2010–2019
Pagsasama ng Mag-asawa: Magmasid at Matuto
Abril 2013


10:39

Pagsasama ng Mag-asawa: Magmasid at Matuto

Ang mga pangako ng Panginoon ay ibinibigay sa lahat ng sumusunod sa huwaran ng buhay na lumilikha ng masaya at banal na pagsasama ng mag-asawa.

Isang gabi ilang taon na ang nakararaan, kaming mag-asawa ay pumunta sa tahanan ng isa sa mga anak naming lalaki at kanyang asawa at mga anak para doon maghapunan. Karaniwang nangyayari ito sa isang pamilya na may maliliit na anak: maingay ngunit masaya. Matapos kumain, kami ni Anna, ang apat na taong gulang na apo namin, ay nakaupo pa rin sa may hapag-kainan. Napansin na kami na lang ang naroon, tumayo siya nang tuwid sa upuan at tinitigan ako. Nang tiyak niyang nakatingin na ako sa kanya, seryoso niyang sinabi sa akin na “manood at matuto.” At saka siya sumayaw at kumanta para sa akin.

Ang sinabi ni Anna na “manood at matuto” ay karunungang mula sa isang bata. Maaaring marami tayong matutuhan sa panonood o pagmamasid at pagkatapos ay pag-isipan ang nakita at nadama natin. Sa bagay na iyan, ibabahagi ko sa inyo ang ilang mga alituntuning naoserbahan ko sa pagmamasid at natutuhan mula sa mga kahanga-hanga at matatapat na pagsasama ng mag-asawa. Ang mga alituntuning ito ay lumilikha ng matibay at masayang pamilya na tugma sa mga alituntunin ng langit. Inaanyayahan ko kayo na magmasid at matuto kasama ko.

Una, naobserbahan ko na sa pinakamasayang pamilya, itinuturing ng mag-asawa ang kanilang relasyon na isang napakahalagang perlas na walang katumbas, isang kayamanan na walang hanggan ang kahalagahan. Kapwa nila nililisan ang kanilang mga ama at mga ina, at nagsasama upang bumuo ng pamilya na uunlad tungo sa kawalang-hanggan. Nauunawaan nila na lumalakad sila sa isang banal at inorden na landas. Alam nila na wala nang iba pang uri ng ugnayan ang makapagdudulot ng malaking kagalakan, magpapaibayo ng higit na kabutihan, o higit na kadalisayan ng sarili. Magmasid at matuto: para sa pinakamahusay na mag-asawa ang kanilang kasal ang pinakamahalaga.

Ikalawa, pananampalataya. Ang mga matagumpay na buhay mag-asawa ay itinatag sa pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo.1 Naobserbahan ko na kaya naging napakahalaga sa mga mag-asawa ang kanilang pagsasama ay dahil ginagawa nila ang mga huwaran ng pananampalataya: dumadalo sila sa sacrament at iba pang mga pulong linggu-linggo, nagpa-family home evening, nagdarasal at pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan nang indibiduwal at nang magkasama, at nagbabayad nang buong ikapu. Ang mithiin nilang dalawa ay maging masunurin at mabuti. Hindi nila ikinukumpara ang mga kautusan sa isang buffet na maaari nilang piliin ang gusto lamang nilang sundin.

Ang pananampalataya ay pundasyon ng lahat ng kabutihan na nagpapatibay sa mag-asawa. Ang pagpapalakas sa pananampalataya ay nagpapatibay sa mag-asawa. Lumalakas ang pananampalataya kapag sinusunod natin ang mga kautusan, at gayundin ang pagkakaisa at kagalakan sa pagsasama ng mag-asawa. Kaya’t napakahalagang sundin ang mga kautusan para tumibay ang walang hanggang pagsasama ng mag-asawa. Magmasid at matuto: ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ay ang pundasyon ng masaya at walang hanggang pagsasama ng mag-asawa.

Ikatlo, pagsisisi. Natutuhan ko na ang masayang pamilya ay nakasalig sa kaloob na pagsisisi. Ito ay mahalagang bahagi ng bawat mabuting pagsasama ng mag-asawa. Ang asawa na regular at matapat na sinusuri ang sarili at kaagad ginagawa ang nararapat para magsisi at bumuti ay nagkakaroon ng masayang pamilya. Nakatutulong ang pagsisisi upang maibalik at mapanatili ang pagkakaisa at kapayapaan.

Ang pagpapakumbaba ay pinakamahalagang bahagi ng pagsisisi. Ang pagpapakumbaba ay pagpaparaya, hindi sakim. Hindi nito ipinipilit ang sariling paraan o hindi nagmamagaling. Sa halip, ang taong mapagkumbaba ay malubay sumagot2 at magiliw na nakikinig para umunawa, hindi para humusga. Nauunawaan niya na walang taong makapagpapabago sa iba, ngunit sa pamamagitan ng pananampalataya, pagsisikap at tulong ng Diyos, maaari nating maranasan ang malaking pagbabago ng sarili nating puso.3 Kapag nararanasan natin ang malaking pagbabago ng puso, tatratuhin natin ng may kababaang loob ang iba, lalo na ang ating asawa.4 Ang pagpapakumbaba ay nangangahulugang hinahangad ng mag-asawa na pagpalain, tulungan, at pasiglahin ang isa’t isa, inuuna ang asawa sa bawat pagpapasya. Magmasid at matuto: ang pagsisisi at pagpapakumbaba ay lumilikha ng masayang pagsasama ng mag-asawa.

Ikaapat, paggalang. Naobserbahan ko na sa mga kahanga-hanga at masasayang pagsasama ng mag-asawa, itinuturing nila ang isa’t isa na kanilang kapantay. Ang mga pag-uugaling mula sa alinmang lugar o alinmang panahon kung saan dinodomina ng kalalakihan ang kanilang mga asawa o minamaliit sila ay hindi sumusunod sa banal na batas at dapat palitan na ito ng tamang mga alituntunin at mabuting pag-uugali.

Ang mga mag-asawang may magandang pagsasama ay nagkakaisa sa pagpapasya, na bawat isa ay nakikibahagi at may karapatang sabihin ang kanyang opinyon at tumulong sa pagpapasya.5 Sila ay nagtutuon muna sa pamilya at sa pagtulong sa isa’t isa sa mga responsibilidad sa buhay.6 Ang kanilang pagsasama ay batay sa pagtutulungan, hindi sa negosasyon. Ang oras ng pagkain at oras para sa pamilya ang nagiging pinakamahalagang bahagi ng kanilang panahon at ang pinagtutuunan ng kanilang pagsisikap. Pinapatay nila ang mga electronic device at itinitigil ang sariling paglilibang upang tumulong sa mga gawaing-bahay. Hangga’t maaari, binabasahan nila ang kanilang mga anak tuwing gabi at dalawa silang nagpapatulog sa maliliit na anak. Sabay silang natutulog. Kung itutulot ng kanilang tungkulin at kalagayan, ang mag-asawa ay nagtutulungan sa paggawa ng pinakamahalagang gawain—ang gawaing ginagawa natin sa ating sariling tahanan.

Kung may paggalang, naroon din ang katapatan, na siyang mahalagang bagay sa masayang pagsasama ng mag-asawa. Walang mga sikreto sa isa’t isa ang mag-asawa kapag may paggalang at katapatan. Magkasama ang mag-asawa sa paggawa ng lahat ng desisyon tungkol sa pananalapi, at kapwa may access sa lahat ng impormasyon.

Ang katapatan ay isang uri ng paggalang. Itinuturo ng mga propeta na ang matagumpay na mag-asawa ay “lubos na tapat” sa isa’t isa.7 Makabuluhan nilang ginagamit ang social media sa lahat ng paraan. Hindi sila naglilihim sa paggamit ng Internet. Ipinapaalam nila sa isa’t isa ang kanilang mga social network password. Hindi sila tumitingin sa mga online profile ng sinuman kahit sa anumang paraan na maaaring makasira sa pagtitiwala ng kanilang asawa. Hindi sila gumagawa o nagsasabi ng anumang bagay na hindi mabuti, sa Internet man o nang harapan. Magmasid at matuto: ang kahanga-hangang mag-asawa ay lubos na may paggalang, at katapatan sa isa’t isa.

Ikalima, pag-ibig. Ang pinakamasayang pagsasama ng mag-asawa ay bunga ng pagsunod sa isa sa pinakamasayang kautusan—na tayo ay “mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig.”8 Nangungusap sa mga kalalakihan, iniutos ng Panginoon, “Inyong mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso, at pumisan sa kanya at wala nang iba.”9 Itinuturo sa hanbuk ng Simbahan: “Ang ibig sabihin ng salitang pumisan ay lubos na maging tapat sa isang tao. Ang mag-asawa ay pumipisan sa Diyos at sa isa’t isa sa pamamagitan ng paglilingkod at pagmamahal sa isa’t isa at pagtupad sa mga tipan nang may lubos na katapatan sa isa’t isa at sa Diyos”. “Iniiwan ng [mag-asawa] ang buhay nila noong sila ay binata o dalaga pa at inuuna nila ang kanilang pamilya. … Hindi nila hinahayaang maging mas priyoridad nila ang ibang tao o bagay … kaysa pagtupad sa mga tipan na ginawa nila sa Diyos at sa isa’t isa.”10 Magmasid at matuto: ang matagumpay na mag-asawa ay nagmamahalan at lubos na tapat sa isa’t isa.

May mga tao na hindi gaanong masaya sa kanilang buhay may-asawa tulad ng nais sana nilang mangyari, at mayroon ding hindi nakapag-asawa, nakipagdiborsiyo, mga single parent, o sa iba’t ibang kadahilanan ay hindi maaaring mag-asawa. Ang mga kalagayang ito ay maaaring puno ng hamon at pighati, ngunit may katapusan ito. Sa inyo na nasa ganitong kalagayan at gayunpaman ay “malugod na ginagawa ang lahat ng bagay sa abot ng [inyong] makakaya”11 upang makapagtiis, nawa ay lubos kayong pagpalain ng langit. Hangaring magkaroon ng walang hanggang pamilya, magsikap o maghandang maging karapat-dapat na asawa. Sundin ang mga kautusan, at manalig sa Panginoon at sa Kanyang walang maliw na pagmamahal sa inyo. Balang araw bawat ipinangakong pagpapala na may kaugnayan sa pag-aasawa ay mapapasainyo.12

Isinasaad sa isa sa pinakamagandang mga talata sa Aklat ni Mormon, “At sila ay nag-asawa, at ibinigay sa pag-aasawa, at pinagpala alinsunod sa maraming pangakong ginawa ng Panginoon sa kanila.”13 Ang mga pangako ng Panginoon ay ibinibigay sa lahat ng sumusunod sa huwaran ng buhay na lumilikha ng masaya, at banal na pagsasama ng mag-asawa. Ang gayong mga pagpapala ay dumarating bilang kasiya-siya at inaasahang bunga sa matapat na pamumuhay sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Nagpapasalamat ako sa aking mabait na asawa na si Kathy, na pinakamamahal ko.

Ang kasal ay kaloob ng Diyos sa atin; ang uri ng pagsasama ng mag-asawa ay regalo natin sa Kanya. Pinatototohanan ko ang kahanga-hangang plano ng ating mapagmahal na Ama sa langit, na naglaan para sa walang hanggan at napakasayang pagsasama ng mag-asawa. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.