2010–2019
Makibahagi sa Kasiglahan ng Gawain
Abril 2013


14:15

Makibahagi sa Kasiglahan ng Gawain

Pinasasalamatan ko ang Diyos at Kanyang Anak, si Jesucristo, para sa Panunumbalik at ang kapangyarihan nito na lumikha ng kamangha-manghang paglaganap ng katotohanan at kabutihan sa buong mundo.

Mahal kong mga kapatid, nakikiisa ako kay Pangulong Thomas S. Monson at sa iba pa sa pagpuri sa mga tumugon sa panawagan ng propeta na magkaroon ng mas marami pang karapat-dapat na missionary. Ngayon ang di-matatawarang ibayong kasiglahan sa gawaing-misyonero ay lumalaganap na sa buong mundo. Mula nang ipaalam ang makasaysayang pahayag ni Pangulong Monson noong nakaraang Oktubre, libu-libong elder, sister, at mag-asawa na ang tinawag, at marami pa ang naghahanda.1 Ngayon marami ang nagtatanong sa amin, “Ano ang gagawin ninyo sa lahat ng mga missionary na ito?” Simple lang ang sagot. Gagawin nila ang ginagawa ng mga missionary noon pa man. Ipapangaral nila ang ebanghelyo! Pagpapalain nila ang mga anak ng Makapangyarihang Diyos!

Marami pa sa inyong mga kabataan ang makakabahagi sa kasiglahang ito habang nagsisikap kayong maging karapat-dapat na tawaging magmisyon. Nakikita ninyo ito bilang paglaganap ng katotohanan at kabutihan. Nakikita ninyong ganap kayong bahagi ng pagpapalaganap na iyon.

Mga kabataan, sundin ang bago ninyong kurikulum at turuan ang isa’t isa ng doktrina ni Jesucristo. Ngayon ang panahon na maghandang turuan ang isa’t isa tungkol sa kabutihan ng Diyos.

Mga kabataan, laging mahalaga ang inyong edukasyon—sa amin, sa inyo, at sa Diyos. Hangga’t maaari, kung gusto ninyong mag-aral sa kolehiyo o unibersidad pagkatapos ng inyong misyon, hinihikayat namin kayong mag-enrol sa gusto ninyong eskwelahan bago magmisyon. Maraming kolehiyo o unibersidad ang nagbibigay ng 18–30 buwang pansamantalang pagpapaliban ng pag-aaral sa mga magmimisyon. Dahil dito makapaglilingkod kayo mga elder at sister nang hindi na inaalala pa kung saan kayo magkokolehiyo pagkatapos ng misyon. Pinasasalamatan natin ang mga namumuno sa mga institusyong pang-edukasyon na nagpaplano nang ganito!

Kayong mga magulang, guro, at iba pa, nakikibahagi kayo sa kasiglahan kapag inihahanda ninyo ang mga bagong henerasyon na maging karapat-dapat magmisyon. Samantala, ang mabuti ninyong pamumuhay ay mapapansin ng mga kaibigan at kapitbahay ninyo. Maging handang sagutin ang sinumang magtatanong kung bakit mabuti kayong namumuhay. Paghandaang makapagbigay ng dahilan sa pag-asa at kagalakang nakikita nila sa inyo.2 Kapag may mga ganyang tanong, maaari ninyong isagot: “Tanungin natin ang mga missionary! Matutulungan nila tayo! At kung gusto mo, sasamahan kita habang sinasagot at itinuturo ito sa iyo ng mga missionary.”

Mga nakatatanda, makibahagi sa pamamagitan ng pagtulong sa espirituwal, pisikal, at pinansyal na paghahanda ng mga magiging missionary. Ang pag-iipon ng pera ay bahagi na ng inyong paghahanda. Mga nakatatandang mag-asawa, planuhin ang araw na maaari na kayong magmisyon. Pasasalamatan namin nang lubos ang inyong paglilingkod. Bago sumapit iyon, marahil ilan sa inyo ay kaya pang magbigay ng pondo para sa General Missionary Fund, tulad nang iminungkahing muli ni Pangulong Monson kaninang umaga.3

Ang lumalaking bilang ng mga piniling kalalakihan at kanilang minamahal na kabiyak ay nakikibahagi rin kapag tinatawag silang mangulo sa mga misyon ng Simbahan. Sa paglilingkod na iyan, hinuhubog nila ang tadhana ng mga henerasyon na isinilang at hindi pa isinisilang. Responsibilidad ng mga pangulo ng misyon ang kapakanan, kaligtasan, at tagumpay ng kanilang mga missionary. Matapos makipag-ugnayan sa mga stake at district president sa kanyang misyon, itinatalaga ng bawat mission president ang mga missionary na magligkod sa partikular na mga stake, ward, at branch.

Nakikibahagi ang mga stake president at bishop sa kasiglahan kapag nag-uukol sila ng mas maraming oras sa pag-interbyu ng mga magiging missionary. Ang mga lider ng priesthood na ito ang may hawak ng mga susi at responsibilidad sa gawaing misyonero sa kanilang mga unit, at hinihikayat ang mga miyembro na makibahagi.

Ang mga kapatid sa bawat ward council ay nagsisimula nang makibahagi sa kasiglahan ng gawain. Sa council na iyan ay naroon ang ward mission leader.4 Gusto kong magsalita lalung-lalo na sa inyo na mga ward mission leader. Tinawag kayo ng inyong mga bishop na pamunuan ang gawaing-misyonero sa ward. At ilan sa inyo ay napakaraming nagagawa kaya kinailangang tumawag ng assistant na tutulong sa inyo. Kasama ang iba pang miyembro ng ward council, inaalam ninyo kung sino ang hindi na gaanong aktibong mga miyembro, mga nag-iisang miyembro lang sa pamilya, at mga kapitbahay na interesadong maturuan. Regular kayong nakikipagpulong sa mga full-time missionary. Pinapayuhan at tinutulungan ninyo ang mga missionary. Mangyaring tulungan sila na mapuno ang kanilang mga daily planner at bigyan sila ng oportunidad na magamit ang oras nila sa mahalagang pagtuturo. Ito ay responsibilidad ninyo. Napakahalaga ng papel ninyo sa ikatatagumpay ng gawaing ito. Kung makikibahagi kayo nang may pananampalataya at sigla, ganoon din ang gagawin ng iba. Kayo, bilang ward mission leader, ang nag-uugnay sa mga miyembro at missionary sa sagradong gawaing ito ng pagsagip sa mga anak ng Diyos.5

Ang mga nagtatanong na mga kaibigan at kapitbahay natin na hindi miyembro ay maaari ding makabahagi. Hinihikayat natin silang panatilihin ang lahat ng mabuti at totoo sa kanilang buhay. At inaanyayahan natin silang tumanggap pa, lalo na ng maluwalhating katotohanan na sa pamamagitan ng walang hanggang plano ng Diyos, maaaring magkasama nang walang hanggan ang pamilya.6

Ang kasiglahang ito sa kabutihan at katotohanan ay kamangha-mangha! Hindi ito gawa ng tao! Nagmula ito sa Panginoon, na nagsabi, “Aking mamadaliin ang aking gawain sa panahon nito.”7 Ang kasiglahang ito ay pinatindi pa ng sagradong pahayag 193 taon na ang nakalipas. Binubuo lang ito ng walong salita: “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”8 Sinambit ng Pinakamakapangyarihang Diyos, ang pahayag na iyan ay nagpakilala sa batang si Joseph Smith sa Panginoong Jesucristo. Ang walong salitang iyon ay nagpasimula sa Panunumbalik ng Kanyang ebanghelyo. Bakit? Dahil ang ating buhay na Diyos ay mapagmahal na Diyos! Nais Niyang makilala ng Kanyang mga anak kung sino Siya at si Jesucristo, na Kanyang sinugo!9 At gusto Niyang magtamo ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ang Kanyang mga anak!10

Dahil sa maluwalhating layuning ito, itinuturo ng ating mga missionary ang Panunumbalik. Alam nila na mga 2,000 taon na ang nakalipas, itinatag ng Panginoon ang Kanyang Simbahan. Matapos ang Kanyang Pagkapako sa krus at ang kamatayan ng Kanyang mga Apostol, binago ng mga tao ang Simbahan at ang doktrina nito. At, sa paglipas ng maraming henerasyon ng espirituwal na kadiliman, tulad ng ipinropesiya ng mga naunang propeta,11 ipinanumbalik ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang Simbahan, ang doktrina nito, at ang awtoridad ng priesthood. Dahil sa Panunumbalik na iyan, ang kaalaman at mahahalagang ordenansa para sa kaligtasan at kadakilaan ay muling matatanggap ng lahat ng tao.12 Sa huli, ang kadakilaang iyan ay magtutulot sa atin na manahan kasama ang ating pamilya sa kinaroroonan ng Diyos at ni Jesucristo magpakailanman!

Tuwing babanggitin ko ang Panunumbalik napupuspos ako ng galak. Ang tunay na pangyayaring ito ay talaga namang kagila-gilalas! Kamangha-mangha! Makapigil-hininga! Gaano kagila-gilalas ito na pati ang mga sugo ng langit ay dumating upang bigyan ng awtoridad at kapangyarihan ang gawaing ito?

Ang ating Walang Hanggang Ama sa Langit at si Jesucristo ay maraming beses na nagpakita kay Propetang Joseph Smith.13 Sa tagubilin nila, dumating ang iba pang mga sugo ng langit, na bawat isa ay may partikular na layunin. Halimbawa:

  • Inihayag ng anghel na si Moroni ang Aklat ni Mormon.14

  • Ipinanumbalik ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood.15

  • Ipinanumbalik nina Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek Priesthood.16

  • Ipinagkaloob ni Moises ang mga susi para sa pagtitipon ng Israel.17

  • Ipinagkaloob ni Elias ang mga susi ng kaalaman tungkol kay Abraham.18

  • Ipinanumbalik ni Elijah ang mga susi ng awtoridad para sa pagbubuklod.19

Bukod pa riyan, ang Panunumbalik ay nagdagdag sa kaalaman ng mga sinaunang Banal. Nagbigay ang Panginoon ng bagong aklat ng mga banal na kasulatan. Sa Banal na Biblia, idinagdag Niya ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo. Ito ay talaan ng mga propesiya at ministeryo ng nabuhay na mag-uling Panginoon sa mga tao sa sinaunang Amerika. Ipinaliliwanag nito ang dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos20—ang plano ng kaligtasan.21 Ang Aklat ni Mormon ay ganap na sumasang-ayon sa Biblia. Parehong pinatutunayan ng mga sagradong talang ito ang katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang kahalagahan ng Kanyang Pagbabayad-sala.22

Ang Panunumbalik ang nagsasakatuparan ng maraming propesiya sa Biblia. Halimbawa, ipinropesiya ni Isaias na ang bahay ng Panginoon ay matatatag sa mga taluktok ng bundok.23 Ang paglalakbay ng mga Mormon pioneer sa mga kabundukan ng kanluraning Amerika ay mahalagang pangyayari ng sakripisyo at pananampalataya na katuparan ng propesiya. Ipinropesiya rin ni Isaias na ang Diyos ay gagawa ng “isang kagilagilalas na gawa at kamanghamangha.”24 Naisasakatuparan na iyan ngayon sa pamamagitan ng sagradong gawain ng ating lumalaking bilang ng mga missionary.

Ang turo ng Lumang Tipan tungkol sa ikapu ay naipanumbalik.25 Bunga nito, napagpapala ang mas marami pang nagbabayad ng ikapu dahil sa kanilang pagsunod. Ang mga tala tungkol kay Melquisedec ay ipinaliwanag ng mga banal na kasulatan ng Panunumbalik.26 Ang mga propesiya na ang tungkod ng Jose (Ang Aklat ni Mormon) at ang tungkod ng Juda (ang Biblia) ay magiging isa sa mga kamay ng Diyos ay natupad na.27

Ang Panunumbalik ay nagpapaliwanag din ng mga tala sa Bagong Tipan. Ang paliwanag nito tungkol sa binyag para sa mga patay ay mas nauunawaan na ngayon.28 Ang mga ordenansa para sa ating mga namatay na ninuno ay isinasagawa na ngayon sa 141 templo sa iba’t ibang panig ng mundo! Wala nang ibang paraan para maibigay ang kaligtasan sa ating namatay na mga ninuno na hindi nakaalam ng ebanghelyo!29 Ang pangitain ni Juan na Tagapaghayag tungkol sa “ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa,” ay nagsabi ng magiging misyon ng anghel na si Moroni at ng Aklat ni Momon.30

Ang Aklat ni Mormon ay mahalagang bahagi ng Panunumbalik. Ito ay isinulat, iningatan, at ipinasa sa ilalim ng patnubay ng Panginoon. Ito ay isinalin “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.”31 Ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng karagdagang mga paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith. Sa pamamagitan niya, nakatanggap tayo ng mas maraming pahina ng mga banal na kasulatan kaysa sa natanggap natin sa iba pang mga propeta. Sa isang sandaling tila nagninilay-nilay siya, sinabi niya sa mga Banal sa Nauvoo, Illinois, “Kahit kailan hindi ko sinabi sa inyong perpekto ako; ngunit walang mali sa paghahayag na itinuturo ko.”32

Ang mga miyembro at mga missionary ay magkakasamang inaanyayahan ang lahat na matuto tungkol sa Diyos, kay Jesucristo, at sa Kanyang ebanghelyo. Bawat taong nagtatanong ay dapat taimtim na maghanap at buong pusong ipagdasal na matanggap ang katiyakang totoo ang mga bagay na ito. Ang katotohanan ay ipapakita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.33

Pinasasalamatan ko ang Diyos at Kanyang Anak, si Jesucristo, para sa Panunumbalik at ang kapangyarihan nito na lumikha ng kamangha-manghang paglaganap ng katotohanan at kabutihan sa buong mundo. Nawa’y makibahagi tayo sa gawaing ito at isakatuparan ang utos ng Panginoon na dalhin ang ebanghelyo sa “bawat bansa, at lahi, at wika, at tao,”34 ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.