Kami ay mga Anak na Babae ng Aming Ama sa Langit
Bilang mga anak na babae ng Diyos, bawat isa sa atin ay kakaiba sa ating mga kalagayan at karanasan. Gayunman mahalaga ang ating bahagi—dahil mahalaga tayo.
Bawat linggo inuulit ng mga kabataang babae sa buong mundo ang Young Women theme. Anumang wika ito, sa tuwing maririnig ko ang mga salitang, “Kami ay mga anak na babae ng aming Ama sa Langit, na nagmamahal sa amin, at mahal namin Siya,”1 pinagtitibay ng Espiritu sa aking kaluluwa na totoo ito. Hindi lamang ito pagpapatibay ng ating identidad—kung sino tayo—kundi pagkilala rin kung kanino tayo mga anak. Tayo ay mga anak na babae ng isang dakilang nilalang!
Sa bawat bansa at kontinente, may nakikilala akong mahuhusay na kabataang babae na puno ng liwanag, na dinalisay ng masipag na paggawa at pagsubok, nagtataglay ng dalisay at simpleng pananampalataya. Sila ay marangal. Sila ay tumutupad sa tipan na “tatayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar.”2 Alam nila kung sino sila at na mahalaga ang kanilang papel sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Noong nasa kolehiyo ako, miyembro ako ng BYU International Folk Dancers. Isang tag-init, nagkaroon ang grupo namin ng pambihirang pagkakataon na maglibot sa mga misyon sa Europe. Nahirapan ako nang tag-init na iyon dahil ilang buwan pa lang ang nakalipas nang biglang pumanaw ang aking ama. Habang nasa Scotland kami, dama kong nag-iisa ako at pinanghinaan ako ng loob. Sumayaw kami nang gabing iyon sa isang chapel, at pagkatapos naming magtanghal nagpunta kami sa katabing mission home. Habang naglalakad ako, nakita ko ang isang bato na nasa magandang halamanan malapit sa pasukan. Nabasa ko roon ang mga salitang, “Anuman ang tungkulin mo, gampanang mabuti ito.” Nang sandaling iyon tumimo ang mga salita sa puso ko, at nadama ko ang kapangyarihan ng langit na nagbigay sa akin ng mensahe. Alam kong kilala ako ng mapagmahal na Ama sa Langit. Dama kong hindi ako nag-iisa. Tumayo ako sa halamanan nang lumuluha. “Anuman ang tungkulin mo, gampanang mabuti ito.” Sa simpleng pangungusap na iyon ay natanto kong kilala ako ng Ama sa Langit at may plano siya sa buhay ko, at tinulungan ako ng diwang nadama ko na maunawaan na mahalagang bahagi ako.
Kalaunan nalaman ko na ang sawikaing ito ay nakahikayat sa propetang si David O. McKay noong bata pa siyang missionary sa Scotland. Nakita niya ito sa isang bato sa isang gusali noong pinanghihinaan siya ng loob sa kanyang misyon, at nagbigay-sigla sa kanya ang mga salita. Makalipas ang ilang taon, nang ginigiba na ang gusali, may kinausap siya para makuha niya ang bato at inilagay ito sa halamanan sa mission.3
Bilang mga anak na babae ng Diyos, bawat isa sa atin ay kakaiba sa ating mga kalagayan at karanasan. Gayunman mahalaga ang ating bahagi—dahil mahalaga tayo. Ang kontribusyon natin sa araw-araw na pangangalaga, pagtuturo, at pag-aaruga sa iba ay maaaring tila pangkaraniwan, hindi pansin, mahirap, at nakakaaba kung minsan, gayunman kapag naalala natin ang unang linya sa Young Women theme—“Kami ay mga anak na babae ng aming Ama sa Langit, na nagmamahal sa amin”—mag-iiba ang ating pakikipag-ugnayan at pagtugon.
Ang kahanga-hanga kong ina na 92-taong gulang ay pumanaw na kamakailan. Nilisan niya ang buhay na ito sa mundo gaya ng pamumuhay niya rito—nang tahimik. Ang buhay niya ay hindi gaya ng naiplano niya. Ang asawa niya, na tatay ko, ay namatay noong 45 anyos ito, at naiwan kay Inay ang tatlong anak—ako at ang dalawang kapatid kong lalaki. Siya ay 47 taong namuhay bilang balo. Itinaguyod niya ang aming pamilya sa pagtuturo sa paaralan sa maghapon at pagtuturo ng piano lesson sa gabi. Inalagaan niya ang may-edad niyang ama, na lolo ko, na kapitbahay namin. Tiniyak niya na bawat isa sa amin ay makakatapos ng kolehiyo. Katunayan, sinikap niya itong gawin para kami ay maging “mga tagaambag.” At hindi siya nagreklamo kahit kailan. Tinupad niya ang kanyang mga tipan, at dahil ginawa niya ito, nakasamo siya sa kapangyarihan ng langit na pagpalain ang aming tahanan at magpadala ng mga himala. Umasa siya sa bisa ng panalangin, priesthood, at mga pangako ng tipan. Matapat siyang naglingkod sa Panginoon. Ang kanyang katatagan ang nagpalakas sa amin, na kanyang mga anak. Madalas niyang banggitin ang banal na kasulatang: “Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako.”4 Iyan ang kanyang motto, at alam niyang totoo ito. Naunawaan niya ang ibig sabihin ng pagtupad ng tipan. Hindi siya kailanman nakilala ng daigdig. Ayaw niya iyon. Naunawaan niya kung sino siya at kanino siya anak—siya ay anak ng Diyos. Tunay na masasabing ginampanang mabuti ng aming ina ang kanyang papel.
Tungkol sa kababaihan at mga ina, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
“Hindi natin dapat kalimutan ang lakas ng kababaihan. … Mga ina ang pinaka-direktang umiimpluwensya sa buhay ng kanilang mga anak. … Ang mga ina ang nag-aalaga at nagpapalaki sa kanila sa paraan ng Panginoon. Napakahalaga ng impluwensya nila. …
“… Sila ang lumilikha ng buhay. Sila ang tagapag-alaga ng mga bata. Sila ang mga guro ng mga dalagita. Hindi tayo mabubuhay kung wala sila. Sila ang ating katuwang sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Napakadakila ng kanilang papel, napakalaki ng kanilang kontribusyon.”5
Paano maikikintal ng isang ina o ama sa kanilang anak na babae ang nagpapadakila at walang hanggang katotohanan na siya ay anak ng Diyos? Paano natin siya tutulungang iwan ang mundo at lumapit pa sa kaharian ng Diyos?
Sa mundong nawawalan na ng kagandahang-asal, kailangan ng mga dalagita ng kababaihan at kalalakihan na “[tatayong] mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar.” Higit kailanman, ngayon ito mas mahalaga. Kailangan ng mga dalagita ng mga ina at tagapagturo na huwaran ng mabuting pagkababae. Mga ina, ang inyong kaugnayan sa inyong anak na babae ang pinakamahalaga, at gayundin ang inyong halimbawa. Ang paraan ng inyong pagmamahal at paggalang sa kanyang ama, sa kanyang priesthood, at sa kanyang banal na papel ay mababanaag at marahil makikitang mabuti sa saloobin at pag-uugali ng inyong anak na babae.
Ano ba ang bahaging iyon na dapat nating “gampanang mabuti”? Malinaw ang nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak:
“Sa plano ng Diyos, ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan para sa mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak. Ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga sa kanilang mga anak. Sa mga banal na tungkuling ito, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan. …
“Kami ay nagbababala na ang mga taong lumalabag sa mga tipan ng kalinisang-puri, nang-aabuso ng asawa o anak, o bigo sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin sa mag-anak ay mananagot balang-araw sa harap ng Diyos.”6
Sa imoral na lipunan noong panahon ni Mormon, nalungkot siya nang labis dahil ninakaw sa kababaihan ang pinakamahal at pinakamahalaga sa ibabaw ng lahat ng bagay—ang kanilang puri at karangalan.7
Muli, nananawagan ako na ibalik ang kabanalan. Ang kabanalan ay kalakasan at kapangyarihan ng mga anak na babae ng Diyos. Ano ang mangyayari sa mundo kung ang kabanalan—nakaugaliang kaisipan at pag-uugali na naaayon sa matataas na pamantayan ng moralidad, kabilang ang kalinisang-puri8—ay muling bibigyan ng napakalaking pagpapahalaga sa ating lipunan? Kung ang imoralidad, pornograpiya, at pang-aabuso ay mababawasan, magiging mas kaunti ba ang mga mag-asawang naghihiwalay, nasisirang buhay, at pusong nasasaktan? Maipagkakapuri at maitataas ba ng media sa halip na pasamain at pababain ang pagkatao ng minamahal na mga anak na babae ng Diyos? Kung talagang nauunawaan ng sangkatauhan ang kahalagahan ng pahayag na “Kami ay mga anak na babae ng aming Ama sa Langit,” paano kaya ituturing at pakikitunguhan ang kababaihan?
Ilang taon na ang nakalipas, nang itinatayo at malapit nang matapos ang Conference Center na ito, pumasok ako sa sagradong gusaling ito sa balcony level na nakasumbrero at salamin, handang i-vacuum ang karpet na pinagtulungan nilang ilatag katulong ang asawa ko. Dito sa kinalalagyan ngayon ng pulpito ay dating may loader o maliit na traktora na naghahakot ng kalat, at makapal noon ang alikabok sa gusaling ito. Sa huli, napupunta ang alikabok sa bagong karpet. Ako ang taga-vacuum. Kaya’t patuloy akong nag-vacuum nang nag-vacuum. Pagkaraan ng tatlong araw ayaw nang gumana ng munting vacuum ko!
Nang hapong iyon bago ang unang pangkalahatang kumperensya sa maganda at bagong gusaling ito, tinawag ako ng aking asawa. Ilalagay na niya ang huling piraso ng karpet—sa ilalim nitong makasaysayang pulpito.
Tanong niya, “Ano kayang banal na kasulatan ang isusulat ko sa likod nitong karpet?”
At sinabi kong, “Mosias 18:9: ‘Tumayo bilang … saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay at sa lahat ng lugar.’”
Sa panahong ito na puno ng hamon, iyan ang ginagawa ng mga dalagita at ng lahat ng kababaihan ng Simbahang ito. Sila ay impluwensya sa kabutihan. Sila ay mabubuti at magandang huwaran, matatalino at masisipag. Gumagawa sila ng kaibhan dahil sila ay kakaiba. Ginagampanan nilang mabuti ang kanilang bahagi.
Maraming taon na ang lumipas, noong bina-vacuum ko ang karpet na ito—sinisikap na gawin ang munting bahagi ko—hindi ko alam na isang araw ay tutuntong ako sa karpet na nasa ilalim nitong pulpito.
Ngayon bilang anak ng Diyos, ako ay tumatayo bilang saksi na ang Diyos ay buhay. Si Jesus ang Cristo. Siya ang ating Manunubos. Sa pamamagitan ng Kanyang walang-hanggang pagbabayad-sala ay makababalik ako balang-araw sa Kanyang piling—napatunayang marapat, dalisay, at nabuklod sa isang walang-hanggang pamilya. Lagi ko Siyang pupurihin sa pribilehiyo ko na maging isang babae, asawa, at ina. Nagpapatotoo ako na pinamumunuan tayo ng isang propeta ng Diyos, si Pangulong Thomas S. Monson, at nagpapasalamat ako sa mabubuting kalalakihan, na ang taglay na kapangyarihan ng priesthood ay nagpapala sa aking buhay. At lagi akong magpapasalamat sa kalakasan na natatanggap ko sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas habang patuloy kong sinisikap na “gampanang mabuti ang [aking] bahagi.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.