Ang Pagsunod sa Batas ay Kalayaan
Tinanggap ng kalalakihan at kababaihan ang kanilang kalayaang pumili bilang kaloob mula sa Diyos, ngunit ang kanilang kalayaan at, ang ibinunga niyon, na kanilang walang hanggang kaligayahan ay mula sa pagsunod sa Kanyang mga batas.
Nakatanggap ako ng espesyal na regalo noong nakaraang Pasko na nagbalik ng maraming alaala. Ibinigay ito sa akin ng pamangkin kong babae. Isa ito sa mga bagay na iniwan ko sa lumang bahay namin nang mag-asawa ako at lumipat ng tirahan. Ang maliit at kulay brown na aklat na ito ang regalong iyon. Ito ang aklat na ibinibigay noon sa mga LDS servicemen na pumasok sa militar noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Itinuturing kong regalo ang aklat na bigay ni Pangulong Heber J. Grant at ng kanyang mga tagapayo na sina J. Reuben Clark Jr. at David O. McKay.
Sa harapan ng libro, ito ang isinulat ng tatlong propeta ng Diyos: “Dahil sa mga kaganapan sa militar hindi kami palaging nabibigyan ng pagkakataong makipag-ugnayan sa iyo, personal man o sa pamamagitan ng kinatawan. Ang naisip naming pinakamagandang paraan ay ibigay sa iyo ang ilang bahagi ng mga paghahayag sa panahon ngayon at mga paliwanag tungkol sa mga alituntunin ng Ebanghelyo na magdadala sa iyo, saanman ka man naroroon, ng panibagong pag-asa at pananampalataya, gayundin ng aliw, kapanatagan at kapayapaan ng espiritu.”1
Ngayon ay nararanasan natin ang isa pang uri ng digmaan. Hindi kailangan dito ang kagamitang-pandigma. Ito ay digmaan ng isip, salita, at gawa. Ito ay digmaan laban sa kasalanan, at higit kailanman kailangang maipaalala sa atin ang mga kautusan. Nagiging karaniwan na ang sekularismo, at marami sa paniniwala at gawain nito ay tahasang salungat sa mga itinatag mismo ng Panginoon para makatulong sa Kanyang mga anak.
Sa maliit at kulay brown na aklat, kasunod ng liham ng Unang Panguluhan, may nakasulat na “Paalala sa mga Kalalakihang nasa Serbisyo,” na pinamagatang “Ang Pagsunod sa Batas ay Kalayaan.” Ipinaghahambing sa sulat ang batas-militar, na “para sa kabutihan ng lahat ng nasa serbisyo,” at ang batas ng langit.
Sabi nito, “Sa sandaigdigan din, kung saan ang Diyos ang namumuno, ay may batas—pangkalahatan at walang hanggan … na batas—na may tiyak na mga pagpapala at hindi nababagong kaparusahan.”
Ang huling bahagi ng sulat ay nakatuon sa pagsunod sa batas ng Diyos: “Kung nais ninyong bumalik sa inyong mga mahal sa buhay nang taas-noo, … kung nais ninyong maging mabuting tao at mamuhay nang masaya—sundin ninyo ang batas ng Diyos. Sa paggawa nito maidaragdag ninyo sa walang katumbas na mga kalayaang iyon na pinaghihirapan ninyong pangalagaan, ang isa pang kalayaan na maaaring asahan ng iba, ang kalayaan mula sa kasalanan; sapagkat tunay nga na ‘ang pagsunod sa batas ay kalayaan.’”2
Bakit ang mga salitang “ang pagsunod sa batas ay kalayaan” ay mahalaga sa akin nang panahong iyon? Bakit mahalaga ito sa ating lahat ngayon?
Marahil dahil inihayag sa atin ang kaalaman tungkol sa ating premortal na buhay. Alam natin na nang ilahad ng Diyos Amang Walang Hanggan ang Kanyang plano sa atin noong bago pa tayo pumarito sa lupa, gusto ni Satanas na baguhin ang plano. Sabi niya ililigtas niya ang lahat ng tao. Wala ni isang kaluluwang mawawala, at tiwala si Satanas na maisasakatuparan niya ang kanyang mungkahi. Ngunit mayroong hindi katanggap-tanggap na kapalit—ang pagkawasak ng kalayaan ng tao, na kaloob ng Diyos noon pa man (tingnan sa Moises 4:1–3). Tungkol sa kaloob na ito, sinabi ni Pangulong Harold B. Lee, “Pangalawa sa buhay mismo, ang kalayaan sa pagpili ang pinakadakilang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan.”3 Napakahalaga para kay Satanas na mawala ang kalayaan ng tao na pumili. Sa katunayan, ito ang pangunahing dahilan kaya nagkaroon ng Digmaan sa Langit. Ang tagumpay sa Digmaan sa Langit ay tagumpay para sa kalayaan ng tao na pumili.
Gayunman, hindi pa tapos si Satanas. Ang alternatibong plano niya—ang planong isinasagawa na niya mula pa noong panahon nina Adan at Eva—ay tuksuhin ang mga lalaki at babae, upang patunayan na hindi tayo karapat-dapat sa ipinagkaloob ng Diyos na kalayaang pumili. Maraming dahilan si Satanas sa kanyang mga ginagawa. Pinakamatindi marahil dito ay paghihiganti, ngunit gusto rin niyang gawing kaaba-aba ang mga lalaki at babae na katulad niya na kaaba-aba. Hindi dapat isipin ng sinuman sa atin na mababaw lang ang paghahangad ni Satanas na magtagumpay. Ang kanyang papel sa walang hanggang plano ng Diyos ay lumikha ng “pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11) at subukin ang kalayaan nating pumili. Bawat pagpiling ginagawa natin ay sumusubok sa ating kalayaang pumili—ang pagpili nating sumunod o sumuway sa mga utos ng Diyos ay pagpili sa “kalayaan at buhay na walang hanggan” o “pagkabihag at kamatayan.”
Ang mahalagang doktrinang ito ay malinaw na itinuro sa ikalawang kabanata ng 2 Nephi: “Anupa’t ang tao ay malaya ayon sa laman; at lahat ng bagay ay ipinagkaloob sa kanila na kapaki-pakinabang sa tao. At sila ay malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan, alinsunod sa pagkabihag at kapangyarihan ng diyablo; sapagkat hinahangad niya na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili” (2 Nephi 2:27).
Sa maraming aspeto, ang daigdig na ito ay laging nasa digmaan. Naniniwala ako na nang ipinadala sa akin ng Unang Panguluhan ang aking maliit at brown na aklat, higit nilang inaalala ang digmaan na mas matindi pa sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Naniniwala rin ako na inaasahan nila na magiging isa itong kalasag ng pananampalataya laban kay Satanas at sa kanyang mga hukbo sa mas malaking digmaang ito—ang digmaan laban sa kasalanan—at magsilbing paalala sa akin na ipamuhay ang mga kautusan ng Diyos.
Isang paraan na masusuri natin ang sarili at maikukumpara tayo sa mga naunang henerasyon ay sa pamamagitan ng isa sa mga pinakaunang pamantayan na alam ng lahat—ang Sampung Utos. Para sa malaking bahagi ng sibilisadong daigdig, lalo sa lugar kung saan nag-ugat ang Judaismo at Kristiyanismo, ang Sampung Utos ang lubos na tinatanggap at noon pa man ay nagsasaad na ng kung ano ang mabuti at masama.
Sa aking palagay, apat sa Sampung Utos ang pinapahalagahan pa rin hanggang ngayon. Bilang isang lipunan, tinutuligsa at kinokondena natin ang pagpatay, pagnanakaw, at pagsisinungaling, at naniniwala pa rin tayo na responsibilidad ng mga magulang ang kanilang mga anak.
Ngunit sa pangkalahatan, karaniwang binabalewala natin ang natitira pang anim na utos:
-
Kung ibabatay sa priyoridad na iniuukol sa materyal na bagay, walang dudang may “ibang mga dios” tayo na mas inuuna natin kaysa sa tunay na Diyos.
-
Gumagawa tayo ng mga diyus-diyosan na mga bantog na tao, pamumuhay, yaman, at oo, kung minsan ng mga larawang inanyuan o mga bagay.
-
Ginagamit natin ang pangalan ng Diyos sa lahat ng uri ng kalapastanganan, kabilang na ang walang pakundangang pagbanggit ng Kanyang pangalan at pagmumura.
-
Ginagamit natin ang araw ng Sabbath para sa pinakamalalaki nating laro, pinakamasayang libangan, maramihang pamimili, at halos lahat-lahat na maliban lang sa pagsamba.
-
Itinuturing natin ang seksuwal na relasyon na walang basbas ng kasal bilang libangan at kasiyahan.
-
At ang pag-iimbot ay naging karaniwan nang bahagi ng buhay. (Tingnan sa Exodo 20:3–17.)
Ang mga propeta sa lahat ng dispensasyon ay walang tigil na nagbabala laban sa paglabag sa dalawa sa pinakamabibigat na utos—ang mga utos na may kinalaman sa pagpatay at pangangalunya. Nakikita ko ang iisang pinagbatayan ng dalawang napakahalagang utos na ito—ang paniniwala na ang Diyos ay may karapatan sa buhay mismo at ang ating mga pisikal na katawan, ang mga templo ng mortalidad, ay dapat malikha sa mga limitasyong itinakda ng Diyos. Ang palitan ng tao ng kanyang sariling patakaran ang mga batas ng Diyos sa buhay o kamatayan man ay sukdulang kapangahasan at napakabigat na kasalanan.
Ang mga pangunahing epekto ng mga bumababang pagpapahalaga sa kabanalan ng kasal ay nakikita sa pamilya—ang panghihina ng pamilya ay nakakabahala. Ang panghihinang ito ay nagdudulot ng laganap na kapinsalaan sa lipunan. Nakikita ko ang tunay na sanhi at epekto. Kapag winalang-halaga natin ang pananagutan at katapatan sa ating asawa, inaalis natin ang nagbibigkis sa ating lipunan.
Makatutulong isipin na ang mga kautusan ay mapagmahal na payo mula sa matalinong Ama sa Langit na nakaaalam ng lahat ng bagay. Mithiin Niya ang ating walang hanggang kaligayahan, at ang Kanyang mga kautusan ay gabay na ibinigay Niya sa atin upang makabalik tayo sa Kanya at maging maligaya nang walang hanggan. Gaano kahalaga ang tahanan at pamilya sa ating walang hanggang kaligayahan? Sa pahina 141 ng aking maliit na aklat, ito ang isinasaad, “Tunay ngang ang langit ay hindi lang kumakatawan sa tahanan natin sa kawalang hanggan.”4
Kamakailan, ang doktrina ng pamilya at tahanan ay muling binigyang-diin nang napakalinaw sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Ipinahayag nito ang walang hanggang katangian ng pamilya at pagkatapos ay ipinaliwanag ang kaugnayan nito sa pagsamba sa templo. Isinaad rin sa paghahayag ang batas kung saan nakasalalay ang walang hanggang kaligayahan ng pamilya, iyon ay, “Ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas.”5
Ipinahayag ng Diyos sa mga propeta na may mga tiyak na alituntunin ng moralidad. Ang kasalanan ay mananatiling kasalanan. Ang pagsuway sa mga kautusan ng Panginoon ay magkakait sa atin ng Kanyang mga pagpapala. Patuloy at kapansin-pansin ang pagbabago ng daigdig, ngunit ang Diyos, ang Kanyang mga kautusan, at mga ipinangakong biyaya ay walang pagbabago at hindi nagbabago. Ang mga ito ay hindi nagbabago. Tinanggap ng kalalakihan at kababaihan ang kanilang kalayaang pumili bilang kaloob mula sa Diyos, ngunit ang kanilang kalayaan at, pagkatapos, ang kanilang walang hanggang kaligayahan ay mula sa pagsunod sa Kanyang mga batas. Tulad ng ipinayo ni Alma sa kanyang nagkasalang anak na si Corianton, “Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan” (Alma 41:10).
Sa panahong ito ng Panunumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo, ipinahayag muli sa atin ng Panginoon ang mga pagpapalang ipinangako sa atin dahil sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan.
Mababasa natin sa Doktrina at mga Tipan 130:
“May isang batas, hindi mababagong utos sa langit bago pa ang pagkakatatag ng daigdig na ito, kung saan ang lahat ng pagpapala ay nakasalalay—
“At kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay” (D at T 130:20–21).
Tunay ngang walang anumang doktrina na mas binigyang-diin sa mga banal na kasulatan kaysa sa hindi nababagong mga kautusan ng Panginoon at ang kaugnayan nito sa ating kaligayahan at kapakanan bilang mga indibiduwal, pamilya, at bilang lipunan. May mga tiyak na alituntunin ng moralidad. Ang pagsuway sa mga kautusan ng Panginoon ay magkakait sa atin ng Kanyang mga pagpapala. Hindi nagbabago ang mga bagay na ito.
Sa daigdig na humihina ang pamantayan ng moralidad, ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi natitinag, at gayon din dapat ang mga stake at ward nito, ang mga pamilya nito, at ang bawat miyembro nito. Hindi natin dapat piliin ang mga kautusan na sa palagay lamang natin ay mahalagang sundin kundi sundin natin ang lahat ng utos ng Diyos. Dapat manatili tayong matatag at di-natitinag, na lubos na nananalig na hindi nagbabago ang Panginoon at lubos na nagtitiwala sa Kanyang mga pangako.
Nawa’y manatili tayong liwanag sa burol, isang halimbawa ng pagsunod sa mga kautusan, na hindi kailanman nagbabago at magbabago. Tulad ng paghikayat ng maliit na aklat na ito sa mga LDS servicemen na panatilihing matatag ang moralidad sa oras ng digmaan, nawa, sa digmaang ito sa mga huling araw, ay maging liwanag tayo sa buong mundo lalo na sa mga anak ng Diyos na naghahangad ng mga pagpapala ng Panginoon. Ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.