ay maipakilala ko kayo sa mga African Area Seventy, na kasama natin ngayon dito sa Conference Center at sila ay mga abugado, propesor, at manedyer, o makilala ninyo ang mga lider na Aprikano ng ward at stake at kanilang pamilya.
Sa iba’t ibang lugar sa Africa, ang pagdalo sa Sunday School, auxiliary, o priesthood class ay isang sagradong karanasan, kung saan sinusunod ang kurikulum ng Simbahan at naroon ang malalim na pagkaunawa sa ebanghelyo, pagtuturo, at pagkatuto sa pamamagitan ng Espiritu.
Ang ebanghelyo sa Africa ay lumalaganap sa masasayang mamamayan na hindi iniisip ang panlabas na kaanyuan na nakakaapekto sa buhay ng maraming tao na nasa Kanluran. Hindi nila pinagtutuunan ang walang katapusang pagtatamo ng mga materyal na bagay.
Sinasabi tungkol sa mga Aprikano na sila ay may kakaunti ng mga bagay na walang gaanong halaga at taglay ang napakaraming bagay na pinakamahalaga. Hindi sila gaanong interesado sa mararangyang bahay at magagarang sasakyan ngunit malaki ang hangaring makilala ang kanilang Ama sa Langit at Kanyang Anak na si Jesucristo, at sa pagkakaroon ng walang hanggang pamilya. Dahil sa kanilang pananampalataya, pinalalakas sila ng Panginoon sa makabuluhang paraan.
Dahil sa pagkakakilala natin sa kanila, hindi na nakapagtataka na mahalaga silang bahagi ng paglawak ng Simbahan ni Jesucristo sa mga huling araw. Nang si Daniel, isang propeta sa Lumang Tipan, ay nagkaroon ng pangitain tungkol sa kaharian ng Diyos sa mga huling araw na “lalaganap hanggang sa mga dulo ng mundo, gaya ng [isang] batong tinibag mula sa bundok, hindi ng mga kamay ay lalaganap, hanggang sa mapuno nito ang buong mundo” (D at T 65:2), nararapat lamang na ang ating mabubuting kapatid sa Africa ay maging mahalagang bahagi ng pagsasakatuparan ng propesiyang ito at ang paghahayag nito ay ayon sa mga huwarang itinakda ng Panginoon.
Pinatototohanan ko na mahal ng ating Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang anak, na si Jesus ang Cristo, at para sa lahat ang ebanghelyo, kapwa sa buhay at sa patay. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.