2010–2019
Pagbati sa Kumperensya
Abril 2013


4:29

Pagbati sa Kumperensya

Hinihikayat ko kayo na makinig na mabuti at unawain ang mga mensahe na maririnig natin. Dalangin ko na magawa natin iyan.

Mahal kong mga kapatid, malugod ko kayong binabati sa ika-183 Taunang Pangkalahatang Kumperensya ng Simbahan.

Sa loob ng anim na buwan mula noong huli tayong magkita, nakapagbiyahe ako at nakabisita at nakipagpulong sa ilan sa inyo sa inyong lugar. Pagkatapos ng pangkalahatang kumperensya noong Oktubre, pumunta ako sa Germany, at nakipagpulong ako sa ating mga miyembro sa ilang lugar sa bansang iyan at sa ilang bahagi ng Austria.

Noong katapusan ng Oktubre, inilaan ko ang Calgary Alberta Temple sa Canada, kasama sina Elder at Sister M. Russell Ballard, Elder at Sister Craig C. Christensen, at Elder at Sister William R. Walker. Noong Nobyembre, muli kong inilaan ang Boise Idaho Temple. Kasama ko rito at nakibahagi sa paglalaan sina Elder at Sister David A. Bednar, Elder at Sister Craig C. Christensen, at Elder at Sister William R. Walker.

Ang kultural na pagdiriwang na ginanap sa dalawang paglalaan na ito ay napakaganda. Hindi ko personal na napuntahan ang kultural na pagdiriwang sa Calgary, dahil ito ay ika-85 kaarawan ni Sister Monson at nadama kong dapat kasama niya ako. Gayunpaman, nagkaroon kami ng pagkakataon na mapanood ang pagdiriwang sa telebisyon, at nag-eroplano ako papunta sa Calgary kinabukasan para sa paglalaan. Sa Boise mahigit 9,000 kabataan mula sa temple district ang nakibahagi sa kultural na pagdiriwang. Napakaraming kasaling kabataan kaya wala nang lugar para sa miyembro ng pamilya na dumalo sa lugar na pinagtanghalan nila.

Noong isang buwan si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, kasama sina Sister Uchtdorf, Elder at Sister Jeffrey R. Holland, at Elder at Sister Gregory A. Schwitzer, ay nagpunta sa Tegucigalpa, Honduras para ilaan ang bagong tayong templo roon. Isang napakagandang pagtatanghal ng mga kabataan ang ginanap sa gabi bago ang paglalaan.

May iba pang mga templo na ibinalita na at inuumpisahan nang itayo o kasalukuyan nang itinatayo.

Pribilehiyo ko sa umagang ito na ibalita ang dalawa pang templo, na sa darating na mga buwan at taon ay itatayo sa mga lugar na ito: Cedar City, Utah, at Rio de Janeiro, Brazil. Mga kapatid, patuloy at mabilis ang pagtatayo ng mga templo.

Tulad ng alam ninyo, sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre ay ibinalita ko ang pagbabago sa edad ng pagpunta sa misyon ng mga kabataang lalaki at babae, ang mga lalaki ay makapaglilingkod na sa edad na 18 at ang mga babae sa edad na 19.

Ang tugon ng ating mga kabataan ay kahanga-hanga at nagpapasigla. Nitong Abril 4—dalawang araw na ang nakakalipas—tayo ay may 65,634 na mga full-time missionary na naglilingkod, mahigit 20,000 pa ang nakatanggap na ng kanilang mission call pero hindi pa pumapasok sa missionary training center at mahigit 6,000 pa ang kasalukuyang iniinterbyu ng kanilang mga bishop at stake president. Kinakailangan nating magkaroon ng 58 bagong mission para sa tumataas na bilang ng mga missionary.

Upang mapanatili ang malaking puwersang ito ng missionary, at dahil karamihan sa ating mga missionary ay mula sa mga pamilyang katamtaman ang kinikita, inaanyayahan namin kayo, kung kaya ninyo, na buong pusong magbigay sa General Missionary Fund ng Simbahan.

Ngayon, mga kapatid, maririnig natin ang inspiradong mga mensahe ngayon at bukas. Ang mga magsasalita sa atin ay taimtim na nanalangin upang malaman ang nais ng Panginoon na marinig natin sa pagkakataong ito.

Hinihikayat ko kayo na makinig na mabuti at unawain ang mga mensahe na maririnig natin. Dalangin ko na magawa natin iyan sa pangalan ni Jesucristo, ang Panginoon, amen.