2010–2019
Isang Tunay na Saligan
Abril 2013


10:51

Isang Tunay na Saligan

Tanggapin natin ang paanyaya ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya. Itayo natin ang ating buhay sa ligtas at tunay na saligan.

Noong Oktubre 17, 1989, habang nagmamaneho ako pauwi mula sa trabaho, palapit na ako sa isang stoplight sa panulukan ng Market at Beale Street sa San Francisco, California. Nang sandaling iyon naramdaman kong umuga ang kotse at naisip kong, “Na-flat siguro ang gulong ko.” Habang patuloy na umuuga ang kotse, napansin ko ang isang bus na medyo malapit sa akin at naisip ko, “Nabunggo ako ng bus na iyon!” Pagkatapos ay lalo pang umuga ang kotse, at naisip kong, “Na-flat na siguro ang apat na gulong ko!” Ngunit hindi iyon dahil sa flat na gulong o bus—iyon ay isang malakas na lindol! Tumigil ako sa red light, umaalon ang sementadong daan na parang mga alon ng dagat sa kahabaan ng Market Street. Sa harapan ko ay may isang mataas na gusali na gumigiwang-giwang, at nagsimulang magbagsakan ang mga bricks mula sa lumang gusali sa gawing kaliwa ko habang patuloy na niyayanig ang lupa.

Ang lindol na Loma Prieta ay tumama sa San Francisco Bay Area nang alas-5:04 n.h. nang araw na iyon at mga 12,000 katao ang nawalan ng tirahan.

Malaki ang pinsalang naidulot ng lindol sa San Francisco Bay Area, lalo na sa malambot na lupa sa San Francisco at Oakland. Sa San Francisco, ang Marina District ay “itinayo sa lugar na tinambakan ng pinaghalong buhangin, lupa, mga durog na bato, … at iba pang mga materyal na sumisipsip ng tubig sa ilalim. Ang bahagi ng tambak ay mga durog na batong itinambak sa San Francisco Bay pagkaraan ng lindol sa San Francisco noong 1906.”1

Noong mga 1915, itinayo ang mga gusali ng apartment sa landfill na ito. Sa lindol noong 1989, ang matubig at mabuway na pundasyon ng pinaghalong putik, buhangin, at durog na bato ay lumambot at umumbok, na naging dahilan ng pagguho ng mga gusali. Ang mga gusali ay hindi itinayo sa matibay na pundasyon.

Ang lindol na Loma Prieta ay nakaapekto sa maraming buhay, pati na sa akin. Sa pagninilay sa mga nangyari noong araw na iyon ay napagtibay sa puso’t isipan ko na upang matagumpay na makayanan ang mga unos, lindol, at kalamidad ng buhay, kailangang nakatayo tayo sa isang tunay na saligan.

Napakalinaw na ipinaliwanag ng Nephitang propeta na si Helaman ang tungkol sa kahalagahan ng pagsasalig ng ating buhay sa tunay na saligan, ang saligan na si Jesucristo: “At ngayon, mga anak ko, tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak” (Helaman 5:12).

Sa pagbuo ng mga makabagong templo, maingat na binibigyang-pansin ang disenyo, pagtatayo, at gagamiting mga materyal. Masusing pinag-aaralan ang uri ng lupa at mga sangkap na bumubuo sa lupang pagtatayuan ng templo. Ang pag-aaral tungkol sa hangin, ulan, at pagbabago ng klima sa lugar ay isinasaalang-alang upang makayanan ng templo hindi lamang ang mga bagyo at klimang karaniwan sa lugar na iyon, kundi ang templo ay idinisenyo at pinatibay upang makayanan ang di inaasahang mga paglindol, bagyo, baha, at iba pang mga kalamidad na maaaring maganap. Sa maraming templo, ang haliging semento o bakal ay ibinabaon nang malalim sa lupa upang patatagin ang pundasyon ng templo.

Gaya ng mga tagadisenyo at tagapagtayo sa ating panahon, ang ating mapagmahal at mabait na Ama sa Langit at ang Kanyang Anak ay naghanda ng mga plano, kagamitan, at iba pang bagay na magagamit natin upang maitayo at masuportahan ang ating buhay at maging matatag at di natitinag. Ang plano ay ang plano ng kaligtasan, ang dakilang plano ng kaligayahan. Nilinaw at ipinaunawa sa atin ng plano ang simula at ang katapusan, at ang mahahalagang hakbang, kabilang ang mga ordenansa, na kailangan ng bawat anak ng Ama upang makabalik sa Kanyang kinaroroonan at makapiling Niya magpakailanman.

Ang pananampalataya, pagsisisi, binyag, ang kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas ay bahagi ng “plano” ng buhay. Tumutulong ang mga ito upang mabuo ang angkop na mga alituntunin na magsasalig sa ating buhay sa Pagbabayad-sala ni Cristo. Ito ang humuhubog at bumubuo sa istrukturang susuporta sa buhay ng isang tao. At, gaya ng mga plano para sa templo na may mga espesipikasyon na nagbibigay ng detalyadong tagubilin tungkol sa kung paano bubuuin at isasama ang mahahalagang sangkap, ang panalangin, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pakikibahagi sa sakramento, at pagtanggap ng mahahalagang ordenansa ng priesthood ang nagiging “mga espesipikasyon” na tumutulong sa pagbubuo at pagpapatatag sa istruktura ng buhay.

Ang balanseng pagsasagawa ng mga espesipikasyon na ito ay napakahalaga. Halimbawa, sa paggawa ng kongkreto, ang wastong dami ng buhangin, graba, semento, at tubig ang ginagamit upang maging napakatibay nito. Ang maling sukat o hindi paglalagay ng alinmang bahagi ng mga elemento o sangkap na ito ay magpapahina sa kongkreto at hindi nito magagampanang mabuti ang gamit nito.

Sa ganito ring paraan, kung hindi natin ibabalanse nang tama ang ating buhay sa araw-araw sa pamamagitan ng personal na panalangin at pagpapakabusog sa mga banal na kasulatan, lingguhang pagpapalakas sa pamamagitan ng pakikibahagi sa sakramento, at madalas na pakikilahok sa mga ordenansa ng priesthood gaya ng mga ordenansa sa templo, tayo rin ay nanganganib na manghina sa espirituwal.

Si Pablo, sa kanyang liham sa mga taga Efeso, ay ganito ang sinabi hinggil sa kahalagahan ng pagbalanse at pagpapaunlad ng ating pagkatao at kaluluwa: “Na sa kaniya’y ang buong gusali, na nakalapat na mabuti, ay lumalago upang maging isang templong banal sa Panginoon” (Mga Taga Efeso 2:21).

Panalangin ang isa sa mga pangunahin at mahalagang bahagi ng ating pananampalataya at pagkatao. Sa pamamagitan ng panalangin naipapahayag natin ang ating pasasalamat, pagmamahal, at katapatan sa Diyos. Sa panalangin maipapailalim natin ang ating kagustuhan sa Kanyang kalooban at kapalit nito ay nakatatanggap tayo ng lakas na iayon ang ating buhay sa Kanyang mga turo. Ang panalangin ang daan para matamo ang Kanyang impluwensya sa ating buhay, maging ang paghahayag.

Itinuro ni Alma, “Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan; oo, kapag ikaw ay nahiga sa gabi, mahiga sa Panginoon, upang mabantayan ka niya sa iyong pagtulog; at kapag ikaw ay bumangon sa umaga hayaang ang iyong puso ay mapuspos ng pasasalamat sa Diyos; at kung gagawin mo ang mga bagay na ito, ikaw ay dadakilain sa huling araw” (Alma 37:37).

Ang pagsasabi ng naiisip, nadarama, at hangarin natin sa Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal nang taimtim at taos-puso ay dapat maging mahalaga at bahagi na ng buhay natin na gaya ng paghinga at pagkain.

Ang pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan sa araw-araw ay magpapalakas din sa ating pananampalataya at pagkatao. Tulad ng kailangan natin ng pagkain para mapangalagaan ang ating pisikal na katawan, ang ating espiritu at kaluluwa ay muling sisigla at mapalalakas ng pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo na nasa mga isinulat ng mga propeta. Itinuro ni Nephi na, “Magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3).

Bagama’t mabuti ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan, ang pagbabasa lamang ay hindi sapat upang maunawaang lahat ang lalim at lawak ng mga turo ng Tagapagligtas. Ang pagsasaliksik, pagninilay, at pagsasabuhay ng mga salita ni Cristo gaya ng itinuro sa mga banal na kasulatan ay magdudulot ng karunungan at kaalaman na higit kaysa kaya nating maunawaan bilang mortal. Ito ay magpapaibayo ng ating katapatan at magbibigay ng espirituwal na katatagan na gawin ang lahat ng ating makakaya sa lahat ng sitwasyon.

Ang isa sa mga pinakamahalagang hakbang na magagawa natin para mapatatag ang ating buhay at manatiling nakasalig sa saligan na ating Tagapagligtas ay ang pagiging karapat-dapat sa pagtanggap ng sakramento tuwing Linggo. Ang ordenansa ng sakramento ay nagbibigay sa bawat miyembro ng Simbahan ng pagkakataong pag-isipan ang kanyang buhay, mga ginawa o dapat sanang ginawa na kailangang pagsisihan, at pagkatapos ay makibahagi sa tinapay at tubig bilang sagradong sagisag sa pag-alaala sa katawan at dugo ni Jesucristo, isang patotoo sa Kanyang Pagbabayad-sala. Kung gagawin natin ito nang taos-puso at buong pagpapakumbaba, pinaninibago natin ang mga walang-hanggang tipan, nalilinis at dinadalisay tayo, at natatanggap ang pangako na mapapasaatin ang Kanyang Espiritu sa tuwina. Ang Espiritu ay parang isang uri ng mortar, isang hugpungan na hindi lamang dumadalisay kundi nagpapaalala rin sa atin sa lahat ng bagay at paulit-ulit na nagpapatotoo kay Jesucristo. Ang karapat-dapat na pakikibahagi ng sakramento ay nagpapatibay sa ating personal na kaugnayan sa saligang bato, na si Jesucristo.

Noong Kanyang ministeryo itinuro ng Tagapagligtas nang may pagmamahal at kalinawan ang mga doktrina, alituntunin, at hakbang na kailangan upang mapangalagaan ang ating buhay at mapatatag ang ating pagkatao. Sa pagtatapos ng Sermon sa Bundok, sinabi Niya:

“Kaya nga, ang sinumang nakikinig ng mga salitang ito at ginagawa ang mga yaon, itutulad ko siya sa isang matalinong tao na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng isang malaking bato—

“At bumuhos ang ulan, at dumating ang baha, at umihip ang hangin, at humampas sa bahay na yaon; at iyon ay hindi bumagsak, sapagkat ito ay nakatayo sa ibabaw ng isang bato.

“At ang bawat isa na nakaririnig ng mga salita kong ito at hindi ito ginagawa ay itutulad ko sa isang taong hangal, na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan—

“At bumuhos ang ulan, at dumating ang baha, at umihip ang hangin, at humampas sa bahay na yaon; at iyon ay bumagsak, at malakas ang pagbagsak niyon” (3 Nephi 14:24–27; tingnan din sa Mateo 7:24–27).

Mga kapatid, wala ni isa sa atin ang sasadyaing magtayo ng ating tahanan, mga lugar na pagtatrabahuhan, o sagradong bahay-sambahan sa ibabaw ng buhangin, durog na bato, o nang walang angkop na mga plano at materyal. Tanggapin natin ang paanyaya ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya. Itayo natin ang ating buhay sa ligtas at tunay na saligan.

Buong pagpapakumbaba kong pinatototohanan na sa pagsasalig ng ating buhay kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala at sa maingat na pagsunod sa Kanyang plano para sa ating kaligayahan, kabilang na ang panalangin sa araw-araw, pag-aaral ng banal na kasulatan sa araw-araw, at lingguhang pakikibahagi ng sakramento, tayo ay magiging matatag, mararanasan natin ang tunay na pag-unlad at walang hanggang pagbabalik-loob, magiging mas handa tayo na mapagtagumpayan ang mga bagyo at kalamidad ng buhay, mararanasan natin ang kagalakan at kaligayahang ipinangako at magkakaroon tayo ng kumpiyansa na ang ating buhay ay nakatayo sa ibabaw ng tunay na saligan—isang saligan na hindi guguho kailanman. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo amen.

Tala

  1. Tingnan sa “1989 Loma Prieta Earthquake,” wikipedia.org/wiki/1989_Loma_Prieta_earthquake.